Mga Bida, naantig ang puso ko nang mapanood ang panayam sa telebisyon ng ama ng estudyante ng College of St. Benilde na namatay sa hazing kamakailan.
Ramdam ko ang sakit na nadarama ni Aurelio Servando habang nagkukuwento ito ukol sa pagkamatay ng kanyang anak na si Guillo Cesar.
Sa kuwento ni Aurelio, nalaman na lang niya na sumali ang anak sa fraternity matapos ng insidente mula sa dalawa pang biktima ng hazing.
Huli niyang nakita ang anak noong Sabado ng umaga, ilang oras bago nangyari ang hazing.
Ang alam niya, aasikasuhin ng anak ang mga kailangang dokumento para sa biyahe nito sa South Korea na bahagi ng kanyang requirement sa paaralan.
Iyon na pala ang huling pagkakataon na makikita niyang buhay ang anak na kanyang inalagaan ng labing-walong taon ngunit kinuha lang ng malulupit na miyembro ng isang fraternity.
Para kay Mang Aurelio, hindi ka nag-iisa sa pagsigaw ng katarungan sa kamatayan ng iyong anak!
***
Nagtataka ako sa ipinatutupad na sistema ng mga fraternity, na ang pangunahing inilalako sa mga nais magmiyembro ay pagpapalakas ng kapatiran at samahan.
Subalit may matinding kapalit ang kapatiran na kanilang ibinibenta. Kailangang lampasan ng nais magmiyembro ang ilang pagsubok na kanilang ibibigay.
Sa una, magaan lang ang pinapagawa sa mga miyembro. Naririyan na uutusan silang bumili ng mamahaling bagay sa kaunting pera o ‘di kaya’y libreng pakain sa mga piling opisyal ng fraternity.
Ngunit langit pa ito kung ikukumpara sa mas matinding hirap na daranasin ng isang nais magmiyembro sa ngalan ng kapatiran.
Ito ang dinanas ni Guillo Cesar sa mga kamay ng mga walang pusong miyembro ng fraternity. Sayang ang magandang kinabukasan ng batang ito.
Kamakailan din, may napaulat na isang estudyante ng University of the Philippines ang naospital dahil sa hazing.
Sa Cavite naman, tatlong kabataan ang sugatan matapos sumalang sa hazing.
***
Kaya panahon na upang tuldukan ito. Hindi matatapos ang kultura ng kalupitang ito hanggang hindi natin dadagdagan ang pangil ng Anti-Hazing Law.
Halos dalawang dekada nang mayroong Anti-Hazing Law ang bansa pero hanggang ngayon, marami pa rin ang namamatay dahil sa pahirap na dinaranas sa kamay ng mga fraternity.
Kaya naghain ako ng resolusyon upang imbestigahan ang mga karahasan na may kaugnayan sa hazing at humanap ng mga paraan upang ito’y mapigil sa hinaharap.
Isa sa mga nakikita kong paraan para labanan ang hazing ay ang pag-amyenda sa Anti-Hazing Law upang mabigyan ito ng dagdag na ngipin at mas maging epektibo sa pagbawas sa mga kamatayan at pinsala na dulot ng hazing.
Hindi matatapos ang kultura ng karahasan hanggang hindi natin binabago ang batas na maghahatid ng takot sa mga miyembro ng fraternity.
Mga Bida, sa ilalim ng batas na ito ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo sa tinatawag na hazing-related death o pagkakakulong mula apat hanggang 17 taon, depende sa tinamong pinsala ng biktima.
Sa kabila ng mabigat na parusang ito, marami pa ring fraternities na malakas ang loob na nagsasagawa ng hazing na humahantong sa walang saysay na kamatayan ng mga bata at inosenteng biktima.
Kung ako ang tatanungin, wala nang lugar ang ‘di makataong pagkilos na ito sa isang sibilisado at modernong lipunan na ating ginagalawan.
Sa pagpapalago ng kapatiran at samahan, hindi makakatulong ang karahasan. Marami pang ibang mas makataong pamamaraan para mapayabong natin ang kapatiran at pagkakaisa.
Kaya sa mga kabataan na naeengganyong sumali sa fraternity, mag-isip-isip kayo. Magsilbing aral sa atin ang sinapit ni Guillo Cesar, na nasayang ang magandang kinabukasan dahil sa kagagawan ng walang pusong fraternity.
First Published on Abante Online
Recent Comments