BIDA KA!: Kuwento ni Kian

“Ian, isara mo na ang tindahan­ at matulog ka na.”

Mga Bida, ito ang mga huling salita na binanggit ni Lola Violeta sa apo na si Kian Delos Santos, ang 17-anyos na Grade 12 student na nasawi sa anti-drug ope­ration ng kapulisan sa Caloocan.

Isa ako sa mga nagulat, nagalit at napaluha sa sinapit ni Kian, o Ian sa kanyang pamilya at malalapit na kaibigan.

Mahirap tanggapin na sa ganito matatapos ang buhay ni Ian, na isang mabuti at masunuring anak at tapat na kaibigan.

Nang mabalitaan ko ang nangyari kay Ian, na napatay sa Oplan Galugad ng PNP sa Caloocan, pinanghinaan ako ng loob at naisip ko kung paano na umabot sa ganito ang Pilipinas.

Ito na ba ang normal na kalakaran sa ating bansa, lalo na sa mahihirap na barangay sa ating bayan?

Alam ko, hindi lang ako ang nakaramdam nang ganito. Marami po sa ating mga kababayan ang nalungkot noong una at nakaramdam ng galit sa nangyari kay Ian at sa kanyang pamilya.

***

Sa aking pagdalaw sa burol ni Ian, doon ko nakilala ang binatilyo. Sari-sari store owner ang kanyang amang si Zaldy at nagtatrabaho sa Riyadh bilang OFW ang kanyang inang si Lorenza.

Sa kuwento ng kanyang mga magulang, napakabuting anak ni Ian. Araw-araw, gumigising siya nang maaga upang magbenta ng school supplies sa mga estudyante at magulang na ­naglalakad papunta sa paaralang malapit sa kanila.

Maliban sa pagiging mabait na anak, si Ian ay masipag na estudyante. Katunayan, nagtayo pa siya ng isang study group kasama ang mga kaklase upang sama-sama silang mag-aral at makapagtapos ng high school.

Ayon sa kanyang mga barkada, si Ian ay masayahin, malambing at magaling sumayaw.

Mahilig siya sa FLIPTOP at idolo niya ang Pinoy battle rapper na si Basilyo.

Higit sa lahat, si Ian ay mapagmahal na kaibigan. Ramdam na ramdam ko po ang pagmamahal ng kanyang mga kaibigan nu’ng nakasama ko sila kahapon sa burol ni Ian.

Nang maospital ang kanyang best friend na si Lennard, nagbenta si Ian ng damit para lang makabili ng prutas upang may bitbit sa kanyang pagdalaw.

***

Nangarap si Ian na maging pulis, ngunit sa huli, mga pulis din ang kumitil sa kanyang buhay noong gabi ng ika-labing-anim ng Agosto sa ngalan ng giyera kontra ilegal na droga.

Narinig pa ng mga saksi na sumisigaw si Ian ng “tama na po! tama na po! May test pa ako bukas!” habang kinakaladkad patungo sa isang madilim na sulok sa isang eskinita sa kanilang lugar kung saan siya natagpuang patay.

***

Kung tiningnan lang ng mga pulis ang Ian na kanilang kinaladkad hindi bilang drug addict kundi bilang tao na punumpuno ng pag-asa at potensiyal, siguro po buhay pa siya ngayon.

Isa lang si Kian sa libu-libong nasawi sa giyera ng pamahalaan kontra droga. Kung wala lang CCTV camera na nakakuha sa tagpo noong gabing iyon, siguradong kasama na ang kanyang kaso sa tinatawag na lehitimong operasyon ng PNP.

Ilan pa ba ang kailangang mamatay bago natin tanggapin ang napakasakit na katotohanan na hindi karahasan ang solusyon­ sa problema ng droga kundi ito’y magdudulot lang ng mas mara­ming bangkay at mga pamilyang wasak at nagdurusa.

May iba pang solusyon sa problema ng droga. Ito’y sa pamamagitan ng edukasyon, pinalakas na sistema ng katarungan, rehabilitasyon, tamang pagpapatupad ng batas, paglaban kontra kahirapan at pagbibigay ng kabuhayan at trabaho sa ating mga kababayan.

Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang pagbubuwis ni Ian ng kanyang buhay. Bigyan natin ng katarungan ang kanyang pagkamatay. Papanagutin natin ang mga nasa likod ng ­talamak na extra-judicial killings sa bansa.

Scroll to top