BIDA KA!: Libreng edukasyon sa kolehiyo

Mga bida, bago ako naging senador at social entrepreneur, ako’y tumayo bilang student leader noong ako’y nag-aaral pa. Bilang student leader, ipinaglaban namin ang karapatan at kapakanan ng mga kapwa estudyante.

Kaya nang umupo ako bilang chairman ng Committee on Education sa pagsisimula ng 17th Congress, ginawa kong prayoridad ang mga panukalang nagsusulong ng kapakanan ng mga mahihirap nating estudyante.

Isa sa mga panukalang inihain ko ay ang Senate Bill No. 177, na layong magbigay ng libreng tuition sa mga estudyante sa state universities and colleges (SUCs).

Kapag naisabatas ang panukala, ito’y katuparan ng matagal kong pangarap noong ako pa’y student leader.

***

Noong Lunes, lumapit na sa katotohanan ang pangarap na ito matapos aprubahan sa bicameral conference committee ang pinal na bersiyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa bahagi ng Senado, tinutukan namin ang pagbibigay ng libreng tuition sa state universities and colleges at ito ang lumabas sa aming bersiyon.

Napaganda pa ang panukala nang isama ang bersiyon ng Kamara, kung saan nililibre na rin ang iba pang bayarin gaya ng miscellaneous fee.

Ibig sabihin nito, halos libre na ang edukasyon sa SUCs pati na sa local universities and colleges o LUCs.

Oras na maratipikahan ng bawat sangay ng Kongreso, ito’y ipadadala na sa Malacanang para sa pirma ni Pangulong Duterte.

 

***

Maraming estudyanteng nangangailangan ang matutulungan ng panukalang ito kapag naging batas.

Isa na rito si Ronald Kenneth Corpus, na kumukuha ng Bache­lor of Science in Civil Engineering sa Nueva Ecija University of Science and Technology. Isa si Ronald sa ating mga nakausap sa pagdalaw namin sa iba’t ibang SUCs sa buong bansa.

Si Ronald ay may kakaibang kondisyong medikal kung saan unti-unting kinakain ang kanyang joint at ligament.

Sa kanyang kondisyon, hirap siya kumilos kaya wala siyang magawa kahit gustuhin man niyang magtrabaho.

Kailangan ni Ronald ng therapy ngunit hindi ito kaya ng kanyang ina, na nagtatrabaho lang sa school canteen.

Pinagkakasya lang ng kanyang ina ang kinikitang dalawandaang piso kada araw sa pangangailangan sa bahay at sa pag-aaral ni Ronald at isa pa niyang kapatid.

Sa ngayon, nagbabayad si Ronald at kanyang kapatid ng tig-P7,000 bawat semester o kabuuang P14,000.

Sa tulong ng panukalang ito, ang nasabing halaga ay magagamit nila sa ibang bagay, tulad ng pagpapagamot ni Ronald at sa iba pang mahalagang pangangailangan ng pamilya.

Magiging malaking tulong din ito kay Janice Jaranilla, isang AB English student sa Pangasinan State University.

Maliban sa gastos sa pag-aaral, problema rin ni Janice ang araw-araw na pamasahe dahil sa kanyang kondisyon bilang person with disability (PWD).

Umaabot sa isandaang piso bawat araw ng gastos ni Janine sa pamasahe at limandaang piso kada linggo naman sa pagkain. Ulila na si Janine at umaasa lang sa kapatid na taga-Bolinao para sa kanyang gastusin sa pag-aaral.

Nakakatanggap si Janine ng P2,000 kada semester mula sa tanggapan ng mayor bilang ayuda sa kanyang pag-aaral. 

Ito’y mapupunta na lang sa kanyang gastusin sa pamasahe at pagkain kung malilibre na ang kanyang pag-aaral sa SUC.  Malaking gaan din ito sa kanyang kapatid na may sarili ring pamilya na binubuhay.

***

Dalawa lang sina Ronald at Janice sa maraming matutulungan ng panukalang ito.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila at marami pang kagaya nilang nangangailangan ng pagkakataon para makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.

Magsisilbing daan ito upang makakuha sila ng magandang trabaho na malaki ang kita na magbibigay ng magandang kinabukasan sa kanila at sa kanilang mga pamilya.

Scroll to top