Mga bida, bilang chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture ngayong 17th Congress, bahagi ng aking tungkulin ay tingnan ang kalagayan ng mga pampublikong paaralan at state colleges and universities (SUCs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ito’y upang mapakinggan ang hinaing ng mga estudyante at malaman ang pangangailangan ng mga paaralan, tulad ng kakulangan ng silid-aralan, upuan, aklat at iba pang mga kagamitan.
Mahalagang malaman ang mga pangangailangang ito upang maisama at mabigyan ng karampatang pondo sa pambansang budget.
***
Kamakailan, dinalaw natin ang Alegria National High School nang magtungo tayo sa Bacolod City.
Natutuwa naman tayo sa mainit na pagtanggap ng mga estudyante, guro at mga magulang sa ating pagdating.
Ininspeksiyon natin ang mga silid-aralan at iba pang pasilidad ng paaralan at nagsagawa ng round table discussion sa mga pinuno ng paaralan at student leaders upang malaman ang kanilang pangangailangan.
Sa nasabing round-table discussion, nabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magsalita at maiparating ang mga kailangan sa pag-aaral.
Isang Grade 10 ang tumayo at nagsabi na isa sa pinakamalaking pangangailangan nila ay silid-aralan, na sa ngayon ay siksikan kaya nahihirapan silang mag-aral.
Isa pang binanggit ng estudyante ay ang kakulangan ng computer at internet sa kanilang paaralan na magagamit sa paggawa ng assignment.
Kahit pa kulang ang mga libro, kung may internet ay magagamit nila ang pinakamahusay at world-class na materyales para sa edukasyon.
***
Kabilang ang Alegria National High School sa 74% ng public schools na walang internet connection, batay sa data mula sa Department of Education (DepEd).
May sapat na pondo naman ang DepEd para i-connect ang mga paaralan sa internet ngunit dahil kulang ang imprastruktura at signal ng internet, hindi sila mabigyan ng magandang koneksiyon.
Nakababahala ang numerong ito dahil mahalaga ang connectivity sa internet sa pagtuturo at pagkuha ng karunungan.
Kaya sa ginawa nating pagdinig sa Senate Bill No. 1050 o ang panukala kong lagyan ng libreng internet ang public schools at SUCs sa buong bansa, hinikayat natin ang DepEd, Department of Information and Communications (DICT) at telecommunication companies na maglatag ng plano upang matugunan ang problema.
Sa ating pagdinig, humingi ako ng roadmap mula sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor kung paano mabibigyan ang 100% ng public schools at SUCs ng libreng internet connection.
Sa paglalagay ng internet sa mga paaralan, masusuportahan ang pag-aaral sa pamamagitan ng learning materials at online information.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang bagong tatag na Department of Information and Communications Technology (DICT) na bigyan ng malakas na internet connection ang mga estudyante, faculty members at iba pang non-teaching personnel.
Ang internet connection na ito ay dapat ilagay sa isang lugar kung saan makakasagap ng malakas na signal ang lahat.
Kumbinsido ako na dapat sanayin ang mga estudyante sa responsableng paggamit ng internet upang mapabilis ang pag-unlad ng kanilang kaalaman at maging produktibong mamamayan sa hinaharap.
Recent Comments