Mga bida, magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako nabigla at naapektuhan sa ginawang paglibing kay dating Pangulo Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) noong Biyernes.
Parang nadaganan ng ilang sako ng semento ang aking dibdib nang mabalitaan kong patagong inilibing ang diktador sa lugar na inilaan para lang sa mga bayani at mga sundalong tapat na nanilbihan at nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Sa Pilipinas lang po may ganitong nangyari — na ang isang diktador na nasa likod ng pagkamatay, pagkawala at pagnanakaw ng bilyun-bilyong piso sa bayan ay itinuring pang bayani.
Sa Germany, nagpasa sila ng batas para ibaon na sa limot ang alaala ng madugo at malupit na panunungkulan ni Adolf Hitler. Ang kanyang libingan ay parking lot na lang sa Berlin.
Hindi naman pinayagang mailibing sa kanilang bansa ang diktador ng Uganda na si Idi Amin at Slobodan Milosevic ng Serbia.
Ganito kung ituring ng ibang bansa ang mga taong nang-api sa kanila.
Pero sa atin, hindi pa nga malinaw kung paano itinuturo ang Martial Law sa mga paaralan.
Ang matindi pa nito, binigyan ng parangal at itinabi pa sa mga totoong bayani ang mga labi ng dating Pangulo na siyang nasa likod ng pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
***
Nakadagdag pa sa sakit ang panakaw na paglilibing sa dating diktador. Nagulat ang buong bansa nang marinig sa mga balita na dadalhin na ang mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Marami ang nagsabi na hanggang sa huli, niloko pa rin ni Marcos ang taumbayan sa patago at panakaw na paglilibing sa kanya.
Dobleng sakit ang inabot ng mga biktima ng Martial Law sa nangyaring ito. Sa pangyayaring ito, muling nabuksan ang mga sugat at mistulang nilagyan pa ng asin.
Sa pagpayag ng pamahalaan na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, parang niyurakan na ang alaala ng mga namatay, nawala at mga pinahirapan noong panahon ng Martial Law.
Sila ang mga lumaban sa diktadurya upang matamasa natin ang kalayaan at demokrasya na ating nararanasan ngayon. Ngunit lahat ng kanilang sakripisyo ay nauwi lang sa wala sa nangyaring ito.
Sa halip na itakwil ang katiwalian at itigil ang tinatawag na cronyism, inilibing pa natin ang mismong simbolo nito sa Libingan ng mga Bayani.
***
Parati kong naririnig na ang Martial Law daw ay laban ng pamilyang Aquino at Marcos pero ito’y malayo sa katotohanan.
Sa isang rally sa People Power Monument pagkatapos ng libing ni Marcos, karamihan sa mga dumalo, hindi ko kakilala at lalong hindi namin kamag-anak o kaya’y kaibigan.
Ang totoo, marami pa nga sa mga dumalo ay mga kritiko rin ni dating Pangulong Aquino.
Kaya maling-mali na sabihin na ito’y tungkol lang sa dalawang pamilya.
Ang laban na ito ay tungkol sa ating bayan, tungkol po sa ating kasaysayan at tungkol po sa ating hinaharap.
***
Sa pangyayaring ito, dapat na tayong magising at maging mapagbantay dahil hindi na normal ang nangyayaring ito sa ating panahon.
Kaya sa atin pong nagmamahal sa demokrasya, kailangan lagi tayong gising at mapagmatyag sa anumang nagaganap sa ating bansa.
Recent Comments