Mga bida, muli na namang nanariwa ang sugat at nagbalik ang mapait na alaala ng Martial Law at diktaduryang Marcos nang paboran ng Korte Suprema sa botong 9-5 ang paglilibing kay dating Pangulo Ferdinand Marcos.
Magkahalong lungkot at pagkadismaya ang aking naramdaman sa desisyong ito na ibinatay lang sa teknikalidad at hindi sa kasaysayan.
Naniniwala rin ako na isinakripisyo ang kasaysayan sa isang pangakong binitiwan noong nakaraang halalan.
***
Bago pa man lumabas ang desisyon ng SC, isang resolusyon ang isinulong sa Senado na nagpapahayag na hindi karapat-dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang yumaong diktador dahil sa kanyang mga krimen at paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law.
Pagkatapos lumabas ang desisyon ng SC, isinalang ang nasabing resolusyon upang pagbotohan kung ito ba ang magiging posisyon ng Senado sa isyu.
Pumabor ako sa resolusyon sa paniwalang dapat magkaroon ng boses ang Senado sa mga malalaki at mahahalagang isyu ng bansa, tulad na lang ng naging desisyon ng Korte Suprema.
Para sa akin, mahalaga na may sabihin ang Senado sa desisyong ito ng SC dahil kapag ipinagwalang-bahala ito ng mga mambabatas, baka masanay na ang taumbayan sa aming pananahimik.
Isinalang sa botohan ang resolusyon ngunit pansamantala itong isinantabi nang mauwi sa tabla ang bilangan noong nakaraang linggo.
***
Noong Lunes, muling tinalakay ng Senado ang nasabing resolusyon at pinagbotohan. Ngunit hindi ito nakalusot matapos makakuha lang ng walong boto, kapos sa kailangang numero.
Halos lahat ng senador na pumabor at kumontra sa resolusyon ay ipinaliwanag ang kanilang boto.
Umagaw sa aking pansin ang pahayag ng isang kapwa mambabatas na ang isyu ng Martial Law ay sa pagitan lang ng dalawang nagbabanggaang pamilya sa pulitika – ang Aquino at Marcos.
Kaya agad akong tumayo at kinontra ang kanyang pahayag sa pagsasabing nakakahiya sa libu-libong namatay, sa libu-libong nawala at sa libu-libong na-torture noong Martial Law na sabihing ito laban lang ng dalawang pamilya.
***
Ang pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa ay hindi lang isyu ng dalawang pamilya. Ito’y matagal nang problema na nakaapekto sa libu-libong pamilya sa bansa.
Maraming pamilya ang nasira at napaghiwalay dahil sa mapait na karanasan noong panahon ng diktaduryang Marcos.
Hanggang ngayon, ang epekto ng Martial Law ay naririyan pa rin, hindi lang sa mga biktima nito, kundi sa ating kasaysayan.
Hanggang ngayon, ang bilyun-bilyong pisong ninakaw sa kaban ng bayan noon ay binabayaran pa rin natin hanggang ngayon.
Hanggang ngayon, marami pa ring pamilya ang humihingi ng hustisya sa mga namatay o nawala nilang mga mahal sa buhay.
Kaya masakit marinig na ang isyu ng paglilibing kay dating Pangulong Marcos Libingan ng mga Bayani ay gusot lang sa pagitan ng dalawang pamilya.
Hindi ito pansariling usapin ng isa o dalawang pamilya kundi ito’y isyu ng mga biktima ng Martial Law, isyu ng ating minamahal na bansa at higit sa lahat, isyu ng ating kasaysayan.
Recent Comments