Mga Bida, dalawang maiinit na isyu ang tinututukan at iniimbestigahan ng Senado sa kasalukuyan.
Una rito ang P6.4 bilyong halaga ng shabu galing China na walang hirap na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC) at nakita sa isang warehouse sa Valenzuela noong Mayo.
Pangalawa ay ang nangyaring pagpatay sa 17-anyos na si Kian Delos Santos, isang 17-anyos na Grade 12 student sa Oplan Galugad na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) sa Caloocan City.
Ito’y dalawang magkahiwalay na insidente’y kinokonekta ng iisang bagay droga.
Ang isa’y kinasasangkutan ng bilyun-bilyong halaga ng droga na nakapasok sa bansa sa gitna ng pinatinding giyera ng pamahalaan kontra bawal na gamot.
Ang isa nama’y nakitaan umano ng dalawang sachet ng shabu habang walang buhay na nakahandusay sa isang madilim na sulok.
Mabuti na lang at mayroong CCTV ang barangay na nakasaksi sa pagkaladkad ng dalawang pulis kay Kian sa lugar kung saan siya natagpuang patay.
Kung walang CCTV, magiging istatistiko lang si Kian sa libu-libong Pilipinong napatay na sa “legitimate police operations”.
***
Ito ang katotohanan na ikinabahala ko at mga kapwa ko mambabatas na nag-iimbestiga sa dalawang isyu. Ibang-iba ang trato sa mga suspect na sangkot dito.
Nakalimang hearing na ang Senado ukol sa P6.4 bilyong droga na nakapasok sa bansa pero hanggang ngayon, wala pa ring nakakasuhan ukol dito.
Sa bawat hearing ng Senado, nadadagdagan ang mga karakter at mga lumilitaw na pangalan na dawit sa nasabing eskandalo ngunit wala ni isa mang personalidad ang nasasampahan ng kaso.
Sa isyu ng P6.4 bilyong ilegal na droga, nabibigyan ng due process ang mga sangkot.
Ngunit sa Oplan Galugad ng gobyerno, maraming maliliit ang namamatay nang hindi nabibigyan ng pagkakataong magbigay ng kanilang panig o ipagtanggol ang kanilang sarili.
Nakakalungkot ngunit ito ang katotohanang nakikita, hindi lang ng inyong lingkod, kundi ng marami pa nating mga kababayan.
Kapag malalaking isda ang nasasangkot sa droga, nabibigyan ng proseso at pagkakataong igiit ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas.
Pero pagdating sa Oplan Galugad, walang lugar para sa paliwanag, pagmamakaawa at pakiusap.
Kahit ano pang pagmamakaawa ni Kian, naging bingi ang mga pulis sa sigaw ng binata na pakawalan na siya dahil mayroon pa siyang exam kinabukasan.
***
Inilibing na si Kian noong Sabado ngunit hindi matatapos doon ang kanyang kuwento. Asahan niyo na hindi tayo titigil hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.
Hindi rin titigil ang Senado sa imbestigasyon hanggang hindi natutukoy at naparurusahan ang mga nasa likod ng halos 600 kilo ng shabu na nakalusot (o sadyang pinalusot) sa Bureau of Customs.
Recent Comments