Mga Bida, akala natin ay pahupa na ang isyu ng pork barrel scam kasunod ng paglabas ng committee report ng Senado sa kontrobersiya.
Subalit bigla na namang uminit ang usapan ukol sa usapin kasunod ng paglabas ng iba’t ibang bersiyon ng “Napolist”.
Naririyan ang bersiyon nina Jstiuce Secretary Leila de Lima, dating senador at ngayo’y rehab czar Panfilo Lacson at whistleblower Sandra Cam.
Ngayon, marami ang nalilito kung anong listahan ang paniniwalaan. Batay sa lumitaw sa mga balita, halos walang pinagkaiba ang isinumite nina Lacson at De Lima kay Blue Ribbon Committee chairman Sen. TG Guingona.
Gamit ang hawak na ebidensya at testimonya ng mga whistleblowers, kailangan talagang ma-verify ang mga pangalan upang masala natin kung sino ang may sala sa kung sino ang sinasama lang.
Pero kahit sino pa ang nasa listahan, isa lang ang gusto nating mangyari – ang tiyaking maparusahan ang lahat ng may pananagutan sa pagkawala ng bilyun-bilyong piso na mula sa dugo’t pawis ng taumbayan.
***
Marami sa atin ay gigil na gigil na sa isyu dahil ang perang nawaldas ay mula sa binayaran nating buwis na inawas mula sa ating suweldo at iba pang kita.
Biruin ninyo, imbes na pakinabangan ng taumbayan, sa bulsa lang ng iilan napunta ang perang nagmula sa pawis at dugo ng milyun-milyong Pilipino.
Kaya dapat alagaan at pahalagahan ng pamahalaan ang bawat piso ng buwis na kinokolekta nito sa taumbayan at tiyakin na ito’y napupunta sa dapat pagkagastusan.
***
Kaya nang mabalitaan kong plano ng BIR na singilin ng income tax pati maliliit na negosyante o Marginal Income Earners (MIEs), agad akong kumilos at inihain ang Senate Bill 2227.
Sa aking panukala, hindi na pagbabayarin pa ng income tax ang MIEs, na kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, tricycle drivers, may-ari ng maliit na sari-sari store at iba pang maliliit na negosyo na ang kita lamang ay hindi hihigit sa P150,000 kada taon.
Itinatapat lang natin ito sa kumikita ng minimum wage na hindi rin sinisingil ng income tax.
Dapat patas lang ang laban, ‘di ba, mga Bida?
Maliban sa income tax, hindi rin sisingilin ang MIEs ng 12 percent value-added tax o kahit anong percentage tax na pinapataw sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997 dahil sila’y hindi saklaw ng mga nabanggit na buwis.
Sa pamamagitan nito, mga Bida, mabibigyan ang maliliit na negosyante ng pagkakataon para magtagumpay na bahagi ng ating hinahangad na pag-asenso para sa lahat.
***
Agad namang umani ng suporta mula sa ilang MIE ang ating hakbang na huwag na silang pagbayarin ng income tax.
Ayon kay Rod (hindi tunay na pangalan), isang OFW na kasisimula pa lang ng maliit na tindahan, paano aangat ang kanyang negosyo kung sa simula pa lang ay mayroon nang pabigat?
Sinabi naman ni Joy, maraming maliliit na negosyo ang nagsasara dahil sa iba’t ibang klaseng tax na sinisingil ng BIR.
Para naman kay Malou, dapat ay intindihin ng BIR ang pagtugis sa malalaking kumpanya at hindi pahirapan ang mga maliliit na negosyo.
Dapat suportahan natin ang ating mga kababayang makaahon sa kahirapan. Sa isang bayang umaasenso, dapat bawat Pilipino, panalo!
First Published on Abante Online
Recent Comments