BIDA KA!: Mga kawatan wakas na sa WASAK

Mga Bida, sa kasalukuyan, nag-iikot kami sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang talakayin sa taumbayan ang kahalagahan at benepisyo ng Go Negosyo Act, na malapit nang maging batas, pati na rin ang iba pang panukalang inihain namin gaya ng Microfinance Bill, Credit Surety Fund Bill, Youth Entrepreneurship at marami pang iba.

Madalas, pagkatapos ng a­ming talakayan, isa sa mga laging bina­balik sa amin: Senator, maganda ang mga panukalang iyan pero nahihirapan pa rin kami sa pang-araw-araw dahil sa talamak na kotongan dito sa lugar namin.

Tama kayo mga Bida, bukod sa mga panukalang inihahain namin, kailangan ng support system at dapat kumpleto ang tulong para sa maliliit na negosyo.

Madalas, kung mas maliit ka, lalo kang pahihirapan. Ang malalaking tao, may mga abogado at iba pang tauhan na tumutulong sa kanila. Pero ang maliliit, walang mapupuntahan kung pinapahirapan ng alinmang kawani ng pamahalaan.

Sa aking personal na karanasan sa negosyong itinayo namin ilang taon na ang nakalipas, iginiit ng Bureau of Fire Protection (BFP) na bumili kami ng fire extinguisher sa kanila.

Bilang isang maliit na negosyante, hindi nakakatuwa ang ganitong mga pangyayari. Naging karanasan ko rin iyan, mga Bida, kaya malapit ito sa puso ko.

***

Nakakalungkot sabihin pero hindi lang kami ang nakaranas ng ganitong sistema. Mula sa maliliit na negosyante hanggang sa malalaki, tiyak na nakatikim ng ganitong proseso habang nag-aayos ng mga papeles.

Ang mga ganitong iligal na gawain ang siyang sumisira sa pangarap ng mga Pilipino lalo na sa mga nais magtayo ng sariling negosyo, kahit maliit lang.

Sa halip na tulungan, pinapahirapan pa ng ilang tauhan ng pamahalaan ang mga kababayan natin na ang tanging nais lang ay magkaroon ng maliit na kabuhayan.

Ang ilan nga, mas malaki pa ang gastos sa pagrerehistro ng negosyo kaysa sa kanilang buong puhunan.

Ang ilang mga dayuhang negosyante naman, nag-aalsa balutan na lang at nagtutungo sa ibang bansa para doon na lang mamuhunan para makaiwas na lang sa proseso na sa hirap ay talo mo pa ang dumaan sa butas ng karayom.

Ang resulta ay naglalaho ang pagkakataon ng ating mga kababayan na magkaroon ng trabaho at ikabubuhay.

***

Upang masolusyunan ang problemang ito, inilunsad namin ang WASAK o Walang Asenso sa Kotong hotline na 16565 at 0908-881-6565 kung saan maaaring magparating ang maliliit na negosyante ng reklamo at iba pang isyu, tulad ng katiwalian, red tape at pangingikil na nakakaapekto sa kanilang paglago.

Ang kampanyang ito ay bahagi ng ating pangunahing adbokasiya na labanan ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa pamamagitan ng pagpaparami ng maliliit na negosyo.

Kamakailan, inilunsad ang nasabing hotline sa tanggapan ng Civil Service Commission (CSC) sa Lungsod Quezon.

Kasama namin sa launch sina CSC Chair Francis Duque, Philippine Chamber of Commerce and Industry COO Donald Dee, Director Heiddi Barrozo ng Office for Competition ng Department of Justice, Undersecretary Victori Dimagiba ng Department of Trade and Industry at mga kinatawan ng Bantay.ph at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nakakatuwa dahil lahat ng opisyal ng mga nasabing tanggapan ay nangako ng suporta upang maging epektibo ang WASAK sa pagtugon sa reklamo ng ating mga kababayang negosyante.

***

Sa ilalim ng proseso, ang WASAK ay ikokonekta sa Contact Center ng Bayan (CCB) ng CSC na tumatakbo na sa kasalukuyan.

Ang CCB ay isang plataporma kung saan maaaring magreklamo tungkol sa red tape, kotong o tongpats, at under the table sa pamamagitan ng text, email at pagtawag sa telepono.

Sa pamamagitan ng CCB, ipapasa sa Civil Service Commission (CSC) ang anumang reklamo na matatanggap nila mula sa mga negosyante. Ang CSC ay may kapangyarihan na para mag-issue agad ng memorandum kung marami nang reklamong natatanggap laban sa isang tauhan ng pamahalaan.

Ipapasa rin ng CCB ang reklamo sa mismong pinuno ng ahensya ng gobyerno kung saan kabilang ang nirereklamong tauhan para maaksiyunan at masampahan ng kasong administratibo.

Kapag may aspetong kriminal naman ang reklamo, ito naman ay ipapasa sa DOJ upang mapag-aralan kung sasampahan ng kaso sa hukuman ang inireklamong tauhan ng gobyerno.

Sabi nga ng mga kaibigan natin sa CSC, “Saan ka nakakakita na ang inyong reklamo ay umaabot sa opisina ng mismong Department Secretary?”

Dahil sa mabilis na proseso ng CCB, mas madali ang aksiyon sa mga reklamo at mas epek­tibo ang giyera kontra korupsiyon.

Wasakin na ang kultura ng korupsyon sa tulong ng WASAK!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top