Mga Bida, nangyari na ang pinakahihintay ng lahat sa paglabas ng “Napolist” o ang sinumpaang salaysay ng itinuturong pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Kung matatandaan ninyo mga Bida, sa unang imbestigasyon ng blue ribbon committee, todo ang kanyang pagtanggi sa pagkakasangkot sa iskandalo.
Sa salaysay niya ngayon, maraming nadagdag na mga pangalan. May mga kasalukuyan at dating mga mambabatas at ilang mga opisyal ng pamahalaan.
May mga binanggit ding pangalan si Napoles na mga nagsilbing tulay sa pagitan ng mga mambabatas at ni Napoles.
Sa paglabas ng listahang ito ni Napoles, panibagong kabanata na naman ang nadagdag sa mala-telenobelang isyu na ito na tiyak aabangan ng milyun-milyon nating kababayan na biktima sa eskandalong ito.
***
Ngayong lumabas na ang listahan, asahan na ang kaliwa’t kanang pagtanggi ng mga nabanggit dito.
Ngunit ang maganda rito, marami nang puwedeng gawing batayan para malaman kung may katotohanan o puro kasinungalingan lang ang binanggit ni Napoles.
Maaaring ikonekta ang salaysay ni Napoles sa mga naunang testimonya ng whistleblowers na sina Benhur Luy at Ruby Tuason.
Maliban pa rito, naririyan din ang maraming dokumento kung saan maaaring maibatay ang mga pinagsasabi ni Napoles sa kanyang salaysay, kabilang na ang SARO o ang special release allotment order na inilabas ng Department of Budget and Management.
Naririyan din ang record ng mga ahensiya ng gobyerno na ginamit ng mga pekeng non-government organization (NGO) ni Napoles para maging daluyan ng pork barrel.
Kapag nagkatugma-tugma ang mga ito, sa aking pagkakaalam ay magsasampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) sa Ombudsman.
Sa parte naman ng Ombudsman, pag-aaralan nito ang kaso kung may probable cause bago tuluyang iakyat sa Sandiganbayan.
Ang mga naunang kaso na isinampa ng Ombudsman ay dumaan sa ganitong proseso. Kaya nararapat lang na ang salaysay ni Napoles ay idaan din sa ganitong proseso upang matiyak kung may katotohanan ang kanyang mga sinabi.
***
Ang malaking tanong naman ay ano na ang mangyayari kapag napatunayang walang katotohanan ang salaysay ni Napoles?
Ito ang tingin ng marami dahil mayroon siyang mga nabanggit na pangalan na wala namang nakadikit na proyekto.
Nakakapanghinayang ito dahil ito na sana ang panahon ni Napoles upang tubusin ang sarili sa malaking kasalanang nagawa niya sa taumbayan.
Binigyan na siya ng ikalawang buhay kasunod ng matagumpay niyang operasyon kaya dapat na niya itong samantalahin sa pamamagitan ng pagsasabi ng lahat niyang nalalaman.
Kung makikita na walang katotohanan ang kanyang sinabi, wala nang dahilan pa para pag-aksayahan ng panahon ang mga susunod niyang sasabihin dahil siguradong ito’y pawang panggugulo lang.
***
Sinabi rin ni Napoles na hindi siya ang most guilty sa usaping ito.
Ikaw man ang most guilty o least guilty, guilty ka pa rin sa pagnanakaw sa taumbayan at dapat papanagutin sa ilalim ng ating batas!
First Published on Abante Online
Recent Comments