Mga Bida, nitong mga nakaraang araw, inulan ng batikos ang Revenue Regulation No. 5-2015 ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Inilabas ito noong ika-labimpito ng Marso at nagkabisa dalawang araw ang nakalipas matapos ma-publish sa isang daily newspaper.
Ang mahirap dito, binibigyan lang ang taxpayers na saklaw ng Electronic Filing and Payment System (eFPS) o Electronic BIR Forms (eBIRForms) ng hanggang a-kinse ng Abril, o wala pang isang buwan, para tumalima sa nasabing kautusan.
Ang mga hindi makakasunod ay pagmumultahin ng P1,000 kada balik at 25 porsiyento ng buwis na kanilang babayaran. Maliban pa rito, isasama rin ng Revenue District Offices (RDO) ang mga taxpayer na hindi sumunod sa alituntunin sa kanilang priority audit program.
Bagaman sumasang-ayon tayo na dapat na ngang gawing moderno ang paraan ng paghahain ng buwis, masyadong maikli ang oras na ibinigay para sa napakalawak na repormang ito. Libu-libong mga Pilipino ang kinakailangang magsagawa ng panibagong paraan ng pag-file.
Masyadong maikli ang oras na ibinigay para sa pagbabago na ganito kalaki. Dagdag pa rito, napakataas ng penalty na ibinibigay kung hindi ka makasunod.
Naririto ang ilan sa mga reklamong natanggap natin ukol sa bagong regulasyon ng BIR:
*Isinumbong ni Edgar ng Makati na may mga RDO na hindi tumatanggap ng manual filing sa kanila ng pagkakaroon ng RMC 15-2015 and RMC 16-2015. Hindi naman talaga sila dapat sakop ng regulasyon na ito ngunit dahil sa maling pag-intindi at implementasyon ng mga BIR employees sa local level, lahat na ay nadamay.
*Sa Marikina naman, sa libu-libong nag-a-apply na bagong users sa system, walo lamang ang kaya nilang i-proseso bawat oras. Pinapakita nito na talagang ‘di pa handa ang sistemang ito ng BIR at hindi nito kaya ang dudumog na mga taxpayer.
*Tulad sa Makati, sinabi ni Jinny na hindi tumatanggap ang RDO 54B ng Rosario, North Cavite ng manual filing para sa lahat ng uri ng taxpayers.
*May iba namang sumubok mag-download ng eBIR forms ngunit offline ang website ng BIR. Mayroon din na hindi ma-install o magamit ang eBIR Forms package dahil sa operating systems ng computers.
*Hindi rin sapat ang kaalaman ng ilang mga tauhan ng RDO para ipaliwanag ang modernang sistema ng ahensiya. Marahil dahil sa maiksing panahon na binigay para sa implementasyon ng regulasyon na ito, kahit ang mga BIR employees ay lito at hilo na rin kung sino ba dapat ang gumamit nito at ang pasikut-sikot sa prosesong ito.
*Isa pang problema, walang sumasagot sa hotline ng BIR kapag may mga tumatawag para magtanong ukol sa bagong proseso.
***
Mga Bida, hindi naman lahat ng professionals at taxpayers ang saklaw ng repormang ito. Nasabi na rin ito ni Commissioner Henares sa radyo.
Ngunit hindi ganito ang pagkakaintindi at pagpapatupad ng mga lokal na tanggapan ng BIR. Ang report na nakukuha natin, tila lahat ay pinapa-online filing nila na hindi naman dapat.
Siguro, mga Bida, sa maikling oras na ibinigay para sa repormang ito, pati sila rin ay nalilito na rin kung sino ang sakop o hindi sa nasabing regulasyon.
Hiniling natin na pansamantalang ipagpaliban ang pagpapatupad ng multa sa nasabing regulasyon upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga taxpayer na magamay ang nasabing sistema.
Nanawagan tayo na huwag pahirapan ang ating mga “Boss” na ginagawa ang tungkuling magbayad ng buwis bilang tulong sa pamahalaan at sa bayan.
Napakinggan naman ang ilan sa ating kahilingan, dahil ipinagpaliban ang multa para sa taxpayer na nasa “No Payment” sa loob ng dalawang buwan hanggang Hunyo a-kinse.
Ang hiling sana natin ay maipagpaliban ang penalty sa lahat ng sakop ng nasabing regulasyon.
***
Katanggap-tanggap ang hakbang na gawing moderno ang sistema ng pagbubuwis ngunit kailangang tiyakin na ang pagpapatupad nito ay gawin nang tama.
Ngunit anumang pagbabago, kahit sa buhay man iyan o sa programa ng pamahalaan, may mga kailangang paghahanda para tuluyang yakapin ang pagbabago at masanay sa makabago.Sa kasong ito, nasamahan sana ng malawakang kampanya na magtuturo sa ating mga kababayan kung paano gagamitin nang tama ang e-filing.
Sana binigyan ng tatlo hanggang anim na buwan ang ating mga kababayan para matutuhan ang proseso.
Magtalaga rin sana ng mga tauhang may sapat na kaalaman sa bagong proyekto o sistema para magpaliwanag sa taumbayan kung kailangan.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang aberya at magiging maayos ang pagpapatupad ng isang programa!
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang aberya at magiging maayos ang pagpapatupad ng isang programa!
Recent Comments