Mga Bida, nagkaroon ako ng pagkakataong bumisita sa Marawi City para pangunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang Negosyo Center sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ilang araw bago nangyari ang pagsalakay ng Maute group sa siyudad.
Nang ako’y magtungo roon, makikita mo sa mukha ng mga residente ang bakas ng pag-asa na magkakaroon na ng katuparan ang kanilang pangarap sa tulong ng Negosyo Center sa siyudad.
Napakalaki ng potensiyal ng Marawi City bilang susunod na sentro ng kabuhayan at negosyo sa ARMM. Umasa rin tayo na makatutulong ang Negosyo Center sa lalo pang mabilis na pag-unlad ng siyudad.
***
Ngunit nangyari ang hindi inaasahan. Pumutok ang kaguluhan sa siyudad sa pag-atake ng grupong Maute.
Kasabay ng pagsira ng mga bomba at mga bala sa mga gusali at iba pang imprastruktura sa lugar, kasamang nadurog ang pangarap na mas magandang buhay ng mga taga-Marawi.
Ang siyudad na dati’y puno ng potensiyal sa pag-unlad, ngayo’y nagkadurug-durog na bunsod ng halos walang humpay na bakbakan.
Ito ang napakalaking hamon na kinakaharap ng pamahalaan at ng Special Committee on Marawi City Rehabilitation na binuo ng Senado upang maibangon ang siyudad mula sa pagkakalugmok. Ang inyong lingkod po ay napabilang sa komite bilang miyembro mula sa minorya ng Senado.
Noong Martes, nagpulong sa kauna-unahang pagkakataon ang komite upang masimulan na ang paghahanda para sa napakalaking aming kakaharapin sa mga susunod na buwan kapag nagwakas na ang kaguluhan sa Marawi.
***
Sa pulong ng komite, ilang pagkilos ang ating inirekomenda upang matiyak na magiging epektibo ang mga gagawing pagkilos sa mga susunod na linggo at mga buwan.
Bilang miyembro ng minorya, nangako tayo ng buong suporta sa mga pagkilos ng pamahalaan kaugnay ng muling pagbangon ng Marawi.
Apat na mahalagang rekomendasyon ang ating inilahad sa komite na alam kong makatutulong upang mapabilis ang pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Marawi.
Una, naniniwala ako na kailangan ng sama-samang pagkilos ng lahat upang matiyak ang mabilis na pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Marawi.
Dahil karamihan ng mga dumalo ay bahagi ng national agencies, hiniling ko rin na kumuha ng mga totoong kinatawan mula sa Marawi City, gaya ng opisyal ng local government unit (LGU) o miyembro ng NGO. Mahalagang marinig ang boses nila sa pagbuo at pagpapatupad ng mga plano.
Ikatlo, inirekomenda ko rin na magsagawa ng pagdinig sa Marawi City upang magkaroon ng malinaw na ideya at maranasan kung ano ba talaga ang nangyayari sa siyudad.
Sa ganitong paraan, magkakaroon ang komite ng ideya kung ano ang mga kailangang gawin upang maibangon ang Marawi.
***
Ikaapat, at sa tingin ko na pinakamahalaga, ay kung magkakaroon ba ng mekanismo kung saan susuportahan ng pamahalaan ang mga may-ari ng pribadong ari-arian na nasira sa operasyon ng militar laban sa Maute group.
Sa ngayon, wala kaming makitang probisyon na nagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating may nasirang ari-arian.
Sa parte naman ng Department of National Defense (DND), pinag-aaralan na rin nila ang aspetong ito.
Kung hindi, kailangan pa nating alamin kung dapat bang magpasa ng batas upang mabigyan ng sapat na tulong ang mga pribadong tao na nawalan ng ari-arian dahil sa bakbakang ito.
Malaking trabaho ang nakatakdang harapin ng komite kapag idineklarang tapos na ang labanan sa Marawi.
Subalit sa sama-sama pagkilos ng lahat ng sektor, mas madali ang trabaho at mapapabilis ang pagbangon ng Marawi City.
Recent Comments