Mga Bida, sa unang pagkakataon ay nakabisita ako sa isla ng Batanes.
Sa lugar na ito nagkatotoo ang mga tanawin na dati’y sa postcard lang natin nakikita. Talagang napakaganda ng Batanes.
Nagtataka nga ako at bakit ngayon lang ako nakapunta sa lugar na ito. Naghintay pa ako ng apatnapung taon para makabisita rito.
Dito, nagtatagpo ang mga bundok, burol at karagatan sa iisang lugar. Sa dami kong napuntahang tourist spots sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng mundo, hindi pa ako nakakita ng ganito kagandang lugar.
Kapag binuksan mo ang radyo, paminsan-minsan ay mga programang Taiwanese ang iyong maririnig.
Sa ganda ng lugar, napakalaki ng potensiyal ng Batanes na maging isa sa pinakamagandang tourist destination sa bansa.
***
Bilib ako sa determinasyon ng mga taga-Batanes na protektahan ang kalikasan. Mas pinili nilang panatilihin ang ganda at kaayusan ng kanilang lugar kaysa dagsain ng maraming turista.
Maraming turista ang hindi natutuwa sa napakamahal na biyahe papuntang Batanes. Ngunit para sa ilang Ivatan, ito’y isang paraan para protektahan ang kalikasan laban sa malawakang komersiyalisasyon na dulot ng pagdagsa ng maraming turista sa lugar.
Hindi rin hinahayaan ng mga Ivatan ang pagtatayo ng malalaking hotel at gusali upang maprotekahan ang kanilang lugar.
Alam din nila ang limitasyon ng kanilang lugar, pagdating sa mahahalagang imprastruktura, tulad ng drainage, sewage system at pati na kuryente.
***
Dahil kakaunti lang ang tao sa Batanes, lahat sila’y magkakakilala. At dahil magkakakilala, napakababa ng crime rate sa lugar.
Mayroon ngang tindahan doon na walang kahera at walang bantay. Maaari mong iwan ang iyong bayad sa counter para sa iyong pinamili.
Hindi rin naka-lock ang mga bahay at mga sasakyan dahil wala silang pangamba sa kanilang kapaligiran.
Hanga rin ako sa tibay ng mga Ivatan laban sa lupit ng kalikasan. Ang Batanes ay paboritong ruta ng mga bagyo ngunit hindi na sila natitinag dito.
Natutuhan nilang makibagay at humanap ng mga paraan upang hindi maramdaman ang epekto nito, tulad ng pagtatayo ng matibay na tahanan, upang malampasan ang hagupit ng bagyo na ilang henerasyon na nilang nararanasan.
***
Buhay na buhay rin ang maliliit na negosyo sa lugar, sa tulong na rin ng Negosyo Center sa munisipalidad.
Wala kang makikita na malalaking tindahan sa lugar at kadalasan, ang mga negosyo’y nasa loob lang ng mga bahay, tulad ng tindahan at mga restaurant.
Isa na rito ang Gino’s Pizza na dinarayo ng parehong mga taga-Batanes at mga turista dahil bukod sa masarap na pizza, mainit din ang kanilang pagtanggap sa mga bisita.
May iba naman na ginawang “Home-Tel” o home hotel ang kanilang mga bahay para sa mga turistang dumarating sa lugar.
***
Maraming nagsasabi na ang Batanes ay “parang nasa ibang bansa” ngunit hindi ko gusto ang ganitong paglalarawan at pananaw.
Naniniwala ako na ang Batanes ay maaaring magsilbi bilang napakagandang imahe ng Pilipinas sa buong mundo.
Ang Batanes ay napakagandang ehemplo pagdating sa pag-aalaga ng kalikasan, pagiging matibay sa gitna ng pagsubok, pagsuporta sa maliliit na negosyo at maayos na pakikitungo sa mga bisita, maging Pilipino man o dayuhan.
Kahit ito’y isang nakapaliit na munisipalidad, ipinakita ng Batanes na kaya rin nilang gumawa ng malalaking bagay para sa ikagaganda ng kalikasan.
Recent Comments