BIDA KA!: Pagpupugay kay Kristel

Nagtapos si Kristel ng high school sa St. Bridget School noong 2004 at nakumpleto ang Bachelor of Science in Psychology degree sa Adamson University noong 2008.

Pumasok siya sa ilang kumpanya para maging human resources officer at naging immigration analyst kamakailan.

Sa kabila ng kanyang trabaho, hindi pa rin nawala kay Kristel ang puso para tumulong sa kapwa. Naglaan siya ng oras para maging civil service volunteer sa Bohol kung saan tinutukan niya ang mga isyu ng kabataan at kalikasan.

Kaya nang magkaroon ng pagkakataon para sumama sa Catholic Relief Services (CRS) – isang sangay ng organi­sasyon ng mga obispo sa Estados Unidos na nakatutok sa international relief – agad itong tinanggap ni Kristel.

***

Mga Bida, kung maaalala ninyo, naikuwento na natin ang CRS na siyang tumutulong sa mga magsasaka ng Nueva Ecija sa Farmer Entrepreneurship Program ng Jollibee.

Inorganisa ng CRS ang mga magsasaka sa komunidad, tinu­ruan ng modernong pagsasaka at pagnenegosyo upang maging supplier ng sibuyas para sa nasabing fast food chain.

***

Nagsimula si Kristel sa CRS noong Agosto 2014 bilang monitoring at evaluation assistant sa Salcedo, Samar.

Tungkulin niyang bantayan ang mga rehabilitation program na inilaan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa nasabing lugar.

Sa kanyang panahon sa Eastern Samar, tinutukan niya ang mga programang pabahay para sa 4,000 pamilya at pangkabuhayan para sa 2,500 pamilya.

Sa kabila ng mabigat na tungkulin sa Salcedo, nagpursige pa rin si Kristel na mag-volunteer sa paghahanda sa pagdating ng Santo Papa sa Leyte.

Kahit malayo pa ang biyahe at sa kabila ng banta ng bagyong Amang, itinuloy ni Kristel ang pagpunta sa Tacloban para maging bahagi ng paghahanda para sa Santo Papa at makasama rin ang mga biktima ng bagyong Yolanda.

***

Pagkatapos ng misa ng Santo Papa, nangyari ang hindi ina­asahan. Bumigay ang isang scaffolding doon sa misa at nahulugan si Kristel, na siyang ikinamatay nito.

Ayon sa ilang miyembro ng CRS, kilala si Kristel bilang masayahin at energetic na volunteer.

Handa rin daw siyang tumulong sa anumang bagay sa kanilang trabaho sa Visayas, kahit ito’y labas na sa kanyang tungkulin.

Nawala man si Kristel sa mundo, magsilbi sanang inspirasyon ang kanyang buhay para sa kabataan at lahat ng Pilipino na handang mag-alay ng kanilang oras at talento para sa pagpapaunlad ng mga komunidad at ng buong bansa.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top