BIDA KA!: Protektahan ang BPO sector

Mga bida, isa sa mga sektor na inaasahan pagdating sa trabaho ay ang business process ­outsourcing (BPO) na kasama ang mga call centers.

Dalawang dekada na mula nang ito’y umusbong at lumago sa ­bansa, nakapagbigay na ito ng ­mahigit isang milyong trabaho sa mga Pilipino.

Marami nang buhay ang nabago ng industriya ng call center. Nagkaroon ng magandang trabaho, negosyo at kinabukasan ang marami nating ­kababayan sa ­tulong nito.

Si Godfrey ay nagtapos ng kursong Associate in Computer Science sa isang vocational school sa Maynila. Dahil limitado ang kumpanya na nangangailangan sa kanyang serbisyo, nagpalipat-lipat siya ng trabaho.

Naranasan ni Godfrey na mamasukan sa isang restaurant bilang service crew, messenger sa isang maliit na opisina at pagiging encoder sa isang law office.

Makalipas ang ilang taon, nagsimula nang magpasukan sa bansa ang call center agencies. Dahil marunong naman mag-English, nagka-interes si Godfrey na mag-apply.

Ngayon, halos dalawampung taon ang nakalipas, naka­pundar si Godfrey ng sariling bahay sa Marikina at naka­bili na rin ng kotse na kanyang ipinabibiyahe bilang Uber.

***

Si Berna naman ay nag-aaral sa kolehiyo ngunit hindi niya matapus-tapos ang kurso dahil sa kawalan ng sapat na salapi para makapag-aral.

Sa kagustuhang makatapos, nag-apply siya sa call center upang makapag-ipon ng pantustos sa pag-aaral.

Ang ginagawa ni Berna, iniipon muna niya ang suweldo sa call center saka nag-e-enroll kapag sapat na ang natipid.

Paunti-unti man niyang natatapos ang kurso, alam niyang may malinaw na direksyon ang kanyang kinabukasan sa ­tulong ng call center.

***

Inaasahan na marami pang Godfrey at Berna ang makikinabang sa paglago ng BPO sector sa mga susunod na taon.

Sa pagtaya, mula sa kasalukuyang 1.15 milyong emple­yado, aakyat  sa 1.8 milyon ang mga Pilipinong direktang naghahanap-buhay sa industriya ng call center pagsapit ng 2022. Maliban dito, plano rin ng BPO sector na lumikha ng 5.8 milyong indirect jobs pagsapit ng nasabing taon.

Ito ang mga negosyo na umuusbong ‘pag nagkakaroon ng call centers sa isang lugar – mga kainan, tindahan, pharmacy, kahit mga tricycle drivers makikinabang dahil merong pasa­hero kahit madaling-araw.

***

Ngunit maraming mga nakaambang banta at hadlang sa sektor ng BPO dahil sa ilang isyu at alalahanin.

Kabilang na rito ang balak na alisin ang tax incentives sa ilalim ng tax reform package ng kasalukuyang pamahalaan.

Kapag itinuloy ang panukalang alisin ang tax incentive, pakiwari ng BPO sector na hihina ang kanilang industriya at maisasantabi na ang Pilipinas bilang isa sa paboritong destinasyon para sa kanilang negosyo.

Maituturing na masamang timing kapag nagbago ng ­polisiya ang ating pamahalaan, lalo pa’t may plano  ang ibang mga bansa na ibalik ang mga trabahong nawala sa kanila at napunta sa atin. Meron ding pangamba dahil sa pag-usbong ng AI o Artificial Intelligence kung saan computer na ang papalit sa ibang trabaho sa BPO industry.

***

Sayang lang ang dalawang dekadang pinaghirapan para palaguin ang sektor ng BPO kung ganito lang ang mangyayari. Kailangan nating protektahan ang trabaho ng bawat Pilipino.

Ang bawat trabahong nalilikha ay katumbas ng kabuha­yan, pagkain, tirahan at edukasyon ng isang pamilyang ­Pilipino.

Kaya kailangan natin itong mabantayan sa Senado upang maprotektahan ang isang sektor na nagbibigay ng kita’t kabuhayan sa maraming Pilipino.

Scroll to top