Mga Bida, naaalala ko pa noong 2006, ipinatawag kaming magkakaibigan ni Fr. Javy Alpasa at ipinakilala sa mga nanay ng Payatas, Quezon City.
Nang kami’y bumisita sa lugar, naikuwento ng mga nanay ang kanilang gawain sa isang araw. Wala silang trabaho noon kaya sila’y nag-aalaga lamang ng kanilang mga anak. At nauuwi ang kanilang araw sa tsismisan.
Ang tanging pinagkukunan nila ng kita noon ay ang pananahi nila ng mga retaso at gawing mga basahan.
Sa bawat basahang nagagawa nila, piso ang kanilang kita; sa isang araw, walong basahan ang kanilang nagagawa. Kaya naman walong piso lamang ang kinikita ng isang nanay sa isang araw.
***
Naisip naming palakihin ang kanilang merkado. Nagpasya kaming tulungan sila sa pamamagitan ng backward at forward integration.
Sa forward integration, tinulungan namin ang mga nanay na maibenta ang kanilang produkto sa mga supermarket at bazaar upang madagdagan ang kanilang kita.
Sa ilalim naman ng backward integration, kinonekta namin sila sa mga pabrika na pinagkukunan ng retaso para sa paggawa nila ng produkto. Dahil dito ay mas marami nang suplay ng retaso, kaya’t mas marami rin ang nagagawa nilang basahan.
Mula piso, kumikita na sila ng 17 piso kada basahan; sa isang araw, 136 na piso na ang kanilang naiuuwi. ‘Di hamak na mas malaki na iyon kaysa sa 8 piso bawat araw, ‘di ba, mga Bida?
Ngunit ginusto pa naming maging mas malaki at mas regular ang kita ng mga nanay sa Payatas.
***
Isa sa mga kaibigan namin ang nagbigay ng suhestiyon na ipakilala si Rajo Laurel sa mga nanay. Isa si Rajo sa mga pinakasikat na fashion designer sa bansa.
‘Di namin akalain na magiging interesado si Rajo sa mga nanay ng Payatas at sa kanilang basahan.
***
Nang makita ni Rajo ang mga retaso, sinabi niyang hindi basahan ang kanyang nakikita rito kundi magagandang bag na puwedeng gamitin ng mga sosyal.
Dito na nagsimula ang Rags2Riches.
Ngayon, ang mga ginagawang bag ng mga nanay sa Payatas ay ibinebenta na sa mga sikat na tindahan, ‘di lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo tulad ng New York, UK at Japan.
Dahil sa tagumpay na ito, nagkaroon na ng regular na kita ang mga nanay. Kinailangan na nilang magbukas ng bank account at mayroon na silang savings program para sa kanilang kinabukasan.
Maliban pa rito, nagwagi rin ang Rags2Riches ng mga parangal sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kahanga-hanga, ‘di ba mga Bida?
***
Ang nangyari sa Rags2Riches ang isa sa ating mga inspirasyon sa paghahain ng Social Enterprise Bill, isang panukalang nagtutulak ng tunay na pag-asenso para sa lahat, sa pamamagitan ng dagdag na suporta para sa mga social enterprises.
Ang “social enterprise” ay tumutukoy sa isang negosyo na direktang tumutulong sa mahihirap.
Kapag naaprubahan ang panukalang ito, maglalatag ng suporta ang pamahalaan para makapagpatayo ng mas marami pang social enterprise tulad ng Rags2Riches na magbibigay ng mas malaking kita para sa mahihirap.
First Published on Abante Online
Recent Comments