BIDA KA!: Rehas na bakal para sa nambabakal!

Mga Bida, bumisita ako sa Bohol kamakailan upang tingnan ang ginagawang rehabilitasyon ng lalawigan mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol noong nakaraang taon.

Malaking perhuwisyo ang iniwan ng nasabing lindol sa lalawigan at kalapit-probinsiya na Cebu.

Maliban sa mahigit dalawandaang buhay na nawala, at nasira rin ang ilang tourist spots ng probinsiya.

Kung sa ibang lugar ay nagsisikap na mag-reclamation, doon sa isang lugar sa Bohol ay may bagong baybayin ang uma­ngat dahil sa lindol.

Pati mga simbahan sa Baclayon, Loboc at Loon na ilang daang taon na ang edad ay nadurog sa malakas na pagyanig.

Sa pag-ikot ko sa probinsya kasama ang gobernador na si Edgar Chatto, pinakita niya ang mga ginagawang rehabilitas­yon sa mga daan, gusali at iba pang imprastraktura.

Hindi nagpapatalo ang mga Boholano sa nangyaring sakuna sa kanila.

Ang mga pribadong kumpanya, NGO at gobyerno ay sama-samang nagtatrabaho para muling ibalik ang dating sigla ng kanilang probinsya.

***

Sa aming pag-iikot, naagaw ang aking pansin ng dalawan­g magkalapit na bahay na gawa sa semento. Ang isa, talagang sira-sira na habang ang kalapit na bahay ay nakatayo pa rin.

Nakakapagtaka dahil halos magkatabi lang ang dalawang bahay at parehong sementado pa. Paano nangyari na ang isa ay nagiba at habang ang isa ay kinaya ang malakas na lindol?

Napag-usapan namin na siguro, ang ginamit sa nagibang bahay at iba pang nasirang istruktura ay mahinang klase ng bakal at hindi sumunod sa umiiral na panuntunan.

Hindi dapat ganito ang sitwasyon. Sa bansang gaya ng Pilipinas na madalas bisitahin ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, mahalaga na mayroong matibay na istruktura.

Kung ginamit lang ang tamang klase ng bakal, siguro ‘di ganoong kagrabe ang napinsala at hindi sana umabot sa mahi­git dalawandaang katao ang nagbuwis ng buhay.

Sabi nga ni Gov. Chatto sa aming pag-uusap, “Walang namamatay sa lindol. Marami ang namamatay dahil nababagsakan ng mga nagibang gusali”.

***

Napapanahon pala ang pagdalaw kong ito sa Bohol. Ti­yempo kasi na ilang araw bago ako nagtungo roon, naghain ako ng resolusyon para imbestigahan ang talamak na pagbebenta ng mahinang klase at puslit na produktong bakal sa merkado.

Ito’y bahagi ng aking tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ang tiyakin na lahat ng binebenta sa merkado ay nasa tamang kalidad.

Hiningi ko ang imbestigasyon kasunod ng paglapit sa akin ng ilang grupo gaya ng Philippine Iron and Steel Institute (PIS­I) at Steel Angles, Shapes and Sections Manufacturers Association of the Philippines, Inc. (SASSMAPI) at ng Department of Trade and Industry (DTI).

Talamak ang bentahan ng mahinang klase at puslit na produktong bakal gaya ng reinforcing steel bars.

***

Sa kalakaran ng mga walang pusong nagbebenta ng mahinang uri ng bakal, ang produktong may nakatatak na tamang bigat ay mas magaan pala.

Buhay ang katumbas na kinikita nilang ekstra sa maru­ming paraan.

Masahol pa sila sa mga kriminal na halang ang kaluluwa dahil maraming buhay ang kanilang inilalagay sa panganib at kapahamakan.

Kaya sa gagawin nating imbestigasyon, mananagot ang dapat managot. Malamig na rehas na bakal ang dapat katapat ng mga nambabakal.

First Published on Abante Online

Scroll to top