Mga Bida, habang naka-session break ang Senado, napabilang ako sa opisyal na delegasyon na inimbitahan ng House of Councillors ng Japan para sa dalawang araw na pagbisita at pagpupulong.
Kasama rin sa delegasyon na bumiyahe patungong Tokyo sina Senate President Koko Pimentel at Sen. Panfilo Lacson.
Layunin ng pagbisitang ito ang palakasin ang relasyon sa pagitan ng mga mambabatas ng Pilipinas at Japan, pag-usapan ang maiinit na isyu at mapaigting pa ang pagtutulungan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang House of Diet ng Japan ay nahahati sa dalawang sangay. Una rito ang House of Representatives na katumbas ng Kamara sa Pilipinas. Ang House of Councillors naman ang itinuturing na Senado ng Japan.
Sa aming pakikipag-usap kay President Date Chuichi, ang pinuno ng House of Councillors na katumbas ni Senate President Pimentel, nakita namin ang kahalagahan ng pakikitungo ng Pilipinas sa ibang mga bansa, lalo na ang mga kapitbahay natin sa Asya.
Ilan sa mga napag-usapang isyu ay ang patuloy na pagganda ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa paglipas ng panahon.
Isa ang Pilipinas sa pinakamatinding naapektuhan ng digmaang inilunsad noon ng Japan pitong dekada na ang nakalipas. Pagkatapos ng giyera, tuluy-tuloy ang pagkilos ng Japan upang manumbalik ang ating relasyon.
Sa ngayon, masasabing nakapaganda na ng ugnayan sa pagitan ng Japan at Pilipinas.
***
Ilang taon ang nakalipas, isa tayo sa mga punong-abala nang bumisita ang mga miyembro ng House of Councillors sa Pilipinas.
Sa kanilang pagdalaw noon, napag-usapan kung paano mapapadali ang pagkuha ng visa ng mga Pilipinong turista para makabiyahe sa Japan.
Nagbunga naman ang pag-uusap na ito dahil marami nang turistang Pilipino ang bumibisita sa Japan. Kailangan mo lang tumingin sa Facebook at Instagram.
Ikalawang napag-usapan ang pagpayag ng Japan para makapagtrabaho ang mga Pilipinong nurse at caregivers sa kanilang bansa.
Nagpapatuloy pa ang diskusyon sa ngayon ngunit sa aking pagkakaalam, Pilipino ang isa sa mga gusto nilang nasyonalidad para mag-alaga sa kanilang matatanda.
Batay sa talaan, marami sa mga mamamayan ng Japan ay matatanda na habang karamihan naman ng mga Pilipino ay mga bata pa.
***
Pinag-usapan din ang pagpasok ng investment ng Japan sa atin. Kilala ang Japan sa kanilang makabagong teknolohiya ngunit tulad ng aking nabanggit, matatanda na ang karamihan sa kanilang mamamayan kaya kakaunti na lang ang may kakayahang magtrabaho para ito’y maisakatuparan.
Dito papasok ang bentahe ng Pilipinas dahil karamihan sa ating mga mamamayan ay mga bata pa at may sapat na kakayahan at kaalaman upang mabuo ang mga teknolohiyang ito.
Sa pamamagitan ng mga bagong factory at pagawaan na ilalagay ng Japan sa Pilipinas, madadagdagan ang mga bagong trabaho para sa mas marami nating kababayan.
***
Sa pagdalaw naming iyon, natuklasan natin na maraming larangan kung saan puwedeng magtulungan at magkaisa ang Japan at Pilipinas.
Kabilang na rito ang isyu ng seguridad at kapayapaan. Lumabas sa aming pag-uusap ang pangamba ng Japan ukol sa banta ng North Korea habang parehas tayong may pangamba sa mga pangyayari sa West Philippine Sea.
Sa sitwasyong ito, kitang-kita na hindi na puwedeng pairalin ang pag-iisip na kayang mamuhay nang mag-isa ang Pilipinas sa mundo dahil bahagi tayo ng komunidad ng mga bansa.
May kasabihan nga, “no man is an island”. Kailangan natin ang mga kapwa bansa upang makatuwang sa mga mahahalagang bagay. Ang bawat kilos natin ay may epekto sa kanila at ganoon din naman sila sa atin.
Recent Comments