Mga bida, napakalaking tagumpay ang natamo ng Senado kamakailan nang aprubahan nito ang P8.3 bilyong alokasyon sa 2017 budget para sa libreng tuition fee sa state colleges and universities (SUCs).
Orihinal na nakalaan ang nasabing pondo sa ibang proyekto subalit nasilip ni Sen. Ping Lacson na puwede itong gamitin sa edukasyon.
Kaya naman inilipat ito sa Commission on Higher Education para ipantustos sa libreng tuition fees sa SUCs, sa pagsisikap din ng Committee on Finance ng Senado na pinamumunuan ni Sen. Loren Legarda.
Bilang chairman ng Committee on Education sa Senado, naniniwala tayo na ang nasabing pondo ay isang magandang panimula sa isinusulong nating batas upang maging libre na ang tuition fee sa SUCs, hindi lang sa 2017, ngunit sa susunod na mga taon.
***
Ngayong may pondo na para sa libreng tuition fee sa SUCs, kailangan namang kilusin ng Senado ang pagpasa ng nasabing batas.
Ngayong 17th Congress, inihain natin ang Senate Bill No. 177 o ang Free Higher Education for All Act na nagbibigay ng libreng free tuition fee sa lahat ng mga estudyante ng SUCs.
Maliban sa ating panukala, may lima pang katulad na bill ang nakahain sa Senado at kasalukuyang dinidinig sa Committee on Education na ating pinamumunuan.
Kapag naisabatas ito, magiging regular na sa taunang budget ang pondo para sa libreng tuition fee sa SUCs.
Dahil sa suportang inaani ng mga panukala sa Senado, umaasa tayong maisasabatas ito sa Pebrero o Marso upang mapakinabangan na pagpasok ng Hunyo ng susunod na taon.
***
Malaking isyu ang edukasyon at kailangan nating gawin ang ating bahagi upang maisakatuparan ang mga kailangang reporma para sa kapakanan ng taumbayan.
Nagpapasalamat tayo kina Sen. Legarda at Sen. Lacson sa pagpupursigi na maisama ang P8.3 bilyon sa 2017 budget para sa libreng tuition fee sa SUCs.
Kasama rin natin sa adbokasiyang ito sina Senador Ralph Recto, Win Gatchalian, Chiz Escudero, JV Ejercito at Sonny Angara.
Matagal din itong ipinaglaban nina Cong. Sarah Elago ng Kabataan Partylist, si Cong. Ann Hofer sa Kamara at ng Commission on Higher Education (CHED).
Ngayon pa lang, nagpapasalamat din tayo sa executive branch na magpapatupad ng libreng tuition fee sa SUC kapag naaprubahan ang 2017 budget.
Huwag nating pulitikahin ang edukasyon. Ang edukasyon ay napakaimportanteng bagay na kailangan nating pagtulungan upang mapalago at mapakinabangan ng nakararami tungo sa pag-asenso.
Recent Comments