BIDA KA!: Sama-samang pag-angat

Mga Bida, muli na namang napatunayan na may magandang resulta kapag nag-uusap-usap at magkatuwang na sinusolusyunan ng dalawa ang isang problema imbes na mag-away at mag-iringan lamang.

Ganito ang nangyari sa isyu sa lupaing kinatatayuan ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Agham Road sa Quezon City.

Humigit-kumulang 34 na taon nang nakapuwesto ang PCMC sa nasabing lupain. Subalit sa panahong iyon, hindi sa kanila ang lupain at nakikitira lamang sila rito.

Matagal na sanang napasakamay ng PCMC ang lupa ngunit hindi natupad ang kasunduan sa pagitan ng Department of Health (DOH) at National Housing Authority (NHA) noong 1992.

Sa nasabing kasunduan, ipinagpalit ng DOH ang 5.9 ektar­yang lupain nito sa Cebu para sa 6.4 ektaryang lupain ng NHA sa Quezon City, kung saan ang PCMC.

Subalit isang bahagi lang ng kasunduan ang naipatupad nang ibigay na ng DOH ang lupain sa Cebu at naipamahagi na ng NHA ito bilang bahagi ng kanilang socialized housing para sa ating mga kababayang Cebuano.

Ngayon naman, pinursige na ng DOH ang paghahabol sa lupain sa Quezon City para sa PCMC, ngunit gusto naman ng NHA na bayaran sila batay sa halaga ng nasabing ari-arian noong 2003.

Alalang-alala ang mga pasyente, nars at mga doktor ng PCMC na baka anumang araw ay paalisin sila ng NHA sa lupain.

Kaya halos araw-araw ay nagra-rally ang mga taga-PCMC upang mabigyan ng solusyon ang problema.

***

Nang malaman natin ang problema, agad tayong naghain ng resolusyon upang maimbestigahan ang nasabing isyu.

Sa mga unang pagdinig, nagmatigas pa ang dalawang panig. Ngunit sa patuloy na pag-uusap, pagpapaliwanag at pakikinig sa isa’t isa, nagkasundo na sama-samang kikilos para sa kapa­kanan ng libu-libong batang Pinoy na nakikinabang sa de-kalidad na serbisyo ng ospital.

Matapos ang ilang pagpupulong, nakabuo ng isang memorandum of agreement (MOA) ang DOH, PCMC at NHA para sa paglilipat ng titulo ng lupa sa PCMC at gagawan ng paraan ang mga kailangang bayarin sa susunod na mga taon.

***

Sa ginawang MOA signing kamakailan, ilang mga batang pasyente ang personal na nagpasalamat sa pamamagitan ng pag-abot ng bulaklak at mensaheng nakasulat sa kapirasong papel.

Sa kanilang mensahe, nagpasalamat ang mga pasyente sa sama-samang pagkilos ng lahat upang maibigay na sa PCMC ang inaasam nitong titulo ng lupa.

May dalawa pang bata ang nag-alay ng awitin para sa mga panauhing dumalo sa MOA signing. Kitang-kita sa mata ng mga munting anghel ang kasiyahan ngayong mananatili na ang PCMC sa kasalukuyan nitong kinatatayuan.

Napakita natin na kayang masolusyunan ang mga problema ng ating bansa kung tayo ay nagtutulungan at bukas na nakiki­pag-usap sa isa’t isa.

Kaya pala nating isantabi ang ating mga pagkakaiba-iba at magkaisa para sa kapakanan ng ating mga kababayan!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top