Mga Bida, ngayong nasa huling bahagi na tayo ng buwan ng Marso, maraming estudyante ang magtatapos, bilang tagumpay nila sa hamon ng silid-aralan nang ilang taon.
Tutuloy na sila sa kanilang paglalakbay upang matupad ang kanilang mga pangarap.
May mga kuwento ako tungkol sa mga Pilipinong nagpunyagi na maaari nilang gamiting gabay tungo sa magandang kinabukasan.
***
Ilang dekada na ang nakakaraan, mahirap lang ang pamilya ni Nanay Coring at kaya sa murang edad pa lang, tumulong na siya sa kanyang pamilya sa pagbebenta ng suka, saging at bakya sa isang palengke sa Sta. Cruz, Laguna.
Nang nakapagtapos ng high school, pumasok siya bilang tindera sa isang bookstore sa Escolta.
Doon niya nakilala ang kanyang magiging asawa at partner sa negosyo.
Sa puhunang P120 lang, itinayo nina Nanay Coring at ng kanyang asawa ang sariling tindahan ng school supplies at libro sa isang maliit na puwesto.
Sa pagdating ng mga Hapon, napilitan silang mag-iba ng paninda tulad ng sabon, kendi at tsinelas upang hindi pagdudahan ng mga dayuhan ang ibinebenta nilang libro.
Nang bombahin ng mga Amerikano ang buong Escolta, kasamang nasunog ang tindahan nina Nanay Coring. Subalit hindi siya nasiraan ng loob at muling binuhay ang negosyong bookstore sa kanto ng Avenida at Soler.
Dahil sa pagsisikap ni Nanay Coring o Socorro Cancio Ramos, nagtuluy-tuloy ang paglago ng kanilang negosyo. Ngayon, mayroon nang 85 na sangay sa buong bansa ang bookstore na kilala ng lahat bilang National Bookstore.
***
Ibabahagi ko rin ang kuwento ng isang batang entrepreneur mula Iloilo City.
Noong 2003, nangarap si Injap na magbukas ng negosyo kaya nagpasya siyang magtayo ng restaurant na nagbebenta ng inasal – isang uri ng barbeque na kilala sa Visayas – sa isang mall.
Mula sa maliit na espasyo, maraming tumangkilik nang kanyang inasal at nakapagbukas siya ng halos 400 sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ngayon, si Edgar “Injap” Sia ang isa sa pinakabatang bilyonaryo sa bansa matapos bilhin ng Jollibee ang “Mang Inasal” sa halagang tatlong bilyong piso.
Ilang dekada man ang pagitan sa kuwento nina Nanay Coring at Injap, pareho ang naging susi sa kanilang tagumpay – kasipagan, pagpupunyagi at pagiging malikhain.
***
Mga Bida, maraming kabataan na naman ang madadagdag sa hanay ng mga naghahanap ng trabaho.
Sa mga kuwento natin, natuklasan nating may mga alternatibong hakbang para kumita.
Kaysa magkaroon ng boss, mas maganda nga naman kung ikaw ang boss sa iyong sariling negosyo. Basta maganda ang ideya mo at pairalin ang kasipagan, mas malaki ang inyong pagkakataong umasenso.
First Published on Abante Online
Recent Comments