BIDA KA!: Tatlong sikreto

Mga Bida, kamakailan ay naanyayahan ako bilang guest speaker sa graduation ng dalawang state universities sa Tacloban, Leyte.

Sa aking speech sa graduation ng Eastern Visayas State Univer­sity (EVSU) at Leyte Normal University (LNU), ibinahagi natin ang magandang balita na nakapasa na sa Senado ang Senate Bill No. 1304 o Affordable Higher Education for All.

Sa harap ng mga magtatapos, binigyang diin ko na ang panu­kalang ito ay magbibigay sa lahat ng Pilipino ng pagkakataong makatapos sa kolehiyo at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Masaya namang tinanggap ng mga nagtapos pati na ng kanilang mga magulang ang aking ibinalita. Karamihan kasi sa kanila ay may anak o kapatid na hindi pa nakakatapos o ­tutuntong pa lang sa kolehiyo.

Umaasa tayo na sa pagpapatuloy ng sesyon sa Mayo, ­lalabas na rin ang bersiyon ng Kamara upang masimulan na ang bicameral conference committee.

Matapos maratipikahan ang pinal na bersiyon, ito’y dadal­hin na sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo. Nais nating ­tiyakin na ito’y maipatutupad pagsapit ng 2017-18 school year.

Kapag naisabatas, magiging libre na ang tuition sa ­lahat ng SUCs at palalakasin nito ang lahat ng Student ­Financial ­Assistance Programs (StuFAP), para makatulong sa mas maraming estudyante na nais magtapos ng kolehiyo sa ­pribadong institusyon.

***

Ibinahagi ko rin sa mga nagtapos ang tatlong mahaha­lagang sikreto bilang pabaon na maaari nilang magamit at ­paghugutan ng aral sa panibagong yugto ng kanilang buhay paglabas nila sa EVSU at LNU.

Sa panahon ngayon, uso ang cellphone, tablet at social ­media na ating ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao sa ating buhay.

 

Subalit, madalas nakukuntento na lang tayo na rito na lang nakikita at nakakausap ang ating pamilya, mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

Ang unang sikreto ay huwag mamuhay sa harapan lang ng screen ng cellphone o tablet at mamuhay nang walang anumang filter.

Mas maganda kung makakausap natin nang harapan at ­hindi sa gadget o online ang mga mahalagang tao sa ating buhay. Huwag nating sayangin ang pagkakataon na maranasan ang mundo nang labas sa cellphone camera at social media.

Tanggalin natin ang mga harang na iyan. Huwag po ­nating hayaan na mayroong balakid sa pagitan natin at sa mahal ­natin sa buhay.

Ikalawang sikreto naman ay ang sikreto sa tagumpay.

Paano tayo magtatagumpay kung nasanay tayo sa ­katwiran na ‘Pwede Na’ Makapasa lang, maka-graduate lang. Puwede na ‘yan!

Ngunit hindi puwede ang ganitong pananaw sa buhay. Kaya po nating pagbutihin at kaya nating pagandahin. Kaya po natin basta’t handa tayong magtrabaho at gawing bahagi ng ating buhay ang tinatawag na excellence.

Sa ganitong paraan, mas malaki ang tsansa nating magtagumpay sa buhay.

Ikatlo ay ang sikreto sa kaligayan. Sabi ng iba, pera, pag-ibig o ‘di kaya’y mga naabot sa buhay ang sikreto ng ­kaligayahan.

Sabi ng isang scientist, hindi pera, pag-ibig o mga narating sa buhay ang pagmumulan ng kaligayahan kundi ang pagiging mabait at pagkalinga sa ating kapwa.

Kapag tayo’y nagpapakita ng kabaitan at pag-­aalaga sa ating mga kasama sa araw-araw, ito ang ­panahon na nagbi­bigay sa atin ng totoong kasiyahan sa ating puso at kaluluwa.

Nakita kong tumu­tungo naman ang mga ­graduate at nakikinig sa aking munting pabaon sa kanila.

Sinabi ko rin na ang mga tumulong sa kani­lang makapagtapos — mula sa mga guro, magulang, at mga ­kaibigan — ay naririyan pa rin at nagnanais ng kanilang tagumpay sa buhay.

Mga Bida, ang mga sikretong ito ay hindi lang para sa mga magtatapos kundi para sa ating lahat upang tayo’y mas maging matagum­pay na Pillipino.

Scroll to top