BIDA KA!: Trabaho, Negosyo, Tiwala

Mga Bida, sa huling survey na inilabas ng Pulse Asia, si Senate President Franklin Drilon ang lumabas na pinakapinagkakatiwalaang pinuno ng pamahalaan.

Nabanggit din ni SP Drilon ito noong nakapanayam niya si Karen Davila.  Nabanggit niya na dahil sa tuluy-tuloy na trabaho ng buong Senado, kaya niya nakamit ang rating na ito.

Noon pa man, ilang beses na na­ting sinasabi na upang muling makuha ang tiwala ng taumbayan, kailangan na­ming mga senador na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa gitna ng mga iskandalo upang mas mapaganda ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino, lalung-lalo na ang ating mga kababayang naghihirap.

***

Kaya naman, sa gitna ng ingay-pulitika kaugnay ng nalalapit na halalan, patuloy pa rin ang pagtutok ng ating opisina sa mga panukalang magpapatibay sa ating ekonomiya at makakatulong na makaahon sa kahirapan ang ating mga kababayan.

Mabigat ang mga ito para sa isang bagong senador, pero dahil mahalaga ito para sa taumbayan, tinutukan ito ng inyong lingkod.

Kamakailan, inaprubahan ng dalawang sangay ng Kongreso ang tatlong mahahalagang panukala at naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Noynoy Aquino upang maging mga batas.
Kapag naging batas, malaki ang maitutulong nito sa paglago ng ating kabataan at maliliit na negosyante, mabawasan ang bilang ng walang trabaho at sa paglakas ng ekonomiya ng bansa.

Una, naratipikahan na ang Youth Entrepreneurship Act, na la­yong tugunan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) at National Statistics Office (NSO), may 1.32 milyong kabataang may edad mula 15 hanggang 24-anyos ngayon ang walang trabaho.

Sa nasabing panukala, magtuturo na ng financial literacy at pagnenegosyo sa ating mga eskuwelahan upang masimulan na ang kultura ng pagnenegosyo sa ating bansa.

Pangarap natin na lalo pang  dumami ang mga nagnenegosyo sa ating mga kababayan habang lumalago ang ating bansa, at mainam na simulan na ito habang bata pa.

***

Ikalawa, inaasahan sa Foreign Ships Co-Loading Act na maka­tutulong na mapababa ang presyo ng shipping ng mga produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng nasabing panukala, papayagan na ang mga dayuhang barko na galing sa international ports na dumaong sa iba’t ibang pantalan sa bansa para magbaba at magsakay ng kargamentong in-import at ie-export.

Sa gayon, wala nang double handling na gagawin at mumura ang presyo ng logistics sa bansa.

Alam ninyo, mga Bida, ang malaking bahagi ng presyo ng bili­hin ang napupunta sa logistics kaya inaasahan namin na bababa ang halaga ng produkto sa merkado.

***

Huli, humigit-kumulang na 25 taon din itong nabimbin sa Kongreso, pero sulit naman ang paghihintay ngayong naipasa natin sa Kamara ang Philippine Competition Act.

Sa tulong nito, magkakaroon ng patas na pagkakataon ang lahat ng negosyo, mawawala ang lahat ng mga cartel, mga nag-price fixing, nagtatago ng supply upang tumaas ang presyo, iba pang anti-competitive agreements at abuso ng malalaking kompanya.

Mga Bida, kapag may nang-aabuso sa merkado, ang talo riyan ay ang mga mamimili. Nawawalan sila ng pagkakataong pumili ng produkto, nagmamahal ang presyo ng bilihin at nahihirapang makapasok ang bagong mga kompanya na maaaring magbigay ng mas magandang serbisyo at produkto sa merkado.

Sa batas na ito, bababa ang presyo ng bilihin, mas marami nang pagpipilian at mas maraming innovation na makikita ang mga mamimili sa merkado.

Susuportahan din nito ang ating maliliit na negosyante, ha­yaan silang lumago at magbigay ng maraming trabaho para sa ating mga kababayan.

Mga Bida, maraming salamat sa inyong tuluy-tuloy na suporta. Patuloy tayong maghahain ng mga panukala para sa kapaka­nan ng nakararaming Pilipino!

***

Para sa reaksyon o suhestyon, mag-email sa bidakacolumn@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa www.facebook.com/BenignoBamAquino.

***

Subaybayan si Sen. Bam Aquino sa kanyang bagong radio show, Status Update, tuwing Miyerkules, 11:00 am – 12:00 pm, sa RMN Manila DZXL 558.

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top