BIDA KA!: Usapang panggisa

Mga Bida, usapang panggisa muna tayo dahil putok na putok ang isyu ng mataas na presyo ng bawang.

Nitong mga nakaraang araw, nawindang ang mga mamimili sa big­lang pagsirit ng presyo ng ba­wang sa mga pamilihan, na umabot pa sa P350 bawat kilo.

Ayon naman sa mga magsasaka at producers, nakakapagtaka ang big­lang pagtaas ng presyo ng ba­wang dahil sapat naman ang kanilang ani sa nakalipas na mga buwan para punuan ang pangangailangan sa merkado.

Kaya duda ng marami, may ilang mga supplier na nagtago ng kanilang nabiling bawang sa mga magsasaka upang magkaroon ng mataas na pangangailangan nito sa merkado.

Kapag nga naman lumakas ang pangangailangan ng bawang sa merkado at walang sapat na supply, tiyak na tataas ang pres­yo nito.

Ngayon, kapag tumaas ang presyo ng bawang, ilalabas ng mga tiwaling supplier ang kanilang supply. Mas malaki nga naman ang kanilang kita kumpara sa orihinal na presyo nito.

***

Kapag mataas ang presyo ng bawang sa merkado, kadalasan masaya ang mga magsasaka dahil sila ang direktang makikinabang dito.

Pero sa sitwasyong ito, mukhang naitsapuwera ang mga magsasaka at mukhang hinokus-pokus ng mga supplier ang supply ng bawang sa merkado upang magkaroon ng artificial shortage at tumaas ang presyo nito.

Ayon sa ilang mga nakausap ko, posibleng itinago ng mga supplier ang nabili nilang bawang sa buwan ng Pebrero at Marso at saka nila ito ilalabas kapag doble o triple na ang presyo nito sa merkado.

Ang pagmanipula sa supply ng bawang ay isa ring paraan upang mabigyang katwiran ang pag-aangkat ng bawang, na mas mura kumpara sa ibinebenta ng ating mga magsasaka.

Ang problema, kapag bumaha ang imported na bawang sa merkado, mamamatay ang lokal na industriya ng bawang sa bansa at mawawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka.

***

Kaya dapat lang na tutukan at pabilisin ang imbestigasyon sa biglaang pagtaas ng presyo ng bawang at tiyakin na walang grupo o personalidad ang nagpapataas ng presyo nito.

Kailangan ding magsagawa ng malawakang monitoring ang Department of Agriculture (DA) para sa kapakanan ng mami­miling publiko.

Lalo nating paigtingin ang suporta sa ating mga magsasaka ng bawang upang matugunan ang pambansang pangangailangan sa presyong abot-kaya ng mga mamimili.

Huwag nating payagang ang mga interes ng mapang-abusong personalidad o grupo ang maglalagay sa perwisyo sa ating mga kapatid na magsasaka habang hinuhuthutan ang ating mamimi­ling publiko.

Pero mas maganda kung hindi lang bawang ang dapat bantayan ng DA, kundi ang iba pang sektor na pang-agrikultura, tulad ng bigas, sibuyas, manok at baboy para na rin sa proteksiyon ng mamimili.

***

Sa isa pang kuwento ng mga nagtatanim ng panggisa, punta­han naman natin ang mga nagtatanim ng sibuyas sa San Jose, Nueva Ecija.

Dati, ang mga magsasakang ito ay umaasa lang sa parte sa ani ngunit nabigyan sila ng pagkakataong kumita ng mas malaki nang itatag nila ang Kalasag Farmers Producers Cooperative noong 2008.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan, nabigyan sila ng pagkakata­on na direktang maibenta ang kanilang mga pananim gaya ng sibuyas sa Jollibee.

Doon nagsimula ang pag-angat ng kanilang buhay. Noong 2008-2009, 60,000 kilo ng sibuyas ang naibenta nila sa isang ma­laking fast food chain sa bansa.

Sa mga sumunod na taon, umakyat ang kanilang benta sa 236,000 kilo at 245,000 kilo noong 2010-2011.

Ngayon, ang mga magsasaka ng Kalasag ay naipasemento na nila ang kanilang mga bahay, nakapagbabayad na para sa motorsiklo o tricycle, at napag-aral ang mga anak sa kolehiyo.

Sa huli kong pagbisita sa kanila, bago ako umalis ay naglabas sila ng mamahaling smart phone para kumuha ng aming larawan.

***

Sa mga kuwentong ito ng sibuyas at bawang, siguraduhin lang natin, mga Bida na hindi tayo igigisa ng mga taong mapagsamantala.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top