BIDA KA!: Wala nang ‘Bakwits’

Mga Bida, nagdiriwang nga­yon ang buong bansa, lalo na ang mga taga-Mindanao, kasunod ng pagpirma ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ang pagpirma sa kasunduan ay hudyat ng simula ng bagong panahon ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, na lubhang nalumpo ng ilang dekadang bakbakan sa pagitan ng dalawang panig.

Sa mga nakalipas na panahon, karaniwan nang larawan ng karahasan ang Mindanao. Libu-libong katao ang nagbuwis ng buhay habang milyun-milyon naman ang nawalan ng tirahan at ikabubuhay dahil sa kaguluhan.

Dahil sa digmaang ito, maraming pagkakataon ang nasayang upang magamit ang masaganang likas na yaman ng Mindanao, na naging daan sana ng kaunlaran ng rehiyon.

Imbes na maging paboritong destinasyon ng mga negosyante’t mamumuhunan, ang Mindanao ay parang isang taong may malalang sakit na nilalayuan ng lahat.

Lahat ito ay nakatakdang magbago, ngayong nagkasundo na ang pamahalaan at MILF na magkasamang kikilos para sa kaunlaran at pangmatagalang kapaya­paan ng Mindanao.

Sa pangakong kapayapaan at seguridad ng kasunduan, mabubura na ang masamang imahe ng Mindanao at masisimulan na ang matagal na inaasam na pag-unlad nito.

Ngayong plantsado na ang kasunduan, magiging madali na ang pagpasok ng negosyo na magbibigay ng trabaho at iba pang uri ng kabuhayan sa ating mga kapatid sa Mindanao.

Naniniwala ako na ang Mindanao ay susi sa mabilis na pag-abot ng pag-asenso na hinahangad ng lahat.

***

Dahil sa digmaan, sumikat ang katagang “bakwit”, o tawag sa mga residente na lumilikas sa evacuation centers para hindi maipit sa kaguluhan.

Sa kasunduang ito, tapos na ang araw ng pagtakbo ng mga pamilya mula sa kaguluhan at pag-iwas sa mga bombang pinapakawalan ng magkabilang panig.

Babalik na sa normal ang pamumuhay ng milyun-mil­yong mga taga-Mindanao. Makakatulog na sila nang payapa tuwing gabi. Makakagala na sila sa iba’t ibang tanawin sa Mindanao nang hindi tumitingin sa kanilang mga likuran.

Wala nang mararamdamang pangamba ang mga magulang kapag naglalaro ang mga anak sa mga kalsada at hindi sa maruming paligid ng evacuation centers na ilang taon ding naging tahanan.

Sa darating na pasukan, maipagpapatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral. Wala nang kaguluhang pipigil sa kanilang hangarin na makakuha ng diploma at magkaroon ng magandang buhay.

Muli na ring mabubuhay ang nawasak na pangarap ng mga taga-Mindanao ngayong may mas malinaw nang kinabukasan para sa kanila.

Mga Bida, ang kapayapaang dumating sa Mindanao ay para sa lahat ng Pilipino tungo sa malawakang kaunlaran.

First Published on Abante Online

Scroll to top