Bida Ka! (Abante)

BIDA KA!: Iwaksi ang kultura ng karahasan

Mga Bida, parang hango sa eksena ng isang action ­movie ang paglalarawan ng mga pulis sa nangyaring engkuwento na ikina­sawi ng dalawang kabataan sa Caloocan City kamakailan.

Sa kaso ng 17-anyos na si Kian Delos Santos, sinabi ng mga pulis na pinaputukan daw sila ng ­biktima habang nagsasagawa sila ng “one time, big time operation” sa siyudad kaya napilitan silang gumanti ng putok na siyang ikinamatay ng Grade 12 student.

Subalit iba ang nakita ng CCTV camera ng barangay. Nakita na bitbit ng mga pulis si Kian patungo sa lugar kung saan siya nakitang patay matapos ang umano’y engkuwentro.

Natuklasan din sa forensic examination na nakaluhod at ­nakasubsob sa lupa ang biktima nang barilin ito nang ­malapitan. Ibig sabihin, malabo ang pahayag ng mga pulis na lumaban ang biktima kaya nila ito pinaputukan.

Noong una, ibinida rin ng mga pulis na kilalang runner si Kian ng illegal na droga ng kanyang ama at tiyuhin. ­Patunay ng kanilang alegasyon ang sinasabing dalawang sachet ng shabu na natagpuang nakaipit sa kanyang shorts.

Ngunit nang ungkatin ito sa Senado, napag-alamang ­social media lang pala ang pinagbatayan ng Caloocan Police ng ­sinasabi nilang ulat ukol sa pagkakasangkot ni Kian sa ­ilegal na droga.

***

Hindi pa humuhupa ang isyu ni Kian nang mapatay naman ng dalawang miyembro ng Caloocan police si Carl Arnaiz, na nangholdap umano ng isang taxi driver.

Sa kuwento nina PO1 Jeffrey Perez and PO1 Ricky Arquilita, nilapitan sila ng taxi driver na si Tomas Bagcal at hiningan ng tulong para mahuli ang nangholdap sa kanya.

Tulad ni Kian, sinabi ng mga pulis na nakipagpalitan din ng putok itong si Carl kaya napilitan silang gumanti na nagresulta sa pagkamatay ng 19-anyos na binata.

Pero lumitaw sa pagsusuri ng forensic expert na binaril si Carl nang malapitan, kaya malabo ang kuwento ng mga pulis na may nangyaring engkuwentro. Idinagdag din ng forensic expert na mukhang sa ibang lugar pinatay si Carl at inilagay lang sa lugar kung saan siya natagpuang patay.

Lumutang kamakailan ang driver ng taxi at nagsabing ­buhay pa si Carl nang isuko niya sa mga pulis. Para sa driver, mukhang scripted ang pagkamatay ng binata.

Nadagdagan pa ang galit ng taumbayan nang ­makitang ­tadtad ng saksak ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, ang sinasabing kasama ni Carl nang ito’y huling makitang ­buhay, sa Nueva Ecija. Sinabi naman ng PNP na hindi si ­Reynaldo ang bangkay na natagpuan sa Nueva Ecija, batay sa ­isinagawa nilang DNA testing ngunit kinukuwestiyon naman ito ng ­Public Attorney’s Office (PAO).

Ang mga ganitong pangyayari ang nakasisira sa imahe at reputasyon ng Philippine National Police (PNP) bilang institusyon na siyang nagpapatupad ng batas at nagtatanggol sa mga inaapi at mga inosente.

***

Pati ang Simbahan ay naalarma na rin sa sunud-sunod na pagpatay sa ating mga kabataan.

Naglabas na ng magkahiwalay na pahayag sina Cardinal Tagle ng Arsobispo ng Maynila at Obispo ng Cabanatuan City na si Sofronio Bancud na kumokondena sa pagkamatay nina Kian, Carl at Reynaldo.

Hiniling naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa taumbayan na ihinto na ang pagsang-ayon sa mga nangyayaring patayan at magalit sa kasamaang nangyayari sa lipunan.

Kaisa tayo ng dalawang alagad ng Simbahan sa kanilang panawagan na itigil na ang pagpatay sa mga inosenteng biktima na nadadamay sa giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Hindi pagpatay ng kapwa ang solusyon sa ilegal na ­droga. Walang maidudulot na mabuti ang kultura ng kalupitan at karahasan.

Huwag nating hayaang maging normal na kalakaran na lang sa ating lipunan ang kabi-kabilang patayan.

Panahon na upang pag-aralan ang istratehiya ng pamahalaan kontra ilegal na droga. Hindi natin dapat isakripisyo ang buhay ng mahihirap at walang kalaban-laban nating kababayan.

BIDA KA!: Pagbangon ng Marawi

Mga Bida, nagkaroon ako ng pagkakataong bumisita sa Marawi City para pangunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang Negosyo Center sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ilang araw bago nangyari ang pagsala­kay ng Maute group sa siyudad.

Nang ako’y magtungo roon, makikita mo sa mukha ng mga resi­dente ang bakas ng pag-asa na magkakaroon na ng katuparan ang kanilang pangarap sa tulong ng Negosyo Center sa siyudad.

Napakalaki ng potensiyal ng Marawi City bilang susunod na sentro ng kabuhayan at negosyo sa ARMM. Umasa rin tayo na makatutulong ang Negosyo Center sa lalo pang mabilis na pag-unlad ng siyudad.

***

Ngunit nangyari ang hindi inaasahan. Pumutok ang kaguluhan sa siyudad sa pag-atake ng grupong Maute.

Kasabay ng pagsira ng mga bomba at mga bala sa mga gusali at iba pang imprastruktura sa lugar, kasamang nadurog ang pangarap na mas magandang buhay ng mga taga-Marawi.

Ang siyudad na dati’y puno ng potensiyal sa pag-unlad, ngayo’y nagkadurug-durog na bunsod ng halos walang humpay na bakbakan.

Ito ang napakalaking hamon na kinakaharap ng pamahalaan at ng Special Committee on Marawi City Rehabilitation na binuo ng Senado upang maibangon ang siyudad mula sa pagkakalugmok. Ang inyong lingkod po ay napabilang sa komite bilang miyembro mula sa minorya ng Senado.

Noong Martes, nagpulong sa kauna-unahang pagkakataon­ ang komite upang masimulan na ang paghahanda para sa napakalaking aming kakaharapin sa mga susunod na buwan kapag nagwakas na ang kaguluhan sa Marawi.

***

Sa pulong ng komite, ilang pagkilos ang ating inirekomenda upang matiyak na magiging epektibo ang mga gagawing pagkilos sa mga susunod na linggo at mga buwan.

Bilang miyembro ng minorya, nangako tayo ng buong ­suporta sa mga pagkilos ng pamahalaan kaugnay ng muling pagbangon ng Marawi.

Apat na mahalagang rekomendasyon ang ating inilahad sa komite na alam kong makatutulong upang mapabilis ang pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Marawi.

Una, naniniwala ako na kailangan ng sama-samang pagkilos ng lahat upang matiyak ang mabilis na pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Marawi.

Dahil karamihan ng mga dumalo ay bahagi ng national­ agencies, hiniling ko rin na kumuha ng mga totoong kinatawan mula sa Marawi City, gaya ng opisyal ng local government unit (LGU) o miyembro ng NGO. Mahalagang mari­nig ang boses nila sa pagbuo at pagpapatupad ng mga plano.

Ikatlo, inirekomenda ko rin na magsagawa ng pagdinig sa Marawi City upang magkaroon ng malinaw na ideya at maranasan kung ano ba talaga ang nangyayari sa siyudad.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ang komite ng ideya kung ano ang mga kailangang gawin upang maibangon ang Marawi.

***

Ikaapat, at sa tingin ko na pinakamahalaga, ay kung magkakaroon ba ng mekanismo kung saan susuportahan ng pamahalaan ang mga may-ari ng pribadong ari-arian na nasira sa operasyon ng militar laban sa Maute group.

Sa ngayon, wala kaming makitang probisyon na nagbibigay­ ng tulong sa mga kababayan nating may nasirang ari-arian.

Sa parte naman ng Department of National Defense (DND), pinag-aaralan na rin nila ang aspetong ito.

Kung hindi, kailangan pa nating alamin kung dapat bang magpasa ng batas upang mabigyan ng sapat na tulong ang mga pribadong tao na nawalan ng ari-arian dahil sa bakbakang ito.

Malaking trabaho ang nakatakdang harapin ng komite kapag idineklarang tapos na ang labanan sa Marawi.

Subalit sa sama-sama pagkilos ng lahat ng sektor, mas madali ang ­trabaho at mapapabilis ang pagbangon ng Marawi City.

BIDA KA!: May due process ba o wala?

Mga Bida, dalawang maiinit na isyu ang tinututukan at iniimbestigahan ng Senado sa kasalukuyan.

Una rito ang P6.4 bilyong halaga ng shabu galing China na walang hirap na nakalusot sa ­Bureau of Customs (BOC) at ­nakita sa isang warehouse sa ­Valenzuela noong Mayo.

Pangalawa ay ang nangya­ring pagpatay sa 17-anyos na si Kian­ Delos Santos, isang 17-­an­yos na Grade 12 student sa Oplan Galugad na isinagawa ng ­Phi­lippine National Police (PNP) sa ­Caloocan City.

Ito’y dalawang magkahiwalay na insidente’y kinokonekta ng iisang bagay  droga.

Ang isa’y kinasasangkutan ng bilyun-bilyong halaga ng droga na nakapasok sa bansa sa gitna ng pinatinding giyera ng pamahalaan kontra bawal na gamot.

Ang isa nama’y nakitaan umano ng dalawang sachet ng shabu­ habang walang buhay na nakahandusay sa isang ­madilim na sulok.

Mabuti na lang at mayroong CCTV ang barangay na nakasaksi sa pagkaladkad ng dalawang pulis kay Kian sa lugar kung saan siya natagpuang patay.

Kung walang CCTV, magiging istatistiko lang si Kian­ sa libu-libong Pilipinong napatay na sa “legitimate police ­operations”.

***

Ito ang katotohanan na ikinabahala ko at mga kapwa ko mambabatas na nag-iimbestiga sa dalawang isyu. Ibang-iba ang trato sa mga suspect na sangkot dito.

Nakalimang hearing na ang Senado ukol sa P6.4 bilyong droga na nakapasok sa bansa pero hanggang ngayon, wala pa ring nakakasuhan ukol dito.

Sa bawat hearing ng Senado, nadadagdagan ang mga karakter­ at mga lumilitaw na pangalan na dawit sa nasabing eskandalo ngunit wala ni isa mang personalidad ang nasasampahan ng kaso.

Sa isyu ng P6.4 bilyong ilegal na droga, nabibigyan ng due process ang mga sangkot.

Ngunit sa Oplan Galugad ng gobyerno,­ maraming maliliit ang namamatay nang hindi nabibigyan ng pagkakataong magbigay ng kanilang panig o ipagtanggol ang kanilang sarili.

Nakakalungkot ngunit ito ang katotohanang nakikita, ­hindi lang ng inyong lingkod, kundi ng marami pa nating mga kababayan.

Kapag malalaking isda ang nasasangkot sa droga, nabibigyan ng proseso at pagkakataong igiit ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas.

Pero pagdating sa Oplan Galugad, walang lugar para sa paliwanag, pagmamakaawa at pakiusap.

Kahit ano pang pagmamakaawa ni Kian, naging bingi ang mga pulis sa sigaw ng binata na pakawalan na siya dahil mayroon pa siyang exam kinabukasan.

***

Inilibing na si Kian noong Sabado ngunit hindi matatapos doon ang kanyang kuwento. Asahan niyo na hindi tayo titigil­ hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Hindi rin titigil ang Senado sa imbestigasyon hanggang hindi natutukoy at naparurusahan ang mga nasa likod ng halos 600 kilo ng shabu na nakalusot (o sadyang pinalusot) sa ­Bureau of Customs.

BIDA KA!: Kuwento ni Kian

“Ian, isara mo na ang tindahan­ at matulog ka na.”

Mga Bida, ito ang mga huling salita na binanggit ni Lola Violeta sa apo na si Kian Delos Santos, ang 17-anyos na Grade 12 student na nasawi sa anti-drug ope­ration ng kapulisan sa Caloocan.

Isa ako sa mga nagulat, nagalit at napaluha sa sinapit ni Kian, o Ian sa kanyang pamilya at malalapit na kaibigan.

Mahirap tanggapin na sa ganito matatapos ang buhay ni Ian, na isang mabuti at masunuring anak at tapat na kaibigan.

Nang mabalitaan ko ang nangyari kay Ian, na napatay sa Oplan Galugad ng PNP sa Caloocan, pinanghinaan ako ng loob at naisip ko kung paano na umabot sa ganito ang Pilipinas.

Ito na ba ang normal na kalakaran sa ating bansa, lalo na sa mahihirap na barangay sa ating bayan?

Alam ko, hindi lang ako ang nakaramdam nang ganito. Marami po sa ating mga kababayan ang nalungkot noong una at nakaramdam ng galit sa nangyari kay Ian at sa kanyang pamilya.

***

Sa aking pagdalaw sa burol ni Ian, doon ko nakilala ang binatilyo. Sari-sari store owner ang kanyang amang si Zaldy at nagtatrabaho sa Riyadh bilang OFW ang kanyang inang si Lorenza.

Sa kuwento ng kanyang mga magulang, napakabuting anak ni Ian. Araw-araw, gumigising siya nang maaga upang magbenta ng school supplies sa mga estudyante at magulang na ­naglalakad papunta sa paaralang malapit sa kanila.

Maliban sa pagiging mabait na anak, si Ian ay masipag na estudyante. Katunayan, nagtayo pa siya ng isang study group kasama ang mga kaklase upang sama-sama silang mag-aral at makapagtapos ng high school.

Ayon sa kanyang mga barkada, si Ian ay masayahin, malambing at magaling sumayaw.

Mahilig siya sa FLIPTOP at idolo niya ang Pinoy battle rapper na si Basilyo.

Higit sa lahat, si Ian ay mapagmahal na kaibigan. Ramdam na ramdam ko po ang pagmamahal ng kanyang mga kaibigan nu’ng nakasama ko sila kahapon sa burol ni Ian.

Nang maospital ang kanyang best friend na si Lennard, nagbenta si Ian ng damit para lang makabili ng prutas upang may bitbit sa kanyang pagdalaw.

***

Nangarap si Ian na maging pulis, ngunit sa huli, mga pulis din ang kumitil sa kanyang buhay noong gabi ng ika-labing-anim ng Agosto sa ngalan ng giyera kontra ilegal na droga.

Narinig pa ng mga saksi na sumisigaw si Ian ng “tama na po! tama na po! May test pa ako bukas!” habang kinakaladkad patungo sa isang madilim na sulok sa isang eskinita sa kanilang lugar kung saan siya natagpuang patay.

***

Kung tiningnan lang ng mga pulis ang Ian na kanilang kinaladkad hindi bilang drug addict kundi bilang tao na punumpuno ng pag-asa at potensiyal, siguro po buhay pa siya ngayon.

Isa lang si Kian sa libu-libong nasawi sa giyera ng pamahalaan kontra droga. Kung wala lang CCTV camera na nakakuha sa tagpo noong gabing iyon, siguradong kasama na ang kanyang kaso sa tinatawag na lehitimong operasyon ng PNP.

Ilan pa ba ang kailangang mamatay bago natin tanggapin ang napakasakit na katotohanan na hindi karahasan ang solusyon­ sa problema ng droga kundi ito’y magdudulot lang ng mas mara­ming bangkay at mga pamilyang wasak at nagdurusa.

May iba pang solusyon sa problema ng droga. Ito’y sa pamamagitan ng edukasyon, pinalakas na sistema ng katarungan, rehabilitasyon, tamang pagpapatupad ng batas, paglaban kontra kahirapan at pagbibigay ng kabuhayan at trabaho sa ating mga kababayan.

Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang pagbubuwis ni Ian ng kanyang buhay. Bigyan natin ng katarungan ang kanyang pagkamatay. Papanagutin natin ang mga nasa likod ng ­talamak na extra-judicial killings sa bansa.

BIDA KA!: Bagong sistema para mabago ang Customs

Mga Bida, sa gitna ng matinding giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga, nasangkot sa kontrobersiya ang Bureau of Customs (BOC) sa balitang nakalusot sa kanilang pagbabantay ang P6.4 bilyong halaga ng shabu.

Nakapasok ang napakalaking bulto ng droga sa kabila ng bagong sistemang ipinatutupad ng pamumuan ng BOC sa ilalim ni Commissioner Nicanor Faeldon, kasama ang kapwa niya dating sundalo na nag-aklas kontra katiwalian ilang taon na ang nakalipas.

Maraming personalidad ang nadawit nang pangalanan ni Mark Taguba, ang broker ng shipment na pumasok sa bansa, ang mga binigyan niya ng “tara” na umaabot ng P40,000 para maipasok ang kontrabandong ­naglalaman ng droga.

Malinaw na ginagamit ng mga sindikato ng droga ang ­kahinaan ng mga tao sa katiwalian at sistema sa Customs para makapagpasok ng droga sa bansa.

***

Napakabigat ng kontrobersiyang ito dahil kung hindi nasabat ng mga awtoridad ang droga, maraming buhay at pamilyang ­sisirain ang 600 kilo ng shabu kapag ito’y nakapasok sa merkado.

Ngunit magugulat ka sa kilos ng mga tauhan ng BOC sa mga naunang pagdinig ng Senado sa kontrobersiya.

Kung titingnan ang reaksiyon ng ibang taga-Customs, parang hindi naiisip ang bigat ng epekto ng kanilang kapabayaan sa lipunan.

Hindi mo man lang sila makitaan ng bakas ng pagsisisi at kagustuhang malaman ang puno’t dulo ng pangyayari upang mapapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.

Nakapagtataka ito, lalo pa’t pangunahing programa ng pamahalaan ang pagsugpo sa ilegal na droga.

***

Kung ginawa lang ng mga taga-Customs ang kanilang ­trabaho, hindi makalulusot sa kanilang pagbabantay ang ­kontrabando ng ilegal na droga.

Ang shipment na pinasok ng EMT Trading, na isang baguhang broker, ay hindi dapat idinaan sa green lane nang basta-basta.

Iyon pala, madali lang magpasok sa green lane kung may pambayad ka, batay sa testimonya ni Taguba.

Kaya dalawa ang tinitingnan natin sa sitwasyong ito. Una, nagkaroon ng kapabayaan sa pagganap ng tungkulin ang mga tauhan ng Customs na nakatalaga sa pagbabantay ng mga ­kargamentong pumapasok sa bansa.

Ang mas malala rito, kung mayroong sabwatan sa pagitan ng mga tauhan ng BOC, gaya ng sinasabi ni Taguba, para sad­yang palusutin ang ilegal na droga sa bansa.

Ito ang tinatawag kong “negligence with corruption” kung saan tumanggap ng lagay ang ilang tauhan ng Customs upang sadyang ipikit ang kanilang mga mata at huwag kumilos upang walang hirap na makalusot ang ilegal na droga.

***

Sa aking pagtatanong kay Commissioner Faeldon kung ano ang solusyon para matuldukan na ang katiwaliang ito sa Customs, sinabi niya na kailangang magkaroon ng malawakang ­revamp upang malinis ang hanay.

Subalit hindi tayo kumbinsido sa solusyong ito ni Faeldon. Wala ring kuwentang magpalit ng tao sa Customs kung mana­natili ang lumang sistema na madaling mapasukan ng katiwalian.

Araw-araw ka mang magpalit ng tauhan, kung ang susundin nilang sistema at mga patakaran ay marupok sa katiwalian, mananatili ang kultura ng lagayan at tara.

BIDA KA!: Bida sa libreng edukasyon

Mga Bida, noong nakaraang linggo, natupad na ang sina­sabi nilang imposibleng mangyari – ito ay ang pagsasabatas ng ­libreng edukasyon sa kolehiyo na matagal nang inaasam ng maraming Pilipino.

Pinirmahan ni Pangulong Duterte bilang batas ang Universal Access to Quality Tertiary Act o kilala na ngayon bilang Republic Act 10931.

Lubos ta­yong nagpapasalamat sa Pangulo sa pagpirma niya sa napakahala­gang panukalang ito bilang batas.

Sa batas na ito, libre na ang pag-aaral sa state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Bukod pa rito, sagot na rin ng pamahalaan ang miscellaneous at iba pang bayarin, maliban pa sa scholarship grants at loan program para sa mga estudyante.

Ito na po ang ating ika-19 na batas sa apat na taon ko bilang senador.

Ngunit hindi ito maituturing na personal na tagumpay­ lang kundi ito’y tagumpay ng milyun-milyong Pilipino na ­siyang tunay na bida ng libreng edukasyon.

***

Mga Bida, madaling mapako sa istatistika at numero, tulad ng 1.6 milyong estudyante ng mga SUCs, at kaligtaang alamin ang mga kuwento ng mga makikinabang sa mga batas na aming tinatrabaho.

Kaya sa pagbisita sa state universities and colleges sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang dating chairman ng Committee on Education, inaalam namin ang mga talambuhay ng mga ­estudyanteng matagal nang nag-aasam ng libreng kolehiyo.

Kabilang na rito si Janice, 1st year college student sa Panga­sinan State University. Umaasa lang si Janice sa kanyang ate ­para sa allowance habang tinutulungan naman siya ng mga ­guro sa iba pang gastusin tulad ng libro at tuition fee.

Dahil isang Person with Disability o PWD si Janice, kinakailangan pa niyang mag-tricycle mula main gate hanggang classroom.

Sa kabila ng kanyang kalagayan, hindi pa rin nagpapaawat si Janice sa pangarap na maging kauna-unahang miyembro ng kanyang pamilya na nakapagtapos ng kolehiyo. Nais niyang magtrabaho sa pamahalaan kapag nakatapos ng kolehiyo.

Nakikitira naman si Rowee sa kanyang tiyahin sa Tacloban para makapag-aral sa Eastern Visayas State University.

Bilang pantustos sa pag-aaral, maraming raket na pinasok si Rowee,­ ­tulad ng pagiging emcee, stand-up comedian at minsan ay nagfo-footspa pa siya para may pagkakitaan.

Si Manuel naman ay 2nd year student sa Pangasinan State University. Bata pa lang silang magkakapatid nang iwan ng ama.

Dahil sa hirap, pinaampon ng kanyang ina ang dalawa niyang kapatid at kumayod upang buhayin ang mga natirang anak.

Upang makatulong sa gastos, si Manuel ay may maliit na pasa-load business at online business habang nag-aaral ng BS Education.

Tatlo lang sila sa milyun-milyong Pilipino na mababago ang buhay dahil sa pagsasabatas ng libreng edukasyon.

***

Ngunit hindi pa rito natatapos ang laban para sa aming mga mambabatas. Naririyan pa ang hamon na mapondohan ang ­batas upang epektibo itong maipatupad at matugunan ang pangangailangan.

Sa pagtaya, nasa P25 bilyon ang kailangan upang ito’y ­buong mapondohan.

Gaya ng aming sama-samang pagkilos upang ito’y maipasa, natitiyak ko na magkakaisa ring kikilos ang mga mambabatas upang ito’y mapondohan sa mga darating na taunang budget ng pamahalaan at masi­gurong makikinabang sa libreng edukasyon sina Janice, Rowee, Manuel, at ang iba pang mga estudyanteng Pilipino, ang ating bida sa batas na ito.

BIDA KA!: Agham, teknolohiya at edukasyon para sa pag-unlad ng pamilyang Pilipino

Mga Bida, sobrang tuwa ko nang ako’y italaga bilang chairman ng Committee on Science and Technology at Committee on Education sa Senado ­ngayong 17th Congress.

Nakita ko ang napakara­ming posibilidad sa larangan ng agham, teknolohiya at edukasyon upang mapaunlad ang ating ­bayan at mapabuti ang ­buhay ng pamilyang Pilipino.

Bagaman tinanggal na tayo sa komite ng edukasyon, natutuwa tayo na naipasa natin sa ­Senado at pirma na lang ng Presidente ang hinihintay para maisabatas ang Universal Access to Quality­ Tertiary Act na magbibigay ng libreng edukasyon sa mga mag-aaral ng State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges at mga Tech-Voc Institutions ng TESDA.

Dahil isang kumite na lang ang naiwan sa atin, todo ang pagtutok at trabaho natin para sa larangan ng agham at teknolohiya sa bansa. Nitong mga nagdaang araw, puno ng aktibidad ang Committee on Science and Technology.

***

Noong Martes, nagsagawa tayo ng pagdinig ukol sa epekto ng tinatawag na Artificial Intelligence (AI) sa mga trabaho sa bansa, lalo na sa business process outsourcing o tinatawag na call centers.

Nagbigay din tayo ng sponsorship speech para sa ating ­panukala na nagbibigay ng karampatang suporta sa tinatawag na innovative start-up businesses o mga papasimulang negosyong na may kinalaman sa makabagong teknolohiya na naka­tutulong para mapagaaan ang buhay ng mga Pilipino.

Kinabukasan, nagbigay din tayo ng sponsorship speech ­para sa Balik-Scientist Act at Magna Carta for Science and Technology Workers.

***

Nagsagawa tayo ng hearing ukol sa AI matapos tayong makatanggap ng balita na lubhang maaapektuhan nito ang mga trabaho sa bansa, lalo na ang call center industry kung saan ­humigit-kumulang 1.2 milyong Pilipino ang nagtatrabaho.

Dahil sa AI, ang ibang trabaho sa call center industry ay maaari nang palitan ng computer na may kaalaman at kakayahan din tulad ng karaniwang tao.

Ayon sa isang resource person, tinatayang maaapektuhan ang 60 porsiyento ng mga trabaho sa nasabing industriya kapag itinodo na ng ilang kumpanya ang pagpapatupad ng AI sa kanilang sistema.

Batay naman sa numero ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines (ITBPAP), nasa 40,000 ang bilang ng maaapektuhang trabaho dahil sa AI.

Napag-alaman din sa hearing na hindi lang negatibong epek-to ang hatid ng AI kundi may positibong bagay din itong ­hatid, lalo pagdating sa paglikha ng bagong trabaho para sa mas maraming Pilipino.

Ayon sa mga resource persons, nasa 250,000 hanggang 300,000 bagong trabaho ang malilikha dahil sa AI, basta’t maiangat lang ang kakayahan ng mga manggagawang Pilipino­ upang maging akma para sa tinatawag na mid-level at high-­level jobs, tulad ng data analyst at data programming.

***

Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga paaralan at ­educational institutions sa bansa upang matiyak na aangat ang kakayahan ng mga manggagawa sa nasabing sektor.

Dapat nilang tingnan at tiyakin na ang kanilang mga itinuturo ay siyang kailangan ng mga manggagawang naghahanapbuhay sa nasabing sektor.

Sa pamamagitan nito, maaaring mawalan ng trabaho ang ibang bansa dahil sa AI ay mapupunta pa sa Pilipinas kung madadagdagan ang bilang ng ating mid-level at high-level workers.

Mangyayari lang ito kung magkakaroon ng sapat at akmang kaalaman at kakayanin ang ating mga manggagawa.

***

Kaya ngayon pa lang, hinikayat na natin ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor na magtulungan para mapaghandaan na ang problemang ito nang mas maaga.

Importante ang papel ng Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED) upang mailatag ang mga kailangang hakbang upang matiyak na hindi tayo tatamaan ng negatibong epekto ng AI sa mga susunod na taon.

***

Malaki ang oportu­nidad na idinudulot ng teknolohiya sa mga Pilipino, hindi lang sa paggawa ng bagong trabaho ngunit pati sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng bayan sa larangan ng agrikultura, kalusugan, serbisyong kalusugan at kahirapan.

Ngunit upang masunggaban ang mga oportunidad na ito at upang umasenso ang bawat pamil­yang Pilipino, importante ang training at de-kalidad na edukasyon.

BIDA KA!: Ikalawang SONA

Mga Bida, narinig natin noong Lunes ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangu­long Duterte sa joint session ng Kongreso.

Sa dami ng tinalakay ng Pangulo, may mga bagay tayong nagustuhan at may mga nabanggit ang Pa­ngulo na ating hindi sinang-ayunan.

***

Ilan sa mga nagustuhan natin ay ang pangako ng Pangulo na tututukan ang kapakanan ng mga sundalo na nagbubuwis ng buhay upang mapanatiling ligtas ang ating bansa laban sa anumang banta.

Sa talumpati ng Pangulo, nangako siyang maglalaan ng pondo para sa kapakanan ng mga sundalo.

Nangako rin ang Pangulo na pagagandahin ang serbisyo ng mga ospital ng pamahalaan para sa mga sundalo.

Nagustuhan natin ang pangako ng Pangulo na dadagdagan ang assistance fund ng overseas Filipino workers (OFWs) mula P400 milyon patungong isang bilyong piso para maprotektahan ang kanilang karapatan habang naghahanapbuhay para sa kapakanan ng kanilang mahal sa buhay.

Pabor tayo sa binanggit ng Pangulo na bagong panuntunan pagdating sa pagmimina sa bansa, tulad ng mas mataas na buwis sa mining companies para sa kapakinabangan ng mga ­komunidad na naaapektuhan ng pinsalang dulot ng kanilang negosyo.

Suportado rin natin ang planong pagbabago sa mahigpit na sistema ng procurement sa pamahalaan na nakakahadlang sa mabilis na paglalatag ng mga mahalagang proyekto para sa ­taumbayan.

Muli ring iginiit ng Pangulo ang kautusan niyang bilisan at pagandahin ang serbisyong ibinibigay ng mga tanggapan ng pamahalaan sa taumbayan na nakikipagtransaksiyon sa kanila.

***

Hindi naman tayo sumang-ayon sa ilang isyung binanggit ng Pangulo, tulad ng death penalty, na mariing tinututulan hindi lang ng mga miyembro ng minorya, kundi pati ilang ­miyembro ng mayorya sa Senado.

Hindi rin tayo pabor sa kahilingan ng Pangulo na aprubahan ng Senado nang walang anumang pagbabago ang tax ­reform package na inaprubahan ng Kamara dahil tataas ang presyo ng bilihin kapag ito’y ipinatupad.

Hindi ito maaari dahil utang namin sa taumbayan na busisiin ang nilalaman nito at baguhin o alisin ang mga probisyong makakaapekto sa taumbayan.

Tutol din tayo sa tila pagbalewala ng Pangulo sa kahalagahan ng karapatang pantao sa harap ng pinaigting na laban ­kontra ilegal na droga at Martial Law sa Mindanao.

***

Ngunit mas magandang pag-usapan ang mga bagay na hindi nabanggit ng Pangulo sa kanyang mahigit dalawang oras na talumpati.

Ito ay ang libreng edukasyon sa kolehiyo na inaasahan kong magiging tampok sa SONA ng Pangulo.

Nakakapanghinayang dahil sa SONA ang pinakamagandang pagkakataon kung saan magandang ibalita sa taumbayan na ito’y naisabatas na.

Hindi man niya ito nabanggit sa SONA, tiwala ako na ito’y pipirmahan ng Pangulo sa mga susunod na araw dahil magbibigay ito ng pagkakataon sa mas maraming Pilipino na makatapos ng kolehiyo at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Wala ring nabanggit ang Pangulo na malinaw na plano at direksiyon para sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

Tahimik din ang Pangulo ukol sa mga hakbang para sa pag­likha ng mga bagong trabaho para sa ating mga kababayan.

Ito ang mga bagay na ating inabangan sa SONA ng ­Pangulo. Hindi man niya ito nabanggit, kailangan natin itong tutukan upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa at maparami­ ang trabaho at benepisyo sa ating bansa.

BIDA KA!: Protektahan ang BPO sector

Mga bida, isa sa mga sektor na inaasahan pagdating sa trabaho ay ang business process ­outsourcing (BPO) na kasama ang mga call centers.

Dalawang dekada na mula nang ito’y umusbong at lumago sa ­bansa, nakapagbigay na ito ng ­mahigit isang milyong trabaho sa mga Pilipino.

Marami nang buhay ang nabago ng industriya ng call center. Nagkaroon ng magandang trabaho, negosyo at kinabukasan ang marami nating ­kababayan sa ­tulong nito.

Si Godfrey ay nagtapos ng kursong Associate in Computer Science sa isang vocational school sa Maynila. Dahil limitado ang kumpanya na nangangailangan sa kanyang serbisyo, nagpalipat-lipat siya ng trabaho.

Naranasan ni Godfrey na mamasukan sa isang restaurant bilang service crew, messenger sa isang maliit na opisina at pagiging encoder sa isang law office.

Makalipas ang ilang taon, nagsimula nang magpasukan sa bansa ang call center agencies. Dahil marunong naman mag-English, nagka-interes si Godfrey na mag-apply.

Ngayon, halos dalawampung taon ang nakalipas, naka­pundar si Godfrey ng sariling bahay sa Marikina at naka­bili na rin ng kotse na kanyang ipinabibiyahe bilang Uber.

***

Si Berna naman ay nag-aaral sa kolehiyo ngunit hindi niya matapus-tapos ang kurso dahil sa kawalan ng sapat na salapi para makapag-aral.

Sa kagustuhang makatapos, nag-apply siya sa call center upang makapag-ipon ng pantustos sa pag-aaral.

Ang ginagawa ni Berna, iniipon muna niya ang suweldo sa call center saka nag-e-enroll kapag sapat na ang natipid.

Paunti-unti man niyang natatapos ang kurso, alam niyang may malinaw na direksyon ang kanyang kinabukasan sa ­tulong ng call center.

***

Inaasahan na marami pang Godfrey at Berna ang makikinabang sa paglago ng BPO sector sa mga susunod na taon.

Sa pagtaya, mula sa kasalukuyang 1.15 milyong emple­yado, aakyat  sa 1.8 milyon ang mga Pilipinong direktang naghahanap-buhay sa industriya ng call center pagsapit ng 2022. Maliban dito, plano rin ng BPO sector na lumikha ng 5.8 milyong indirect jobs pagsapit ng nasabing taon.

Ito ang mga negosyo na umuusbong ‘pag nagkakaroon ng call centers sa isang lugar – mga kainan, tindahan, pharmacy, kahit mga tricycle drivers makikinabang dahil merong pasa­hero kahit madaling-araw.

***

Ngunit maraming mga nakaambang banta at hadlang sa sektor ng BPO dahil sa ilang isyu at alalahanin.

Kabilang na rito ang balak na alisin ang tax incentives sa ilalim ng tax reform package ng kasalukuyang pamahalaan.

Kapag itinuloy ang panukalang alisin ang tax incentive, pakiwari ng BPO sector na hihina ang kanilang industriya at maisasantabi na ang Pilipinas bilang isa sa paboritong destinasyon para sa kanilang negosyo.

Maituturing na masamang timing kapag nagbago ng ­polisiya ang ating pamahalaan, lalo pa’t may plano  ang ibang mga bansa na ibalik ang mga trabahong nawala sa kanila at napunta sa atin. Meron ding pangamba dahil sa pag-usbong ng AI o Artificial Intelligence kung saan computer na ang papalit sa ibang trabaho sa BPO industry.

***

Sayang lang ang dalawang dekadang pinaghirapan para palaguin ang sektor ng BPO kung ganito lang ang mangyayari. Kailangan nating protektahan ang trabaho ng bawat Pilipino.

Ang bawat trabahong nalilikha ay katumbas ng kabuha­yan, pagkain, tirahan at edukasyon ng isang pamilyang ­Pilipino.

Kaya kailangan natin itong mabantayan sa Senado upang maprotektahan ang isang sektor na nagbibigay ng kita’t kabuhayan sa maraming Pilipino.

BIDA KA!: Basbas mula sa Santo Papa

Mga Bida, makalipas ang ilang taong paghihintay, natuloy din ang matagal nang plano naming mag-asawa na bumisita sa Italy dalawang­ linggo na ang nakalipas.

Doon, marami kaming nakita at nakilalang mga kababayan, kabilang si Alex na nakasama namin sa hotel na dalawampu’t apat na taon na sa Italy.

Sa aming pag-uusap, naikuwento sa akin ni Alex ang kanyang buhay sa Italy, pati na ang mga importanteng tao na naging panauhin ng hotel.

Nakilala naman ng aking misis ang isa nating kababayan na si Rochelle, na nagtatrabaho sa simbahan sa Italy. Natuwa naman ako at nabanggit niya na parati niya akong isinasama sa kanilang dasal.

Sa huling araw namin sa Italy, nagpadala pa siya ng mga babasahin mga pamphlet tungkol sa kanilang Catholic ­community at sa mga nagsimula nito.

***

Siyempre, ang pinakatampok na pangyayari sa aming pagbisita sa Roma ang pagbisita namin sa Vatican para makita si Pope Francis.

Maaga pa lang ay nakapila na kami kung saan nakatabi ­namin ang ilan nating mga kababayan galing sa Bacolod, ­Estados Unidos at Naga at iba pang mga lahi, gaya ng Kastila, Australyano, Pranses, at Aleman.

Dahil sa dami ng mga bansang kasapi sa audience na iyon, talagang masasabing worldwide ang appeal ni Papa Kiko.

Bihira ang ganitong pagkakataon na nagbibigay ng mensahe ang Santo Papa na inihahatid sa pitong iba’t ibang wika upang maintindihan ng mga dumalaw.

***

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Santo Papa na sa panahon natin ngayon, kailangan kang makipagsapalaran at makipag­laban para sa iyong pananampalataya.

Pinayuhan pa ng Santo Papa ang mga nakikinig na huwag mag-aalala sa kabila ng mga pagsubok at batikos dahil mana­naig ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng bagay.

Tinamaan ako sa mensaheng iyon ng Santo Papa, lalo pa ngayong miyembro tayo ng oposisyon.

Sa kabila ng mara­ming batikos, maraming puna at kabi-kabilang paghihirap at mga kritiko, ang mahalaga, dapat nating panindigan ang ating paniniwala at ipaglaban ang tama.

***

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nag-ikot ang Santo Papa upang basbasan ang mga dumalo. Tiniis namin ang init ng araw sa paghihintay sa kanyang pagdaan sa aming puwesto.

Nang dumating na ang pinakahihintay naming sandali, agad kong kinamayan ang Santo Papa, hinalikan ang kanyang kamay sabay sabi ng “Holy Father, I’m a senator from the Philippines, please pray for my country”.

Natuwa naman ang Santo Papa sa aking sinabi at sinagot ako ng isang matamis na ngiti. Pagkatapos, binasbasan ­kaming mag-asawa ng Santo Papa.

Pakiramdam naming mag-asawa, kami na ang pinakamasuwerteng tao sa mundo dahil nabigyan kami ng pagkakataong makadaupang-palad at mabigyan ng basbas ng Santo Papa.

Higit sa lahat, napakapalad naming mabigyan ng pagkakataon upang hilingin sa Santo Papa na ipagdasal ang ating pinakamamahal na Pilipinas.

Scroll to top