BIDA KA!: Pagkakaisa susi sa himala
Lumipas ang mga oras pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi inalis ang tainga sa radyo at ang mga mata sa telebisyon.
Nagbunga naman ang matiyagang paghihintay nang bandang alas-tres ng madaling-araw ng Miyerkules nang ianunsiyo ng pamahalaan ng Indonesia ang isang malaking himala.
Ipinagpaliban nila ang pagbitay kay Mary Jane ilang minuto na lang bago ang nakatakda niyang pagharap sa firing squad.
Maituturing na malaking himala ang nangyari dahil ang lahat ng indikasyon ay tuloy nga ang pagbitay kay Mary Jane. Katunayan, itinuloy na ng Indonesia ang pagbitay sa walong iba pang drug convicts na nauna kay Mary Jane.
Nagbunyi ang buong bansa, pati na rin ang buong mundo, sa nangyaring himala.
***
Ngunit kung ako ang tatanungin, mas malaking himala ang nangyaring pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan para mailigtas si Mary Jane.
Mula sa administrasyon, oposisyon at makakaliwang grupo, iisa lang ang naging pagkilos at iisa lang ang isinulong.
Matagal-tagal na rin bago ito nangyari. Isang Mary Jane Veloso ang kinailangan upang muling pag-isahin ang mga sektor na nahati ng pulitika, galit at marami pang isyu.
Palagi kong sinasabi na kapag naupo sa iisang mesa ang iba’t ibang sektor, may positibong resulta o pangyayari. Sa sitwasyong ito, malaking himala ang kanilang nakamit.
Sa sama-samang pagsisikap ng maraming sektor, muling napatunayan na walang imposible at maaaring makamit lahat.
***
Pagkatapos nito, mainit ang naging usapan kung sino ang dapat pasalamatan at mabigyan ng credit sa pangyayari.
Mga Bida, hindi mahalaga kung sino ang dapat pasalamatan. Ang mahalaga rito, pansamantalang nabigyan ng panibagong buhay si Mary Jane.
Sa halip na sabihing, “si ganito o si ganyan ang susi sa nangyari at dapat bigyan ng papuri”, mas mainam siguro na papurihan ang lahat dahil sa sama-sama namang kumilos.
Ito ay isang bihirang pagkakataon na lahat ay sama-samang kumilos tungo sa iisang hangarin. Bakit hindi natin ito kayang gawin para sa mas nakararaming Pilipino?
***
Upang muling mapagsama-sama sa iisang mesa ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang sektor, naghain tayo ng resolusyon na layong imbestigahan ang kaso ng mga OFW na nahaharap sa death penalty sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nais ko ring malaman kung bakit naaantala ang pagresolba sa iba pang mga kasong may kinalaman sa OFWs, lalo na pagdating sa illegal recruitment at trafficking.
Sa huling bilang ng Department of Foreign Affairs, 805 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Apatnapu’t lima sa kanila ang nasa death row.
Sa nasabing tala, 341 sa kabuuang bilang ng kaso ay nasa Asya, 244 sa Middle East at Africa, 116 sa United States at 104 sa Europe.
Hangarin ng pagdinig na alamin kung hanggang saan ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa ating OFWs, na nagpapasok ng $22 billion kada taon sa ekonomiya ng bansa.
Kung itinuturing natin bilang bayani ang ating OFWs, dapat natin silang bigyan ng sapat na suporta at proteksyon lalo na’t sila’y nasa ibang bansa.
Malaki ang kanilang kontribusyon sa kaunlaran ng bansa. Huwag natin silang pabayaan!
First Published on Abante Online
Recent Comments