BIDA KA!: Kalbaryo sa MRT
Mga Bida, tiyak na marami sa atin ang nakaranas nang maghintay ng ka-meeting sa isang mall ng 40 minuto o higit pa.
Dahil malamig ang paligid at maraming paglilibangan, hindi natin alintana ang pagtakbo ng oras habang hinihintay ang pagdating ng ating kausap.
Kabaligtaran nito ang sitwasyon ng libu-libong kataong nagtitiyagang pumila para lang makasakay sa MRT araw-araw.
Sa gitna ng mainit na araw o malakas na ulan, walang magawa ang kawawa nating mga kababayan kundi pumila upang mas mabilis na makarating sa kanilang paroroonan.
Sa pagtaya ng Light Rail Authority (LRA), nasa pagitan ng 30 hanggang 40 minuto ang hihintayin ng isang pasahero para makasakay sa MRT-3.
Kung mamalasin, mas matagal pa rito ang paghihintay kapag nagkaroon ng aberya, na madalas nangyayari ngayon dahil na rin sa kalumaan ng tren pati na rin ng sistema.
Sa kabila nito, tinitiis pa rin ng ating mga kababayan ang 40 minutong pagpila kaysa magkaugat na sa grabeng trapik sa EDSA.
Kung isasama nga ang 30 minutong biyahe sa oras ng paghihintay, kung galing sa Quezon City, nasa Makati o ‘di kaya’y Pasay ka na sa loob lang ng 70 minuto.
Mas mabilis pa rin ito kumpara sa dalawa hanggang tatlong oras na bubunuin kapag sumakay ka ng bus sa EDSA.
***
May pag-asa pang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan na umaasa sa MRT sa kanilang pagbiyahe.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, sinabi ng isang LRA official na kung makukumpleto lang ang lahat ng kailangang rehabilitasyon, sampung minuto na lang ang hihintayin ng mga pasahero para makasakay.
Ang problema, dalawang taon bago makumpleto ang nasabing rehabilitasyon na mangangailangan ng P6.8 billion.
Sa nasabing rehabilitasyon, bibili ng mga bagong bagon, papalitan na ang mga depektibong riles at ilang mahahalagang bahagi sa sistema.
Ngunit mas tatagal pa ang paghihintay kung magtatagal pa ang alitan sa pagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Metro Rail Transit Corporation (MRTC), ang pribadong kumpanya na nagpapatakbo sa MRT.
Ang sigalot sa pagitan ng DOTC at MRTC ay nagiging hadlang sa hangarin ng pamahalaan na mapaganda ang sistema ng MRT-3.
Araw-araw nang nagdurusa ang taumbayan sa pagpila ng apatnapung minuto, hindi katanggap-tanggap na paghintayin pa sila ng dalawang taon.
Kung may kailangang ayusin sa sistema, huwag na nating hintayin pa ang 2016 bago ito pondohan.
Ngayon pa lang, simulan na ang proseso para ito’y maayos na sa lalong madaling panahon.
Utang natin sa taumbayan ang mabigyan sila ng maayos at mabilis na sistema ng transportasyon.
First Published on Abante Online
Recent Comments