Bida Ka! (Abante)

BIDA KA!: Rehas na bakal para sa nambabakal!

Mga Bida, bumisita ako sa Bohol kamakailan upang tingnan ang ginagawang rehabilitasyon ng lalawigan mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol noong nakaraang taon.

Malaking perhuwisyo ang iniwan ng nasabing lindol sa lalawigan at kalapit-probinsiya na Cebu.

Maliban sa mahigit dalawandaang buhay na nawala, at nasira rin ang ilang tourist spots ng probinsiya.

Kung sa ibang lugar ay nagsisikap na mag-reclamation, doon sa isang lugar sa Bohol ay may bagong baybayin ang uma­ngat dahil sa lindol.

Pati mga simbahan sa Baclayon, Loboc at Loon na ilang daang taon na ang edad ay nadurog sa malakas na pagyanig.

Sa pag-ikot ko sa probinsya kasama ang gobernador na si Edgar Chatto, pinakita niya ang mga ginagawang rehabilitas­yon sa mga daan, gusali at iba pang imprastraktura.

Hindi nagpapatalo ang mga Boholano sa nangyaring sakuna sa kanila.

Ang mga pribadong kumpanya, NGO at gobyerno ay sama-samang nagtatrabaho para muling ibalik ang dating sigla ng kanilang probinsya.

***

Sa aming pag-iikot, naagaw ang aking pansin ng dalawan­g magkalapit na bahay na gawa sa semento. Ang isa, talagang sira-sira na habang ang kalapit na bahay ay nakatayo pa rin.

Nakakapagtaka dahil halos magkatabi lang ang dalawang bahay at parehong sementado pa. Paano nangyari na ang isa ay nagiba at habang ang isa ay kinaya ang malakas na lindol?

Napag-usapan namin na siguro, ang ginamit sa nagibang bahay at iba pang nasirang istruktura ay mahinang klase ng bakal at hindi sumunod sa umiiral na panuntunan.

Hindi dapat ganito ang sitwasyon. Sa bansang gaya ng Pilipinas na madalas bisitahin ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, mahalaga na mayroong matibay na istruktura.

Kung ginamit lang ang tamang klase ng bakal, siguro ‘di ganoong kagrabe ang napinsala at hindi sana umabot sa mahi­git dalawandaang katao ang nagbuwis ng buhay.

Sabi nga ni Gov. Chatto sa aming pag-uusap, “Walang namamatay sa lindol. Marami ang namamatay dahil nababagsakan ng mga nagibang gusali”.

***

Napapanahon pala ang pagdalaw kong ito sa Bohol. Ti­yempo kasi na ilang araw bago ako nagtungo roon, naghain ako ng resolusyon para imbestigahan ang talamak na pagbebenta ng mahinang klase at puslit na produktong bakal sa merkado.

Ito’y bahagi ng aking tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ang tiyakin na lahat ng binebenta sa merkado ay nasa tamang kalidad.

Hiningi ko ang imbestigasyon kasunod ng paglapit sa akin ng ilang grupo gaya ng Philippine Iron and Steel Institute (PIS­I) at Steel Angles, Shapes and Sections Manufacturers Association of the Philippines, Inc. (SASSMAPI) at ng Department of Trade and Industry (DTI).

Talamak ang bentahan ng mahinang klase at puslit na produktong bakal gaya ng reinforcing steel bars.

***

Sa kalakaran ng mga walang pusong nagbebenta ng mahinang uri ng bakal, ang produktong may nakatatak na tamang bigat ay mas magaan pala.

Buhay ang katumbas na kinikita nilang ekstra sa maru­ming paraan.

Masahol pa sila sa mga kriminal na halang ang kaluluwa dahil maraming buhay ang kanilang inilalagay sa panganib at kapahamakan.

Kaya sa gagawin nating imbestigasyon, mananagot ang dapat managot. Malamig na rehas na bakal ang dapat katapat ng mga nambabakal.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Wala nang ‘Bakwits’

Mga Bida, nagdiriwang nga­yon ang buong bansa, lalo na ang mga taga-Mindanao, kasunod ng pagpirma ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ang pagpirma sa kasunduan ay hudyat ng simula ng bagong panahon ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, na lubhang nalumpo ng ilang dekadang bakbakan sa pagitan ng dalawang panig.

Sa mga nakalipas na panahon, karaniwan nang larawan ng karahasan ang Mindanao. Libu-libong katao ang nagbuwis ng buhay habang milyun-milyon naman ang nawalan ng tirahan at ikabubuhay dahil sa kaguluhan.

Dahil sa digmaang ito, maraming pagkakataon ang nasayang upang magamit ang masaganang likas na yaman ng Mindanao, na naging daan sana ng kaunlaran ng rehiyon.

Imbes na maging paboritong destinasyon ng mga negosyante’t mamumuhunan, ang Mindanao ay parang isang taong may malalang sakit na nilalayuan ng lahat.

Lahat ito ay nakatakdang magbago, ngayong nagkasundo na ang pamahalaan at MILF na magkasamang kikilos para sa kaunlaran at pangmatagalang kapaya­paan ng Mindanao.

Sa pangakong kapayapaan at seguridad ng kasunduan, mabubura na ang masamang imahe ng Mindanao at masisimulan na ang matagal na inaasam na pag-unlad nito.

Ngayong plantsado na ang kasunduan, magiging madali na ang pagpasok ng negosyo na magbibigay ng trabaho at iba pang uri ng kabuhayan sa ating mga kapatid sa Mindanao.

Naniniwala ako na ang Mindanao ay susi sa mabilis na pag-abot ng pag-asenso na hinahangad ng lahat.

***

Dahil sa digmaan, sumikat ang katagang “bakwit”, o tawag sa mga residente na lumilikas sa evacuation centers para hindi maipit sa kaguluhan.

Sa kasunduang ito, tapos na ang araw ng pagtakbo ng mga pamilya mula sa kaguluhan at pag-iwas sa mga bombang pinapakawalan ng magkabilang panig.

Babalik na sa normal ang pamumuhay ng milyun-mil­yong mga taga-Mindanao. Makakatulog na sila nang payapa tuwing gabi. Makakagala na sila sa iba’t ibang tanawin sa Mindanao nang hindi tumitingin sa kanilang mga likuran.

Wala nang mararamdamang pangamba ang mga magulang kapag naglalaro ang mga anak sa mga kalsada at hindi sa maruming paligid ng evacuation centers na ilang taon ding naging tahanan.

Sa darating na pasukan, maipagpapatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral. Wala nang kaguluhang pipigil sa kanilang hangarin na makakuha ng diploma at magkaroon ng magandang buhay.

Muli na ring mabubuhay ang nawasak na pangarap ng mga taga-Mindanao ngayong may mas malinaw nang kinabukasan para sa kanila.

Mga Bida, ang kapayapaang dumating sa Mindanao ay para sa lahat ng Pilipino tungo sa malawakang kaunlaran.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Si Nanay Coring at si Injap

Mga Bida, ngayong nasa ­huling bahagi na tayo ng buwan ng Marso, maraming estudyante ang magtatapos, bilang tagumpay nila sa hamon ng silid-aralan nang ilang taon.


Tutuloy na sila sa kanilang paglalakbay upang matupad ang kanilang mga pangarap.

May mga kuwento ako tungkol sa mga Pilipinong nagpun­yagi na maaari nilang gamiting gabay tungo sa magandang kinabukasan.

***

Ilang dekada na ang nakakaraan, mahirap lang ang ­pamilya ni Nanay Coring at kaya sa murang edad pa lang, tumulong na siya sa kanyang pamilya sa pagbebenta ng suka, saging at bakya sa isang palengke sa Sta. Cruz, Laguna.

Nang nakapagtapos ng high school, pumasok siya bilang tindera sa isang bookstore sa Escolta.

Doon niya nakilala ang kanyang magiging asawa at partner sa negosyo.

Sa puhunang P120 lang, itinayo nina Nanay Coring at ng kanyang asawa ang sariling tindahan ng school supplies at ­libro sa isang maliit na puwesto.

Sa pagdating ng mga Hapon, napilitan silang mag-iba ng paninda tulad ng sabon, kendi at tsinelas upang hindi pagdudahan ng mga dayuhan ang ibinebenta nilang libro.

Nang bombahin ng mga Amerikano ang buong Escolta, kasamang nasunog ang tindahan nina Nanay Coring. Subalit hindi siya nasiraan ng loob at muling binuhay ang negosyong bookstore sa kanto ng Avenida at Soler.

Dahil sa pagsisikap ni Nanay Coring o Socorro Cancio ­Ramos, nagtuluy-tuloy ang paglago ng kanilang negosyo. Ngayon, mayroon nang 85 na sangay sa buong bansa ang bookstore na kilala ng lahat bilang National Bookstore.

***

Ibabahagi ko rin ang kuwento ng isang batang entrepreneur mula Iloilo City.

Noong 2003, nangarap si Injap na magbukas ng negosyo kaya nagpasya siyang magtayo ng restaurant na nagbebenta ng inasal – isang uri ng barbeque na kilala sa Visayas – sa isang mall.

Mula sa maliit na espasyo, maraming tumangkilik nang kanyang inasal at nakapagbukas siya ng halos 400 sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngayon, si Edgar “Injap” Sia ang isa sa pinakabatang ­bilyonaryo sa bansa matapos bilhin ng Jollibee ang “Mang Inasal” sa halagang tatlong bilyong piso.

Ilang dekada man ang pagitan sa kuwento nina Nanay ­Coring at Injap, pareho ang naging susi sa kanilang tagumpay – kasipagan, pagpupunyagi at pagiging malikhain.

***

Mga Bida, maraming kabataan na naman ang madadagdag sa hanay ng mga naghahanap ng trabaho.

Sa mga kuwento natin, natuklasan nating may mga alternatibong hakbang para kumita.

Kaysa magkaroon ng boss, mas maganda nga naman kung ikaw ang boss sa iyong sariling negosyo. Basta maganda ang ideya mo at pairalin ang kasipagan, mas malaki ang inyong pagkakataong umasenso.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kuwentong snatcher

Mga Bida, habang tuluy-­tuloy ang ating pagtatrabaho ukol sa mga adbokasiya at mga panukalang batas sa Senado, diretso pa rin ang pagtutok ng Blue Ribbon Committee sa PDAF scam.

Gaya ng parating sinasabi ng isang sikat na broadcaster, ‘di natin tatantanan ang isyu hanggang lumabas ang buong katotohanan. Ito ang pangako natin sa taumbayan na siyang biktima sa katiwaliang ito.

Kamakailan, sa kasagsagan ng pagdinig ay nakipag­kuwentuhan sa akin ang isang youth leader.

Sabi niya, “Kuya, ang mga snatcher, madudungis, madudumi at mukhang palabuy-laboy sa lansangan. At ang nanakawin sa iyo, siguro cellphone o wallet mo lang.”

“Pero ang mga sangkot sa iskandalo sa PDAF, ang aayos tingnan, malilinis, mababango at nakatira sa mga mansyon. Iyon pala ay bilyun-bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan,” dagdag pa ng youth leader.

Nakuha ko agad ang punto ng youth leader. Dapat tayong maging mapanuri sa lahat ng tao, lalo na iyong mga tini­tingala sa lipunan.

Gaya na lang ng sinasabing utak sa PDAF scam na si Janet Lim Napoles. Isa siyang iginagalang na miyembro ng alta-­sosyedad. Iyon pala, ang perang winaldas niya ay mula pala sa pinaghirapan ng taumbayan.

Nariyan din si Delfin Lee, ang may-ari ng ilang mala­laking condominium units at subdivisions sa Kamaynilaan at ­kalapit-lalawigan.

Sa estado niya sa buhay, hindi mo maiisip na sangkot pala siya sa pagkawala ng halos pitong bilyong pisong pondo ng Pag-IBIG.

Kaya mga Bida, maging mapagbantay tayo sa lahat ng ating nakakasalamuha.

***

May isa pa akong kuwento tungkol sa mga snatcher.

Ang grupo ni Rustie Quintana ay notoryus na mga ­snatcher at gangster sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanilang mga kalokohan, ilang beses nang nag­labas-masok si Rustie at ang mga kasama niya sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Nangangarap na magbago, minsang umakyat si Rustie ng puno at tinanaw ang Xavier University-Ateneo de Cagayan, sabay malakas na sinabing “balang araw ay mag-aaral ako ­diyan.”

Malakas na tawanan lang ang tinanggap ni Rustie mula sa kapwa batang kalye, ngunit hindi nasira ang kanyang loob at ipinangako sa sarili na gagawing katuparan ang kanyang ­pangarap.

Nabigyan ng pagkakataong mabago ang buhay ni Rustie at ng kanyang mga kasama nang tulungan sila ng youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang Dire Husi.

Sa ilalim ng programang “Arts Ville,” tinitipon ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Nanalo sina Rustie at ang Dire Husi ng Ten Outstanding Youth Organization (TAYO) Awards dahil sa kanilang misyon noong 2012.

Nang parangalan sila sa Malacañang, lumapit sa akin si Rustie at sinabing, “Kuya hindi ko akalain na makakaabot ako dito sa Malacañang at makakamayan ang Presidente.”

Kamakailan lang, napag-alaman kong si Rustie ay kumukuha ng kursong business management sa paaralang pina­ngarap niyang pasukan — ang Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Mga Bida, patunay lang ito na walang imposible sa mundo basta’t determinadong magbago ang isang tao.

Kaya hindi tayo dapat maging mabilis sa paghusga. Hindi porke’t marumi, masama na. Hindi dahil malinis manamit, matino na.

May kasabihan nga, hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Mayroon din namang nakakatanso.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Rags to Riches

Mga Bida, naaalala ko pa noong 2006, ipinatawag kaming magkakaibigan ni Fr. Javy Alpasa at ipinakilala sa mga nanay ng Payatas, Quezon City.

Nang kami’y bumisita sa lugar, naikuwento ng mga nanay ang kanilang gawain sa isang araw.  Wala silang trabaho noon kaya sila’y nag-aalaga lamang ng kanilang mga anak.  At nauuwi ang kanilang araw sa tsismisan.

Ang tanging pinagkukunan nila ng kita noon ay ang pananahi nila ng mga retaso at gawing mga basahan.

Sa bawat basahang nagagawa nila, piso ang kanilang kita; sa isang araw, walong basahan ang kanilang nagagawa.  Kaya naman walong piso lamang ang kinikita ng isang nanay sa isang araw.

***

Naisip naming palakihin ang kanilang merkado.  Nagpasya kaming tulungan sila sa pamamagitan ng backward at forward integration.

Sa forward integration, tinulungan namin ang mga nanay na maibenta ang kanilang produkto sa mga supermarket at bazaar upang madagdagan ang kanilang kita.

Sa ilalim naman ng backward integration, kinonekta namin sila sa mga pabrika na pinagkukunan ng retaso para sa paggawa nila ng produkto.  Dahil dito ay mas marami nang suplay ng retaso, kaya’t mas marami rin ang nagagawa nilang basahan.

Mula piso, kumikita na sila ng 17 piso kada basahan; sa isang araw, 136 na piso na ang kanilang naiuuwi. ‘Di hamak na mas malaki na iyon kaysa sa 8 piso bawat araw, ‘di ba, mga Bida?

Ngunit ginusto pa naming maging mas malaki at mas regular ang kita ng mga nanay sa Payatas.

***

Isa sa mga kaibigan namin ang nagbigay ng suhestiyon na ipa­kilala si Rajo Laurel sa mga nanay.  Isa si Rajo sa mga pinakasikat na fashion designer sa bansa.

‘Di namin akalain na magiging interesado si Rajo sa mga nanay ng Payatas at sa kanilang basahan.

***

Nang makita ni Rajo ang mga retaso, sinabi niyang hindi basahan ang kanyang nakikita rito kundi magagandang bag na puwedeng gamitin ng mga sosyal.

Dito na nagsimula ang Rags2Riches.

Ngayon, ang mga ginagawang bag ng mga nanay sa Payatas ay ibinebenta na sa mga sikat na tindahan, ‘di lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo tulad ng New York, UK at Japan.

Dahil sa tagumpay na ito, nagkaroon na ng regular na kita ang mga nanay. Kinailangan na nilang magbukas ng bank account at mayroon na silang savings program para sa kanilang kinabukasan.

Maliban pa rito, nagwagi rin ang Rags2Riches ng mga parangal sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Kahanga-hanga, ‘di ba mga Bida?

***

Ang nangyari sa Rags2Riches ang isa sa ating mga inspirasyon sa paghahain ng Social Enterprise Bill, isang panukalang nagtutulak ng tunay na pag-asenso para sa lahat, sa pamamagitan ng dagdag na suporta para sa mga social enterprises.

Ang “social enterprise” ay tumutukoy sa isang negosyo na direktang tumutulong sa mahihirap.

Kapag naaprubahan ang panukalang ito, maglalatag ng suporta ang pamahalaan para makapagpatayo ng mas marami pang social enterprise tulad ng Rags2Riches na magbibigay ng mas malaking kita para sa mahihirap.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Go K to 12!

Mga Bida, kasabay ng muling pagbabalik-eskuwela ng milyun-mil­yong kabataang Pinoy, mainit din ang usapin ukol sa K to 12 Basic Education Program na naisabatas noong 2013.

Layon ng batas na ito na maisabay ang Pilipinas sa modernong sistema ng edukasyon sa ginagamit na sistema ng mundo. Bago kasi ang K to 12, tayo na lang ang bansa sa Asya na gumagamit ng 10-year pre-university cycle.

Sa buong mundo, isa tayo sa tatlong bansa  kasama ang Angola at Djibouti – na gumagamit pa ng 10-year basic education system.

Sa programang ito, magkakaroon ng dagdag na Grades 11 at 12 na magbibigay ng sapat na kaalaman sa mga estudyante kung nais na nilang magtrabaho agad o ‘di kaya’y magtayo ng sari­ling negosyo.

***

Subalit malaking hamon ang kinakaharap ng programa dahil ilang sektor ang kumukuwestiyon sa kahandaan ng pamahalaan na ipatupad ito.

Bago naging batas, masusing pinag-aralan ang K to 12 Education Program ng mga pribado at pampublikong sektor, batay na rin sa pagsasaliksik at karanasan sa edukasyon.

Kaya hindi na kailangang pagdebatehan ang kahalagahan ng K to 12 sa kaunlaran ng edukasyon sa Pilipinas at sa paghubog ng mas magaling at mas handang mga mag-aaral sa kinabukasan.

Mga Bida, ang mas nararapat na tanong ay kung kaya ba na­ting maipatupad ang repormang ito sa buong bansa.

***

Mga Bida, kung pag-uusapan natin ang mga naabot ng DepEd sa nakalipas na limang taon, masasabing marami na ang kanilang nagawa sa pagpaangat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Noong 2010, may backlog na 66,000 classrooms ang bansa. Sa nakalipas na limang taon, nakapagpatayo ang DepEd ng 142,149 na silid-aralan.

Sa limang taon ding iyon, kumuha ang DepEd ng 167,121 guro dahil na rin sa lumalaking populasyon ng mga mag-aaral.

Kung pondo naman ang pag-uusapan, itinaas ng Senado ang budget ng DepEd sa P364.66 bilyon ngayong taon, na mahigit doble sa pondo ng ahensiya noong 2010 na P174 bilyon.

Sa mga datos na ito, marami nang nagawa ang DepEd at malaki na ang ikinaganda ng edukasyon sa bansa sa nakalipas na limang taon.
Mga Bida, makikita ang kakayahan ng DepEd at ng iba pang stakeholders na ilatag ang kailangang paghahanda at pagpapaganda upang maipatupad nang husto ang programa.

Aminado tayong marami pang dapat ayusin sa pagpapatupad ng K-12 system, kabilang ang pagkuha ng mga bagong guro at mga tauhan sa iba’t ibang posisyon, training sa transition, paglalathala ng mga libro at pagdaragdag pa ng mga imprastruktura.

Sa kabila ng mga hamong ito, mayroon pa tayong isang taon bago ang tuluyang pagpapatupad ng K-12 Program.

May isang taon pa upang makahanap ng mga solusyon sa mga nakaambang isyu at para matugunan ang mga pangamba ng ating publiko sa bagong programa.

Ang mahalaga rito, huwag tayong mag-iwanan at huwag bumitiw habang papalapit na tayo sa buong katuparan ng programang K to 12.

Ituloy natin ang pag-aalalay, paghahanda, at pagbibigay suporta sa DepEd, sa ating mga paaralan at mga guro.
Ngunit ang pinakamahalaga, ito’y para sa mas magandang kinabukasan ng ating kabataang Pinoy at ng buong bansa!

 

First Published on Abante Online

 

 

BIDA KA: Maliliit na panalo

Mga Bida, pamilyar ba kayo sa terminong IP peering?

Kabisado ng mga ­techie o iyong mahihilig sa makabagong gamit at teknolohiya ang salitang ito ngunit hindi naman para sa mga ‘di techie.

Upang lubos na ma­unawaan ang takbo ng IP peering, gagamitin ko bilang halimbawa ang mag­kaibigang sina Vic at Joey, na magkaharap lang ang bahay sa Quezon City.

Kung may nais ­ibigay na regalo si Vic sa kanyang kaibigang Joey, pina­padala muna niya ito sa Estados Unidos bago ito makara­ting sa bahay ni Joey, at ganundin si Joey pag may ipapadala kay Vic.

Talagang pinapahirapan ng dalawang magkaibigang ito ang isa’t isa sa halip na tumawid na lamang sa kalsada at iabot ang mga regalo sa isa’t isa. Sa ganitong sistema, mabagal, sayang sa oras at magastos pa.

Ganito ang ­sistema ng ating telecommunications companies sa nga­­yon dahil sa ­kawalan ng IP pee­ring. Ang ­dala­wang telcos ay parang sina Vic at Joey na magkapitbahay lang pero wala silang direktang koneksiyon sa isa’t isa.

Kung ikaw ay isang subscriber at may bubuksan na website na nasa kabilang telco, bibiyahe pa ang data sa US bago bumalik ang iyong data sa iyong computer.

Sa ganitong proseso, mas matagal ang takbo ng ating Internet connection dahil kailangan pang bumiyahe sa milya-mil­yang kable ang data bago pa mabuksan ang website sa ating computer.

Subalit isang magandang balita ang ating tinanggap kamakailan sa padinig natin tungkol sa mabagal at mahal na Internet sa bansa.

***

Sinabi ng mga ­telcos at ng Department of ­Science and Technology (DOST) na malapit nang mabuo ang memorandum of agreement (MOA) para sa IP peering para sa lahat ng telcos sa bansa.

Sa plano, papayagan na ang IP peering gamit ang exchange server ng DOST upang direkta nang makapag-usap ang mga ISP nang hindi na dadaan pa sa ibang bansa.
May commitment na ang mga telcos at go­vernment agencies sa IP peering para sa mabilis na pagbuo ng MOA, na maaari nang mapirmahan anumang oras.

Kapag naisakatuparan ang IP peering, magiging lokal na ang nila­laman ng mga website sa Pilipinas. Mas bibilis ang Internet at mas madali nang magbukas ng mga website dahil hindi na kailangang umikot pa sa malayong bahagi ng mundo ang data.

***

Isa pa sa maituturin­g na maliit na panalo ay ang plano ng National Telecommunications Commission (NTC) na lumikha ng isang memorandum circular na siyang magtatakda ng dapat na bilis ng Internet sa bansa.

Kapag lumabas iyon, puwede na itong ibangga sa opisyal na bilis sa nakalagay sa advertisements ng telcos.

***

Sinimulan na rin ang pagtalakay sa mga prose­so ng ating gobyerno ukol sa paglalagay ng telcos ng imprastruktura gaya ng cell site at mga kable na magpapabilis sa ating Internet.

Sa kasalukuyang sis­tema, labing-anim na hak­bang at anim hanggang pitong ­national government ­agencies ang dapat daanan bago makapagpatayo ng impras­truktura sa isang lugar.

Dahil dito, napipigi­lan ang expansion programs ng telcos para sa mas magandang Internet.

Nagpahayag ang NTC na pag-aaralan ang mga nasabing hakbang para mas mapadali ang pagkuha ng mga permit ng telcos sa mga national agencies.

Sa panig ng DILG, nangako silang makiki­pag-ugnayan sa mga siyudad, munisipalidad at mga lalawigan para sa pag-aaral ng mga bayarin at mga proseso para makakuha ng permit ang ating mga telcos.

Noong nakaraang hearing, may nagsabi sa social media na, “we are barking at the wrong tree.” Mukhang maling isyu raw ang ating tini­tingnan para masolus­yunan ang problema sa ating Internet connection.

Ngunit para sa akin, ang tintingnan natin ay hindi iisang puno, kundi isang gubat na mara­ming masasalimuot at kumplikadong isyu.

Ang ginagawa natin, iniisa-isa natin ang pagresolba sa mga isyung ito upang maabot natin ang inaasam na malaking panalo para sa taumbayan.

Mga Bida, isang taon na ang nakalipas nang si­mulan natin ang pagtala­kay sa isyu ng Internet. Hindi natin ito bibitawan hanggang sa makuha nating mga users ang nararapat na bilis, presyo at access ng Internet connection!

 

 

First published on Abante Online

 

 

BIDA KA: Nararapat na palugit

Mga Bida, nitong mga nakaraang araw, inulan ng batikos ang Revenue Regulation No. 5-2015 ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Inilabas ito noong ika-labimpito ng Marso at nagkabisa dalawang araw ang nakalipas matapos ma-publish sa isang daily newspaper.
Ang mahirap dito, binibigyan lang ang taxpayers na saklaw ng Electronic Filing and Payment System (eFPS) o Electronic BIR Forms (eBIRForms) ng hanggang a-kinse ng Abril, o wala pang isang buwan, para tumalima sa nasabing kautusan.

Ang mga hindi makakasunod ay pagmumultahin ng P1,000 kada balik at 25 porsiyento ng buwis na kanilang babayaran. Maliban pa rito, isasama rin ng Revenue District Offices (RDO) ang mga taxpayer na hindi sumunod sa alituntunin sa kanilang priority audit program.
Bagaman sumasang-ayon tayo na dapat na ngang gawing moderno ang paraan ng paghahain ng buwis, masyadong maik­li ang oras na ibinigay para sa napakalawak na repormang ito. Libu-libong mga Pilipino ang kinakailangang magsagawa ng panibagong paraan ng pag-file.
Masyadong maikli ang oras na ibinigay para sa pagbabago na ganito kalaki. Dagdag pa rito, napakataas ng penalty na ­ibinibigay kung hindi ka makasunod.
Naririto ang ilan sa mga reklamong natanggap natin ukol sa bagong regulasyon ng BIR:
*Isinumbong ni Edgar ng Makati na may mga RDO na hindi tumatanggap ng manual filing sa kanila ng pagkakaroon ng RMC 15-2015 and RMC 16-2015. Hindi naman talaga sila dapat sakop ng regulasyon na ito ngunit dahil sa maling pag-intindi at implementasyon ng mga BIR employees sa local level, lahat na ay nadamay.
*Sa Marikina naman, sa libu-libong nag-a-apply na bagong users sa system, walo lamang ang kaya nilang i-proseso bawat oras. Pinapakita nito na talagang ‘di pa handa ang sistemang ito ng BIR at hindi nito kaya ang dudumog na mga taxpayer.
*Tulad sa Makati, sinabi ni Jinny na hindi tumatanggap ang RDO 54B ng Rosario, North Cavite ng manual filing para sa lahat ng uri ng taxpayers.
*May iba namang sumubok mag-download ng eBIR forms ngunit offline ang website ng BIR. Mayroon din na hindi ma-install o magamit ang eBIR Forms package dahil sa operating systems ng computers.
*Hindi rin sapat ang kaalaman ng ilang mga tauhan ng RDO para ipaliwanag ang modernang sistema ng ahensiya. Marahil dahil sa maiksing panahon na binigay para sa implementasyon ng regulasyon na ito, kahit ang mga BIR emplo­yees ay lito at hilo na rin kung sino ba dapat ang gumamit nito at ang pasikut-sikot sa prosesong ito.
*Isa pang problema, walang sumasagot sa hotline ng BIR kapag may mga tumatawag para magtanong ukol sa bagong proseso.
***
Mga Bida, hindi naman lahat ng professionals at taxpayers ang saklaw ng repormang ito. Nasabi na rin ito ni Commissioner Henares sa radyo.
Ngunit hindi ganito ang pagkakaintindi at pagpapatupad ng mga lokal na tanggapan ng BIR. Ang report na nakukuha natin, tila lahat ay pinapa-online filing nila na hindi naman dapat.
Siguro, mga Bida, sa maikling oras na ibinigay para sa repormang ito, pati sila rin ay nalilito na rin kung sino ang sakop o hindi sa nasabing regulasyon.
Hiniling natin na pansamantalang ipagpaliban ang pagpapatupad ng multa sa nasabing regulasyon upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga taxpayer na magamay ang nasabing sistema.
Nanawagan tayo na huwag pahirapan ang ating mga “Boss” na ginagawa ang tungkuling magbayad ng buwis bilang tulong sa pamahalaan at sa bayan.
Napakinggan naman ang ilan sa ating kahilingan, dahil ipi­nagpaliban ang multa para sa taxpayer na nasa “No Payment” sa loob ng dalawang buwan hanggang Hunyo a-kinse.
Ang hiling sana natin ay maipagpaliban ang penalty sa lahat ng sakop ng nasabing regulasyon.
***
Katanggap-tanggap ang hakbang na gawing moderno ang sistema ng pagbubuwis ngunit kailangang tiyakin na ang pagpapatupad nito ay gawin nang tama.
Ngunit anumang pagbabago, kahit sa buhay man iyan o sa programa ng pamahalaan, may mga kailangang paghahanda para tuluyang yakapin ang pagbabago at masanay sa makabago.Sa kasong ito, nasamahan sana ng malawakang kampanya na magtuturo sa ating mga kababayan kung paano gagamitin nang tama ang e-filing.
Sana binigyan ng tatlo hanggang anim na buwan ang ating mga kababayan para matutuhan ang proseso.
Magtalaga rin sana ng mga tauhang may sapat na kaalaman sa bagong proyekto o sistema para magpaliwanag sa taumbayan kung kailangan.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang aberya at magiging maayos ang pagpapatupad ng isang programa!

BIDA KA!: Game On!

Mga Bida, naging laman ng balita kamakailan ang nangyaring pagkaka-offload sa tatlong miyembro ng Team Rave, isang Pinoy cyber sports team na pumang-anim sa katatapos na DOTA 2 Asian Championships (DAC).

 

Bilang isang tagasuporta ng online video gaming industry, naalarma ako sa balita, lalo pa’t sa aking pagkakaalam ay nakatakda nang mag-training ang Team Rave para sa mga darating na international tournament.

Kaya sumulat tayo sa Bureau of Immigration (BI) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang alamin ang dahilan kung bakit pinigil ang pagbiyahe nina Mark “Cast” Pilar, Djardel “Chrissy” Mampusti at Ryo “ryOyr” Hasegawa patungong South Korea.

 

Nakatakda sanang mag-training sina Pilar, Mampusti at Hasegawa sa South Korea para sa mga darating na international tournament, kabilang ang dalawang event sa Bucharest, Romania.

 

Layon ng aking pagsulat sa BI at POEA upang malaman kung ano ang ugat ng problema at kung paano ito masosolus­yunan para wala nang maging aberya sa susunod nilang pagbiyahe.

 

Noong Martes, inimbitahan ng POEA ang tatlo upang alamin ang tunay na nangyari noong araw na pigilan ang kanilang biyahe sa South Korea.

 

Sa nasabing pulong, nalaman na nagkaroon din ng kakulangan ang tatlo sa pagsunod sa payo ng mga ahente ng BI na nagresulta sa pagpigil sa kanilang biyahe.

 

Sa pulong nila sa POEA, nagkaroon din ng linaw ang tunay na estado ng Team Rave kaya nabigyan na sila ng tamang papel at naliwanagan na sa wastong proseso sa susunod nilang pagbiyahe.

 

Nakakapanghinayang man na hindi sila nakasali sa dalawang torneo sa Bucharest ngunit nagsilbing pagkakataon ang pangyayari upang maiwasto ang kanilang sitwasyon at papeles para sa susunod nilang biyahe ay wala nang offloading na mangyayari.

 

Isa pa, mas mahaba-haba ang oras nila sa pag-eensayo bilang paghahanda sa malaking torneo na gagawin sa Estados Unidos sa Agosto.

 

Maraming salamat sa POEA sa ginawa nitong tulong na maitama ang estado ng ating cyber athletes. Saludo rin ako sa BI sa pagtitiyak na ang lahat ng umaalis at dumarating sa bansa ay may tamang papeles.

 

***

 

Mga Bida, marami ang nagtatanong sa akin kung bakit todo ang suportang ibinibigay ko sa lumalagong online ga­ming development industry ng bansa.

 

Malaki kasi ang potensiyal ng nasabing industriya na makakatulong sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa.

 

Marami nang kumpanyang Pilipino ang pumapasok sa industriyang ito, mula sa paggawa ng animation hanggang sa pag-develop ng software.

 

Ang katumbas nito ay daan-daang bagong trabaho at kabuhayan para sa ating mga kababayan.

Ang pagratsada ng industriyang ito ay katulad din ng paghataw ng business process outsourcing industry sampung taon na ang nakalipas.

 

Ito’y puno ng potensiyal para sa papasimulang negosyo at kayang magbigay ng magandang trabaho para sa mga artists at developers.

 

Sa galing ng mga Pilipino sa pagdidisenyo ng software, ang Pilipinas ay nagiging isa na sa mga paboritong destinasyon ng online video gaming companies para sa paggawa ng bagong produkto.

 

Maliban pa rito, kilala na rin ang mga Pilipino bilang isa sa mga aktibong manlalaro ng online games sa mundo.

 

Sa ngayon, mayroon nang halos 29 milyong Pilipino ang naglalaro ng online games. Sa nasabing bilang, nasa dalawampung milyon ang casual gamers habang nasa siyam na milyon ang tinatawag na midcore at hardcore gamer.

 

Kung mabibigyan ng sapat na suporta, lalo pang lalago ang potensiyal ng video gaming industry bilang pagmumulan ng trabaho at kabuhayan, maliban pa sa mga karangalan na gaya ng bigay ng Team Rave!

 

 

First Pubished on Abante Online

 

 

 

 

BIDA KA!: RAVEolution!

Mga Bida, ilan taon nang patok ang larong Defense of the Ancients o DOTA sa ating kabataan. Halos napupuno ang mga Internet cafés sa buong bansa dahil sa mga naglalaro ng DOTA.

 

Ang DOTA ay tinatawag na multiplayer online battle arena (MOBA) game kung saan dalawang grupo ng players ang naglalaro. Ang pakay ng laro ay sugurin at sirain ang base ng kalabang team.

Sa sobrang kasikatan nito, ginawan pa ito ng kanta ng dalawang Pinoy artist na may pamagat na, “DOTA o ako?” kung saan pinapipili ng babae ang kanyang boyfriend kung sino ang mas mahalaga.

 

Kung sa tingin ng iba, isa lamang libangan ang paglalaro ng DOTA, may isang grupo naman ng kabataang gumagawa ng pangalan sa Pilipinas at sa ibang bansa sa paglalaro nito.

 

Ito ay ang Team Rave na binubuo nina Ryo ‘ryOyr’ Hasegawa, Jio ‘Jeyo’ Madayag, Djardel ‘Chrissy’ Mampusti, Mark ‘Cast’ Pilar at Michael ‘nb’ Ross.

 

Kamakailan, humingi sila ng tulong sa aming tanggapan para makakuha ng pagkilala sa kanilang pagsali sa international DOTA tournaments.

 

Nahihirapan silang pumunta sa ibang bansa para makipagkumpetensiya dahil pinagdududahan sila ng mga embassy na sila lamang ay magti-TNT o tago nang tago, at ‘di na rin babalik ng bansa.

 

Maliban pa rito, hirap silang makakuha ng mga sponsors dahil hindi naman kinikilala ang kanilang paglalaro bilang isang totoong sport.

 

Sa kuwento nga ni Jio sa Facebook page ng Team Rave, dumating na sa punto ng kanyang pananatili sa South Korea na isang beses lang siya kumain sa isang araw.

 

Subalit hindi sila nawalan ng loob. Ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang career bilang mga professional e-sports players. Kung mayroon silang kinita mula sa isang tournament, agad nila itong ipinapadala sa mga pamilya nila sa Pilipinas.

 

***

 

Nabigyan ng malaking break ang Team Rave nang makapasok sila sa DOTA 2 Asian Championships (DAC) na mayroong kabuuang prize money na $2.94 million o P130 million noong nakaraang buwan.

 

Itinuring na underdog ang mga kabataang Pilipino sa event dahil ito’y madalas mapanalunan ng mga koponan mula sa China o Russia.

 

Subalit maraming ginulat ang Team Rave nang rumatsada ito patungong ikaanim na puwesto sa mundo. Natalo nila ang Team Hell Raiser mula Russia at Team Invictus mula China.

 

Subalit, natalo sila ng Team Big God mula China sa score na 2-1. Ang mga Tsinong ito ay mga matatagal nang naglalaro ng DOTA at nakikipaglaban sa mundo.

 

Kahanga-hanga ang naabot ng TeamRavePH. Hindi ito inaasahan dahil kasama nila sa torneo ang labing-anim na pinakamagagaling na DOTA teams sa mundo.

 

Nagbunga ang kanilang pagsisikap dahil nakapagbulsa sila ng P6.6 milyon o $150,000. Bukod dito, nakilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamagaling na DOTA players sa mundo.

 

At mga Bida, noong nakaraang linggo, nanalo na naman ang Team Rave nang talunin nila ang Team MVP Phoenix ng South Korea sa score na 3-2. Dahil dito, inihayag ang Team Rave bilang ang Summit 3 DOTA South East Asia Champions.

 

Sila ang kakatawan sa South East Asia sa Mayo sa Los Angeles, California para sa Grand Finals. May sigurado na silang P160,000 o $3,600, ngunit ang target nila ay maging kampeon sa mundo at manalo ng P2.7 milyon o $61,000.

 

***

 

Sa kabila ng karangalang hatid nito sa bansa, marami pa rin ang bumabatikos sa e-sport na ito. Kesyo nakakasira raw ito ng pag-aaral at nauubos na ang oras ng ilan sa paglalaro nito sa halip na magtrabaho.

 

Pero bago tayo humusga, dapat nating timbangin ang epekto nito sa lipunan. Ano nga ba ang nakakasakit? Ang boxing o ang paglalaro sa Internet café?

 

Dapat lang ilagay sa tama ang paglalaro nito dahil lahat naman ng sobra ay nakakasama na. Ang ilang mga siyudad at barangay nga ay ipinagbawal na ang paglalaro ng DOTA.

 

Ngunit malaki ang naitutulong ng DOTA para masanay sa strategic thinking, cooperation, teamwork at iba pang mahahalagang values para sa kabataan.

 

***

 

Ilang dekada ang nakalipas, pumatok sa bansa ang larong bilyar bunsod na rin ng tagumpay ni Efren ‘Bata’ Reyes. Sa kasagsagan ng kasikatan ng bilyar, sa halos lahat ng kanto ay may makikita kang bilyaran kung saan nag-uumpukan ang maraming tao.

 

Noong una ay hindi kasama ang bilyar sa Southeast Asian Games at Asian Games ngunit napilitan na rin ang organizers na isama dahil sa kasikatan nito.

 

Ilang beses na ring nakapag-uwi ng medalya para sa bansa sina Bata, Francisco “Django” ­Bustamante, Ronnie Alcano at maraming iba pa nating mga ­manlalaro.

 

Ganito rin ang nakikita ko sa e-sports. Malay ­natin, baka sa loob ng dalawang dekada ay kilalanin na rin ito bilang isang totoong sport at isama pa sa ­international events gaya ng Olympics.

 

Kapag nagkataon, mayroon na naman tayong pani­bagong pagkukunan ng karangalan. Kaya sa ating mga DOTA players, patuloy lang ang laban tungo sa tagumpay!

 

 

First Published on Abante

 

 

 

 

Scroll to top