BIDA KA!: Ang isyung internet at ang national broadband plan
Mga bida, isa sa mga itinutulak natin sa Senado ay mapabilis at mapamura ang halaga ng internet sa bansa.
Ilang beses na rin tayong nagsagawa ng pagdinig upang alamin ang pangangailangan upang mangyari ang matagal na nating pangarap.
Isa sa problema na parating lumilitaw sa ating pagdinig ay ang kakulangan ng imprastruktura kaya hindi makaabot ang internet sa malalayong lugar sa bansa.
Isa sa mga tinitingnan nating solusyon ay ang pagbuo ng pamahalaan ng isang national broadband plan upang madagdagan ang mga kasalukuyang imprastruktura na pag-aari ng gobyerno at pribadong sektor.
Ang national broadband plan ay unang ipinangako sa atin ng bagong tatag na Department of Information and Communications Technology (DICT), na siyang nakatutok upang mapaganda ang sitwasyon ng internet sa bansa.
***
Noong nakaraang linggo, inilahad sa atin ng DICT ang inisyal na bahagi ng national broadband plan.
Ayon sa DICT, mangangailangan ng P75 bilyon ang kanilang plano na maisasagawa sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
Tatlong opsiyon ang tinitingnan ng DICT. Una ay itatayo ng pamahalaan ang karagdagang imprastruktura upang paabutin ang internet sa malalayong lugar. Maaaring iparenta ng pamahalaan ang paggamit ng mga imprastrukturang ito sa mga pribadong telcos.
Ang ikalawang opsiyon ay ang pagsaayos ng imprastruktura at paggawa ng isang broadband network na magkokonekta sa bawat opisina ng gobyerno, at makakapagsigurong may point of access sa bawat munisipalidad.
Sa ganitong sitwasyon, kunwari ang cable ng internet ay hanggang city hall lang, mas malapit na ang pagsisimulan ng proyekto upang maikonekta ang mga karatig na barangay. Ang proyekto ay maaaring gawin mismo ng gobyerno, o puwedeng ipaubaya sa pribadong sektor.
Ang ikatlong opsiyon ay magtayo at magpatakbo ng sarili nitong broadband network, na magbibigay ng koneksyon hanggang sa bawat user bilang pangatlong telco ng ating bansa, na mas magastos at mas kumplikado.
Kung susundin ang timetable ng DICT, sa ikalawang bahagi ng 2017 ay kumpleto na ang national broadband plan ng pamahalaan at handa nang ipakita sa ating kumite upang mapag-aralan at mapaglaanan ng pondo.
***
Naniniwala ako na sa tulong ng national broadband plan at ng Philippine Competition Act, malapit na nating makamit ang nais nating mabilis at abot-kayang internet.
Dapat ding maengganyo ang mga dayuhang mamumuhunan na pumasok sa bansa at makipag-partner sa mga Pilipinong kumpanya upang magkaroon ng maraming pagpipiliang telco ang taumbayan.
***
Maliban pa rito, dapat ding bantayan ang pagkuha ng congressional franchise at permit ng mga nais pumasok sa telecommunications industry.
Sa hearing, sinabi ng National Telecommunications Commission na aabutin ng anim na buwan bago makakuha ng permit sa pagtatayo ng pasilidad.
Kaya naman, pinaalala ko sa kanila na isa sa mga pangako ng bagong administrasyon ay ang pagpapabilis ng pagkuha ng permit sa tanggapan ng pamahalaan.
Importanteng hindi maantala ang pagkuha ng franchise at permit upang madagdagan pa ang mga player sa merkado.
Kapag nangyari ito, magkakaroon ng kumpetisyon, gaganda ang kalidad ng kanilang serbisyo sa ating lahat.
Mga bida, kumplikado at magastos sa pera at oras ang mga solusyon sa mahina at mabagal na internet sa bansa.
Subalit kailangang ituloy ang ating pagbantay at pagtrabaho upang maging abot-kaya ang mabilis na internet sa bansa.
Recent Comments