Bida Ka! (Abante)

BIDA KA!: Habag, Hindi Pagpag

Mga bida, isa sa pinakamalaking problema na kinakaharap ng bansa ay kagutuman.

Sa huling ulat ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang bilang ng pamilyang nakaranas ng pagkagutom mula 2.6 milyon sa huling bahagi ng 2015 patungong 3.1 milyon sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.

Ito ang dahilan sa likod ng paghahain ko ng Senate Bill No. o Zero Food Waste Act sa pagsisimula ng 17th Congress.

Dalawa ang layunin ng batas na ito — ang mawakasan ang pag-aaksaya ng pagkain at at makatulong upang bawasan ang lumalaking problema ng kagutuman sa bansa.

***

Isinusulong ng panukala na bawasan ang pag-aaksaya ng pagkain sa pamamagitan ng pagbigay ng mga supermarket, restaurant sa sobra nilang pagkain sa tinatawag na food-distribution charities o “food banks” para ipamahagi sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sa kabilang dulo, ang mga tira-tirang pagkain ay ipapadala sa mga composting at waste management plant kung saan ito’y gagamiting compost.

Walang dapat ipag-alala ang mga tatanggap ng pagkain mula sa food banks dahil isang National Zero Food Waste Scheme ang isasagawa, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa programang ito, titingnan ang kalidad ng mga pagkain mula sa food manufacturers, supermarkets, restaurants, cafeterias at hotels at food banks.

Sa ilalim rin nito, magtatakda ng panuntunan sa pagkolekta, paglalagak at pamamahagi ng pagkaing ibibigay sa food banks.

Ito rin ang magsisilbing tulay sa food banks at local go­vernment units (LGUs) upang makaabot sa mga komunidad ang programa.

Magkakaroon din ng tinatawag na Self-Sufficiency Program na magbibigay sa mahihirap ng training kung paano magpatakbo ng food banks at iba pang uri ng kabuhayan upang hindi umasa sa donasyon.

***

Sa kabila ng napakagandang layunin ng panukalang ito, umani po tayo ng maraming batikos sa social media, na resulta ng pambabaluktot ng ilang tao sa nilalaman ng ating bill.

Sa kanilang mga inilalabas sa social media, pinapalitaw ng aking mga kritiko na isinusulong ko raw sa panukala ang pagpapakain sa mahihirap ng “Pag-Pag”. Nais kong linawin, hindi kailanman naging intensiyon ng Zero Food Waste Act na ipakain sa mga kapus-palad ang tira-tirang pagkain ng mga restaurant, hotel at iba pang negosyo na may kinalaman sa pagkain.

Kapag naisabatas ito, magsasama-sama ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at non-government organization (NGOs) upang tiyakin na malinis at ligtas ang pagkain na mula sa mga supermarket at restaurant at ipamimigay sa mga kapus-palad.

Sayang naman ang napakagandang progra­mang ito na ipinatutupad na sa ilang mauunlad na bansa gaya ng Japan, Italy, South Korea, Malaysia at France, kung saan ito’y itinuturing na best practice kung masisira lang ng pamumulitika, kasinungalingan at pangwawalanghiya ng ibang tao.

Mga bida, suportahan niyo ako sa labang ito upang mabawasan ang kagutuman sa bansa.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Unang SONA

Mga bida, noong Lunes napakinggan natin ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rody Duterte, 26 na araw matapos maupo bilang ika-16 na pinuno ng bansa.

Isa’t kalahating oras ang haba ng talumpati ni Pangulong Duterte, na sumentro sa iba’t ibang isyung mahalaga sa bansa at inaantaba­yanan ng taumbayan.

Mula sa iligal na droga, pagnenegosyo, kalikasan, katiwalian, mabilis na serbisyo sa pamahalaan, isyu sa China, problema sa Internet, kapayapaan at kagutuman, natalakay ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA.

Malinaw ring nailatag ng Pangulo ang mga direktiba sa mga ahensiya ng pamahalaan at ang direksiyon ng mga plano na nangangailangan ng tulong ng mga mambabatas.

Kasama rito ang pagbuo ng isang pederal na sistema ng pamahalaan at pagbababa ng buwis ng mamamayan.

***

Sinabayan ng Pangulong Duterte ang talumpati ng kanyang trademark na mga biro at punchline na nagbigay-tuwa sa mga mambabatas at iba pang mga panauhin na nagtipon sa plenaryo ng Kamara.

Sa kabila ng mga birong ito, ramdam natin na seryoso si Pangulong Duterte sa kanyang mga binitiwang kataga, lalo na nang ikuwento niya ang mga taong natutulog sa kalsada habang naghihintay na magbukas ang ahensiya ng gobyerno na nasa isang mall.

Maaalala ang speech ng Pangulo sa pagbabahagi niya ng personal na karanasan at ‘di pagsunod sa script na nasa teleprompter.

***

Nagpapasalamat din tayo kay Pangulong Duterte sa pagbanggit niya sa ilang mga adbokasiya na isinusulong natin sa Senado.

Kabilang na rito ang pagpapabilis ng proseso sa pagkuha ng mga papeles sa pamahalaan, pagpapaganda sa serbisyo ng Internet, pagpapababa ng buwis, pagtulong sa entrepreneurs at pagpapaganda ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Mga bida, hindi naman lingid sa inyo na isinusulong na natin ang mabilis at abot-kayang Internet sa bansa noon pang 16th Congress.

Sa direktiba ni Duterte sa bagong tatag na Department of Information and Communication Technology na bumuo ng isang National Broadband Plan, inaasahan nating gaganda ang serbisyo ng Internet sa bansa.

Marami rin tayong naipasang batas na sumusuporta sa micro, small and medium enterprises at nagtataguyod ng ease of doing business sa 16th Congress, tulad ng Philippine Competition Act, Go Negosyo Act ar Youth Entrepreneurship Act.

Ang mga batas na ito ay makatutulong sa hangarin ni Pangulong Duterte na pabilisin ang proseso ng pagnenegosyo at paigtingin pa ang serbisyo sa ating micro, small at medium enterprises, na siyang haligi ng ating ekonomiya.

Ngayong 17th Congress, naghain tayo ng 100 panukalang batas at resolusyon ukol sa iba’t ibang isyu, kabilang ang pagpapaganda ng sistema ng edukasyon at reporma sa pagbubuwis sa pamamagitan ng Personal Tax Reform at Corporate Tax Reform bills.

Ngayong malinaw na ang direksiyon na nais tahakin ng Duterte administration, tiwala tayo na maisasabatas ang mga panukalang ito, para na rin sa kapakanan ng publiko.

Nagpalit man ng liderato ang Senado, tuluy-tuloy pa rin tayo sa pagtatrabaho para sa ating mga bida.

Palagi kong sinasabi na magkakaiba man ang aming mga partido, pagbubuklurin pa rin kami ng aming pagnanais na pagsilbihan ang taumbayan.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Isang Simpleng Parangal sa ating Big Brother

Mga bida, isa sa mga hinahangaan at tinitingala kong personalidad ay si dating Education Sec. Bro. Armin Luistro, isa sa pinakamasipag na miyembro ng Gabinete sa nakaraang administrasyon.

Nagsimula si Bro. Armin bilang religion teacher sa De La Salle Lipa noong dekada otsenta. Mula noon, umangat siya sa posisyon at naging pinuno ng walong institusyon ng De La Salle bilang pangulo at CEO ng De La Salle Philippines (DLSP).

***

Noong 2010, sa unang pagkakataon ay sumabak si Bro. Armin sa paglilingkod sa gobyerno nang italaga siyang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Agad napasabak sa mga hamon si Bro. Armin. Sinalubong siya ng katakut-takot na problema, gaya ng kakulangan na 61.7 milyon sa libro, 2.5 milyon sa upuan, 66,800 silid aralan at 145,827 guro.

Maliban pa rito, si Bro. Armin din ang naatasan sa preparasyon at paglalatag ng kontrobersiyal na K to 12 Program.

***

Hindi naman nagpatinag si Bro. Armin sa mga gabundok na problema na sinalo ng Aquino government na kailangan niyang tugunan.

Hinarap niya ang mga problemang ito para na rin sa kapakanan ng milyun-milyong estudyante sa buong Pilipinas.

Sa gitna ng batikos sa kanyang bawat kilos at galaw, epektibo at tahimik na nagampanan ni Bro. Armin ang tungkulin.

Sa isang panayam kay Bro. Armin bago siya bumaba sa puwesto, sinabi niyang nabura ang backlog sa silid aralan nang makapagpatayo ang ahensiya ng 118,000 bagong classrooms mula 2010 hanggang 2016.

Maliban dito, may 66,000 pang classrooms ang kasalukuyan nang itinatayo kaya aakyat sa 185,000 ang silid aralan na naipatayo sa ilalim ng dating administrasyon.

Nasolusyunan din ang kakulangan sa guro sa pagkuha ng mahigit 258,000 guro mula 2010 hanggang 2016.

Isinulong din ni Luistro ang pagpapaganda ng pasilidad, paglalagay ng internet at ICT at makabagong modules para mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Pinangunahan din ni Luistro ang maayos na pagpapatupad ng K to 12 Program, kabilang ang pagsisimula ng unang batch ng Grade 11 noong Hunyo.

Nabawasan din ng halos kalahati ang bilang ng out-of-school youth sa bansa sa pamamagitan ng Abot Alam Program.

Dahil nakita kong epektibo ang nasabing programa, isinumite ko ang Senate Bill No. 172 o ang Abot Alam Bill upang maipatupad ito sa buong bansa.

Kapag naisabatas, tutugon ito sa pangangailangan ng mga kabataang Pinoy na may edad pito hanggang 24 na hindi nag-aaral sa paglikha ng programa na magbibigay ng edukasyon sa bawat Pilipino, lalo na ang out-of-school youth (OSY).

***

Naisip ko na bakit hindi ipinagmamalaki ni Bro. Armin ang kanyang mga nagawa.

Pero naalala ko ang kanyang binanggit noon na ito’y tungkulin natin bilang lingkod-bayan at hindi dapat mag-antay ng anumang kapalit at mga papuri dahil ito’y para sa pangangailangan at kapakanan ng taumbayan.

Maliban pa rito, palagi ko ring naririnig na sinasabi ni Bro. Armin na kahit maraming batikos sa pagganap niya ng tungkulin na makapaglingkod sa kapwa, lalo siyang napapalapit sa Diyos.

Ang tagumpay ni Bro. Armin sa kabila ng mabigat na hamon ay nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang pagbutihin pa ang paglilingkod sa taumbayan.

Umaasa tayong marami pang Bro. Armin ang lilitaw at magsisilbi sa pamahalaan.

Article first published on Abante Online

 

BIDA KA!: Makilahok sa SK elections

Mga bida, umpisa bukas (Biyernes) hanggang ika-30 ng Hulyo, gagawin ang pagpapatala para sa eleksiyon ng mga bagong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Oktubre 31.

Kung ikaw ay mamamayan ng Pilipinas, residente sa barangay na iyong tinitirhan ng hindi bababa sa anim na buwan at 15 anyos ang edad ngunit hindi sa 30 taon ang edad sa araw ng halalan, maaari kang magparehistro at makaboto sa SK.

Sa mga interesado, maaaring magtungo sa tanggapan ng election officer ng Commission on Elections (COMELEC) sa siyudad o munisipalidad kung saan kayo nakatira at doon magpatala.

Maaari ring bumisita sa website ng COMELEC para sa karagdagang impormasyon. (comelec.gov.ph)

***

Dati, ang SK ay kilala lang sa pagpapaliga ng basketball, beauty contest at iba’t ibang proyekto na hindi mabisa sa pag­hubog sa kabataan.

Nakakalungkot ding sabihin na may mga sitwasyon na ang SK ay nagsilbi ring ‘breeding ground’ sa katiwalian ng ilang mga opisyal.

Ito ang dahilan kung bakit isinulong natin, bilang chairman ng Committee on Youth, ang pagreporma sa SK sa pamamagitan ng batas, na ngayo’y kilala na bilang SK Reform Act o Republic Act No. 10742.

Bilang co-author at co-sponsor ng RA 10742, nais nating burahin ang negatibong impresyon sa SK at gawin itong daan upang tulungan ang mga kabataan na maging produktibong miyembro ng lipunan.

Excited na ako para sa darating na SK elections, dahil dito unang masusubukan at maipatutupad ang mga pagbabago na isinulong natin sa ilalim ng nasabing batas.

***

Isa sa malaking pagbabago sa SK ay ang pagpapataas ng edad ng mga opisyal na maaaring tumakbo. Mula sa dating 15 hanggang 17-anyos, ngayon nasa 18 hanggang 24-anyos na ang puwedeng kumandidato.

Layon nito na bigyan ng legal na karapatan ang mga opisyal na pumirma sa mga kontrata at magkaroon ng pananagutan sa kanilang mga pagkilos, kung nagkaroon man ng pag-abuso o anomalya.

Sa batas na ito, mula 15 hanggang 30 anyos ang maaaring lumahok sa SK elections matapos nating iayon ang depinisyon ng kabataan na nakasaad sa iba pang mga batas.

Maliban pa rito, matitiyak na may kakayahan ang mga bagong SK official dahil kailangan nila sumailalim sa mandatory training programs bago manungkulan.

Habang ginagampanan nila ang bagong tungkulin, may mga nakalinyang iba pang training program na magbibigay sa kanila ng dagdag na kaalaman.

Sa ilalim ng batas, itatatag ang Local Youth Development Council (LYDC), isang konseho na susuporta sa SK at titiyak na mayroong aktibong partisipasyon ng mga kabataan.

Ang LYDC ay bubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang youth organizations sa komunidad gaya ng student councils, simbahan at youth faith groups at community-based youth groups.

***

Ngunit ang pinakamahalagang aspeto ng batas ay ang tinatawag na anti-dynasty provision. Sa kasaysayan, ito ang kauna-unahang batas na mayroong probisyon na lumalaban sa mga dinastiya sa bansa.

Sa probisyong ito, hindi na puwedeng tumakbo sa anumang SK position ang pamilya o kamag-anak ng sinumang halal na public official — mula national, provincial, city/municipality at barangay levels — hanggang sa tinatawag na second degree of consanguinity and affinity.

Sa tulong nito, mabibigyan ang mas maraming kabataan na maglingkod sa kapwa nila kabataan sa pamamagitan ng pagtakbo sa SK.

Kung kayo ay student leaders ngayon sa inyong eskwelahan, youth leaders sa non-government organization, mga kabataang lider sa ating simbahan, pag-isipan po nating tumakbo sa SK.

Samantalahin natin ang pagkakataong ito. Ma­ging bahagi tayo sa malaking pagbabagong ito sa sistema na magbibigay lakas at tututok sa kapakanan ng mga kabataan.

Sayang din ang mapangahas na batas kung wala ring tutugon sa hamon nito na baguhin ang sistema.

Sabi nga natin, ang uso ngayong kataga dahil kay President Duterte ay “Change is Coming”. Sana nga maging ganap ang change na mangyari sa ating SK.

Article first published on Abante Online

 

BIDA KA!: Kuwento ni Rustie

Mga bida, sa ilang taon kong pagsasagawa ng Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards, isa sa mga kahanga-ha­ngang tao na nakilala ko ay si Rustie Quintana.

Napakaganda ng istorya ni Rustie. Katunayan, ang kuwento niya ay naitampok pa sa isang episode ng drama series sa telebisyon.

Si Rustie ay dating batang kalye, rugby boy at nagpagamit pa bilang “courier” ng mga nagbebenta ng droga sa kanilang lugar sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanyang kalokohan, ilang beses naglabas-masok si Rustie sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Sandali ring nakulong si Rustie sa Lumbia City Jail at pinaamin sa kasalanang hindi niya ginawa para lang mailipat sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Gingoog City.

Sa nasabing center, dalawang taong nanatili si Rustie at sumailalim sa rehabilitasyon. Nang makalabas, inalis lahat ang anumang record niya.

Kung nahatulan sana si Rustie sa pagiging drug courier, ang parusa sanang ipinataw sa kanya ay labin­dalawa hanggang dalawampung taong pagkabilanggo at multang P12,000 hanggang P20,000.

Paglabas ni Rustie ng center, nagsimula ang tuluy-tuloy na pagbabago ng kanyang buhay. Nakatulong din sa pagbabago ni Rustie ang isang youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang ‘Dire Husi’.

Tinitipon ng ‘Dire Husi’ ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Sa tulong nito, nabago ang takbo ng buhay ni Rustie. Nakatuntong pa nga siya sa Malacañang nang igawad ni Pangulong Noynoy Aquino ang parangal sa ‘Dire Husi’ bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) noong 2012.

Kamakailan lang, na­balitaan kong natapos na ni Rustie ang kursong Development Communications sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Kung hindi nabigyan si Rustie ng pagkakataong makapagbagong buhay, siguradong dalawang lugar lang ang kanyang kina­hantungan – bilangguan o libingan.

***

Muling bumalik sa akin ang kuwento ni Rustie ngayong umiinit na naman ang isyu ng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344 as amended.

Ngayon, may mga panukalang ibaba ang age of criminal liability mula 15-anyos patungong siyam na taong gulang.

Katwiran ng mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability, nagagamit ang mga batang may edad 15 taong gulang pababa sa paggawa ng krimen at nakakalusot dahil hindi maaaring kasuhan. Hindi ko mailarawan sa aking isipan ang nasabing sitwasyon.

Hindi katanggap-tanggap na ang isang siyam na taong gulang na bata ay papatawan ng parusa na para sa isang matanda.

Baka sa halip na magbagong buhay ay posibleng humantong din sa pagiging kriminal ang mga batang ikukulong kasama ng iba pang masasamang loob.

Isa pa, sa kalunus-lunos na kondisyon ng ating mga bilangguan at detention centers, baka lalo lang mapariwara ang mga batang bilanggo sa halip na magbagong-buhay.

Lalala pa ang sitwasyon kapag nagtagumpay ang mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability at death penalty.

Kapag nangyari ang dalawang senaryo, posibleng kabilang sa mga bibitayin ay batang siyam na taong gulang na gagawa ng karumal-dumal na krimen kapag sila’y nilitis bilang nasa wastong gulang at hindi menor-de-edad.

***

Naniniwala tayong napakaganda ng layunin ng Juvenile Justice and Welfare Act, basta’t naipa tutupad lang nang tama.

Sa halip na ikulong, ang mga batang 15 taong gulang pababa na may problema sa batas ay ilala gak sa kustodiya ng mga magulang o ipasok sa isang youth care facility o ‘Bahay Pag-asa’.

Sa ‘Bahay Pag-asa’, mabibigyan sila ng panibagong pagkakataon upang makapagbagong buhay nang walang takot at trauma na dulot ng pagkabilanggo.

Pinapatawan din ng mabigat na parusa ng Juvenile Justice and Welfare Act ang mga taong gumagamit ng mga bata sa paggawa ng krimen at ilegal na aktibidad.

Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapababa ng tinatawag na age of criminal liability, mas maiging bigyang pansin ang pagpapaganda ng pasilidad ng ating juvenile centers.

Kung mahuhubog sila at magagabayan sa tamang landas, muli silang makakabalik sa lipunan na may positibong pananaw sa buhay at malaki ang maitutulong upang maging produktibong mamamayan ng bansa.

Ganito ang eksaktong nangyari kay Rustie.

Tuwing naaalala ko ang kuwento ni Rustie, nananatiling buo ang aking pag-asa na kayang magbago ng mga kabataang naliligaw ng landas, basta’t panatilihin lang na bukas ang pinto ng pagkakataon para sa kanila.

Kung mayroon mang butas ang batas, puwedeng pag-usapan, pag-aralan at hanapan ng akmang solusyon.

Huwag tayong magpadalus-dalos sa pagkilos dahil baka sa halip na makabuti, lalala pa ang problema.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: May IP Peering na!

Mga bida, laman ng balita kamakailan ang inisyal na usapan sa pagitan ng susunod na peace process officials at mga lider ng National Democratic Front (NDF) sa Norway.

Sa ulat, nagmistulang reunion ng magkakabarkada ang pulong dahil matagal nang magkakilala ang mga miyembro ng dalawang kampo.

Sa nasabing miting, mabilis na nagkasundo ang dalawang panig na ipagpatuloy ang usapan para matuldukan na ang ilang dekadang tunggalian at ipursigi ang inaasam na kapayapaan.

Lingid naman sa kaalaman ng lahat, may nangyari ring pag-uusap sa pagitan ng PLDT at Globe, ang dalawa sa pinakama­laking telecommunication companies sa bansa.

Hindi tulad ng nangyaring pulong sa Norway, dumaan sa butas ng karayom at mabusisi ang naging usapan ng mga negosyador ng PLDT at Globe upang marating ang kasunduan para sa IP Peering.

Inabot ng halos isang taon ang negosasyon upang maabot ang matagal na nating isinusulong na IP Peering sa pagdinig ng aking kumite ukol sa mahal at mabagal na Internet sa bansa.

 ***

Sa mga nakalipas na hearing ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, lumutang ang IP Peering bilang isa sa mga solusyon upang mapabilis ang koneksiyon ng Internet sa Pilipinas.

Dahil walang IP Peering, kapag nagbukas ng isang website sa Pilipinas, ang data ay nagtutungo pa sa ibang bansa bago bumalik dito. Resulta, mabagal magbukas ng isang website.

Sa tulong ng IP Peering, hindi na lalabas ng bansa ang data kaya mas mabilis nang magbukas ang website na nais na­ting puntahan.

Sa una, naging mainit na usapin ukol sa IP Peering. Matigas ang naging pagtutol ng mga telcos sa nasabing panukala sa maraming kadahilanan.

Pero nang tumagal, unti-unti rin silang lumambot at puma­yag nang silipin ang posibilidad na mangyari ang IP Peering.

 ***

Kamakailan, nangyari na nga ang matagal nang pinapa­ngarap ng maraming Pilipino nang pumirma sa isang memorandum of agreement ang PLDT at Globe para sa IP Peering.

Ayon sa telcos, ang benepisyo ng kasunduan ay mararamdaman ng halos lahat ng Internet users sa bansa, lalo na ng mobile subscribers na gumagamit ng data, kapag nakumpleto na ang IP peering sa loob ng 30 araw.

Maituturing ito na isang malaking panalo sa hangarin na­ting mapaganda ang estado ng Internet mula nang buksan natin ang imbestigasyon sa Senado ukol sa mahal at mabagal na serbisyo ng telcos.

Naging matagal man ang proseso, nagpapasalamat tayo na ito’y naging katuparan. Sabi nga nila, better late than never.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Mabilis na proseso sa gobyerno

Mga bida, paalis na ako galing sa isang conference nang nabanggit sa akin ni National Competitive Council (NCC) co-chairman Bill Luz na sa Australia, mayroong nagaganap na “Repeal Day” kung saan pinawawalang-bisa ng Australian parliament ang mga batas na hindi na kailangan.

Dagdag pa ni Bill, na 10,000 batas ang pinawalang-bisa sa kanilang Repeal Day.

Binanggit din ni Bill, na kung pag-aaralan, marami sa mga batas at regulasyon natin sa kasalukuyan ang paulit-ulit, walang pakinabang, lumilikha lang ng kaguluhan at pinag-uugatan ng katiwalian.

Naganap ang pag-uusap namin ni Bill halos dalawang taon na ang nakalipas. Noon pa man, nangako kaming susuportahan ang pagsasagawa ng repeal day dito sa Pilipinas.

Kamakailan, inilunsad ng NCC at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Finance, ang Project Repeal.

Sa nasabing pagtitipon, nagsagawa kami ng ceremonial cutting ng red tape ribbon sa tapat ng santambak na kopya ng mga walang pakinabang na patakaran at kautusan na dapat nang ipawalang-bisa.

Sa huling tala ng NCC, nasa 3,518 department orders at iba pang patakaran ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang dapat nang i-repeal dahil ito’y nakakagulo at nagpapahirap lang sa publiko.

***

Ngayong papasok na ang bagong pamahalaan, naniniwala ako na kailangan na ring baguhin ang sistema sa pamamagitan ng pag-repeal sa mga patakarang ito ng mga ahensiya at iba’t ibang tanggapan na pagpapahirap lang sa publiko.

Panahon na upang magkaroon ng isang sistema na magpapabilis sa takbo ng proseso ng pamahalaan para na rin sa kapakinabangan ng taumbayan.

Kung mananatili kasi ang mga patakarang ito sa mga tanggapan ng pamahalaan, masasayang lang ang mga batas na ginagawa ng Kongreso, lalo na sa aspeto ng pagnenegosyo sa bansa.

May mga naipasa na tayong batas na nagbibigay ng karampatang suporta sa mga negosyante at entrepreneurs, tulad ng financing, training at tulong upang sila’y makapasok sa merkado.

Subalit, hindi makapagsimula ang mga entrepreneurs dahil sa dami ng hinihinging requirements ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.

Sa halip na suportahan ng pamahalaan ang small at medium enterprises, sila pa ang nagiging hadlang sa paglago ng mga ito.

Resulta, nawawalan ng gana ang mga entrepreneur na magnegosyo. Mananatili na lang na pangarap ang kanilang planong umasenso at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

***

Sa pagdalo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa nasabing pagtitipon, nanatiling buhay ang aming pag-asa ni Bill na maisulong ang repeal day.

Kasabay ng repeal day, plano kong ihain sa pagbubukas ng 17th Congress ang tinatawag na Philippine Efficiency Office Bill, na lilikha ng isang tanggapan na siyang bubusisi sa mga umiiral na batas.

Titingnan ng nasabing tanggapan kung nakatutulong ba o nakakabagal sa takbo ng pamahalaan ang mga lumang batas.

Maliban pa rito, trabaho rin ng Philippine Efficiency Office na gabayan ang mga mambabatas at pigilan sila sa paglalagay ng regulasyon at requirements na sa tingin nito ay makakabigat sa taumbayan.

Napakarami kasing bagong batas ang lumalabas sa Senado at Kamara na kung minsan ay kontra sa mga lumang batas na naipasa ilang taon na ang nakalipas.

Tungkulin ng nasabing tanggapan na silipin ang lahat ng mga patakaran sa iba’t ibang industriya at makipag-ugnayan sa Kongreso para makalikha ng mas magandang sitwasyon na hindi mahihirapan ang publiko.

Ang panukalang ito ay magandang suporta sa layunin ni incoming president Rodrigo Duterte na pabilisin ang mga proseso sa gobyerno.

 

BIDA KA!: Unang tatlong taon

Mga Bida, napakabilis talaga ng takbo ng panahon.

Parang kailan lang, kasisimula lang ng ating anim na taong termino bilang inyong mambabatas. Sariwa pa nga sa ating isip noong tayo’y iproklama bilang isa sa mga nagwaging senador noong 2013.

Pagsapit ng Hulyo a-uno, mangangangalahati na ang ating panununungkulan sa Senado.  Tama nga ang kasabihang lumilipad ang oras kapag nag-e-enjoy tayo sa ating trabaho, lalo na kung ito’y para sa bayan.

Nais nating ibalita sa inyo ang mga batas na ating iniakda, isinumite at naisabatas sa nakalipas na tatlong taon.

Labing-apat sa mga panukala na ating iniakda o inisponsoran ang naisabatas, kabilang dito ang Go Negosyo Act, Fair Competition Act, Foreign Ships Co-Loading Act, Lemon Law, Microfinance NGO Act, Youth Entrepreneurship Act, Credit Surety Act, SK Reform Act, An Act Authorizing Punong Barangay to Administer Oath of any Government Official;

Customs Modernization and Tariff Act, Election Service Reform Act, Children’s Emergency Relief and Protection Act, Tax Relief para sa PWDs at ang pagtatatag ng Department of Information and Communications Technology.

Walo sa mga ito ay dumaan sa ating kumite, ang Trade, Commerce and Entrepreneurship, habang ang iba naman ay dininig ng iba pang komite sa Senado.

May tatlo pang naghihintay ng pirma ni Pangulong Aquino.  Ito ay ang Anti-Discrimination Law, Closed Caption Broadcasting for Television at No Shortchanging Act, kaya may tsansa tayo’y magkaroon ng labimpitong batas sa pagpasok ng 17th Congress.

***

Una sa listahan natin ay ang ating kauna-unahan at paboritong panukalang Go Negosyo Act, na nagtatakdang magtayo ng mga Negosyo Centers na tutulong a ating mga negosyanteng mapalago ang kanilang mga kabuhayan at makadagdag ng trabaho para sa ating mga kababayan.

Sa kasalukuyan, nasa 170 na ang Negosyo Centers sa bansa at inaasahan pa ang pag-akyat ng bilang nito ngayong may inilaang P394 million sa 2016 budget para sa paglalagay ng dagdag na sangay ngayong taon.

Noong nakaraang taon din, naisabatas din natin ang Philippine Competition Act makalipas ang halos 30 taong paghihintay.

Ang nasabing batas ay maituturing na makasaysayan at game changer para sa ekonomiya ng bansa dahil mawawala na ang anumang kartel at pang-aabuso sa maliliit na negosyo tulad sa industriya ng sibuyas at bawang.

Dahil may kumpetisyon sa merkado, magreresulta ito sa abot-kaya at de-kalidad na produkto at serbisyo at magkakaroon ng maraming pagpipilian ang mga mamimili tulad sa industriya ng Internet connection, na sa ngayo’y napakabagal at napakamahal.

***

Sa unang pagkakataon din, nakapagpasa tayo ng batas na may anti-dynasty provision sa SK Reform Act o Republic Act No. 10742.

Sa SK Reform Act,  bawal nang tumakbo ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.

Itinaas din ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.

Kailangan na ring sumailalim sa leadership training programs ang mga SK official upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa pagtupad sa tungkulin.

Maliban dito, itinatakda ng SK Reform Act ang pagtatatag ng Local Youth Development Council (LYDC), na siyang tutulong sa mga pinuno ng SK sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan at titiyak sa paglahok ng mas maraming grupo ng mga kabataan.

***

Noong Agosto 27, 2015 naman, naibatas ang Youth Entrepreneurship Act, na layong bawasan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa.

Sa Youth Entrepreneurship Act, maglalagay ng mga module ng financial literacy at pagnenegosyo sa curriculum ng elementary, secondary at tertiary schools sa buong bansa.

Sa tulong ng batas, bibigyan din ang mga kabataang nais magsimula ng negosyo ng access financing, training, market linkages at iba pang tulong na kailangan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Mga Bida, ito’y unang tatlong taon pa lang. Asahan niyo na lalo pa nating pag-iibayuhin ang pagtatrabaho sa susunod na tatlong taon para sa inyong kapakanan.

BIDA KA!: VP Leni Robredo

Mga Bida, naiproklama na noong Lunes ng Kongreso, bilang National Board of Canvassers (NBOC) ang susunod na presidente at bise presidente ng bansa.

Nais kong ipaabot ang mainit na pagbati sa bagong pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte at bise presidente na si Leni Robredo.

Ang tambalang ito ang magsisilbing gabay ng bansa sa tatahakin nitong landas sa susunod na anim na taon kaya kailangan nila ang ating buong suporta upang magtagumpay.

***

Bilang campaign manager ni VP Leni, masasabi nating napakatamis ng kanyang panalo sa katatapos na halalan.

Maliban sa ito’y isa sa pinakamahigpit na tunggalian sa kasaysayan pagdating sa posisyon ng bise presidente, hindi biro ang aming pinagdaanan ilang buwan bago nagsimula ang kampanya.

Sa mga nakalipas nating kolum, nabanggit natin ang mga hamon na aming kinaharap ni VP Leni sa simula ng labang ito.

Isa sa pinakamalaking hamon noon ay kung paano makikilala si VP Leni. Bago niya tinanggap ang hamon, nasa isang porsiyento lang ang ating rating, kulelat sa anim na kandidato sa pagka-bise presidente.

Bukod dito, problema rin namin noon kung saan kukuha ng pondong gagamitin sa pagpapakilala at pag-iikot sa buong bansa.

***

Subalit hindi namin inalintana ang mga pagsubok na ito. Sa halip, ginawa namin itong “people’s campaign” kung saan ang magdadala sa amin ay ang suporta ng taumbayan.

Naging susi sa aming kampanya ang pagbaba ni VP Leni sa iba’t ibang lugar sa bansa upang magpakilala at iparating sa mga nasa laylayan ng lipunan ang kanyang mensahe ng pag-asa.

Sa tulong nito, unti-unting nakilala ng publiko ang katauhan ni VP Leni, ang kanyang pinagmulan, mga nagawa at mga gagawin pa para sa kanilang kapakanan.

Sa walang pagod na pag-iikot ni VP Leni, nagsilbi siyang inspirasyon sa aming mga tagasuporta at volunteers na pag-igihin pa ang trabaho at tumulong sa pagpapakalat ng kanyang mis­yon na iangat ang mga nasa laylayan na mahalaga sa kanya at sa yumao niyang asawa na si Sec. Jesse Robredo.

Pinatakbo natin nang totoong “people’s campaign”, na kahit iba-iba ang pagkilos, ay tumahak pa rin tungo sa malinaw na layunin na mauuwi sa panalo. Ngayon, tapos na ang kampanya at naiproklama na si VP Leni ngunit hindi pa rito natatapos ang kanyang laban, pati na ng kanyang mga tagasuporta.

Dito pa lang magsisimula ang anim na taong laban ni VP Leni upang mapaganda ang kalagayan ng mahihirap, tulad ng kanyang ipinangako sa atin.

Tiwala tayo na ang nabuong pag-asa at tiwala sa kanyang kampanya ay maipagpapatuloy niya sa pagganap ng tungkulin bilang pangalawang pangulo ng bansa.

BIDA KA!: Boto Ko, Leni Robredo

Mga Bida, sa Lunes, dadagsa ang mahigit limampung milyong Pilipino sa mga presinto upang pumili ng mga susunod na pinuno ng bansa.

Mahalaga ang pagpapasyang ito dahil dito malalaman kung ano bang landas ang tatahakin ng bansa sa susunod na anim na taon.

Tayo ba’y babalik sa dating nakagawian o magpapatuloy ang mga nasimulang pagbabago at malinis na pamamahala?

 Ilang buwan bago ang halalan, nabigyan ang taumbayan ng sapat na kaalaman tungkol sa ating mga kandidato sa presidente at pagka-bise presidente.

 Tig-tatlong debate ang ginawa para sa mga kandidato sa pagka-pangulo at pagka- pangalawang pangulo.

 Sa tulong ng mga debateng ito, umaasa tayo na magkakaroon ng kaalaman ang ating mga botante na siyang magagamit nila sa pagpili ng tamang mga lider bukod sa mga patalastas at balita.

 

-000-

 Nitong mga huling araw, kabi-kabila ang mga batuhan ng putik ng ating mga kandidato, mula sa isyu ng kakayahan, kalusugan hanggang sa tagong yaman.

 Tinalo pa ng mga kontrobersiyang ito ang mga telenovela na napapanood natin sa TV. Mas madrama pa ang totoong buhay kaysa sa mga eksenang natutunghayan natin sa telebisyon.

 Ito’y natural nang kalakaran tuwing halalan. Para makakuha ng bentahe, babatuhin ng isang kandidato ang kalaban ng kung anu-anong isyu sa diyaryo, telebisyon, radio at maging sa Internet.

 Kaya nga paborito kong naririnig mula kay Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang linya na “sa huli, karakter pa rin ng kandidato ang titingnan ng tao at katotohanan pa rin ang mananaig”.
-ooo-

Kaya nga sa ating pagboto, huwag tayong basta maniwala lang sa balitang nababasa natin sa mga diyaryo, naririnig sa radyo at napapanood sa telebisyon. Maiging tingnan natin ang karakter ng isang kandidato.

 Tataya ba tayo sa isang kandidato na may record ng katiwalian o di kaya’y pagnanakaw o sa walang bahid ang record sa pagseserbisyo sa publiko?

 Pipiliin ba natin ang kandidatong maluho sa buhay o simple ang pamumuhay?

 Papanig ba tayo sa kandidato na gumagamit ng lakas at dahas sa pamamahala o doon tayo sa binibigyang boses ang lahat, hanggang sa nasa laylayan ng lipunan?

 Pabor ba tayo sa kandidato na gumagamit ng perang nagmula sa nakaw sa kampanya o doon tayo sa nakasandal sa lakas ng sambayanan para magwagi?

 Doon ba tayo sa kandidato na puro dada lang o iboboto natin ang taong subok na sa paglilingkod, kahit noong wala pa sa pamahalaan?

 Mga Bida, ako’y napagpasya na ng aking pipiliin sa balota. Isa lang ang nasa isip ko sa pagpili ng bise presidente, ang numero singko at ito’y si Robredo.

 

Scroll to top