Columns

BIDA KA!: Iwaksi ang kultura ng karahasan

Mga Bida, parang hango sa eksena ng isang action ­movie ang paglalarawan ng mga pulis sa nangyaring engkuwento na ikina­sawi ng dalawang kabataan sa Caloocan City kamakailan.

Sa kaso ng 17-anyos na si Kian Delos Santos, sinabi ng mga pulis na pinaputukan daw sila ng ­biktima habang nagsasagawa sila ng “one time, big time operation” sa siyudad kaya napilitan silang gumanti ng putok na siyang ikinamatay ng Grade 12 student.

Subalit iba ang nakita ng CCTV camera ng barangay. Nakita na bitbit ng mga pulis si Kian patungo sa lugar kung saan siya nakitang patay matapos ang umano’y engkuwentro.

Natuklasan din sa forensic examination na nakaluhod at ­nakasubsob sa lupa ang biktima nang barilin ito nang ­malapitan. Ibig sabihin, malabo ang pahayag ng mga pulis na lumaban ang biktima kaya nila ito pinaputukan.

Noong una, ibinida rin ng mga pulis na kilalang runner si Kian ng illegal na droga ng kanyang ama at tiyuhin. ­Patunay ng kanilang alegasyon ang sinasabing dalawang sachet ng shabu na natagpuang nakaipit sa kanyang shorts.

Ngunit nang ungkatin ito sa Senado, napag-alamang ­social media lang pala ang pinagbatayan ng Caloocan Police ng ­sinasabi nilang ulat ukol sa pagkakasangkot ni Kian sa ­ilegal na droga.

***

Hindi pa humuhupa ang isyu ni Kian nang mapatay naman ng dalawang miyembro ng Caloocan police si Carl Arnaiz, na nangholdap umano ng isang taxi driver.

Sa kuwento nina PO1 Jeffrey Perez and PO1 Ricky Arquilita, nilapitan sila ng taxi driver na si Tomas Bagcal at hiningan ng tulong para mahuli ang nangholdap sa kanya.

Tulad ni Kian, sinabi ng mga pulis na nakipagpalitan din ng putok itong si Carl kaya napilitan silang gumanti na nagresulta sa pagkamatay ng 19-anyos na binata.

Pero lumitaw sa pagsusuri ng forensic expert na binaril si Carl nang malapitan, kaya malabo ang kuwento ng mga pulis na may nangyaring engkuwentro. Idinagdag din ng forensic expert na mukhang sa ibang lugar pinatay si Carl at inilagay lang sa lugar kung saan siya natagpuang patay.

Lumutang kamakailan ang driver ng taxi at nagsabing ­buhay pa si Carl nang isuko niya sa mga pulis. Para sa driver, mukhang scripted ang pagkamatay ng binata.

Nadagdagan pa ang galit ng taumbayan nang ­makitang ­tadtad ng saksak ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, ang sinasabing kasama ni Carl nang ito’y huling makitang ­buhay, sa Nueva Ecija. Sinabi naman ng PNP na hindi si ­Reynaldo ang bangkay na natagpuan sa Nueva Ecija, batay sa ­isinagawa nilang DNA testing ngunit kinukuwestiyon naman ito ng ­Public Attorney’s Office (PAO).

Ang mga ganitong pangyayari ang nakasisira sa imahe at reputasyon ng Philippine National Police (PNP) bilang institusyon na siyang nagpapatupad ng batas at nagtatanggol sa mga inaapi at mga inosente.

***

Pati ang Simbahan ay naalarma na rin sa sunud-sunod na pagpatay sa ating mga kabataan.

Naglabas na ng magkahiwalay na pahayag sina Cardinal Tagle ng Arsobispo ng Maynila at Obispo ng Cabanatuan City na si Sofronio Bancud na kumokondena sa pagkamatay nina Kian, Carl at Reynaldo.

Hiniling naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa taumbayan na ihinto na ang pagsang-ayon sa mga nangyayaring patayan at magalit sa kasamaang nangyayari sa lipunan.

Kaisa tayo ng dalawang alagad ng Simbahan sa kanilang panawagan na itigil na ang pagpatay sa mga inosenteng biktima na nadadamay sa giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Hindi pagpatay ng kapwa ang solusyon sa ilegal na ­droga. Walang maidudulot na mabuti ang kultura ng kalupitan at karahasan.

Huwag nating hayaang maging normal na kalakaran na lang sa ating lipunan ang kabi-kabilang patayan.

Panahon na upang pag-aralan ang istratehiya ng pamahalaan kontra ilegal na droga. Hindi natin dapat isakripisyo ang buhay ng mahihirap at walang kalaban-laban nating kababayan.

NEGOSYO, NOW NA!: Mentor Me Program

Mga kanegosyo, sa anumang larangan, mas malaki ang tsansang magtagumpay kapag na­big­yan ng tamang payo at gabay.

Sa sports, gumaganda ang performance ng isang atleta sa tulong ng isang magaling na coach.

Sa trabaho, mas nagi­ging epektibo ang isang empleyado kapag nakakakuha ng tamang gabay sa boss.

Ganito rin sa pagne­negosyo. Sa aking karanasan bilang social entrepreneur, mas malaki ang tsansa ng isang negosyo na magtagumpay kapag nabibigyan ng tamang payo at kaalaman ang may-ari nito.

Noon, malaking tulong na para sa amin ang makakuha ng payo mula sa mga taong may ma­lawak nang karanasan sa pagnenegosyo.

Madalas, subok na kasi ang mga payo na kanilang ibinibigay dahil ito’y batay sa kanilang personal na karanasan.

Mula sa kanilang hirap ng pagsisimula ng negosyo, sa mga sinuong na pagsubok hanggang sa magtagumpay, marami tayong makukuhang aral na magagamit natin sa ating sariling negosyo.

***

Kaya naman sa ating Negosyo Centers, nagbibigay sila ng kahalintulad na serbisyo na tinatawag na Mentor Me Program.

Layunin ng Mentor Me Program na bigyan ng sapat na kaalaman ang ating mga papausbong na mga negosyante mula sa personal na karanasan ng mga matagumpay na negosyante mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang Mentor Me Program ay kinapapalooban ng serye ng modules kung saan itinuturo sa mga bagong negosyante ang kailangang kaalaman sa pagnenegosyo upang magtagumpay.

Kung minsan, pati nga mga matatagal nang negosyante ay dumadalo rin sa Mentor Me Program bilang refresher course at para makakuha rin ng mga dagdag at bagong kaalaman sa pagnenegosyo.

***

Isa sa mga dumalo at nakinabang sa Mentor Me Program ng Negosyo Center ay si Terence Neil Padrique, may-ari ng The Lemon Company na naka­base sa Cebu City.

Sa hangaring mapalago ang negosyong pagtitinda ng lemonade, nagpasya si Padrique na mga sumali sa Mentor Me Program na i­binigay ng Negosyo Center sa siyudad.

Mapagbiro ang tadhana, ayon kay Padrique, dahil isa sa mga mentor sa seminar na kanyang dinaluhan ay ang kakum­pitensiyang si Bunny Pages, ang may-ari ng Thirsty, isa sa matagum­pay na fruit shake business sa lalawigan.

Sa pagsisimula ng seminar, biniro pa siya ni Pages na mahigpit na kakumpitensiya. Sa kabila­ nito, hindi nag-atubili si Pages na ituro kay Pad­rique ang kanyang nala­laman pagdating sa fruit shake business.

Hindi naman nagsisi­ si Padrique sa kanyang pagdalo sa seminar dahil marami siyang natutuhan mula kay Pages.

Aniya, isang napaka­laking karangalan ang matuto sa ilalim ni ­Pages. Ayon pa kay Pad­rique, itinuturing niya ang Thirsty bilang ‘big brother’ at si Pages bilang ‘mentor’.

***

Maliban sa semina­r na ibinigay ni ­Pages, dumalo pa si Padrique sa 13 iba pang learning modules na layong turuan sila ng mga tamang hakbang para mapalaki ang kanilang negosyo.

Maliban pa rito, natuto rin si Padrique ukol sa pagbubuwis at iba pang batas kung saan kulang ang kanyang kaalaman.

Hindi naman nasa­yang ang natutuhan ni Padrique sa Mentor Me Program dahil nagkaroon siya ng dagdag na kumpiyansa para palawakin pa ang kanyang negosyo.

Sa ngayon, may anim nang stalls si Padrique sa tatlong malls sa Cebu at Mandaue City.

Sa tulong ng kaala­man na nakuha kay ­Pages, nais ni Padrique na pasukin ang malala­king unibersidad at mga business centers sa Cebu sa mga susunod na buwan.

***

Higit sa 600 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulu­ngang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!

BIDA KA!: Pagbangon ng Marawi

Mga Bida, nagkaroon ako ng pagkakataong bumisita sa Marawi City para pangunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang Negosyo Center sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ilang araw bago nangyari ang pagsala­kay ng Maute group sa siyudad.

Nang ako’y magtungo roon, makikita mo sa mukha ng mga resi­dente ang bakas ng pag-asa na magkakaroon na ng katuparan ang kanilang pangarap sa tulong ng Negosyo Center sa siyudad.

Napakalaki ng potensiyal ng Marawi City bilang susunod na sentro ng kabuhayan at negosyo sa ARMM. Umasa rin tayo na makatutulong ang Negosyo Center sa lalo pang mabilis na pag-unlad ng siyudad.

***

Ngunit nangyari ang hindi inaasahan. Pumutok ang kaguluhan sa siyudad sa pag-atake ng grupong Maute.

Kasabay ng pagsira ng mga bomba at mga bala sa mga gusali at iba pang imprastruktura sa lugar, kasamang nadurog ang pangarap na mas magandang buhay ng mga taga-Marawi.

Ang siyudad na dati’y puno ng potensiyal sa pag-unlad, ngayo’y nagkadurug-durog na bunsod ng halos walang humpay na bakbakan.

Ito ang napakalaking hamon na kinakaharap ng pamahalaan at ng Special Committee on Marawi City Rehabilitation na binuo ng Senado upang maibangon ang siyudad mula sa pagkakalugmok. Ang inyong lingkod po ay napabilang sa komite bilang miyembro mula sa minorya ng Senado.

Noong Martes, nagpulong sa kauna-unahang pagkakataon­ ang komite upang masimulan na ang paghahanda para sa napakalaking aming kakaharapin sa mga susunod na buwan kapag nagwakas na ang kaguluhan sa Marawi.

***

Sa pulong ng komite, ilang pagkilos ang ating inirekomenda upang matiyak na magiging epektibo ang mga gagawing pagkilos sa mga susunod na linggo at mga buwan.

Bilang miyembro ng minorya, nangako tayo ng buong ­suporta sa mga pagkilos ng pamahalaan kaugnay ng muling pagbangon ng Marawi.

Apat na mahalagang rekomendasyon ang ating inilahad sa komite na alam kong makatutulong upang mapabilis ang pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Marawi.

Una, naniniwala ako na kailangan ng sama-samang pagkilos ng lahat upang matiyak ang mabilis na pagbalik sa normal ng buhay ng mga taga-Marawi.

Dahil karamihan ng mga dumalo ay bahagi ng national­ agencies, hiniling ko rin na kumuha ng mga totoong kinatawan mula sa Marawi City, gaya ng opisyal ng local government unit (LGU) o miyembro ng NGO. Mahalagang mari­nig ang boses nila sa pagbuo at pagpapatupad ng mga plano.

Ikatlo, inirekomenda ko rin na magsagawa ng pagdinig sa Marawi City upang magkaroon ng malinaw na ideya at maranasan kung ano ba talaga ang nangyayari sa siyudad.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ang komite ng ideya kung ano ang mga kailangang gawin upang maibangon ang Marawi.

***

Ikaapat, at sa tingin ko na pinakamahalaga, ay kung magkakaroon ba ng mekanismo kung saan susuportahan ng pamahalaan ang mga may-ari ng pribadong ari-arian na nasira sa operasyon ng militar laban sa Maute group.

Sa ngayon, wala kaming makitang probisyon na nagbibigay­ ng tulong sa mga kababayan nating may nasirang ari-arian.

Sa parte naman ng Department of National Defense (DND), pinag-aaralan na rin nila ang aspetong ito.

Kung hindi, kailangan pa nating alamin kung dapat bang magpasa ng batas upang mabigyan ng sapat na tulong ang mga pribadong tao na nawalan ng ari-arian dahil sa bakbakang ito.

Malaking trabaho ang nakatakdang harapin ng komite kapag idineklarang tapos na ang labanan sa Marawi.

Subalit sa sama-sama pagkilos ng lahat ng sektor, mas madali ang ­trabaho at mapapabilis ang pagbangon ng Marawi City.

NEGOSYO, NOW NA!: Patok ang tulong ng Negosyo Center business counselors

Mga kanegosyo, noong panahon ko ­bilang social entrepreneur, ma­ra­ming beses din ­tayong humingi ng abiso at ­tulong sa ibang mga negosyante.

Napakalaking tulong talaga kung mayroon kang mapagtatanu­ngan na naranasan din ang pinagdadaanan mo.

Kaya hindi matatawa­ran ang tulong na hatid ng mga business coun­selor ng Negosyo Centers sa ating mga kababayan o mga organisasyon na nais makapagsimula ng bagong negosyo.

Napakahalaga ng ka­nilang mga tulong at payo, na kung susundin ng ating mga ­kababayang lumalapit sa ­Negosyo Centers, ay makatutu­long upang maging ma­ta­gumpay ang itatayo nilang negosyo.

Isa sa mga susi ng tagumpay sa pagnenegosyo ay ang pagkakaroon ng bukas na isip sa mga payo at suhestiyon mula sa mga taong sanay na sa ganitong larangan.

Ang kanilang mga payo ay bunga ng pag-aaral habang ang iba nama’y mula sa pansarili nilang karanasan sa pagnenegosyo kaya masasabing ito’y subok na.

Sa ating kolum nga­yon, itatampok natin si Jocelyn Gracilla, na ­tubong Cabiao, Nueva Ecija.

***

Halos kalahati ng kanyang buhay ay napunta lang sa pagtatrabaho bilang ­empleyado.

Nang mapagod na sa araw-araw na kapapasok sa opisina at paggawa ng pare-parehong trabaho, nagpasya si Jocelyn na magtayo ng sariling nail salon at spa.

Nang mabalitaan na mayroong Negosyo ­Center sa kanilang lugar, agad dumalo si Jocelyn sa isang seminar ukol sa entrepreneurship at BMBE orientation.

Sa Negosyo ­Center, nilapitan siya ng ­business counselor na si Manolet Caranto, kung saan ­sinabi niya ang kanyang planong magtayo ng isang nail salon at spa.

Nagturo si ­Manolet sa Alternative Learning System bago pumasok bilang clerk sa lokal na pamahalaan ng Cabiao. Pagkatapos nito, nag-­apply siya sa Negosyo Center-Cabiao bilang business counselor.

Nakita ni Manolet ang potensiyal na pumatok ang planong negosyo ni Jocelyn kaya pinayuhan muna siyang iparehistro ito sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Business Permit and Licensing Office ng ­Cabiao.

Sa tulong ng business counselor, naiparehistro ang Celine Nail Salon and Spa bilang Barangay Micro Business Enterprise (BMBE).

Ilang araw ang nakalipas, nakuha niya ang BMBE Certificate of Authority na inisyu ng DTI-Nueva Ecija.

Bumalik si Jocelyn sa Negosyo Center at nagpatulong naman sa business counselor sa pag­gawa ng business proposal upang makautang ng puhunan.

Kasama ang business counselor, binuo nila ang business proposal na nagustuhan naman ng kaibigan ni Jocelyn kaya siya pinautang ng puhunan upang masimulan ang negosyo.

Ginamit ni Jocelyn ang kapital upang umupa ng malaking lugar para sa kanyang negosyo, Ang natira naman ay pinam­bili niya ng mga kaila­ngang gamit ng kanyang nail salon at spa.

Hindi naman nagkamali si Jocelyn sa piniling negosyo dahil pumatok ito sa kanyang mga kababa­yan sa ­Cabiao.

Sa araw-araw, hindi na­wawalan ng customer si Jocelyn kaya regular ang pasok ng kita para sa kanya at mga tauhan ng nail salon.

Sa ngayon, nagpaplano si Jocelyn na mag­lagay ng iba pang sangay ng Celine Nail Salon and Spa sa iba’t ibang bahagi ng Nueva Ecija.

Sa kabila ng tagum­pay, patuloy pa ring bumibisita si Jocelyn sa Negosyo Center at regu­lar ang pagsangguni sa business counselor ukol sa operasyon at iba pang problema na kinakaharap ng kanyang negosyo.

BIDA KA!: May due process ba o wala?

Mga Bida, dalawang maiinit na isyu ang tinututukan at iniimbestigahan ng Senado sa kasalukuyan.

Una rito ang P6.4 bilyong halaga ng shabu galing China na walang hirap na nakalusot sa ­Bureau of Customs (BOC) at ­nakita sa isang warehouse sa ­Valenzuela noong Mayo.

Pangalawa ay ang nangya­ring pagpatay sa 17-anyos na si Kian­ Delos Santos, isang 17-­an­yos na Grade 12 student sa Oplan Galugad na isinagawa ng ­Phi­lippine National Police (PNP) sa ­Caloocan City.

Ito’y dalawang magkahiwalay na insidente’y kinokonekta ng iisang bagay  droga.

Ang isa’y kinasasangkutan ng bilyun-bilyong halaga ng droga na nakapasok sa bansa sa gitna ng pinatinding giyera ng pamahalaan kontra bawal na gamot.

Ang isa nama’y nakitaan umano ng dalawang sachet ng shabu­ habang walang buhay na nakahandusay sa isang ­madilim na sulok.

Mabuti na lang at mayroong CCTV ang barangay na nakasaksi sa pagkaladkad ng dalawang pulis kay Kian sa lugar kung saan siya natagpuang patay.

Kung walang CCTV, magiging istatistiko lang si Kian­ sa libu-libong Pilipinong napatay na sa “legitimate police ­operations”.

***

Ito ang katotohanan na ikinabahala ko at mga kapwa ko mambabatas na nag-iimbestiga sa dalawang isyu. Ibang-iba ang trato sa mga suspect na sangkot dito.

Nakalimang hearing na ang Senado ukol sa P6.4 bilyong droga na nakapasok sa bansa pero hanggang ngayon, wala pa ring nakakasuhan ukol dito.

Sa bawat hearing ng Senado, nadadagdagan ang mga karakter­ at mga lumilitaw na pangalan na dawit sa nasabing eskandalo ngunit wala ni isa mang personalidad ang nasasampahan ng kaso.

Sa isyu ng P6.4 bilyong ilegal na droga, nabibigyan ng due process ang mga sangkot.

Ngunit sa Oplan Galugad ng gobyerno,­ maraming maliliit ang namamatay nang hindi nabibigyan ng pagkakataong magbigay ng kanilang panig o ipagtanggol ang kanilang sarili.

Nakakalungkot ngunit ito ang katotohanang nakikita, ­hindi lang ng inyong lingkod, kundi ng marami pa nating mga kababayan.

Kapag malalaking isda ang nasasangkot sa droga, nabibigyan ng proseso at pagkakataong igiit ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas.

Pero pagdating sa Oplan Galugad, walang lugar para sa paliwanag, pagmamakaawa at pakiusap.

Kahit ano pang pagmamakaawa ni Kian, naging bingi ang mga pulis sa sigaw ng binata na pakawalan na siya dahil mayroon pa siyang exam kinabukasan.

***

Inilibing na si Kian noong Sabado ngunit hindi matatapos doon ang kanyang kuwento. Asahan niyo na hindi tayo titigil­ hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Hindi rin titigil ang Senado sa imbestigasyon hanggang hindi natutukoy at naparurusahan ang mga nasa likod ng halos 600 kilo ng shabu na nakalusot (o sadyang pinalusot) sa ­Bureau of Customs.

NEGOSYO, NOW NA!: Tulong ng Negosyo Center business counselors epektibo

Mga kanegosyo, sa aking paglalakbay bilang entrepreneur naging mahalaga ang pagkuha ng tamang payo.

Napakahalaga na me­ron kang natatanungan at kahit papaano ay nagpapakita na hindi ka nag iisa sa iyong pagnenegosyo. Dito pumapasok ang mga business counselors sa ating mga Negosyo Center.

Importante ang kanilang papel, lalo na pagdating sa paggabay sa ating mga kababayan natin na magnegosyo ngunit walang sapat na kaalaman upang ito’y simulan at patakbuhin.

Maliban pa rito, handa ang mga business counselor na bigyan ng kaila­ngang payo ang ating mga maliliit na negosyante sa mga karaniwang problema na nararanasan ng kanilang negosyo.

***

Sa kolum na ito, bibigyang pansin natin ang kuwento ni Junnairah Adrie at kung paano siya natulungan ng isang business counselor sa Negosyo Center-Cotabato City.

Kabilang ang negosyo ni Junnairah sa napakaraming tindahan ng siomai sa lungsod. Ngunit angat si Junnairah sa iba dahil siya mismo ang may gawa ng kanyang chilli garlic sauce para sa tindang siomai.

Napagtanto ni Junnairah na hindi sapat ang pagiging agresibo lang sa negosyo at kailangan niya ng sapat na kaalaman upang ito’y mapatakbo nang tama at maayos.

Ito ang dahilan kaya nagtungo siya sa Negosyo Center-Cotabato City upang humingi ng tulong.

Agad naman siyang tinulungan ni business counsellor Sharmagne Joyce Edio, na pinayuhan siyang iparehistro muna ang kanyang negosyo sa Department of Trade and Industry (DTI).

Noong Oktubre 2016, naiparehistro na ni Junnairah ang JBH Food Express.

***

Sa pagpapatuloy ng kanyang konsultasyon, pinuri ni Sharmagne ang chilli garlic sauce na si Junnairah mismo ang may gawa.

Pinayuhan din ng business counsellor si Junnairah na pag-aralan ang pagbebenta ng kanyang chili garlic sauce dahil nakapalaki ng potensiyal nito sa merkado.

Tinulungan din ni Sharmagne si Junnairah sa packaging, brand logo at paggawa ng label sa kanyang chili garlic sauce.

Hindi pa riyan natapos ang tulong ni Sharmagne dahil binigyan din siya ng kaalaman pagdating sa marketing, lalo na pagda­ting sa social media.

Dumalo rin si Junnairah sa libreng entrepreneurial trainings na bigay ng Negosyo Center.

***

Nang mabuo na ang bagong logo at packaging ng kanyang produkto, agad inilagay ni Junnairah sa Facebook ang kanyang chili garlic sauce bilang pagsunod sa payo ni Sharmagne.

Ayon kay Junnairah, marami siyang natanggap na tanong at order ukol sa kanyang produkto, mula sa mga tao na hindi niya kilala.

Dahil sumailalim sa training sa Negosyo Center kung kung paano makikipag-usap sa mga customer, maayos na naipakilala ni Junnairah ang kanyang produkto sa mga interesadong bumili, na ang ilan ay mula sa mga kalapit-lalawigan sa Mindanao.

Sa istratehiyang itinuro ni Sharmagne, umakyat sa 32 kilo ng chili garlic sause ang kanyang naibenta kada buwan, mula sa dating isang kilo lang bago siya lumapit sa Negosyo Center.

Ngayon, nagbebenta na rin si Junnairah ng wholesale o bultuhan sa mga nais magbenta ng kanyang produkto sa ibang lugar.

Sa ngayon, plano niyang dagdagan ang produkto ng baling o shrimp paste at iba pang uri ng sawsawan.

Malaking tulong talaga ang bigay ng ating mga business counsellor gaya ni Sharmagne.

Sila ang mga katuwang ng ating Negosyo Centers sa pag-alalay at paggabay tungo sa tagumpay ng ating mga kababayang negosyante.

***

Higit sa 600 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sanegosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kaganda­hang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Lingkod bayan sa Negosyo Centers

Mga kanegosyo, noong Lunes ginunita natin ang ika-34 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Ninoy Aquino, na aking tiyuhin at idol.

Ang kanyang duguang katawan sa Tarmac ng noo’y Manila International Airport ang pumukaw sa natutulog at tahimik na damdamin ng taumbayan. Sa kanyang libing, libu-libo ang dumagsa at nagpahayag ng galit sa nangyari.

Ang pagkamatay ni Tito Ninoy ang nagbigay sa taumbayan ng lakas ng loob at inspirasyon upang patalsikin ang diktadurya sa pamamagitan ng People Power na nagbalik sa demokrasya na ating tinatamasa ngayon.

***

Sa kasalukuyan, ang diwa ng People Power ay nakikita, hindi lang sa mga rally, ngunit sa mga proyekto laban sa katiwalian, laban sa pang-aabuso ng may kapangyarihan, at laban sa kahirapan.

Isa sa mga proyekto natin upang sugpuin ang kahirapan at bigyan ng pagkakataong umasenso ang mga Pilipino ay ang pagtatayo ng Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Natutuwa naman ako na hindi tayo nag-iisa sa labang ito dahil naririyan ang mga masisipag na tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga business counselors na walang pagod na tumutulong at nagbibigay ng payo sa ating mga kababayan na nais magnegosyo.

Tulad ng mga bayani at martir noong panahon ng Batas Militar, inaalay rin nila ang kanilang trabaho at buhay upang tulungan ang kanilang mga kababayan na makaalis sa gapos ng kahirapan at umasenso sa buhay.

Kabilang na rito si Lourdes Castillo, isa sa mga business counselor ng Negosyo Center sa San Felipe, Zambales.

Nagsimulang magtrabaho si Lourdes bilang nurse sa Ospital ng Makati o OsMak. Habang siya’y nagtatrabaho, sinabayan niya ito ng negosyong ‘Jolly Jeep’ upang makakakuha ng dagdag na panggastos para sa pamilya.

Sa mga hindi pamilyar, ang ‘Jolly Jeep’ ay isang karinderya on wheels na nagbebenta ng pagkain sa mga nagtatrabaho sa Makati.

Patok ito sa mga empleyado sa Makati dahil sa kakaunting murang kainan sa lugar. Subalit sa kasamaang-palad, hindi nagtagumpay ang negosyong ito ni Lourdes.

Nagtrabaho si Lourdes ng isang dekada sa OsMak bago siya naging instructor sa Ramon Magsaysay Technological University (RMTU) sa Zambales.

Sa kanyang panahon sa RMTU, kinumbinsi siya ng kanyang dean na mag-apply sa DTI San Felipe bilang business counselor dahil karamihan sa mga subject na kanyang itinuturo ay may kinalaman sa negosyo.

***

Sa kagustuhang makatulong sa mga kababayan natin na nais magnegosyo, agad siyang nag-apply sa DTI San Felipe at natanggap bilang business counselor.

Ayon kay Lourdes, isa sa mga hamon ng bagong trabaho ay kung paano masasagot ang lahat ng katanungang ibinabato sa kanya ng mga lumalapit sa Negosyo Center.

Isa sa mga paborito niyang payo sa mga kli­yente ay ‘dapat sanay ka sa ‘risk’, sanay kang makipagsapalaran’.

Para kay Lourdes, bahagi ng pagnenegosyo ang pagkalugi. Ang mahalaga rito ay kung paano ka babangon at magsisimula uli.

Karamihan ng mga natulungan ni Lourdes ay mga bagong negos­yante na ilang beses na ring nabigo at nalugi.

Palagi niyang payo, huwag mawalan ng pag-asa dahil bahagi ng pagiging negosyante ang pagkalugi.

Madalas, sinasabihan niya ng mga humihingi ng gabay na mag-isip ng ibang negosyo nang hindi na bibili pa ng bagong gamit upang hindi sa­yang ang pera.

Kasabay ng pagbibigay ng payo, ibinabagi rin ni Lourdes ang kanyang karanasan bilang negosyante upang maging aral at gabay sa kanilang sari­ling negosyo.

Ayon kay Lourdes, itinuturing niyang napakalaking pagkakataon ang makapagsilbi sa Negosyo Center bilang business counselor upang maibahagi ang kanyang kaalaman sa negosyo at mailayo ang mga kababayan natin sa mga kamalian na kanyang sinapit noon sa kanyang ‘Jolly Jeep’ business.

Kitang kita kay Lourdes ang pagmamahal niya sa bayan at ang puso niya para sa kapwa Pilipino. Ito ang diwa ng People Power at naniniwala akong ito ang tinutukoy ni Tito Ninoy noong naisip niyang, “The Filipino is worth dying for.”

***

Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sanegosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-2 hanggang alas-3 ng hapon sa DZRH 666 sa programang ‘Go Negosyo sa Radyo’ kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!

BIDA KA!: Kuwento ni Kian

“Ian, isara mo na ang tindahan­ at matulog ka na.”

Mga Bida, ito ang mga huling salita na binanggit ni Lola Violeta sa apo na si Kian Delos Santos, ang 17-anyos na Grade 12 student na nasawi sa anti-drug ope­ration ng kapulisan sa Caloocan.

Isa ako sa mga nagulat, nagalit at napaluha sa sinapit ni Kian, o Ian sa kanyang pamilya at malalapit na kaibigan.

Mahirap tanggapin na sa ganito matatapos ang buhay ni Ian, na isang mabuti at masunuring anak at tapat na kaibigan.

Nang mabalitaan ko ang nangyari kay Ian, na napatay sa Oplan Galugad ng PNP sa Caloocan, pinanghinaan ako ng loob at naisip ko kung paano na umabot sa ganito ang Pilipinas.

Ito na ba ang normal na kalakaran sa ating bansa, lalo na sa mahihirap na barangay sa ating bayan?

Alam ko, hindi lang ako ang nakaramdam nang ganito. Marami po sa ating mga kababayan ang nalungkot noong una at nakaramdam ng galit sa nangyari kay Ian at sa kanyang pamilya.

***

Sa aking pagdalaw sa burol ni Ian, doon ko nakilala ang binatilyo. Sari-sari store owner ang kanyang amang si Zaldy at nagtatrabaho sa Riyadh bilang OFW ang kanyang inang si Lorenza.

Sa kuwento ng kanyang mga magulang, napakabuting anak ni Ian. Araw-araw, gumigising siya nang maaga upang magbenta ng school supplies sa mga estudyante at magulang na ­naglalakad papunta sa paaralang malapit sa kanila.

Maliban sa pagiging mabait na anak, si Ian ay masipag na estudyante. Katunayan, nagtayo pa siya ng isang study group kasama ang mga kaklase upang sama-sama silang mag-aral at makapagtapos ng high school.

Ayon sa kanyang mga barkada, si Ian ay masayahin, malambing at magaling sumayaw.

Mahilig siya sa FLIPTOP at idolo niya ang Pinoy battle rapper na si Basilyo.

Higit sa lahat, si Ian ay mapagmahal na kaibigan. Ramdam na ramdam ko po ang pagmamahal ng kanyang mga kaibigan nu’ng nakasama ko sila kahapon sa burol ni Ian.

Nang maospital ang kanyang best friend na si Lennard, nagbenta si Ian ng damit para lang makabili ng prutas upang may bitbit sa kanyang pagdalaw.

***

Nangarap si Ian na maging pulis, ngunit sa huli, mga pulis din ang kumitil sa kanyang buhay noong gabi ng ika-labing-anim ng Agosto sa ngalan ng giyera kontra ilegal na droga.

Narinig pa ng mga saksi na sumisigaw si Ian ng “tama na po! tama na po! May test pa ako bukas!” habang kinakaladkad patungo sa isang madilim na sulok sa isang eskinita sa kanilang lugar kung saan siya natagpuang patay.

***

Kung tiningnan lang ng mga pulis ang Ian na kanilang kinaladkad hindi bilang drug addict kundi bilang tao na punumpuno ng pag-asa at potensiyal, siguro po buhay pa siya ngayon.

Isa lang si Kian sa libu-libong nasawi sa giyera ng pamahalaan kontra droga. Kung wala lang CCTV camera na nakakuha sa tagpo noong gabing iyon, siguradong kasama na ang kanyang kaso sa tinatawag na lehitimong operasyon ng PNP.

Ilan pa ba ang kailangang mamatay bago natin tanggapin ang napakasakit na katotohanan na hindi karahasan ang solusyon­ sa problema ng droga kundi ito’y magdudulot lang ng mas mara­ming bangkay at mga pamilyang wasak at nagdurusa.

May iba pang solusyon sa problema ng droga. Ito’y sa pamamagitan ng edukasyon, pinalakas na sistema ng katarungan, rehabilitasyon, tamang pagpapatupad ng batas, paglaban kontra kahirapan at pagbibigay ng kabuhayan at trabaho sa ating mga kababayan.

Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang pagbubuwis ni Ian ng kanyang buhay. Bigyan natin ng katarungan ang kanyang pagkamatay. Papanagutin natin ang mga nasa likod ng ­talamak na extra-judicial killings sa bansa.

BIDA KA!: Bagong sistema para mabago ang Customs

Mga Bida, sa gitna ng matinding giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga, nasangkot sa kontrobersiya ang Bureau of Customs (BOC) sa balitang nakalusot sa kanilang pagbabantay ang P6.4 bilyong halaga ng shabu.

Nakapasok ang napakalaking bulto ng droga sa kabila ng bagong sistemang ipinatutupad ng pamumuan ng BOC sa ilalim ni Commissioner Nicanor Faeldon, kasama ang kapwa niya dating sundalo na nag-aklas kontra katiwalian ilang taon na ang nakalipas.

Maraming personalidad ang nadawit nang pangalanan ni Mark Taguba, ang broker ng shipment na pumasok sa bansa, ang mga binigyan niya ng “tara” na umaabot ng P40,000 para maipasok ang kontrabandong ­naglalaman ng droga.

Malinaw na ginagamit ng mga sindikato ng droga ang ­kahinaan ng mga tao sa katiwalian at sistema sa Customs para makapagpasok ng droga sa bansa.

***

Napakabigat ng kontrobersiyang ito dahil kung hindi nasabat ng mga awtoridad ang droga, maraming buhay at pamilyang ­sisirain ang 600 kilo ng shabu kapag ito’y nakapasok sa merkado.

Ngunit magugulat ka sa kilos ng mga tauhan ng BOC sa mga naunang pagdinig ng Senado sa kontrobersiya.

Kung titingnan ang reaksiyon ng ibang taga-Customs, parang hindi naiisip ang bigat ng epekto ng kanilang kapabayaan sa lipunan.

Hindi mo man lang sila makitaan ng bakas ng pagsisisi at kagustuhang malaman ang puno’t dulo ng pangyayari upang mapapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.

Nakapagtataka ito, lalo pa’t pangunahing programa ng pamahalaan ang pagsugpo sa ilegal na droga.

***

Kung ginawa lang ng mga taga-Customs ang kanilang ­trabaho, hindi makalulusot sa kanilang pagbabantay ang ­kontrabando ng ilegal na droga.

Ang shipment na pinasok ng EMT Trading, na isang baguhang broker, ay hindi dapat idinaan sa green lane nang basta-basta.

Iyon pala, madali lang magpasok sa green lane kung may pambayad ka, batay sa testimonya ni Taguba.

Kaya dalawa ang tinitingnan natin sa sitwasyong ito. Una, nagkaroon ng kapabayaan sa pagganap ng tungkulin ang mga tauhan ng Customs na nakatalaga sa pagbabantay ng mga ­kargamentong pumapasok sa bansa.

Ang mas malala rito, kung mayroong sabwatan sa pagitan ng mga tauhan ng BOC, gaya ng sinasabi ni Taguba, para sad­yang palusutin ang ilegal na droga sa bansa.

Ito ang tinatawag kong “negligence with corruption” kung saan tumanggap ng lagay ang ilang tauhan ng Customs upang sadyang ipikit ang kanilang mga mata at huwag kumilos upang walang hirap na makalusot ang ilegal na droga.

***

Sa aking pagtatanong kay Commissioner Faeldon kung ano ang solusyon para matuldukan na ang katiwaliang ito sa Customs, sinabi niya na kailangang magkaroon ng malawakang ­revamp upang malinis ang hanay.

Subalit hindi tayo kumbinsido sa solusyong ito ni Faeldon. Wala ring kuwentang magpalit ng tao sa Customs kung mana­natili ang lumang sistema na madaling mapasukan ng katiwalian.

Araw-araw ka mang magpalit ng tauhan, kung ang susundin nilang sistema at mga patakaran ay marupok sa katiwalian, mananatili ang kultura ng lagayan at tara.

NEGOSYO, NOW NA!: Tulong para sa mga OFW, mula simula hanggang dulo

Mga kanegosyo, naisipan naming magtayo ng mga Negosyo Centers sa buong Pilipinas para mayroong matatakbuhan ang mga kababayan na­ting nais magsimula ng negosyo.

Bilang dating social entrepreneur na tumutulong sa mga nanay na may sari-sari store, nakita ko ang kahalagahan ng suporta sa mga maliliit na negosyo.

Kaunting suporta sa training, tulong sa pagkuha ng loan sa bangko at pag-ugnay sa merkado ay nakakatulong sa pag-asenso ng maliliit na negosyo at pag-unlad ng pamilyang Pilipino.

Ngunit noong nagbukas ang mga Negosyo Center, hindi lang mga mayroong maliliit na negosyo ang bumisita at nag-training dito.

Sa aming pag-iikot, marami kaming nakikila­lang dating overseas Filipino worker o OFW na gustong magtayo ng negosyo upang manatili na sa Pilipinas.

Sa aking pagbiyahe sa ibang bansa, marami rin akong nakakausap na OFW at nakukwento nila ang kanilang pinagdadaanan at mga hamon sa kanilang buhay, especially sa mga gusto bumalik.

Kaya natutuwa tayo na ang Negosyo Center ay nakakatulong din sa mga kababayang OFWs sa larangan ng pagnenegosyo upang magkaroon ng options na hindi na mag-ibang bansa.

Sa tulong ng business counselors ng Negosyo Centers, nabibigyan sila ng kailangang payo at gabay kung paano sisimulan ang isang negosyo at iba pang mga paraan kung paano ito palalaguin.

***

Isa sa mga OFW na natulungan ng Negosyo Center si Jaylhea Silvestre Barque na nagpapatakbo ng isang mini-restaurant sa Kuwait.

Plano ni Jaylhea na makapagsimula ng maliit na negosyo upang may kabuhayan sakaling magpasya siyang huwag nang bumalik sa Kuwait para magtrabaho.

Nais niyang gamitin ang naipundar na maliit na lupain sa planong negosyo na paggawa ng balut.

Dahil walang sapat na kaalaman sa pagsisimula ng negosyo, dumalo si Jaylhea sa Entrepreneurship and Business Planning Workshop ng Department of Trade and Industry (DTI) and Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa tulong nito, nakabuo siya ng inisyal na plano para sa paggawa ng balut ngunit marami pang kulang kaya lumapit siya sa Negosyo Center sa Kidapawan City upang humingi ng tulong at payo.

Agad naman siyang tinulungan ng isang business counselor ng Negosyo Center sa pagbuo ng isang business plan, na inindorso naman ng Negosyo Center sa DOLE-OWWA Regional Office.

Maliban pa rito, isinumite rin ng Negosyo Center ang kanyang business plan sa Land Bank of the Philippines (LBP)- Kidapawan Field Office para makautang ng kailangang puhunan.

Tinulungan din siya ng DTI at Negosyo Center-Kidapawan sa kanyang aplikasyon para sa loan na aabot ng P1.2 milyon para sa pagbli ng 2,000 itik at dalawang units ng incubator na may kapasidad na 20,000 itlog.

***

Ilang araw ang nakalipas, binisita ng LBP ang maliit na sakahan ni Jaylhea para ma-appraise ang halaga.

Dahil kumpleto ang business plan na binuo sa tulong ng Negosyo Center-Kidapawan at sapat naman ang halaga ng sakahan, wala pang isang buwan ay naaprubahan na ang aplikasyon ni Jaylhea para sa loan.

Ngayon, tumatakbo na ang negosyong paggawa ng balut ni Jaylhea, salamat sa tulong na ibi­nigay ng Negosyo Center-Kidapawan, mula sa pagbuo ng business plan hanggang sa pag-asikaso ng business loan. Ito ang tulong mula umpisa hanggang dulo na hatid ng Negosyo Center.

***

Mga kanegosyo, noong nakaraang linggo, dumalo tayo sa pagbubukas ng ika-596 Negosyo Center sa Castillejos, Zambales.

Ito ang ikaapat na Negosyo Center sa lalawigan, kasunod ng Olongapo, Iba at San Felipe. Sa mga Zambaleño na interesadong magnegosyo, bumisita na sa apat na Negosyo Centers sa inyong lalawigan.

***

Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulu­ngang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sanegosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-2 hanggang alas-3 ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!

Scroll to top