NEGOSYO, NOW NA!: Biglang Yaman
Mga Kanegosyo, nitong nakalipas na dekada, nagpasukan ang mga imported donut sa ating lokal na merkado.
Ngunit bago pa namayagpag ang mga brand na ito, isa sa mga kilalang donut brand ang Cello’s Donuts, na patok sa mga mag-aaral sa may Katipunan at iba pang bahagi ng Quezon City.
Ang nasabing donut shop ay pag-aari ni Jutes Tempo, isang negosyante at college basketball coach.
Sa aming kuwentuhan ni Jutes sa programang “Status Update”, nabanggit niya na ang negosyo ay bunga ng pag-iibigan nilang mag-asawa.
Nang magtapos si Cello, ang kanyang kasintahan noon, mula sa pag-aaral, naisip niyang magbenta ng donut sa mga mag-aaral. Bilang masugid na mangingibig, umalis si Jutes sa kanyang trabaho at sinamahan si Cello sa negosyo.
Noong 2004 nga, isinilang ang Cello’s Donuts sa panahong pausbong ang mga donut sa bansa.
***
Ayon kay Jutes, para silang kinasihan ng suwerte nang simulan nila ang pagbebenta ng donut.
Naisip nilang gumawa ng iba’t ibang flavor ng donut na may Oreo, M&Ms at iba pang uri ng tsokolate.
Dahil nakapuwesto sa Katipunan ang una nilang branch, agad namang pumatok ang iba’t ibang flavor na ito sa kabataan na mahilig sa matatamis.
Sa pagluluto nila ng donut, nakadagdag pa ng pang-akit sa mga customer ang exhaust mula sa kusina at nakatapat sa kalsada. Amoy na amoy tuloy ng mga dumadaan ang mga bagong lutong donut.
***
Ang kuwento niya, sa kasabay na naranasang tagumpay nilang mag-asawa, hindi rin nawala ang araw-araw na pagsubok at hamon sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.
Kasama na rito ang mga nasisirang gamit, mga babayarin at minsan, ang panloloko ng masasamang tao.
Ngunit ginamit ng mag-asawa ang mga pagsubok na ito upang mas mapaganda ang kanilang operasyon at mapalago ang negosyo. Makalipas ang isa’t kalahating taon, nabawi na ng mag-asawa ang kanilang puhunan.
***
Mga Kanegosyo, ngunit nang tanungin natin si Jutes sa kung ano ang pinakamalaking pagsubok na kanilang napagdaanan, nagulat tayo sa kanyang sagot.
Sa una, akala nating babanggitin niya ang puhunan, pagkalugi o di kaya’y problema sa mga tauhan.
Subalit, binanggit niya na ang pinakamalaking hamong kanilang hinarap ay ang personal maturity niya bilang isang negosyante.
Nang makatikim nang maagang tagumpay, ginastos nang ginastos ni Jutes ang kanilang kinita. Kung anu-anong personal na luho ang kanyang binili at kung saan-saang lugar sila pumunta.
Naramdaman na lang niya ang epekto nito nang mangailangan na sila ng karagdagang kapital at panggastos sa lumalaking pamilya. Wala na silang madukot mula sa naunang kita ng tindahan.
Doon niya napagtanto na kailangan nang magtabi ng pera mula sa kita ng negosyo upang may mapagkukunan kapag nangangailangan.
Napakagandang payo ito para sa mga nagnenegosyo. Huwag tayong masyadong malunod sa tagumpay.
Ika nga, mga Kanegosyo, think long term. Isipin ang pangmatagalan.
Huwag tayong maging bulagsak sa pera. Kailangang magtabi ng bahagi ng kita upang may madudukot sa biglaang pangangailangan.
Sa pamamagitan nito, mas magiging matibay at matagumpay ang itinayong negosyo!
Recent Comments