Columns

NEGOSYO, NOW NA!: Packaging at Marketing

Mga Kanegosyo, sa ating lingguhang programa sa radyo na “Status Update,” iba’t ibang negosyante ang ating itinatampok at binibigyang pagkakataong maikuwento ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo.

Ang kanilang mga kuwento tungo sa tagumpay ay bukas-loob naman nilang ibinabahagi sa ating programa para na rin sa kapakanan ng mga nais magsimula ng negosyo.

Isa sa mga naging panauhin ng programa ay si Archie Valentin, isang batang negosyante na nakilala natin sa isang pagtitipon ng Pasay Youth Council.

Sa ating kuwentuhan sa kanya, nalaman nating nagsimula siyang magnegosyo noong nasa elementarya pa lamang siya.

Gamit ang naipong P200 mula sa kanyang baon, nagbenta siya ng bukayo na gawa ng kanyang lola.

Mula roon, kumita siya ng P700 kada linggo sa pagbebenta nito sa mga kaklase, na naging sapat para punuan ang pangangailangan sa pag-aaral.  Pinatikim niya muna ang kanyang produkto upang malaman nila ang masarap na lasa ng produtko.

Kahit marami na siyang mamimili, nais pa rin niyang magkaroon ng sariling tatak na negosyo.

Nagkataong ipinamana sa kanya ng mga tita ang negosyo nilang empanada, na itinuloy naman niya. Dito niya sinimulan ang Archie’s Empanada.

Sa tulong ng mga kaibigan, unti-unting nakilala ang kanyang produkto. Ngayon ay nakaabot na ito sa iba’t ibang bahagi ng mundo, maging sa Japan, Amerika at Singapore.

***

Mga Kanegosyo, ayon kay Archie, ang pinakamahirap na aspeto ng kanyang mga negosyo ay ang gumawa ng sariling pangalan at pagpapakilala nito sa merkado.

Una, napakahalaga raw na dapat de-kalidad ang produkto. Sa kanyang karanasan, napakasarap ng bukayo ng kanyang lola kaya marami ang bumibili dati. Napakasarap din ng kanyang empanada, na dinalhan kami noong nakapanayam natin siya.

Bukod dito, mga Kanegosyo, binigyang diin din niya na ang marketing sa pagnenegosyo ay kasinghalaga ng kalidad ng produkto.

Walang sawa niyang pinag-uusapan ang kanyang mga produkto sa mga kaibigan at kliyente. Ibinunga nito ang pagbubukambibig din ng kanyang mga mamimili at sila na mismo ang nagsasabi sa iba na masarap ang kanyang empanada!

Pinalitan din niya ang kanyang packaging, na siyang bahagi sa marketing at pagbebenta ng kanyang produkto.

Sa una, sampung piso lang ang benta niya sa empanadang nakabalot lang sa plastic. Nang gawin niyang karton ang lalagyan ng empanada, nagmukha itong sosyal kaya naibebenta na niya ito ng kinse pesos bawat isa.

Mga Kanegosyo, ayon sa kanya, kahit nagmahal nang kaunti ang kanyang produkto ay mas dumami naman ang bumili. Sulit daw na inayos niya ang kanyang packaging ng empanada dahil gusto ng mamimili na maayos na nakapakete ang produkto.

Ginamit din niya ang social media para patuloy na pag-usapan ang kanyang produkto at maibenta ito sa mas malaking merkado.

Sabayan natin ang ating de-kalidad na produkto at serbisyo ng magandang packaging at kaakit-akit na marketing strategy upang mas mapansin ng mamimili ang ating negosyo!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Trabaho, Negosyo, Tiwala

Mga Bida, sa huling survey na inilabas ng Pulse Asia, si Senate President Franklin Drilon ang lumabas na pinakapinagkakatiwalaang pinuno ng pamahalaan.

Nabanggit din ni SP Drilon ito noong nakapanayam niya si Karen Davila.  Nabanggit niya na dahil sa tuluy-tuloy na trabaho ng buong Senado, kaya niya nakamit ang rating na ito.

Noon pa man, ilang beses na na­ting sinasabi na upang muling makuha ang tiwala ng taumbayan, kailangan na­ming mga senador na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa gitna ng mga iskandalo upang mas mapaganda ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino, lalung-lalo na ang ating mga kababayang naghihirap.

***

Kaya naman, sa gitna ng ingay-pulitika kaugnay ng nalalapit na halalan, patuloy pa rin ang pagtutok ng ating opisina sa mga panukalang magpapatibay sa ating ekonomiya at makakatulong na makaahon sa kahirapan ang ating mga kababayan.

Mabigat ang mga ito para sa isang bagong senador, pero dahil mahalaga ito para sa taumbayan, tinutukan ito ng inyong lingkod.

Kamakailan, inaprubahan ng dalawang sangay ng Kongreso ang tatlong mahahalagang panukala at naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Noynoy Aquino upang maging mga batas.
Kapag naging batas, malaki ang maitutulong nito sa paglago ng ating kabataan at maliliit na negosyante, mabawasan ang bilang ng walang trabaho at sa paglakas ng ekonomiya ng bansa.

Una, naratipikahan na ang Youth Entrepreneurship Act, na la­yong tugunan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) at National Statistics Office (NSO), may 1.32 milyong kabataang may edad mula 15 hanggang 24-anyos ngayon ang walang trabaho.

Sa nasabing panukala, magtuturo na ng financial literacy at pagnenegosyo sa ating mga eskuwelahan upang masimulan na ang kultura ng pagnenegosyo sa ating bansa.

Pangarap natin na lalo pang  dumami ang mga nagnenegosyo sa ating mga kababayan habang lumalago ang ating bansa, at mainam na simulan na ito habang bata pa.

***

Ikalawa, inaasahan sa Foreign Ships Co-Loading Act na maka­tutulong na mapababa ang presyo ng shipping ng mga produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng nasabing panukala, papayagan na ang mga dayuhang barko na galing sa international ports na dumaong sa iba’t ibang pantalan sa bansa para magbaba at magsakay ng kargamentong in-import at ie-export.

Sa gayon, wala nang double handling na gagawin at mumura ang presyo ng logistics sa bansa.

Alam ninyo, mga Bida, ang malaking bahagi ng presyo ng bili­hin ang napupunta sa logistics kaya inaasahan namin na bababa ang halaga ng produkto sa merkado.

***

Huli, humigit-kumulang na 25 taon din itong nabimbin sa Kongreso, pero sulit naman ang paghihintay ngayong naipasa natin sa Kamara ang Philippine Competition Act.

Sa tulong nito, magkakaroon ng patas na pagkakataon ang lahat ng negosyo, mawawala ang lahat ng mga cartel, mga nag-price fixing, nagtatago ng supply upang tumaas ang presyo, iba pang anti-competitive agreements at abuso ng malalaking kompanya.

Mga Bida, kapag may nang-aabuso sa merkado, ang talo riyan ay ang mga mamimili. Nawawalan sila ng pagkakataong pumili ng produkto, nagmamahal ang presyo ng bilihin at nahihirapang makapasok ang bagong mga kompanya na maaaring magbigay ng mas magandang serbisyo at produkto sa merkado.

Sa batas na ito, bababa ang presyo ng bilihin, mas marami nang pagpipilian at mas maraming innovation na makikita ang mga mamimili sa merkado.

Susuportahan din nito ang ating maliliit na negosyante, ha­yaan silang lumago at magbigay ng maraming trabaho para sa ating mga kababayan.

Mga Bida, maraming salamat sa inyong tuluy-tuloy na suporta. Patuloy tayong maghahain ng mga panukala para sa kapaka­nan ng nakararaming Pilipino!

***

Para sa reaksyon o suhestyon, mag-email sa bidakacolumn@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa www.facebook.com/BenignoBamAquino.

***

Subaybayan si Sen. Bam Aquino sa kanyang bagong radio show, Status Update, tuwing Miyerkules, 11:00 am – 12:00 pm, sa RMN Manila DZXL 558.

 

First Published on Abante Online

 

 

BIDA KA!: Kabataan kontra kalamidad

Sa 2013 Climate Risk Index, una ang Pilipinas sa pinakama­tin­ding naapektuhan ng kalami­dad kasunod ng pagtama ng bagyong Yolanda na pumatay nang mahigit 6,000 katao at sumira ng ari-ariang aabot sa $18 billion.

Maliban pa sa bagyo, nakaamba rin ang banta ng malakas na lindol sa bansa. Kamakailan lang, inilabas ng Philippine Ins­titute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Valley Fault Atlas na naglalaman ng mapa kung saan dumadaan ang West Valley Fault sa Greater Metro Manila Area.

***

Sa gitna ng mga nagdaang trahedya at kalamidad sa ating bansa, nakita natin ang ambag ng kabataang Pinoy tuwing may kalamidad.

Mula sa rescue operation, pamamahagi ng relief goods hanggang sa pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga biktima ng sakuna at kalamidad, nagbubuhos sila ng oras at lakas para makatulong sa mga kababayan.

Sa Cauayan City, Isabela, ang Red Cross Youth and Junior Rescue Team ay nakagawa ng Disaster Management eco-rafts mula sa recycled plastic bottles na kanilang ipinamahagi sa mga nakatira sa malapit sa ilog at mga lugar na madalas bahain.

Tuwing may bagyo at umaakyat ang tubig, ginagamit ang mga eco-raft na ito ng mga pamilya roon upang makaligtas sa anumang sakuna.

Mahalaga na may alam at kasanayan ang ating mga kababayan sa basic life support, first-aid training at rescue ope­rations lalo na sa panahon ng sakuna. Naranasan ito mismo ng Hayag Youth Organization ng Ormoc, Leyte.

Isinagawa nila ang “Langoy Para sa Kaluwasan” program na isa nilang advocacy sa disaster preparedness. Noong tamaan ng bagyong Yolanda ang Ormoc, lahat ng miyembro ng Hayag na tinuruang lumangoy ay naligtas sa delubyo.

Ang Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail o RAPID ay malaki rin ang naitulong kung saan itinuturo nila ang emergency response, first aid, bandaging, evacuation at iba pang kaalaman at kasanayan na kakailanganin tuwing may sakuna.

Ang mga nagtapos sa RAPID ang mga ilan sa first res­onders noong bagyong Yolanda, lindol sa Bohol at pati sa lumubog na barko sa Cebu kung saan isinigawa ng mga trai­nees ang kanilang natutunan na cardiopulmonary resuscitation o CPR na natutunan upang mailigtas ang sanggol na walong buwan pa lamang!

Napakarami na ngayong mga youth group na nagtuturo ng mga kasanayang ito at kumukuha ng mga volunteer para mas maparami ang may kaalaman sa disaster response and rescue — mula sa Hayag Youth Organization sa Ormoc, Leyte, sa Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail (RAPID) sa Cebu hanggang sa Muntinlupa Junior Rescue Team at The Responders sa South Central Mindanao.

***

Ngayong higit kailanman, kailangan natin ang tulong ng sektor ng kabataan — mula sa edukasyon, rescue, response, relief at rehabilitasyon — sa posibleng pagtama ng kalamidad.

Dahil subok nang kasama ang mga kabataan sa panahon ng kalamidad, oras na para kilalanin at pagtibayin ang kanilang mahalagang papel pagdating sa disaster risk reduction and management.

Ito’y sa pamamagitan ng inihain kong RESC­Youth Act of 2015, na la­yong palakasin pa ang antas ng partisipasyon ng kabataan at isama sila sa pagpaplano at pagha­handa para sa pagdating ng anumang kalamidad.

Layon ng panukala na isama ang National Youth Commission (NYC) chairman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kasabay nito, isasama rin ang kinatawan ng mga kabataan sa Regio­nal Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC).

Umani ng suporta ang panukalang ito mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), local government units (LGUs), NDRRMC at NYC.

Ayon sa kanila, mahalaga na isama ang mga kabataan mula sa pagpaplano hanggang sa pagsasakatuparan nito.

Sa tulong ng kabataang Pinoy, mas magiging handa tayo sa anumang kalamidad na tatama sa bansa!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kapital sa pagnenegosyo 2

Ito ang nagtulak sa akin para maghain ng panukalang batas na magbibigay ng tulong sa ating Microfinance NGOs.

Noong nakaraang linggo, nagtalumpati ako sa Senado kasabay ng pagpasa ng mga panukala para sa Microfinance NGOs Act.

Sa aking talumpati, binigyang diin ko ang mahalagang papel ng mga microfinance NGOs sa pagpapalago ng micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa pagpapalakas ng ekonomiya.

***

Maliban dito, nagbigay rin ako ng dalawang kuwento ng tagumpay sa tulong ng MFI NGOs.

Mga Bida, isa sa mga natulungan na ng microfinance NGOs ay sina Aling Ester Lumbo at asawang si Mang Bartolome, na tubong-Negros Occidental. Sila ang unang nagbenta ng mga hinabing pandan bags sa merkado.

Nang sumailalim sa operasyon ang ikatlong anak sa Maynila, napilitan silang iwan ang kanilang negosyo upang tiyaking bumuti ang kalagayan ng kanilang anak.
Pagbalik nila sa kanilang bayan, naubos ang kanilang pangkabuhayan at nabaon sila sa utang.

Buti na lang at natagpuan nila ang Negros Women for Tomorrow Foundation (NWTF), isang microfinance NGO, na siyang tumulong sa kanila na makabalik sa kanilang pagnenegosyo.

Ngayon, nakabebenta sila ng 150,000 pirasong gawa sa pandan kada-buwan. Nakapagpatayo na rin sila ng isa pang bakery. Higit sa lahat, nasustentuhan nila ang kanilang pamilya at nakapagtapos ang ang kanilang tatlong anak sa kolehiyo.

***

Natulungan din ng microfinance NGO na Alalay sa Kaunlaran, Inc. (ASKI) si Consuelo Valenzuela na mapalago ang kanyang iba’t ibang negosyo.
Maliban sa pautang, tinuruan pa ng ASKI, isang microfinance NGO, na nagturo sa kanya ng marketing at sales.

Dinala ni Aling Consuelo ang kanyang mga produkto sa mga provincial at regional trade fairs. Para kumita, binenta niya nang wholesale ang kanyang mga produkto sa labas ng kanilang probinsya.

Sa ganda ng kanyang mga ibinebenta, umabot pa sa California ang kanyang mga produkto. Dahil dito, napag-aaral niya ang mga pamangkin at nasusustentuhan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

***

Ngayon, panahon naman para tulungan natin ang microfinance NGOs upang mapalawak pa nila ang serbisyong ibinibigay sa ating mga kababayan.

Sa ganitong paraan, mas marami pa tayong mababasa na kuwento ng tagumpay, tulad nina Aling Ester at Consuelo!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Pagkakaisa susi sa himala

Lumipas ang mga oras pero marami pa rin sa ating mga kaba­bayan ang hindi inalis ang tainga sa radyo at ang mga mata sa telebisyon.

Nagbunga naman ang matiyagang paghihintay nang bandang alas-tres ng madaling-araw ng Miyerkules nang ianunsiyo ng pamahalaan ng Indonesia ang isang malaking himala.

Ipinagpaliban nila ang pagbitay kay Mary Jane ilang minuto na lang bago ang nakatakda niyang pagharap sa firing squad.

Maituturing na malaking himala ang nangyari dahil ang ­lahat ng indikasyon ay tuloy nga ang pagbitay kay Mary Jane. Katunayan, itinuloy na ng Indonesia ang pagbitay sa walong iba pang drug convicts na nauna kay Mary Jane.

Nagbunyi ang buong bansa, pati na rin ang buong mundo, sa nangyaring himala.

***

Ngunit kung ako ang tatanungin, mas malaking himala ang nangyaring pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan para mailigtas si Mary Jane.

Mula sa administrasyon, oposisyon at makakaliwang grupo, iisa lang ang naging pagkilos at iisa lang ang isinulong.

Matagal-tagal na rin bago ito nangyari. Isang Mary Jane Veloso ang kinailangan upang muling pag-isahin ang mga sektor na nahati ng pulitika, galit at marami pang isyu.

Palagi kong sinasabi na kapag naupo sa iisang mesa ang iba’t ibang sektor, may positibong resulta o pangyayari. Sa ­sitwasyong ito, malaking himala ang kanilang nakamit.

Sa sama-samang pagsisikap ng maraming sektor, muling napatunayan na walang imposible at maaaring makamit lahat.

***

Pagkatapos nito, mainit ang naging usapan kung sino ang dapat pasalamatan at mabigyan ng credit sa pangyayari.

Mga Bida, hindi mahalaga kung sino ang dapat pasala­matan. Ang mahalaga rito, pansamantalang nabigyan ng panibagong buhay si Mary Jane.

Sa halip na sabihing, “si ganito o si ganyan ang susi sa nangyari at dapat bigyan ng papuri”, mas mainam siguro na papurihan ang lahat dahil sa sama-sama namang kumilos.

Ito ay isang bihirang pagkakataon na lahat ay sama-­samang kumilos tungo sa iisang hangarin. Bakit hindi natin ito kayang gawin para sa mas nakararaming Pilipino?

***

Upang muling mapagsama-sama sa iisang mesa ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang sektor, naghain tayo ng resolusyon na layong imbestigahan ang kaso ng mga OFW na nahaharap sa death penalty sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nais ko ring malaman kung bakit naaantala ang pag­resolba sa iba pang mga kasong may kinalaman sa OFWs, lalo na pagdating sa illegal recruitment at trafficking.

Sa huling bilang ng Department of Foreign Affairs, 805 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Apatnapu’t lima sa kanila ang nasa death row.

Sa nasabing tala, 341 sa kabuuang bilang ng kaso ay nasa Asya, 244 sa Middle East at Africa, 116 sa United States at 104 sa Europe.

Hangarin ng pagdinig na alamin kung hanggang saan ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa ating OFWs, na nagpapasok ng $22 billion kada taon sa ekonomiya ng bansa.

Kung itinuturing natin bilang bayani ang ating OFWs, dapat natin silang bigyan ng sapat na suporta at proteksyon lalo na’t sila’y nasa ibang bansa.

Malaki ang kanilang kontribusyon sa kaunlaran ng bansa. Huwag natin silang pabayaan!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Pagpupugay sa Peoples Champ!

Subalit, puro yakap, iwas at takbo ang ipinakita ni Mayweather sa kabuuan ng 12 rounds na bakbakan.
Kaya nang ihayag ang panalo ni Mayweather, umali­ngawngaw ang malakas na pagkontra ng fans sa desisyon.

Para sa fans, sapat na ang ginawa ni Pacquiao para manalo habang halos panay takbo, iwas at yakap lang ang ginawa ni Mayweather at hindi nakipagsabayan sa Pambansang Kamao.

Kaya may ilang Hollywood stars ang nagpahayag ng pagkadismaya sa social media, kabilang na si Jim Carrey, na nagsabing, “hindi niya alam kung boksing ang kanyang napanood o Dancing With The Stars.”

Pinuri naman ni Sylvester Stallone ang Pambansang Kamao sa kanyang tweet na “Manny Pacquiao – without a doubt, the single, bravest and most exciting fighter to ever lace on gloves. No one comes close. Seen them all!”

Dismayado naman sina dating heavyweight champion Mike Tyson at bilyonaryong si Donald Trump sa resulta ng laban.

Sa tweet ni Tyson ay nakalagay na, “We waited 5 years for that. #Underwhelmed #MayPac” habang nag-post naman si Trump ng, “The fight was a total waste of time.”

***

Mistula namang binagsakan ng langit at lupa ang buong Pilipinas nang ianunsyo ang resulta ng laban.
Maraming nangantiyaw nang husto sa ginawang pag-iwas, pagtakbo at pagyakap ni Mayweather sa paggawa ng iba’t ibang memes sa social media sites.

Kahit pa nakatikim ng masakit na pagkatalo, hindi pa rin nawala ang matibay na suporta ng Filipino sa Pambansang Kamao.
Nanatili pa ring nagkakaisa ang bansa sa likod ni Pacman. Itinuturing pa rin siyang bayani at inspirasyon ng maraming Filipino.

Hindi ba’t masayang tingnan kapag nagkaka­isa ang taumbayan, lalo na sa harap ng matinding pagsubok.
Pero mas maganda kung hindi lang tuwing may laban si Pacquiao nagkakaisa ang mga Fili­pino. Mas maganda kung mangyayari ito sa ­lahat ng panahon, lalo na ­tuwing may kagipitan o krisis.

Mas mabilis ang pagbangon at mas madaling malampasan ang pagsubok kapag nagkakaisa ang lahat. Mas madaling lampa­san ang problema kung lahat tayo’y nagsasama-sama upang ito’y maresolba.

Muli na namang na­pa­tunayan na lalong tumitibay ang pagkakaisa ng mga Filipino tuwing nahaharap sa pagsubok. Gawin natin ito sa lahat ng panahon!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Usapin ng magkakapitbahay

Nabanggit sa akin ng mga naka­tira doon na kapag dinire-­diretso ang dagat ay matutumbok na ang mga istrukturang gina­gawa ng Tsina sa Bajo de Masinloc.
Humigit-kumulang daw na 124 nautical miles o 230 kilometro lang ang layo ng mga itinatayong istruktura ng Tsina mula sa Masinloc. Katumbas lang ito ng biyahe mula Maynila hanggang Pangasinan.

Kapag ginamitan ng pump boat, sa loob lang ng labing-dalawang oras ay mararating na ang nasabing mga istruktura. Apat na oras naman kung speed boat ang gagamitin.
Mga Bida, sa nasabing distansiya, pasok pa ito sa tinatawag na 200 nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Pasok ang mga ito sa ating teritoryo.
***

Ang Bajo de Masinloc ay isa lang sa pitong isla kung saan may ginagawang reclamation at iba pang ginagawa ang Tsina.

Batay sa mga inilabas na surveillance photos ng AFP, makikita ang mabilis na paggawa ng mga Tsino ng isang airstrip na kaya ang maliliit na eroplano.

Ngunit hindi pa malinaw kung kanino nga ba ang mga na­sabing lugar. Hindi lang tayo at ang mga Tsino ang nagsa­sabing atin iyon, kundi iba pang bansa sa Asya.

Tayo ang may pinakamatibay na posisyon dahil sa lapit ng mga islang ito sa ating bansa. Ang totoo, tatlo nga sa mga ito ay nasa loob na ng EEZ ng Pilipinas.

Kaya kung posisyon lang ang pag-uusapan, tayo ang may pinakamalaking karapatan sa mga nasabing teritoryo.

Ngunit walang pakundangan ang Tsina sa pagpapatayo ng mga istruktura kahit hindi pa nareresolba ang mga isyu.

***
Mga Bida, hindi naman natin pipiliin ang makipagdigmaan sa isyung ito. Lalo lang lalaki ang hidwaan at hindi pagkaka­unawaan sa pagitan ng mga bansa.

At palagay ko, pati rin naman ang Tsina, hindi rin nagnanais ng karahasan.

Kinakailangang idaan sa tamang proseso ang pagresolba sa isyung ito, kaya minarapat ng ating pamahalaan na dalhin ang isyu sa mga komunidad ng mga bansa na kinalalagyan natin, na naaayon sa United Nations (UNCLOS) at sa Association of South East Asian Nations (ASEAN).

Mga Bida, ang usaping ito ay hindi lang panlokal, kundi ito ay isang panrehiyon at global na isyu. Kaya nararapat lang na maresolba ito sa mas malawak na pag-uusap kasama ang ibang mga bansa.

Sa panahong ito ng globalisasyon at matitibay na mga relasyon ng mga bansa sa isa’t isa, naniniwala tayo na ma­payapang mareresolba ang usapin sa tulong ng ating mga kaibigan at mga kapitbahay sa rehiyon.

Kaya buo ang ating suporta sa hakbang ng pamahalaan na tahakin ang mapayapaang daan at dalhin ang usaping ito sa UN at sa ASEAN.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kababaang-loob

Kung tutuusin, hindi Niya kailangang maranasan ang hirap sa kamay ng mga Hudyo. Ngunit buong pagpapakumbaba Niyang ibinigay ang buhay upang tayo’y iligtas at ilayo sa kapahamakan.

***

Ito rin ang kaugaliang ipinamamalas ni Pope Francis sa pagtupad ng tungkuling pamunuan ang Simbahang Katolika at lahat ng Kristiyano sa buong mundo.

Sa unang mga araw niya bilang Santo Papa, ipinakita na ni Lolo Kiko ang kanyang kababaang-loob nang hugasan niya ang paa ng mga kabataan, babae at Muslim na bilanggo sa isang juvenile detention center noong 2013.

May ilan ang bumatikos sa pagkilos na iyon ng Santo Papa dahil ito’y kontra sa tradisyon ng Vatican na puro lalaking pari lang ang dapat hugasan ng paa dahil pawang mga lalaki ang mga alagad ni Kristo.

Ngunit hindi pa rin natinag ang Santo Papa. Noong nakaraang taon, nagtungo siya sa isang home for the aged at PWDs para hugasan ang paa ng ilang napiling matatanda at may kapansanan.

Ngayong taon, nakatakda siyang dumalaw sa Rebibbia prison sa Rome sa gabi ng Holy Thursday.

Pagkatapos ng misa, nakatakdang hugasan ng Santo Papa ang paa ng ilang piling bilanggong lalaki at maging babae.

Ayon kay Pope Francis, ang paghuhugas ng paa ay simbolo ng kanyang pagmamahal sa lahat, hanggang sa pinakaordinaryong miyembro ng lipunan.

***

Ang halimbawang ito ni Pope Francis ay pagpapakita lang ng katangian ng isang servant leader, na handang magsilbi sa lahat nang may kababaang-loob.

Ito ay isang mahalagang imbitasyon na katangiang kailangang isabuhay, lalo na sa aming mga halal na opisyal ng bayan.

Sa simula pa lang ng administrasyong ito, sa hindi paggamit ng wangwang ng mga pinuno natin, nais ipakita na walang special treatment kahit kanino sa daan.

Kahit kung minsan late na sa appointment, hindi pa rin inalis ng Pangulo ang patakarang ito, na isang magandang halimbawang sinusunod ng iba pang opisyal ng pamahalaan.

May iba’t ibang paraan din upang maipakita ng mga lingkod-bayan na sila’y karapat-dapat na mga servant-leader ng bansa.

Una rito ay ang pagbibigay ng tapat at malinis na paglilingkod sa taumbayan na naglagay sa kanila sa puwesto.

Ang ikalawa ay ang pagsisikap na matupad ang kanilang ipinangako noong panahon ng halalan ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga nagtiwala sa kanila.

Ikatlo, ang pagiging mapagkumbaba sa lahat ng panahon, gaya ng ipinakitang halimbawa ni Hesus at patuloy na ipinamamalas ni Pope Francis.

Ito ang mga aral na hatid ng Semana Santa para sa ating lahat. Sana’y maitanim ito sa ating puso’t isipan.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Ultimate Responsibility

Subalit mayroon pa rin akong agam-agam sa ilang bahagi ng report dahil pakiramdam ko ay labas na ito sa mga hearing na ginawa namin.

Tulad na lang ng mga naging konklusyon nito sa peace process, sa pagkilos ng peace panel ng pamahalaan at sa Bangsamoro Basic Law.

Sumulat tayo sa komite upang humingi ng paglilinaw sa mga isyu ng report, at kung kakailanganin pa, tayo ay magpapasa ng mga panukala kapag pinag-usapan muli ito sa plenaryo ng Senado.

***

Nakalagay sa ulat na si PNoy ang may “ultimate responsibility” sa nasabing madugong insidente at naniniwala tayo rito.

Ngunit hindi nababanggit sa ulat ng media na matagal nang inako ng Pangulo ang responsibilidad sa nangyari sa Mamasapano sa huli niyang talumpati noong nakaraang buwan.

‘Ika niya: “Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga araw ko ang pangyayaring ito.

“Responsibilidad ko po sila, kasama ang buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa kanila na nalagay rin sa panganib ang buhay.”

Palagay ko, ang mahalaga sa taumbayan ay inako na ng Pangulo ang responsibilidad sa pangyayari at dapat na tayong tumingin sa mas malaking hamon na naghihintay.

Ito ay ang tiyaking hindi na mauulit pa ang madugong insidente sa Mamasapano sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan.

Hindi rin natin dapat kalimutan na bigyan ng hustisya at suporta ang mga naiwan ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin.

***

Pabor man tayo sa kapayapaan, aminado tayo na kailangang dumaan ang BBL sa masusing pag-aaral ng mga mambabatas bago ito tuluyang maisabatas.

Tungkulin natin na suriin, himayin at baguhin kung kinakailangan ang mga probisyong nakapaloob sa isang panukala bago ito aprubahan at kabilang dito ang BBL, lalo na ang mga sensitibong isyu ng BBL upang matiyak na ito’y alinsunod sa Saligang Batas.

Sa ganitong paraan, makakalikha tayo ng mas epektibo at mas matibay na batas na talagang magbibigay ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

***

Mahalagang mabigyan ang mga kapatid natin sa Mindanao ng tunay at pangmatagalang kapayapaan dahil ito ang magbubukas sa pinto ng kaunlaran para sa kanila.

Kapag mayroon nang kapayapaan sa Mindanao, maaakit na magtatag ng negosyo o ‘di kaya’y magbuhos ng puhunan ang mga negosyante sa rehiyon.

Sa pamamagitan nito, lalakas na ang takbo ng ekonomiya at mabibigyan na ng trabaho at iba pang kabuhayan ang ating mga kapatid sa Mindanao.

Walang magandang idudulot ang all-out war na isinusulong ng karamihan. Lahat tayo ay talo sa digmaan.

Usapang pangkapayapaan ang tamang daan. Ito ang magdadala sa atin ng totoong kapayapaan at kaunlaran. Sama-sama tayong kumilos upang ito’y maisakatuparan.

Ito ang ating ultimate responsibility.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Di na-pick up

Mahaba at mabunga ang na­ging usapan. Tumagal ng mahigit isang oras ang aming pag-uusap sa mahahalagang isyu na bumabalot sa ating mga kabataan.

Sa bandang dulo ng usapan, isang mag-aaral ng Ateneo de Davao ang nagbahagi ng kanyang pananaw at hinaing ukol sa Mamasapano tragedy at sa kapayapaan sa Mindanao.

Hindi napigilan ni Amara na mapaluha habang naglalahad ng kanyang emosyon ukol sa panawagang “all-out war” sa Mindanao na isinusulong ng maraming sektor kasunod ng nangyaring trahedya sa Mamasapano.

Ayon sa kanya, karamihan sa mga taga-Mindanao ay tutol sa all-out war. Marami rin sa kanila ay aktibo sa mga forum at iba’t ibang proyekto na nagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon.

Subalit ang ikinasasama ng kanyang loob, hindi man lang nabigyan ng espasyo sa traditional media, gaya ng diyaryo, radyo at telebisyon, ang ginagawa nilang pagsisikap na maisulong ang kapayapaan.

Wala akong nasabi kay Amara kundi sumang-ayon sa kanya.

Noong umagang iyon, bumisita ako sa isang local radio station doon at ang tambad ng anchor sa akin ay kung bakit daw ako tahimik sa isyu ng Mamasapano.

Mga Bida, nabigla ako sa tanong dahil nang mangyari ang trahedya ay agad tayong naglabas ng mga pahayag na sumusuporta sa paghahanap ng katarungan para sa mga namatayan at ang pagpapatuloy ng pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao.

Kaso, hindi nagiging mabenta ang ganitong posisyon sa media, kaya ‘di ito na-pick up.

Mukhang mas naging mabenta ang pagtawag ng “all-out war” noong mga nakaraang linggo.

Ngunit, nagtitiwala pa rin ako sa iba’t ibang sektor na huhupa rin ang galit ng taumbayan, manunumbalik ang tiwala sa isa’t isa at hihingi rin ng kapayapaan para sa lahat ng Pilipino.

***

Sa ngayon, dalawa ang hinahanap na posisyon mula sa mga mambabatas. Ito ay kung pabor o tutol sa Bangsamoro Basic Law.

Ang mas popular na pagsagot sa tanong ay simpleng “oo” o “hindi” lamang.

Ngunit, mga Bida, kahit na gusto kong sumagot nang ganoon, ang usapin ng BBL ay hindi ganoon kasimple.

Ang pagtalakay sa BBL ay hindi nangyayari sa mga paaralan na “finished or not finished, pass your paper” tulad ng gustong mangyari ng ilang sektor.

Tungkulin naming mga senador at kongresista na pag-aralan ang mga panukalang ipinapasa sa amin, gaya ng BBL.

Mahalagang mahimay ang bawat probisyon ng BBL upang ito’y maging epektibong batas na totoong makatutugon sa isyu ng kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.

Dapat ding silipin ang ilang mga sensitibong probisyon ng panukala upang malaman kung ito ba’y alinsunod sa ating Saligang Batas.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng Bangsamoro ng sari­ling grupo na mamamahala sa halalan at pag-alis sa saklaw ng Commission on Audit (COA), Office of the Ombudsman, Civil Service Commission (CSC), Commission on Human Rights (CHR), at ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga teritoryo.

Kamakailan lang, may ilang miyembro ng indigenous peoples organizations ang dumalaw sa ating tanggapan na humihinging matiyak na kasama ang kanilang karapatan sa mga lupaing masasakop ng Bangsamoro.

Mahalaga na maitulak natin ang mga pagbabago sa BBL na magpapatibay sa batas upang ito’y maging isa sa mga susi sa paghahatid ng kapayapaan sa Mindanao.

Inaanyayahan ko kayo na basahin ang mga panukala ng BBL at samahan kami na siguraduhing matutugunan ang panga­ngailangan ng ating mga Pilipino sa rehiyon at sa buong bansa!

 

First Published on Abante Online