Columns

BIDA KA!: Tapusin na ang hate crimes

Mga Bida, sari-sari ang mga lumitaw na opinyon at panukala kasunod ng karumal-dumal na pagpatay kay Jennifer Laude sa Olongapo City kamakailan. Sigaw ng iba, ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil sa probisyon nito na nagbibigay ng karapatan sa Estados Unidos na kunin ang kustodiya ng mga sundalo nilang nasangkot sa krimen sa Pilipinas.

Ang iba naman, hiniling sa pamahalaan na ipilit na makuha ang kustodiya kay PFC Joseph Scott Pemberton, ang suspect sa pagpatay kay Laude.

Ngunit, tingnan din natin ang isyu ng hate crime laban sa lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT) community.

Ang pagpatay kay Jennifer ay bunsod ng hate crime na umiiral sa ating lipunan.

Ang hate crime ay karahasan na ginagawa sa mga minority groups o marginalized na sektor ng ating lipunan, tulad sa mga indigenous people o sa kasong ito, sa ating lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Sa ulat ng Philippine LGBT Hate Crime Watch, mayroong 164 na miyembro ng LGBTs sa bansa ang pinatay mula 1996 hanggang Hunyo 2012.

Sa ginawa namang pag-aaral ng UN Development Program at ng US Agency for International Development noong 2011, may 28 kaso ng pagpatay na may kinalaman sa lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Ngayong taon pa lang, may 14 na transgender na ang pinatay bunsod ng hate crime, ayon sa Transgender Association of the Philippines.

Nakakabahala ang mga detalyeng ito dahil sa panahon nga­yon, wala nang lugar ang hate crime sa isang sibilisadong lipunan.

***

Sa ibang mga bansa, itinulak na nila ang pagsasabatas ng anti-hate crimes upang sawatahin ang ganitong uri ng karahasan.

Sa Estados Unidos, ang unang mga batas na may kinalaman sa hate crime ay ipinasa pagkatapos ng American Civil War. Kabilang dito ang Civil Rights Act of 1871, na layong laba­nan ang mga krimen na may kinalaman sa lahi.

Noong 1978, ipinasa ng California ang unang state hate-crime statute na may kaugnayan sa relihiyon, kulay, lahi at pinagmulang bansa.

Noong 2009 naman, inaprubahan ni President Barack Obama ang Matthew Shepard and James Byrd, Jr. Hate Crimes Prevention Act, kung saan isinama ang lahi, sexual orientation, kasarian o kapansanan sa mga saklaw ng hate crimes.

Ang iba pang bansa na may hate crime laws ay Canada, France, Germany, Greece, Spain at United Kingdom.

***

Sa ngayon, wala pang batas sa Pilipinas na nagpapataw ng mabigat na parusa sa hate crime.

Kaya aktibo ang aking tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa LGBT community upang mapalakas ang inihain nating Senate Bill No. 2122 o ang Anti-Discrimination Act of 2014.

Itinutulak natin ang pagbabawal ng anumang uri ng diskriminasyon batay sa kasarian o sexual orientation, lahi, relihiyon, kulay, edad, civil status, HIV status at iba pang kondisyong medikal.

Patuloy tayo sa pagkilos upang magkaroon ng bansang kumikilala sa karapatan ng bawat Pilipino at maprotektahan ang karapatan ng lahat, pati na rin ang ating lesbian, gay, bisexual at transgender community.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Corrupt na Emission Testing Centers

Mga Bida, isinabatas ang Clean Air Act noong 1999 upang protektahan ang publiko sa panganib ng polusyon.

Nakapaloob sa nasabing batas ang mga hakbang para mapaganda ang kalidad ng hangin, para na rin sa kalusugan ng lahat.

Ngunit labinlimang taon na ang nakalilipas mula nang ito’y ipatupad, wala pa rin tayong nakikitang pagbabago sa kalagayan ng hangin.

Sa halip na gumanda, lumalala pa ang polusyon sa hangin sa bansa, lalo na sa Metro Manila.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship na aking pinamumunuan, nabatid na naglalaro sa 136 micrograms kada normal cubic meter (ug/Ncm) ang polus­yon sa hangin sa Metro Manila.

Ayon pa sa kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nasabing numero ay malayo sa normal na nibel na 90 ug/Ncm.

Subalit laking gulat ko nang sabihin ng DENR na walumpung porsiyento ng pinagmumulan ng polusyon sa hangin ay mga sasakyan.

Naitanong ko tuloy kung ano pa ang silbi ng mga private emission testing center (PETC) na siyang inatasan ng batas upang suriin kung ligtas ang ibinubugang hangin ng mga sasakyan.

Sa tagal nang mayroong mga PETCs, dapat ay mayroon nang magandang pagbabago sa kalagayan ng hangin at nibel ng polus­yon sa bansa. Hindi yata tama ito.

***

Ilang buwan na ang nakalipas, mga Bida, naghain ako ng reso­lusyon upang silipin ang kalagayan ng mga PETCs sa bansa.

Nais nating malaman kung sila ba’y nakasusunod sa kanilang tungkulin o kung epektibo pa ang sistemang ito sa pagsugpo sa polusyon.

Sa Senate Resolution 734 na aking ipinasa, hiniling ko sa kaukulang komite na imbestigahan ang mga ulat na ilang PETCs ang gumagawa ng ilegal na mga gawain.

Kabilang sa mga ilegal na gawain nila ay ang non-appearance scheme o ghost testing ng mga sasakyan kapalit ng mas mala­king bayad.

Dahil sa ginagawang kabalbalan ng mga tiwaling PETC, nawawalan tuloy ng saysay ang Clean Air Act. Sa halip na luminis ang hangin, lalo tuloy itong napapasama dahil nakakalabas sa lansangan ang mga sasakyang nagbubuga ng maruming hangin.

***

Sa pagdinig kamakailan, napatotohanan ang mga ulat na ipinaabot sa akin dahil ayon mismo sa Land Transportation Office (LTO), ilang PETCs na ang kanilang pinagmulta at sinuspinde dahil sa ilegal na gawain.

Binanggit mismo ng LTO na ilang emission centers ang nagpapadala ng mga pekeng fake emission result at larawan sa ahensiya para palitawing sumailalim na sa pagsusuri ang isang sasakyan.

Gamit ang makabagong teknolohiya sa photo editing gaya ng Photoshop, pinapalitan ng tiwaling emission centers ang plate number ng mga sasakyan para masabing dumaan na ito sa pagsusuri.

Ang masakit nito, napakagaan lang ng parusang itinatakda ng batas sa mga tiwaling center. Pinagmumulta lang sila ng P30,000 maliban pa sa 30 araw na suspensiyon.

Magaan lang ang parusang ito kung titimbangin ang bigat ng ginagawa nilang kabulastugan. Nilalagay na nila sa alanganin ang kalusugan ng maraming Pilipino, napapasama pa ang ating kalikasan.

Kaya hiniling natin sa LTO na patawan ng mabigat na parusa ang mga corrupt na emission center at sampahan pa ng kasong kri­minal gaya ng falsification of public document para sila’y madala.

Kailangan nating itama ang sistemang ito dahil lalo lang mapapariwara ang kalikasan kung hahayaan natin silang mamayagpag.

Sabi nga ng tauhan ng DENR, kung lahat ng sasakyan ay susunod lang sa itinatakdang pamantayan ng Clean Air Act, magi­ging normal sana ang hangin sa Metro Manila.

Maliban pa rito, malalayo pa ang publiko sa sakit na dulot ng polusyon. Sa ngayon kasi, mga Bida, nangunguna sa sakit na pumapatay sa maraming Pilipino ay may kinalaman sa respiratory system.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Mga buwitre at along the way fees

Mga Bida, noong Martes, nagsagawa tayo ng ocular inspection sa Port of Manila upang tingnan kung may update na ang pagsisikap ng pamahalaan at pribadong sektor na paluwagin ang pantalan. Natuwa naman tayo sa ating nakita dahil nagbunga ang pagsisikap ng Task Force Pantalan, na binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna nina Secretary Rene Almendras at Trade Secretary Gregory Domingo.

Sa ating pagbisita, nakita natin na marami nang nabawas na mga container van na nakatambak sa pantalan kumpara noong nakaraang mga linggo, at patunay na positibo ang ginawang mga pagkilos ng Task Force Pantalan.

Malaking pagbabago ito dahil ilang buwan lang ang nakalipas, mistulang parking lot ang ating mga pantalan at napakabagal ng proseso na nakadagdag pa sa mga hadlang sa paglalabas ng kargamento.

Ngayon, maluwag na ang ating mga pantalan, wala nang trapik at malaya nang makapaglabas-masok ang mga truck na nagdadala ng kargamento.

Malaki rin ang naiambag ng bagong sistema ng mga port operators sa pagpapaluwag ng pantalan at pati na rin sa trapiko.

Dati, parang mga langgam na nakapila ang mga truck sa labas ng pantalan at naghihintay ng maihahatid na kargamento.

Ngayon, may ticketing system na ang mga port operator sa mga truck para hindi na sila umalis sa garahe kung wala pang ihahatid na kargamento.

Mainam ito dahil hindi masasayang ang oras sa paghihintay, nababawasan pa ang trapiko sa Kamaynilaan.

Kung susundin ang dating sistema, nagpupunta ang mga truck sa pantalan kahit na hindi sigurado kung may kargamentong dadalhin.

Kaya tumatambay lamang ang mga truck na ito na nakadaragdag sa trapik sa daan.

***

Sa kabila ng mga positibong pangyayaring ito, marami pa ring negosyanteng nagrereklamo na mabagal pa rin ang proseso.

Mukhang noong kasagsagan ng pagsisikip sa port, maraming mga buwitre ang nakatunog at nakaamoy sa problema kaya gumawa ng raket at pinagkakitaan ang sitwasyon.

Upang matugunan ang mga problemang ito, may dalawang pagbabago tayo na nais ilabas sa susunod na pagdinig sa October 16 upang mapabilis pa ang proseso sa ating mga pantalan.

Una, tingnan ang mga prosesong legal kung ito’y akma pa sa kasalukuyang panahon o kung ito’y nakakabagal sa takbo ng sistema.

Kasama na rito ang pagpapadali sa mahaba at mabusising mga patakaran ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue na madalas inirereklamo ng mga negosyante.

Ikalawa, dapat tiyakin na walang ilegal na proseso o tran­saksiyon na nakakabagal sa proseso sa paglalabas ng kargamento sa pantalan.

Kung inyong maalala, mga Bida, idinaing ng isang negos­yante sa unang hearing ukol sa port congestion ang tinatawag na ‘along the way fees’ na sinisingil sa kanila, pati na rin sa truckers at shipping companies.

May mga nangongolekta pa ng mula dalawang libong piso hanggang apat na libong piso sa mga trucker para lang makapila at makapasok sa pantalan.

Hindi alam ng mga buwitreng ito na hindi ang trucker, shipping companies o ang gobyerno ang kanilang iniisahan at ninanakawan, kundi ang taumbayan na maaapektuhan sa pagtaas ng produkto dahil sa kanilang ilegal na gawain.

***

Kaya nananawagan ako sa lahat, mula sa shipping lines, truckers, ahensiya ng pamahalaan at port operators na magtulungan upang maayos pang lalo ang sistema sa ating pantalan at matiyak na maayos ang daloy ng produkto sa merkado.

Kapag maayos ang dating ng produkto, tiyak na hindi aalagwa ang presyo at magiging abot-kaya ang bilihin sa ating mga kababayan.

Panawagan ko rin sa mga nabiktima ng mga tiwaling tauhan ng pamahalaan sa pantalan na magsumbong sa WASAK o Walang Asenso sa Kotong Hotline (16565 at 0908-8816565).

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Sulat ng mga OFWs

Mga Kanegosyo, may natanggap tayong mga sulat mula sa kababayan nating mga overseas Filipinos na masugid na nagbabasa ng ating kolum.

Hayaan niyong bigyang daan natin ang kanilang mga liham ngayong linggo. Narito ang kanilang mga sulat:

***

Kanegosyong Bam,
 
Gusto ko po sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa pagnenegosyo. Nandito po ako sa abroad ngayon at ang asawa ko po ang naiwan diyan sa Pilipinas.

Ano po ba ang magandang pasuking negosyo? Sana po matulungan ninyo ako at ang asawa ko para po hindi na ako magpaalila habambuhay dito sa ibang bansa.

Kung sakali pong mabibigyan ninyo ako ng payo, uumpisahan ko na pong pag-ipunan ang magiging kapital.
Maraming salamat po.

Gigi

***

Kanegosyong Bam,
 
Kasalukuyan akong nagtatrabaho po rito sa Qatar. Nabasa ko po yong post ninyo sa Abante. Gusto ko na po bumalik ng Pilipinas at mag for good kasi dito sa ibang bansa, hindi po ako umaasenso at kulang pa po iyong sahod ko para sa pamilya ko.

Kaya gusto ko na po mag for good diyan at mag start nang kahit maliit na negosyo man lang basta’t may pagkakitaan.

Taga-Agusan del Norte po ako. Baka mayroon po kayong maitutulong sa akin Ang hirap po sa abroad. Malayo ka sa pamilya mo tapos iyong kinikita mo ay kulang pa para sa kanila. Kaya naisip ko po magnegosyo.

–Jiovannie

***

Mga Kanegosyo Gigi at Jiovannie, maraming salamat sa inyong mga sulat.

Alam ninyo, madalas na iyan ang itinatanong sa aming opisina, “Ano ba ang magandang negosyo?”

Pero sa totoo lang, hindi maganda kung basta na lang kaming magmumungkahi ng uri ng negosyo nang hindi inaalam kung ano ang inyong kalagayan at kondisyon.

Una sa lahat, gaya ng una nating kolum dito, kailangan muna nating alamin ang inyong lokasyon.

Ikalawa, dapat din naming malaman kung ano ang kakayahan ninyo. Gaano kalaki ang inyong puhunan at kung sasakto ba ito sa iniisip na negosyo?

Ikatlo, lalo na para sa ating mga kababayan sa abroad, sino ang magpapatakbo ng negosyo rito sa Pilipinas? May karanasan ba siya o kakayahan na patakbuhin ang pinaplano ninyong negosyo?

Ikaapat, ano ang raw materials sa inyong lugar na murang mapagkukunan at ikalima, may merkado ka bang mapagbebentahan ng iniisip na produkto o serbisyo?

Hindi madali ang pagbibigay ng payo sa pagnenegosyo. Hindi ko puwedeng sabihin na magbenta kayo ng lechong manok o magtayo ng sari-sari store sa inyong bahay.

Hindi ganoon kadali magpayo dahil napakaraming kailangang isiping mga kundisyon kung magtatayo ng negosyo.

Ito ang dahilan kung bakit natin itinatag ang Negosyo Center. Sa ating naipasang batas na Go Negosyo Act, magtatalaga ang bawat munisipalidad, lungsod at probinsya ng Negosyo Center para sagutin ang mga ganitong uri ng mga katanungan ng ating mga kababayan.

Sa Negosyo Center, may mga taong puwedeng magbigay ng tamang payo sa pagnenegosyo tulad ng tamang lokasyon, produkto, kung saan makakakuha ng pautang at iba pang katanungan sa pagnenegosyo.

Isa iyang mahalagang aspeto sa pagiging matagumpay na negosyante – ang may makausap kang eksperto na gagabay at makakapagbigay ng tamang payo.

Mahalaga na makakuha ng akmang payo sa inyong pangangailangan at hindi “generic advice” lang nang mahuli ang tamang diskarte sa inyong gagawing negosyo.

***

Para sa mga tanong, tips o sariling pagbabahagi tungkol sa pagnenegosyo, mag-email sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

 

First published on Abante Online

 

 

BIDA KA!: Made in Taiwan

Mga Bida, kamakailan, binisita ko ang Taiwan, kasama ang ilang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI), upang pag-aralan ang mga sistema at tulong na ginagawa ng pamahalaan para sa kanilang mga negosyante.

Sa Taiwan, tinitiyak ng pamahalaan na natutugunan ang mga pa­ngangailangan ng maliliit na negosyo o micro, small at medium enterprises (MSMEs) na siyang pinakamalaking haligi ng kanilang malakas na ekonomiya.

Kasama ang DTI, dinalaw namin ang Small and Medium Enterprise Agency (SMEA), ang ahensiya ng pamahalaan na siyang nangunguna sa pagsuporta sa 1.3 milyong SMEs.

***

Ayon sa mga nakausap namin, mayroon silang call center, local service, regional at national desk na parang one-stop-shop kung saan maaaring makuha ang lahat ng kailangang tulong.

Halos pitumpung porsiyento ng kanilang natutulungan ay pawang maliliit na negosyo na simple lang ang pangangaila­ngan.

Kadalasan, ang mga tanong na kanilang nakukuha sa mga ito ay may kinalaman sa pagkuha ng puhunan, permit at kung saan puwedeng ibenta ang kanilang mga produkto.

Pinaglalaanan naman ng todong tulong at pagtutok ang 25 porsiyento ng negosyo na pasok sa kategoryang small at medium.

Mula sa pagtatayo, pagbibigay ng puhunan at pag-uugnay sa merkado, ibinibigay ng pamahalaan ang sapat na tulong upang matiyak ang kanilang tagumpay hanggang sa world market.

Ang huling limang porsiyento naman ay tinatawag na ‘high flyers’ na siyang ginagamit na modelo na gagabay sa mga papasimulang negosyo.

***

Sa pagpapatibay ng mga SMEs, patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Taiwan.

Kung susumahin ang kinikita ng buong Taiwan at hahatiin ito sa bawat mamamayan, lumalabas na ang bawat Taiwanese ay may kitang $20,000 kada taon.

Kung susumahin naman ang kinikita ng buong Pilipinas at hahatiin ito sa bawat mamamayan, lumalabas na ang bawat Pili­pino ay may kita lamang na $2,800 kada taon.

Kung porsiyento ang titingnan, mas marami ring Taiwanese ang nagtatrabaho sa MSME sector, nasa 78 percent kum­para sa 62 percent lang sa Pilipinas.

Sa mga numerong ito, patunay lang na hindi pangmahirap ang pumasok sa maliliit na negosyo o mga MSME gaya ng paniwala ng iilan. Maaari rin itong maging pundasyon ng isang first-world country tulad ng nangyari sa Taiwan.

***

Sa Taiwan, nakita ko na walang nararamdamang pangamba o alinlangan ang mga negosyante.

Kapag ikaw ay negosyante sa Taiwan, alam mo kung saan ka pupunta, alam mo kung ano ang tamang gagawin at aasa kang may tutulong sa pagresolba ng iyong mga problema.

Malayo ito sa sitwasyong umiiral sa Pilipinas. Balot ng pa­ngamba at alinlangan ang mga negosyante natin bunsod na rin ng kakulangan ng suporta.

Ito ang nais kong burahin ngayong naisabatas na ang iniakda kong Go Negosyo Act.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Saludo sa Peacekeepers

Mga Bida, bumalik na sa bansa noong Linggo ang 84 na sundalong Pinoy na nagsilbing peacekeepers ng United Nations sa Golan Heights.

Pagdating sa airport, isang heroes’ welcome ang iginawad sa kanila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinamalas nilang katapangan habang ginagampanan ang tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa nasabing lugar.

Nag-iwan ng magandang tatak sa buong mundo ang mga kababa­yan nating sundalo nang hindi sila matinag sa harap ng nakaambang panganib sa kanilang buhay mula sa mga rebeldeng Syrian.

Patunay ito na hanggang ngayon, nananalaytay pa rin sa ating mga ugat ang katapangan na ipinamalas ng ating mga ninuno sa paglaban sa mga dayuhang mananakop.

Sa kasaysayan, kilala ang mga Pilipino na hindi sumusuko sa anumang laban kahit higante pa ang kalaban.  Tulad ni Lapu-Lapu na buong tapang na nilabanan ang mga Kastila na pinamunuan ni Ferdinand Magellan.

Kasama rin sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, at iba pang mga bayani na buong tapang na hinarap ang mga mananakop at ibinuwis ang buhay para sa bayan at para sa kalayaan.

***

Sa kaalaman ng lahat, ang mga Pinoy peacekeepers ay may mahalagang papel sa hangarin ng United Nations na panatilihin ang kapayapaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa huling bilang, nasa 700 military at police personnel mula sa Pilipinas ang nakakalat sa peacekeeping missions sa Cote d’Ivoire, Haiti, India-Pakistan, Liberia at Middle East.

Sa Golan Heights, katuwang ng UN ang mga sundalong Pinoy upang matiyak na nasusunod ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Syria at Israel.

Kung titingnan, parang madali lang ang misyon ng ating mga kababayan sa Golan Heights ngunit nalagay sa bingit ng alanganin ang kanilang buhay nang salakayin ng mga rebeldeng Syrian ang dalawang posisyon ng UN noong Agosto 28.

Agad nailigtas ang ating mga Pinoy peacekeepers sa Position 68 ngunit nagkaroon ng matinding tensiyon sa Position 69 nang mabihag ng mga rebelde ang apatnapu’t apat na sundalong Fiji at hiniling ang pagsuko ng ating mga kababayan.

Inutusan ng commander ng United Nations Disengagement Observer Force ang apatnapung Pinoy peacekeepers na iwagayway ang puting bandila ng pagsuko at ibigay ang kanilang armas sa rebeldeng Syrian.

Ang hindi alam ng commander na wala sa bokabularyo ng mga Pilipino ang salitang pagsuko.  Nanatiling matigas ang ating mga kababayan at nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde na aabot sa mahigit isandaan ang bilang sa loob ng ilang oras.

Sa paghupa ng palitan ng putok, hindi pa rin nawalan ng tapang at diskarte ang ating mga sundalong Pilipino. Sa gitna ng mga nagpapahingang mga rebelde, matapang nilang sinuong ang panganib kahit batid na isang maliit na pagkakamali ay katumbas ng kanilang buhay.

Buo ang loob, nagawang dumaan ng ating mga kababayan sa gitna ng panganib hanggang makarating sa ligtas na lugar.

Kapuri-puri ang ipinakitang tapang ng ating mga Pilipinong sundalo at ito’y nararapat na kilalanin at ipagmalaki nating lahat.

Kaya agad kong inihain ang Senate Resolution No. 877 upang papurihan at kilalanin ang ipinakitang katapangan ng ating mga kababayan sa pagtupad ng tungkulin.

Sa panahon kung saan kay hirap maniwalang may kabutihan pa sa bansa dahil sa mga iskandalong nagaganap, mayroon pa rin tayong mga bayaning puwedeng tingalain.

Mula sa mga sundalong nakikipagsapalaran para sa kapa­yapaan, sa mga kabataan at mga social entrepreneur na nasa mga komunidad, sila ay nasa kanayunan, nasa mga lugar na nasalanta ng bagyo, tahimik silang kumikilos at nakikibahagi sa pagbabago na hindi man lang naibabalita sa mga pahayagan.

Sa gitna ng kaguluhang nararanasan natin ngayon, nagsisilbing simbolo ng kabayanihan ang ating Pinoy peacekeepers.

Sila ang ating real life action heroes.

Kilalanin natin sila. Suportahan. Pasalamatan.

Sa ating Filipino peacekeepers, saludo kaming lahat sa inyong katapangan at patuloy kayong magsilbing inspirasyon sa milyun-milyon nating kababayan.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Never again!

Mga Bida, sa ngayon marami ang nagsisikap na baguhin ang kasaysayan at ang nangyari sa panahon ng diktaduryang Marcos at Martial Law.

Sa YouTube lang, nagkalat ang iba’t ibang propaganda na nais ilarawan na isang masayang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas ang Batas Militar, na ibinaba apatnapu’t dalawang taon na ang nakalipas ngayong linggong ito.

Sinasabi ng mga nagpapakalat ng maling propaganda, ang dalawampung taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan dahil napakatahimik at napakaunlad ng bansa.

Ang nakakalungkot, may mga kabataang nakukumbinsi at napapaniwala ng mga nasabing mapanlinlang na propaganda sa Internet.

Sa kabila nito, hindi pa rin mabubura ang mga totoong kuwento ng mga dumanas ng torture at iba pang uri ng pagpapahirap sa ilalim ng Martial Law.

Dagdag pa rito ang talamak na korupsiyong nangyari at paggahasa sa kaban ng taumbayan.

Sa pagtala, halos 15,000 ang pinatay, pinahirapan o nawala na lang at hindi na nakita pa mula 1972 hanggang 1981.

Isa na rito si dating kongresista at ngayo’y Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales.

Sa kuwento ni Rosales, dinala siya at lima pang kasama ng ilang military agents sa isang safehouse sa Pasig at doon pinahirapan at isinailalim sa interogasyon ng isang buwan.

Si dating Bayan Muna congressman Satur Ocampo ay isang reporter ng Manila Times bago sumali sa underground movement para labanan ang rehimeng Marcos nang ideklara ang Martial Law.

Nang mahuli siya ng militar noong 1976, isinailalim si Ka Satur sa matinding pagpapahirap, kabilang na ang pagkuryente at pagpaso sa kanya ng sigarilyo.

Mula naman nang pabalikin ni Marcos sa Pilipinas noong 1977, hindi na muling nakita pa ni Priscilla Mijares ang asawang si Primitivo, na isang mamamahayag.

Si Primitivo ay kilalang malapit sa pamilya Marcos ngunit bumaligtad nang ipadala siya sa Amerika. Tumestigo pa siya sa US Congress ukol sa talamak na paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Ilan lang sila, mga Bida, sa mga naperwisyo at nasalanta noong panahon ng Batas Militar.

Mismong pamilya namin, nakaranas din ng pagpapasakit noong panahon ng Batas Militar. Senador noon ang aking tiyunin na si Ninoy Aquino ngunit walang pakundangan siyang ipi­nadampot ni Marcos sa mismong araw na idineklara ang Martial Law. Itinuring si Ninoy noon bilang Prisoner No. 1.

Huwag nating kalimutan, mga Bida, na walong taon siyang ikinulong bago siya pinatay noong 1983. Isa lang siya sa napakaraming taong pinahirapan noong panahong iyon.

Maliban sa mga human rights violations na nangyari, marami ang nakakalimot na ayon sa datos ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), nasa $10 bilyon ang nanakaw ni Marcos noong siya’y nasa poder noong 1980’s.

Mga Bida, ang halaga ng $10 bilyon sa panahon natin ngayon ay $4.29 bilyon.  Sa pera natin, mga Bida, iyan ay may katumbas na PhP 144.74 bilyon. Sa halagang iyan, tila nagmistulang barya ang mga nanakaw ni Napoles at iba pang opisyales.

Ang tanong lagi ng pamilya namin noong panahong iyon, ang mga mismong nakaranas lang ba ng kalupitan noon ang siyang kontra sa Martial Law?

Ang iba pang tao, kahit alam nilang may nangyayaring masama ngunit hindi sila tuwirang naapektuhan, ay tinanggap na lang ba nila ang mga pangyayari noon?

Mga Bida, masasabi rin natin na ang Martial Law ay umabot ng 20 taon dahil sa panahong iyon, nawalan ng boses at tapang ang taumbayan. Maraming tao ang inaresto, pinatay at naglaho na lang ngunit walang ginawa ang taumbayan.

Hindi ko alam kung ito’y sa takot o dahil ayaw nilang maperwisyo, nagbulag-bulagan na lang sila sa totoong nangyayari.

Mabuti na lang, mga Bida, pagkatapos pinaslang si Tito Ninoy, nagising ang taumbayan at nagdesisyon na patalsikin ang diktadura at hagkan ang demokrasya.

Ngayon, mga Bida, nagkaroon na ng ebolusyon ang taumbayan. Mas handa na tayong tumayo at lumaban kahit hindi tayo tuwirang naaapektuhan ng isang bagay.

Tulad na lang sa PDAF scam, nagtipun-tipon ang taumbayan upang ito’y batikusin hanggang sa ito’y maalis sa pambansang pondo.

At mga Bida, handa akong tumaya na sa panahon natin ngayon ay hindi na ulit papayag ang mga Pilipino sa pagkitil sa ating mga karapatan at pagbalasubas sa ating lipunan.

Tinataya ko, mga Bida, na kahit papaano natuto na ang Pilipino at hindi na ulit papayag na mapasailalim sa mga korap, hayok sa kapangyarihan at mapang-abuso.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kalbaryo sa MRT

Mga Bida, tiyak na marami sa atin ang nakaranas nang maghintay ng ka-meeting sa isang mall ng 40 minuto o higit pa.

Dahil malamig ang paligid at maraming paglilibangan, hindi natin alintana ang pagtakbo ng oras habang hinihintay ang pagdating ng ating kausap.

Kabaligtaran nito ang sitwasyon ng libu-libong kataong nagtitiyagang pumila para lang makasakay sa MRT araw-araw.

Sa gitna ng mainit na araw o malakas na ulan, walang magawa ang kawawa nating mga kababayan kundi pumila upang mas mabilis na makarating sa kanilang paroroonan.

Sa pagtaya ng Light Rail Authority (LRA), nasa pagitan ng 30 hanggang 40 minuto ang hihintayin ng isang pasahero para makasakay sa MRT-3.

Kung mamalasin, mas matagal pa rito ang paghihintay kapag nagkaroon ng aberya, na madalas nangyayari ngayon dahil na rin sa kalumaan ng tren pati na rin ng sistema.

Sa kabila nito, tinitiis pa rin ng ating mga kababayan ang 40 minutong pagpila kaysa magkaugat na sa grabeng trapik sa EDSA.

Kung isasama nga ang 30 minutong biyahe sa oras ng paghihintay, kung galing sa Quezon City, nasa Makati o ‘di kaya’y Pasay ka na sa loob lang ng 70 minuto.

Mas mabilis pa rin ito kumpara sa dalawa hanggang tatlong oras na bubunuin kapag sumakay ka ng bus sa EDSA.

***

May pag-asa pang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan na umaasa sa MRT sa kanilang pagbiyahe.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, sinabi ng isang LRA official na kung makukumpleto lang ang lahat ng kailangang rehabilitasyon, sampung minuto na lang ang hihintayin ng mga pasahero para makasakay.

Ang problema, dalawang taon bago makumpleto ang nasabing rehabilitasyon na mangangailangan ng P6.8 billion.

Sa nasabing rehabilitasyon, bibili ng mga bagong bagon, papalitan na ang mga depektibong riles at ilang mahahalagang bahagi sa sistema.

Ngunit mas tatagal pa ang paghihintay kung magtatagal pa ang alitan sa pagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Metro Rail Transit Corporation (MRTC), ang pribadong kumpanya na nagpapatakbo sa MRT.

Ang sigalot sa pagitan ng DOTC at MRTC ay nagiging hadlang sa hangarin ng pamahalaan na mapaganda ang sistema ng MRT-3.

Araw-araw nang nagdurusa ang taumbayan sa pagpila ng apatnapung minuto, hindi katanggap-tanggap na paghintayin pa sila ng dalawang taon.

Kung may kailangang ayusin sa sistema, huwag na nating hintayin pa ang 2016 bago ito pondohan.

Ngayon pa lang, simulan na ang proseso para ito’y maayos na sa lalong madaling panahon.

Utang natin sa taumbayan ang mabigyan sila ng maayos at mabilis na sistema ng transportasyon.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Maging bayani

Mga Bida, noong Lunes, ­ipinagdiwang natin ang ­National Heroes Day at ginunita ang ma­raming mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay upang matamasa ang kalayaan na ating taglay sa ngayon.

Nagkataon din na sa buwang ito, ginunita rin natin ang pagpanaw ng dalawang tao na malapit sa akin na siyang nagtulak sa ating mga Pilipino para lumaban tungo sa muling pagbalik ng ­demokrasya sa bansa.

Una rito ang ating tiyahin na si Corazon “Cory” ­Aquino, ang itinuturing na ina ng demokrasya na nagsilbing ­inspirasyon ng milyun-milyong Pilipino para harapin ang mga tangke at armadong sundalo sa EDSA noong 1986.

Limang taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw si Tita Cory ngunit hanggang ngayon, nananatili pa rin sa puso’t isip ng mga Pilipino ang ginawa niyang kabayanihan para sa atin.

***

Noong Agosto 21 naman, ginunita rin natin ang ika-31 taon ng pagpanaw ng asawa niyang si Ninoy, na siyang nagsindi ng apoy sa damdamin ng mga Pilipino para makamit ang tunay na kalayaan.

Masaya at tahimik na ang buhay ni Tito Ninoy noon sa Amerika kasama si Tita Cory at kanyang mga anak.

Subalit kahit milya-milya ang layo niya sa Pilipinas, patuloy pa ring narinig ni Ninoy ang sigaw para sa tunay na kala­yaan ng kanyang mga kababayan.

Kaya kahit alam niyang may nakaambang panganib sa kanyang buhay, bumalik pa rin si Tito Ninoy sa Pilipinas upang ituloy ang laban para sa kababayan na ilang taon nang dumaranas ng hirap.

Sabi niya, “the Filipino is worth dying for.”

Isang bala ang tumapos sa hangarin niya nang lumapag sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) ang ­eroplanong sinakyan niya.

Ang pagkamatay ni Tito Ninoy ay tila naging gasolina na nagpaliyab sa damdamin ng mga Pilipino.

Ito ang naging mitsa upang simulan ang laban para sa ­tunay na kalayaan na ating nakamit tatlong taon ang nakalipas sa pamamagitan ng People Power I.

***

Dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang tayo’y iwan ni dating Interior Secretary Jesse Robredo.

Ngunit nawala man si Secretary Jesse sa ating piling, ­naiwan naman niya sa ating alaala ang larawan ng isang tapat at malinis na paglilingkod-bayan.

Noong 1988, si Secretary Jesse ang naging pinakabatang mayor sa Pilipinas sa edad na 29 nang mahalal s­iyang alkalde ng Naga City.

Hindi naging hadlang ang kanyang batang edad para ­umpisahan ang mga kailangang reporma sa lungsod. Kasabay ng pagbura sa mga ilegal na sugal at iba pang bisyo, binuhay rin niya ang ekonomiya ng Naga na naging first-class city sa ilalim ng kanyang termino.

Nang maging DILG chief, si Secretary Jesse ang nagsi­mula ng ‘anti-epal’ campaign sa pagbabawal ng paglalagay ng billboard na nagtataglay ng pangalan ng mga lokal na opisyal.

Tumatak din sa isip ng taumbayan ang ‘tsinelas leadership’ ni Secretary Jesse na nagpakita ng kanyang pagiging simple at kahandaang sumabak sa anumang sitwasyon sa kahit ano pang panahon.

Kaya sa 2016, gamitin nating pamantayan ang ‘matino at mahusay’ sa pagpili na susunod na pinuno ng bansa.

***

Kahit hindi man tayo magbuwis ng buhay para sa bayan, lahat tayo ay maaaring maging bayani tulad nina Tito Ninoy, Tita Cory at Secretary Jesse.

Kailangan lang nating gawin ang ating makakaya para ­tulungan ang bansa upang makamit ang pag-asenso para sa ­lahat ng Pilipino.

Huwag din tayong mangimi na tulungan ang ating kapwa, hindi lang sa oras ng kanilang pangangailangan, kundi sa ­lahat ng panahon.

Sa paraang ito, maipapakita natin sa mga bayani na sulit ang ginawa nilang sakripisyo para sa atin.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Paluwagin ang masikip

Mga Bida, isa sa mainit na usapin nitong mga nagdaang araw ang isyu ng port congestion o pagsisikip ng Port of Manila.

Noon pa pala nararanasan ang problemang ito ngunit ngayon lang nabigyan ng todong pansin nang magpahayag ng pangamba ang maraming negosyante. May mga nagsasabi na ito ang dahilan sa pagtaas ng presyo ng ilang mahahalagang bilihin.

Mga Bida, kung wala kayo sa Maynila, ang isyu rito ay may kinalaman sa pisikal na kondisyon ng pantalan ng Maynila. Libu-libong container ngayon ang nakatambak sa pantalan kaya wala nang magalawan ang mga truck.

Dahil sa bagal ng paglabas ng container mula sa Port of Manila, wala na ring mapaglagyan ang mga bagong dating na container.

Maihahambing ang sitwasyong ito sa pagsalok ng tubig sa balde gamit ang tabo. Hindi mababawasan ang laman ng timba kung malakas at tuluy-tuloy ang tulo ng tubig mula sa gripo.

Hindi tulad ng ibang problema na wala sa ating mga kamay ang dahilan at solusyon, ang suliraning ito ay kontrolado natin at kayang resolbahin, basta’t sama-sama ang lahat ng sektor.

***

Kaya agad akong nagpatawag ng imbestigasyon upang malaman ang punu’t dulo ng problema at makapaglatag ng agarang solusyon at pangmatagalang plano.

Noong nakaraang linggo nga, nagsama-sama sa iisang kuwarto ang iba’t ibang sangay ng gobyerno at pribadong sektor para talakayin ang problema.

Sa nasabing pulong, naglatag ng ilang short-term na solusyon para pansamantalang maibsan ang pagsisikip.

Kabilang dito ang pagtatrabaho ng mga ahensya ng gobyerno tuwing Sabado, Linggo at umaga ng Lunes, at mas maagang pagbubukas ng mga bangko na malapit sa pantalan para agad masimulan ang mga transaksyon.

Sa bahagi naman ng Maynila, nagbukas na sila ng bagong lanes para mas mabilis ang labas-masok at pagbiyahe ng mga trak na dala ang mga container.

Naglaan naman ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) zones ng lugar para paglagyan ng mga container na nasamsam ng Bureau of Customs at mga basyong container na nakatengga lang sa pantalan.

Kasabay ng mga pansamantalang solusyon na ito, nangako naman ang mga ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ni Trade Secretary Gregory Domingo, na maglalatag ng pangmatagalan na plano at solusyon.

***

Dahil nga patuloy ang paglago ng ating ekonomiya, marapat lang na magkaroon ng pangmatagalang plano upang hindi na muling mangyari ang problemang ito.

Isa sa tinitingnang solusyon ay ang Port of Batangas at Port of Subic ngunit maliit lang ang kapasidad ng dalawang pantalang ito. Hindi makakayanan ng mga ito ang dagsa ng pumapasok na mga container.

Kasama rin sa pinag-aaralang remedyo ay ang pagsasaa­yos ng pagpapatakbo ng Port of Manila at pagtatayo ng isa pang port na mangangailangan ng bilyun-bilyong piso.

Kasabay ng paglaki ng ekonomiya ay ang pag-aayos ng ating pantalan kaya ito ay dapat masuportahan.

Ngayong ginugunita natin ang ika-31 anibersaryo ng pagkamatay ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., natanong ako ng isang reporter kung paano ako makakatugon sa pamanang alaala at tagumpay ng aking Tito.

Ang sabi ko, ngayong ako’y isang senador na, maipapa­kita ko ito sa patuloy na pagtatrabaho para sa taumbayan sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas na tututok sa kanilang kapakanan.

Noong siya’y nabubuhay pa, hindi lang kalayaan at demokrasya ang pinaglaban ni Tito Ninoy, pati na rin ang kapa­kanan at kasaganaan ng bawat pamilyang Pilipino ay naging mahalagang ipaglaban din.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top