Columns

BIDA KA!: Biyaheng New Zealand

Mga Bida, ang trabaho ng mambabatas ay hindi lang limi­tado rito sa ating bansa. Minsan, kailangan din naming magtungo ng ibang bansa upang makakuha ng bagong ideya at programa na makatutulong sa pag-unlad ng ating mga kababayan.

Kaya kamakailan, ­nagtungo ako sa dalawang bansa, hindi para magbakasyon, kundi para pag-aralan ang galaw ng maliliit na negosyo roon at maikumpara sa sistemang umiiral sa ating bansa.

Una kong pinuntahan ang New Zealand at bumisita sa mga kumpanya ng kape, tsokolate, peanut butter at ice cream na pawang pag-aari ng maliliit na negosyante roon.

Sa pagdalaw ko sa lokal na kumpanya ng kape, na tinatawag na Mojo Coffee, napag-alaman ko na kahit ito’y ­maliit at tubong New Zealand, kaya niyang makipagsabayan sa ­higante at sikat na Starbucks.

Sa Wellington nga na siyang kabisera ng New Zealand, mas marami na ang branches ng Mojo Coffee kaysa sa Starbucks. Totoo nga ang kasabihang maliit nga pero nakaka­puwing naman.

Dinalaw ko rin ang isang kumpanyang gumagawa ng ­peanut butter na pag-aari ng isang abogado.

Hilig niya ang paggawa ng peanut butter at napagdesisyunan niyang magtayo ng isang negosyo.

Mga Bida, parang sari-sari store sa atin ang kanyang tindahan dahil sa isang bintana lang siya nagtitinda ng kanyang peanut butter, ngunit patok na patok ito.

Sa pagpasok ko naman sa isang chocolate company, lalo kong ipinagmalaki ang pagiging Pilipino nang malaman ko na kumukuha sila ng cacao mula sa Pilipinas sa paggawa ng iba’t ibang uri ng produktong tsokolate.

Nakilala ko rin ang isang dating IT professional na umalis sa kanyang trabaho matapos ang 25 taon para magtayo ng sari­ling tindahan ng ice cream malapit sa tila baywalk nila roon.

Ang maganda sa mga ito, tagumpay ang kanilang mga negosyo kahit pa walang nakukuhang anumang suporta mula sa pamahalaan, maging pautang, training o kahit pagko­nekta man lang sa merkado.

Anila, nabubuhay sila sa suporta ng kanilang mga kaba­bayan na walang sawang tumatangkilik sa kanilang de-kalidad na produkto kahit pa medyo may kamahalan.

***

Sa pag-iikot kong ito, namulat ang aking mga mata sa ilang bagay.

Kahit walang suporta mula sa pamahalaan, kayang-kaya mabuhay at umasenso ng maliliit na negosyo basta’t tinatangkilik lang ng publiko.

Isa pa, handang magbayad at bumili ang publiko kahit mahal ang presyo, basta’t maganda ang kalidad ng produkto.

Kaya itong maipatupad sa Pilipinas ngunit marami pang kailangang gawin at baguhin bago ito maging matagumpay.

Una na rito ang pagbabago ng kaisipan ng taumbayan. ­Natatak na kasi sa mga Pilipino na basta’t gawa ng maliit na negosyante, mababa ang kalidad.

Kaya dito lumilitaw ang tinatawag na colonial mentality o pagtangkilik sa mga produktong galing ibang bansa sa pag-aakalang matibay ang mga ito.

Hindi rin natin masisi ang maliliit na negosyante sa sitwasyong ito. Kailangang mura ang kanilang produkto upang manatiling buhay. Nasasakripisyo tuloy ang kalidad.

Ito ang malaking hamon para sa atin. Dapat magsikap na pagandahin ang kalidad ng produkto upang mabigyang katwiran sakaling mas mahal man ang benta nito.

Sa huli, makikita ng mamimili na sulit ang kanilang ibi­nayad kung maganda at matibay ang kalidad ng nabiling produkto.

Sa pamamagitan ding ito, makukumbinsi natin na tangkilikin ang ating mga sariling produkto kung ito’y mas matibay kumpara sa gawang abroad.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: We Generation

Mga Bida, nakakalungkot mang banggitin pero tinagurian nang “me generation” ang ating mga kabataan sa kasalukuyan.

Ito’y dahil sa tingin na karamihan sa kanila ay puro na lang ­selfie, gimik, video games at ­party na lang ang ginagawa at wala nang pakialam sa pagpapaunlad ng bansa.

Ito rin ang ipinintang imahe sa mga kabataan sa mga pelikula at babasahing tumatak nang malalim sa isipan ng karamihan.

Ngayon, kahit maganda ang intensyon sa pagtulong ay nahi­hirapan na ang mga grupo ng kabataan na burahin ang itinatak sa kanila ng lipunan.

Ngunit hindi ito naging hadlang para sa maraming grupong kabataan na maglunsad ng mga programa para sa kapakanan ng kapwa at kaunlaran ng bayan.

***

Halimbawa na lang nito ang Gualandi Volunteer Service Program, Inc., isang non-government organization ng mga ­kabataan na nakabase sa Cebu City.

Ito ay binuo ng ilang mga kabataan noong 2005 upang ­isulong ang kapakanan ng mga kababayang may kapan­sanan sa pandinig.

Maliban dito, pinangungunahan din ng grupo ang laban kontra sa pang-aabuso sa mga kabataan na walang kakayahan para maipagtanggol ang sarili.

Sa ilalim ng programang Break the Silence Network ­Project, tinutulungan ng grupo ang mga bata at kababaihang biktima ng pang-aabuso.

Itinataguyod din ng grupo ang pagsusulong sa Filipino Sign Language (FSL) bilang pambansang sign language ng mga kababayan nating may depekto sa pandinig.

Bilang suporta, ako’y naghain ng Senate Bill No. 2118 o Filipino Sign Language (FSL) Act of 2014, na kapag naisa­batas ay magtatakda sa FSL bilang opisyal na wikang gagamitin ng pamahalaan sa lahat ng transaksyon sa mga kaba­bayan nating bingi.

***

Magandang halimbawa rin ang ipinakita ng TC Youth Laboratory Cooperative (Mindanao), na nakabase naman sa Tagum City.

Apat na taon na ang nakalipas, sinimulan ng grupo ang proyektong “Financial Literacy for Youth Program” kung saan nag-ikot sila sa mga paaralan sa Tagum City upang turuan ang mga estudyante ng kaalaman ukol sa financial literacy at hinikayat silang sumali sa kooperatiba.

Nagsimula ang TCYLC na mayroong 48 miyembro na may P8,000. Sa ngayon, mayroon na silang mahigit 1,000 ­miyembro na may mahigit P2.4 milyon.Ang programang ito ng TCYLC ay isa sa naging inspirasyon ko sa paghahain ng Youth Entrepreneurship Act, kung saan itinuturo sa mga kabataan ang kaalaman sa tamang pagba-budget, pagtitipid, pag-i-invest at iba pang kasanayan sa ­financial literacy.

Kahanga-hanga ang ginawa ng dalawang grupong ito ­dahil hindi sila nagpapigil sa kanilang hangaring makatulong sa kapwa sa kabila ng malaking pagsubok.

***

Hindi man napansin ng karamihan sa lipunan ang kanilang nagawa, nabigyang halaga naman ang kanilang mga pagsisikap nang mapabilang sila sa mga nagwagi sa 11th Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards noong 2013.

Maliban sa dalawa, kabilang din sa mga nagwagi noong nakarang taon ay ang Association of Locally Empowered Youth-NM sa Initao, Misamis Oriental, Hayag Youth Organization sa Ormoc City, Leyte, Kawil Tours sa Coron, Palawan, Tanay Mountaineers sa Rizal, Tulong sa Kapwa ­Kapatid sa Culiat, Quezon City, United Architects of the Philippines Student Auxiliary Foundation University ­Chapter sa Dumaguete City, Negros Oriental, at University of San Carlos-Pathways at Volunteer Service Provider sa Mandaue City, Cebu.

Tulad nila, mabibigyan din ng pagkakataon ang iba pang youth organizations na makilala ang kanilang ambag sa lipunan ngayong bukas na ang pagpapatala para sa TAYO 12 na tatagal hanggang September 30.

Ang pagpapatala ay bukas sa lahat ng mga grupo at organi­sasyon na binubuo ng 15 o higit pang miyembro na may edad 15 hanggang 30 taon.

Maaaring magsumite ang mga interesadong grupo ng katatapos o nagpapatuloy na programa o ‘di kaya’y entry na nakum­pleto na o ang malaking bahagi ay tapos na bago ang deadline.

Ang mga sumusunod na pamantayan ay gagamitin sa pagpili: 1 Bigat ng proyekto sa stakeholders; 2. Pagpapalakas ng diwa ng volunteerism at citizenship; 3. Pagiging malikhain at kakaiba, 4. Sustainability ng proyekto; at 5. Ang mainam na paggamit ng mga resources.

Para sa mga nais suma­li, ang iba pang impormasyon at ang online entry form ay makikita sa www.tayoawards.net. Para sa katanungan, maaaring mag-text sa TAYO Secretariat sa 0917 TXT-TAYO (898-8296) o mag-e-mail sa tayo.secretariat@gmail.comThis email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .

Para sa kabatiran ninyo mga Bida, ang TAYO Awards ay sinimulan no­ong 2002 ng inyong lingkod at ni dating senador at ngayo’y agriculture czar Kiko Pangilinan.

Sa mga nakalipas na taon, mahigit 2,000 youth organizations mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang lumahok sa nasabing parangal.

Nais ninyo bang mapabilang sa hanay ng “we generation”? Sali na!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: SONA ni PNoy

Mga Bida, marami ang nabigla sa emosyonal na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino noong Lunes.

Malayo ito sa inasahan ng karamihan, na nag-aabang ng mas palaban na pahayag mula sa Pa­ngulo tulad ng nauna niyang apat na SONA.

Sa halip, nagbuhos ang Pangulo ng kanyang nararamdaman sa araw-araw na upak na tinatanggap niya mula sa mga kritiko mula almusal hanggang sa midnight snack.

Ako mismo ay naantig at napaluha dahil ramdam ko ang saloobin ng Pangulo. Natural lang na makaramdam siya ng sama ng loob. Tao rin siya na may puso’t laman. Mayroong damdamin at marunong ding masaktan.

Sa kabila kasi ng pagsusumikap na magpatupad ng reporma at mga mahahalagang programa at proyekto, may nasasabi pa rin ang mga kritiko. Lahat ng kanyang kilos at galaw, binabantayan at binabatikos.

Maihahalintulad natin ang sitwasyon ng Pangulo sa isang estudyante na nagsusunog ng kilay sa pag-aaral, magtatapos ng may honors, ngunit sa huli, wala siyang makuhang trabaho.

Ang ating Pangulo ay katulad din ng isang Tatay na nagsusumikap sa kanyang trabaho para matustusan ang panga­ngailangan ng kanyang pamilya. Ngunit sa dulo pala, kulang pa rin ang pawis at dugong nilaan niya dahil sa laki ng gastusin.

Ganito ang kapalaran ng ating Pangulo sa unang apat na taon niya sa posisyon. Kahit ibinuhos na niya ang lahat ng panahon para sa pagpapaunlad ng bayan at buhay ng mga Pilipino, naririyan pa rin ang mga kritiko at nagpapaulan ng batikos.

Ito ang lubusan kong hinahangaan sa ating Pangulo. Matibay pa rin ang kanyang loob at determinado sa kabila ng mga tinatanggap na batikos. Dire-diretso pa rin ang kanyang hangarin na linisin ang pamahalaan at bigyan ng magandang buhay ang bawat Pilipino.

Subalit, gaya ng aking unang nabanggit, tao lang ang ating Pangulo. Hindi niya kayang pasanin ng nag-iisa ang problema ng bayan.

Kailangan niya ng tulong mula sa ating lahat para maisakatuparan ang mga pagbabago na kanyang inumpisahan.

***

Ang ipinakitang emosyon ng Pangulo sa kanyang SONA noong Lunes ay pakiusap sa taumbayan, lalo na sa kanyang mga kritiko, na isantabi muna ang pamumulitika at paghahati-hati at magkaisa tungo sa kaunlaran ng bansa.

Hindi gaya ng mga nauna niyang SONA kung saan harap-harapan niyang binatikos ang katiwalian, hindi siya nagsalita ukol sa mga kontrobersiyal na isyu gaya ng pork barrel scam.

Sa halip, ginamit niya ang pagkakataong ito upang ilatag ang mga nagawa niya para sa bayan, mula sa trabaho, imprastruktura, turismo, ekonomiya, edukasyon at sandatahang lakas.

Ngunit iginiit ng Pangulo na marami pang dapat gawin at kailangan niya ang tulong ng lahat upang ito’y marating bago matapos ang kanyang termino sa 2016.

***

Sa unang apat na taon, tinutukan ng Pangulo ang pagpapaganda ng ekonomiya ng bansa.

Ngayong itinuturing na ang Pilipinas bilang isa sa pinakamalakas na ekonomiya sa Asya, kailangan namang pagtuunan ng pansin sa huling dalawang taon kung paano maibababa ang paglagong ito sa mga karaniwang Pilipino.

Sa kasalukuyan, kailangan natin ng mga panukalang batas na magpapalakas pa ng tinatawag na inclusive growth o tunay na kaunlaran upang maramdaman ng lahat ang tinatamasang pag-unlad ng bayan.

Kamakailan lang, naipasa na ang Go Negosyo Act na magpapalakas sa tinatawag na micro, small and medium entrepreneurs at lilikha ng dagdag na trabaho at iba pang kabuhayan sa mga Pilipino.

Nakalinya na rin ang iba pang panukalang batas na inihain ng ating opisina sa Senado gaya ng Poverty Reduction through Social Entrepreneurship Bill, Youth Entrepreneurship Bill, Credit Surety Fund Bill at marami pang iba. Sana ay hindi ito mahaluan ng kulay pulitika at maipasa na sa lalong madaling panahon.

***

Ang pag-unlad ng bayan ay hindi kayang gawin nang nag-iisa ng Pangulo. Kailangan niya ang tulong ng lahat ng Pilipino upang ito’y maging ganap.

Kumbaga sa basketball, nasa fourth quarter na tayo. Hindi kaya ng isang tao na ipanalo ang laban. Kailangan ng teamwork para manalo.

Mahalaga ang bawat galaw. Isang maling kilos ay maaaring ikatalo ng koponan kaya mahalaga na nagkakaisa sa paghakbang tungo sa tagumpay.

Ngayon, hindi na mahalaga kung tayo’y kaalyado o oposisyon. Ang mahalaga sa pagkakataong ito ay isantabi ang anumang kulay pulitika at magtulungan para sa kaunlaran ng bansa.

Sabi nga ng Pangulo, “the Filipino is worth fighting for”. Samahan natin si PNoy sa labang ito!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Panalo ang taumbayan

Noong Linggo, inanunsiyo ng Malacañang na kabilang ang Go Negosyo Act na aking iniakda at Lemon Law na aking matinding sinuportahan sa mga inaprubahan ni Pangulong Noynoy Aquino na maging batas.

Ngayong pirmado na ng Pa­­ngulo, ang magiging buong pamagat ng Go Negosyo Act (Republic Act 10644) ay “An Act Promoting Job Generation and Inclusive Growth Through the Development of Micro, Small, and Medium Enterprises”.

Ito’y maituturing na malaking tagumpay para sa ating mga negosyante, lalo na ang kabilang sa micro, small at medium enterprises (MSMEs).

Ang Go Negosyo Act ay katuparan ng isa sa ating mga pangako noong kampanya na palaguin ang MSME sector, na susi sa pagsulong ng tunay na kaunlaran ng bansa.

Ngayong ganap nang batas, inaasahan ko ang mas mabilis pang paglago ng MSME sector dahil mayroon nang aayuda sa kanila pagdating sa proseso, puhunan, training at iba pang pangangailangan.

Sa tulong ng Go Negosyo Act, mas mapapadali na ang pagtatatag ng bagong negosyo o pagpapalawak ng mga kasalukuyan nang nakatayong negosyo.

Kasabay ng paglakas na ito ng MSME sector, maraming trabaho ang malilikha at maraming kabuhayan ang lilitaw para sa mga Pilipino.

Sabi nga, sa Go Negosyo, lahat ng Pilipino, panalo!

***

Sabay ring pinirmahan ng Pangulo ang Philippine Lemon Law, na ilang dekada rin ang hinintay bago tuluyang naging batas.

Sa pagsasabatas nito, mayroon nang proteksyon ang mga mamimili laban sa mga bago ngunit depektibong sasakyan.

Sa panahon natin ngayon, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling sasakyan.

Kung dati, itinuturing na malaking luho ang pagkakaroon ng kotse, ngayon ito’y itinuturing nang malaking pangangailangan, lalo na ng mga negosyante at entrepreneurs, para makasabay sa mabilis na takbo ng buhay.

Sa aking sponsorship speech para sa Lemon Law, binigyang diin ko na dapat bigyan ng karampatang proteksiyon ang mga consumer na gumagamit ng kotse araw-araw.

Dapat ang kalidad ng kotseng ginagamit nila ay katumbas ng trabaho na kanilang ibinigay para magkaroon ng ikabubuhay.

Ito ang hatid ng Philippine Lemon Law o Republic Act 10642 o “An Act Strengthening Consumer Protection in the Purchase of Brand New Motor Vehicles”.

Sa ilalim ng batas na ito, puwedeng ibalik ang pera o ‘di kaya’y palitan ang isang bago ngunit depektibong sasakyan sa loob ng isang taon o 20,000 kilometro mula sa petsa ng pag-deliver.

Bago rito, kailangan munang dumaan sa apat na beses na pagsasaayos ang diperensiyadong sasakyan.

Kung sa panahong iyon ay hindi pa rin naresolba ang problema, maaari nang humiling ang nakabili na palitan ang sasakyan ng bago o balik o refund.

Kapag nagmatigas ang dealer, maaaring dumaan sa proseso ng mediation o arbitration ang dalawang panig na tatagal nang hindi hihigit sa apatnapu’t limang araw.

Pagkatapos nito, magpapasya na ang Department of Trade and Industry (DTI) kung dapat nga bang palitan o hindi ang isang sasakyan.

Umasa kayo mga Bida, na hindi matatapos sa dalawang batas na ito ang ating pagtutok sa kapakanan ng mamamayan. Umpisa pa lang ito, mga Bida!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Mga kawatan wakas na sa WASAK

Mga Bida, sa kasalukuyan, nag-iikot kami sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang talakayin sa taumbayan ang kahalagahan at benepisyo ng Go Negosyo Act, na malapit nang maging batas, pati na rin ang iba pang panukalang inihain namin gaya ng Microfinance Bill, Credit Surety Fund Bill, Youth Entrepreneurship at marami pang iba.

Madalas, pagkatapos ng a­ming talakayan, isa sa mga laging bina­balik sa amin: Senator, maganda ang mga panukalang iyan pero nahihirapan pa rin kami sa pang-araw-araw dahil sa talamak na kotongan dito sa lugar namin.

Tama kayo mga Bida, bukod sa mga panukalang inihahain namin, kailangan ng support system at dapat kumpleto ang tulong para sa maliliit na negosyo.

Madalas, kung mas maliit ka, lalo kang pahihirapan. Ang malalaking tao, may mga abogado at iba pang tauhan na tumutulong sa kanila. Pero ang maliliit, walang mapupuntahan kung pinapahirapan ng alinmang kawani ng pamahalaan.

Sa aking personal na karanasan sa negosyong itinayo namin ilang taon na ang nakalipas, iginiit ng Bureau of Fire Protection (BFP) na bumili kami ng fire extinguisher sa kanila.

Bilang isang maliit na negosyante, hindi nakakatuwa ang ganitong mga pangyayari. Naging karanasan ko rin iyan, mga Bida, kaya malapit ito sa puso ko.

***

Nakakalungkot sabihin pero hindi lang kami ang nakaranas ng ganitong sistema. Mula sa maliliit na negosyante hanggang sa malalaki, tiyak na nakatikim ng ganitong proseso habang nag-aayos ng mga papeles.

Ang mga ganitong iligal na gawain ang siyang sumisira sa pangarap ng mga Pilipino lalo na sa mga nais magtayo ng sariling negosyo, kahit maliit lang.

Sa halip na tulungan, pinapahirapan pa ng ilang tauhan ng pamahalaan ang mga kababayan natin na ang tanging nais lang ay magkaroon ng maliit na kabuhayan.

Ang ilan nga, mas malaki pa ang gastos sa pagrerehistro ng negosyo kaysa sa kanilang buong puhunan.

Ang ilang mga dayuhang negosyante naman, nag-aalsa balutan na lang at nagtutungo sa ibang bansa para doon na lang mamuhunan para makaiwas na lang sa proseso na sa hirap ay talo mo pa ang dumaan sa butas ng karayom.

Ang resulta ay naglalaho ang pagkakataon ng ating mga kababayan na magkaroon ng trabaho at ikabubuhay.

***

Upang masolusyunan ang problemang ito, inilunsad namin ang WASAK o Walang Asenso sa Kotong hotline na 16565 at 0908-881-6565 kung saan maaaring magparating ang maliliit na negosyante ng reklamo at iba pang isyu, tulad ng katiwalian, red tape at pangingikil na nakakaapekto sa kanilang paglago.

Ang kampanyang ito ay bahagi ng ating pangunahing adbokasiya na labanan ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa pamamagitan ng pagpaparami ng maliliit na negosyo.

Kamakailan, inilunsad ang nasabing hotline sa tanggapan ng Civil Service Commission (CSC) sa Lungsod Quezon.

Kasama namin sa launch sina CSC Chair Francis Duque, Philippine Chamber of Commerce and Industry COO Donald Dee, Director Heiddi Barrozo ng Office for Competition ng Department of Justice, Undersecretary Victori Dimagiba ng Department of Trade and Industry at mga kinatawan ng Bantay.ph at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nakakatuwa dahil lahat ng opisyal ng mga nasabing tanggapan ay nangako ng suporta upang maging epektibo ang WASAK sa pagtugon sa reklamo ng ating mga kababayang negosyante.

***

Sa ilalim ng proseso, ang WASAK ay ikokonekta sa Contact Center ng Bayan (CCB) ng CSC na tumatakbo na sa kasalukuyan.

Ang CCB ay isang plataporma kung saan maaaring magreklamo tungkol sa red tape, kotong o tongpats, at under the table sa pamamagitan ng text, email at pagtawag sa telepono.

Sa pamamagitan ng CCB, ipapasa sa Civil Service Commission (CSC) ang anumang reklamo na matatanggap nila mula sa mga negosyante. Ang CSC ay may kapangyarihan na para mag-issue agad ng memorandum kung marami nang reklamong natatanggap laban sa isang tauhan ng pamahalaan.

Ipapasa rin ng CCB ang reklamo sa mismong pinuno ng ahensya ng gobyerno kung saan kabilang ang nirereklamong tauhan para maaksiyunan at masampahan ng kasong administratibo.

Kapag may aspetong kriminal naman ang reklamo, ito naman ay ipapasa sa DOJ upang mapag-aralan kung sasampahan ng kaso sa hukuman ang inireklamong tauhan ng gobyerno.

Sabi nga ng mga kaibigan natin sa CSC, “Saan ka nakakakita na ang inyong reklamo ay umaabot sa opisina ng mismong Department Secretary?”

Dahil sa mabilis na proseso ng CCB, mas madali ang aksiyon sa mga reklamo at mas epek­tibo ang giyera kontra korupsiyon.

Wasakin na ang kultura ng korupsyon sa tulong ng WASAK!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kapatirang nakamamatay

Mga Bida, naantig ang puso ko nang mapanood ang panayam sa telebisyon ng ama ng estudyante ng College of St. Benilde na namatay sa hazing kamakailan.

Ramdam ko ang sakit na nadarama ni Aurelio Servando habang nagkukuwento ito ukol sa pagkamatay ng kanyang anak na si Guillo Cesar.

Sa kuwento ni Aurelio, na­laman na lang niya na sumali ang anak sa fraternity matapos ng insidente mula sa dalawa pang biktima ng hazing.

Huli niyang nakita ang anak noong Sabado ng umaga, ilang oras bago nangyari ang hazing.

Ang alam niya, aasikasuhin ng anak ang mga kailangang dokumento para sa biyahe nito sa South Korea na bahagi ng kanyang requirement sa paaralan.

Iyon na pala ang huling pagkakataon na makikita niyang buhay ang anak na kanyang inalagaan ng labing-walong taon ngunit kinuha lang ng malulupit na miyembro ng isang fraternity.

Para kay Mang Aurelio, hindi ka nag-iisa sa pagsigaw ng katarungan sa kamatayan ng iyong anak!

***

Nagtataka ako sa ipinatutupad na sistema ng mga fraternity, na ang pangunahing inilalako sa mga nais magmiyembro ay pagpapalakas ng kapatiran at samahan.

Subalit may matinding kapalit ang kapatiran na kanilang ibinibenta. Kailangang lampasan ng nais magmiyembro ang ilang pagsubok na kanilang ibibigay.

Sa una, magaan lang ang pinapagawa sa mga miyembro. Naririyan na uutusan silang bumili ng mamahaling bagay sa kaunting pera o ‘di kaya’y libreng pakain sa mga piling opisyal ng fraternity.

Ngunit langit pa ito kung ikukumpara sa mas matinding hirap na daranasin ng isang nais magmiyembro sa ngalan ng kapatiran.

Ito ang dinanas ni Guillo Cesar sa mga kamay ng mga walang pusong miyembro ng fraternity. Sayang ang magandang kinabukasan ng batang ito.

Kamakailan din, may napaulat na isang estudyante ng University of the Philippines ang naospital dahil sa hazing.

Sa Cavite naman, tatlong kabataan ang sugatan matapos sumalang sa hazing.

***

Kaya panahon na upang tuldukan ito. Hindi matatapos ang kultura ng kalupitang ito hanggang hindi natin dadagdagan ang pangil ng Anti-Hazing Law.

Halos dalawang dekada nang mayroong Anti-Hazing Law ang bansa pero hanggang ngayon, marami pa rin ang namamatay dahil sa pahirap na dinaranas sa kamay ng mga fraternity.

Kaya naghain ako ng resolusyon upang imbestigahan ang mga karahasan na may kaugnayan sa hazing at humanap ng mga paraan upang ito’y mapigil sa hinaharap.

Isa sa mga nakikita kong paraan para labanan ang hazing ay ang pag-amyenda sa Anti-Hazing Law upang mabigyan ito ng dagdag na ngipin at mas maging epektibo sa pagbawas sa mga kamatayan at pinsala na dulot ng hazing.

Hindi matatapos ang kultura ng karahasan hanggang hindi natin binabago ang batas na maghahatid ng takot sa mga mi­yembro ng fraternity.

Mga Bida, sa ilalim ng batas na ito ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo sa tinatawag na hazing-related death o pagkakakulong mula apat hanggang 17 taon, depende sa tinamong pinsala ng biktima.

Sa kabila ng mabigat na parusang ito, marami pa ring fraternities na malakas ang loob na nagsasagawa ng hazing na humahantong sa walang saysay na kamatayan ng mga bata at inosenteng biktima.

Kung ako ang tatanungin, wala nang lugar ang ‘di maka­taong pagkilos na ito sa isang sibilisado at modernong lipunan na ating ginagalawan.

Sa pagpapalago ng kapatiran at samahan, hindi makakatulong ang karahasan. Marami pang ibang mas makataong pamamaraan para mapayabong natin ang kapatiran at pagkakaisa.

Kaya sa mga kabataan na naeengganyong sumali sa fraternity, mag-isip-isip kayo. Magsilbing aral sa atin ang sinapit ni Guillo Cesar, na nasayang ang magandang kinabukasan dahil sa kagagawan ng walang pusong fraternity.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Lemon Law napiga rin!

Mga Bida, pangarap ng bawat Pilipino ang makabili ng sariling sasakyan.

Kaya itong si Rudy (‘di tunay na pangalan), proud na proud nang makuha niya ang susi sa kanyang bagong sasakyan.

Sa nakalipas na ilang taon, pigang-piga si Rudy sa pagkayod para lang mapag-ipunan ang nasabing sasakyan.

Sa isip niya, mas mapapadali ang kanyang pagbiyahe nga­yong may sarili na siyang sasak­yan. Mas maaga na siyang makararating sa kanyang opisina at sa mga meeting.

Iwas-hassle na sa pagsakay sa pampasaherong bus at jeep, hindi pa siya amoy-usok at guwapung-guwapo pa pagdating sa office.

Ngunit sa kasamaang-palad, ilang araw lang na-enjoy ni Rudy ang bagong biling kotse. Habang nagmamaneho sa highway, naramdaman niya na tila kulang sa hatak ang makina ng bagong sasakyan.

Kahit anong apak niya sa selinyador ay hindi pa rin makaarangkada nang maayos ang sasakyan.

Dali-daling ibinalik ni Rudy sa binilhang dealer ang sasakyan upang masilip kung bakit ganoon ang takbo ng makina nito. Ngayon, balik-commute si Rudy habang inaayos ng dealer ang problema.

Ilang linggo na ang lumipas mula nang dalhin niya sa dealer ang kotse ay wala pa siyang natatanggap na anumang abiso na puwede na itong kunin.

Nagpasya si Rudy na daanan ang dealer upang tingnan kung tapos na ang sasakyan. Tila binagsakan siya ng langit at lupa nang makita ang hiwa-hiwalay na bahagi ng bagong biling awto.

Nang tanungin ni Rudy kung bakit tila dinaanan ng super bagyo ang kanyang sasakyan, sinabi ng mekaniko na nahihirapan silang hanapin kung ano’ng diperensiya nito.

Agad pinuntahan ni Rudy ang tanggapan ng pinakamataas na pinuno ng dealer at hiniling na palitan ng bago ang kanyang diperensiyadong awto.

Ngunit tumanggi ang dealer dahil walang anumang batas na nag-aatas sa kanila na palitan ng bago o ‘di kaya’y ibalik ang pera ng nakabili ng sirang kotse.

Dahil matigas ang pagtanggi ng dealer kahit paulit-ulit na siyang kinulit ni Rudy, nagpasya ang huli na dalhin na lang sa korte ang usapin.

Sa bagal ng takbo ng hustisya sa bansa, ilang taon na ang naka­lipas ngunit hanggang ngayon ay dinidinig pa rin ang kaso. Balot na ng kalawang ang mga piyesa ng sasakyan ni Rudy sa casa pero hindi pa rin tapos ang kanyang pinaglalaban.

Kaya isa si Rudy sa mga natuwa nang maipasa ang Lemon Law. Aniya, maigi na mayroon nang ganitong batas upang hindi na sapitin ng iba pang bibili ng bagong kotse ang kanyang kapalaran.

***

Halos dalawang dekada rin ang hinintay ng Pilipinas bago napiga sa Kongreso ang Lemon Law.

Sa Estados Unidos, noon pang dekada sitenta naipasa ang Lemon Law, kaya mayroong proteksiyon ang mga Kano laban sa mga palyadong sasakyan.

Sa ilalim ng batas na ito, puwedeng ibalik ang pera o ‘di kaya’y palitan ang isang bago ngunit depektibong sasakyan sa loob ng isang taon o 20,000 kilometro mula sa petsa ng pag-deliver.

Ngunit bago rito, kailangan munang dumaan sa apat na beses na pagsasaayos ang diperensiyadong sasakyan.

Kung sa panahong iyon ay hindi pa rin naresolba ang problema, maaari nang humiling ang nakabili na palitan ang sasakyan ng bago o i-refund ang ibinayad.

Maaaring dalhin ang kaso sa Department of Trade and Industry (DTI) at may apatnapung limang araw para mabigyang solusyon ng dalawang panig ang problema.

Kaya nang mapunta sa aking komite ang panukalang ito, agad ko itong tinutukan at isinulong dahil ito’y makatutulong para protektahan ang mga mamimili.

At ang pirma na lamang ng presidente ang kulang upang ito’y maging ganap na batas.

Asahan ninyo mga Bida, na pipigain natin ang lahat ng kailangang pigain, basta’t ito’y may kinalaman sa interes ng ating mamimili.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Usapang panggisa

Mga Bida, usapang panggisa muna tayo dahil putok na putok ang isyu ng mataas na presyo ng bawang.

Nitong mga nakaraang araw, nawindang ang mga mamimili sa big­lang pagsirit ng presyo ng ba­wang sa mga pamilihan, na umabot pa sa P350 bawat kilo.

Ayon naman sa mga magsasaka at producers, nakakapagtaka ang big­lang pagtaas ng presyo ng ba­wang dahil sapat naman ang kanilang ani sa nakalipas na mga buwan para punuan ang pangangailangan sa merkado.

Kaya duda ng marami, may ilang mga supplier na nagtago ng kanilang nabiling bawang sa mga magsasaka upang magkaroon ng mataas na pangangailangan nito sa merkado.

Kapag nga naman lumakas ang pangangailangan ng bawang sa merkado at walang sapat na supply, tiyak na tataas ang pres­yo nito.

Ngayon, kapag tumaas ang presyo ng bawang, ilalabas ng mga tiwaling supplier ang kanilang supply. Mas malaki nga naman ang kanilang kita kumpara sa orihinal na presyo nito.

***

Kapag mataas ang presyo ng bawang sa merkado, kadalasan masaya ang mga magsasaka dahil sila ang direktang makikinabang dito.

Pero sa sitwasyong ito, mukhang naitsapuwera ang mga magsasaka at mukhang hinokus-pokus ng mga supplier ang supply ng bawang sa merkado upang magkaroon ng artificial shortage at tumaas ang presyo nito.

Ayon sa ilang mga nakausap ko, posibleng itinago ng mga supplier ang nabili nilang bawang sa buwan ng Pebrero at Marso at saka nila ito ilalabas kapag doble o triple na ang presyo nito sa merkado.

Ang pagmanipula sa supply ng bawang ay isa ring paraan upang mabigyang katwiran ang pag-aangkat ng bawang, na mas mura kumpara sa ibinebenta ng ating mga magsasaka.

Ang problema, kapag bumaha ang imported na bawang sa merkado, mamamatay ang lokal na industriya ng bawang sa bansa at mawawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka.

***

Kaya dapat lang na tutukan at pabilisin ang imbestigasyon sa biglaang pagtaas ng presyo ng bawang at tiyakin na walang grupo o personalidad ang nagpapataas ng presyo nito.

Kailangan ding magsagawa ng malawakang monitoring ang Department of Agriculture (DA) para sa kapakanan ng mami­miling publiko.

Lalo nating paigtingin ang suporta sa ating mga magsasaka ng bawang upang matugunan ang pambansang pangangailangan sa presyong abot-kaya ng mga mamimili.

Huwag nating payagang ang mga interes ng mapang-abusong personalidad o grupo ang maglalagay sa perwisyo sa ating mga kapatid na magsasaka habang hinuhuthutan ang ating mamimi­ling publiko.

Pero mas maganda kung hindi lang bawang ang dapat bantayan ng DA, kundi ang iba pang sektor na pang-agrikultura, tulad ng bigas, sibuyas, manok at baboy para na rin sa proteksiyon ng mamimili.

***

Sa isa pang kuwento ng mga nagtatanim ng panggisa, punta­han naman natin ang mga nagtatanim ng sibuyas sa San Jose, Nueva Ecija.

Dati, ang mga magsasakang ito ay umaasa lang sa parte sa ani ngunit nabigyan sila ng pagkakataong kumita ng mas malaki nang itatag nila ang Kalasag Farmers Producers Cooperative noong 2008.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan, nabigyan sila ng pagkakata­on na direktang maibenta ang kanilang mga pananim gaya ng sibuyas sa Jollibee.

Doon nagsimula ang pag-angat ng kanilang buhay. Noong 2008-2009, 60,000 kilo ng sibuyas ang naibenta nila sa isang ma­laking fast food chain sa bansa.

Sa mga sumunod na taon, umakyat ang kanilang benta sa 236,000 kilo at 245,000 kilo noong 2010-2011.

Ngayon, ang mga magsasaka ng Kalasag ay naipasemento na nila ang kanilang mga bahay, nakapagbabayad na para sa motorsiklo o tricycle, at napag-aral ang mga anak sa kolehiyo.

Sa huli kong pagbisita sa kanila, bago ako umalis ay naglabas sila ng mamahaling smart phone para kumuha ng aming larawan.

***

Sa mga kuwentong ito ng sibuyas at bawang, siguraduhin lang natin, mga Bida na hindi tayo igigisa ng mga taong mapagsamantala.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Go na go sa pag-asenso!

Mga Bida, kamakailan ay na­imbitahan ako sa Kapihan sa Dia­mond na pinangunahan ng bete­ranong mamamahayag na si Neal Cruz.

Sa nasabing pagtitipon, ma­layang nakapagtanong ang mga kaibigan nating miyembro ng media ukol sa aking pananaw sa mga mahahalagang isyu ng ating bansa.

Mula sa isyu ng overseas Filipino workers, pagbabago sa Saligang Batas at pagbubukas sa shipping industry sa mga dayuhan, nailahad ko naman ang aking posisyon at mga polisiya ukol sa mga ito.

Siyempre, kabilang sa mga napag-usapan namin ang pinakamainit na usapin sa kasalukuyan na laman ng balitaktakan sa iba’t ibang bahagi ng bansa — ang pork barrel scam.

Isa mga natanong sa akin ay kung apektado ang trabaho ng Senado sa pagkawala ng pork barrel.

Ito ang sabi ko: “Ang trabaho ng senador o kongresista ay gumawa ng polisiya at batas para sa kapakanan ng samba­yanang Pilipino.

“Without the PDAF, it really forces you to focus on legislative work. Iyan na ang nagiging focus namin but then again, just because wala ka nang PDAF, it doesn’t mean you cannot engage in programs.”

May nagtanong sa akin noon, senator paano po ba iba­balik ang tiwala sa Senado ngayong bagsak na bagsak ang ti­wala sa inyo?

Ang sabi ko naman, “No amount of words will get the people’s trust back. It’s really your output and your work.”

“Kapag nakikita na nagtatrabaho ka para sa kapakanan ng tao, maybe at some point babalik ang tiwala nila sa iyo. We just commit to work hard and make sure na ang mga na­ipangako natin noong kampanya ay gagawin natin.”

***

Sa nasabi ring forum, nabigyan ako ng pagkakataon upang matalakay ang Go Negosyo Act, isa sa pangunahing panukala na aking isinumite sa unang taon ko bilang mambabatas.

Sa tulong ng Diyos at sa suporta ninyo, mga Bida, nais kong ibalita na pirma na lang ni Pangulong Noynoy Aquino ang kulang at ganap nang magiging batas ang Go Negosyo Act.

Bago nagsara ang sesyon ng Kongreso kamakailan ay niratipikahan na ang inilabas na bicameral committee report. Pagkatapos nito’y ipadadala na sa Malacañang para ma­pirmahan ng Pangulo.

Ang ganap na pagsasabatas sa Go Negosyo Act ay isang malaking tagumpay para sa maliliit na negosyante sa bansa, o ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Lalong mahalaga para sa MSMEs ang Go Negosyo Act dahil sila ang bumubuo ng 99 porsiyento ng mga negosyo at siyang nagbibigay ng 66 porsiyento na trabaho sa bansa.

Sa tulong din nito, mabibigyan ang mga Pilipino — mula sa simpleng maybahay hanggang sa ordinaryong empleyado — ng tsansa para magtatag ng sariling negosyo para matustusan ang inyong pangangailangan.

***

Isa sa mga inaasahang makikinabang sa pagsasabatas nito ay ang Kabalikat sa Kaunlaran sa Baseco Inc., isang people’s organization na tumutulong sa mga residente ng Baseco sa Tondo na magkaroon ng dagdag na kita mula sa paggawa ng bag na yari sa balot ng junk food at juice.

Dati, ang mga residente ng Baseco ay nabubuhay lang sa pagba­balat ng bawang kung saan kumikita sila ng P75 kada araw.

Sa tulong ng KKBI, ang mga residente na naging kasapi nito ay kumikita ng P800 hanggang P1,500 kada linggo depende sa demand sa kanilang produkto na ibinebenta sa mga mall at mga puwesto sa World Trade Center.

Subalit, pansamantala munang tumigil ang kanilang produksyon dahil sa kawalan ng dagdag na merkado kung saan maaari nilang ibenta ang kanilang produkto.

Maliban pa rito, apektado rin ang KKBI sa kawalan ng ideya para sa bagong produkto, na hinihiling ng mga supplier sa kanila.

Sa tulong ng Go Negosyo Act, mabibigyan sila ng pagkakataon para mapalawak ang kanilang merkado at training na maaari nilang magamit sa paggawa ng bagong produkto.

At kung kailangan nila ng puhunan, magkakaroon sila ng access sa kapital sa mga itatayong Negosyo Center.

Maliban sa mga serbisyong ito, pabibilisin ng Negosyo Center ang pagpaparehistro at pagsisimula ng negosyo ng mga gustong magkaroon ng alternatibong kabuhayan.

Sa Go Negosyo Act, Go na Go na ang pagdami ng trabaho at pag-asenso ng mga negosyo!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Exodus ng ATCs

Mga Bida, marahil nagtataka kayo na kahit maraming eroplano na umaalis at dumarating sa bansa, wala tayong nababalitaan na anumang insidente ng banggaan sa himpapawid.

Ito’y dahil sa magandang trabaho ng ating air-traffic controllers (ATCs) na nagsisilbing mata ng mga piloto sa kanilang pag-takeoff at pag-landing sa mga paliparan ng bansa.

Ang mga ATC ang siyang nagsasabi sa mga piloto kung anong direksiyon ang tatahakin sa kanilang pag­lipad at pagbaba. Kahit gaano pa kagaling ang isang piloto, kailangan pa rin niya ng ATC para sa ligtas na biyahe.

***

Dahil sa kanilang sensitibong trabaho, dumadaan sa masusing training at pag-aaral ang mga ATC bago mabigyan ng lisensiyang magmando sa control towers ng ating mga paliparan.

Sa Pilipinas, ang kakayahan ng ATCs ay hinahasa sa Civil Aviation Training Center bago mabigyan ng lisensiya at maitalaga sa iba’t ibang air traffic control facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Subalit, kahit na mayroon nang lisensiya ang isang ATC, kailangan pa rin nilang sumailalim sa isa pang training para makakuha ng rating at tuluyang makapagbigay ng gabay sa mga piloto.

Kadalasan, dalawa hanggang tatlong taon ang inaabot bago makakuha ng rating at maging ganap na ATC.

Sa ngayon, nasa 500 ang ATC sa hanay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagpapanatiling ligtas sa ating himpapawid.

***

Kaya naalarma ako nang makarating sa akin na may limang ATCs na nagtungo sa ibang bansa para sa mas magandang trabaho.

Nang alamin ko ang dahilan ng pag-alis, kakulangan ng seguri­dad sa trabaho at benepisyo ang itinuturong dahilan kaya nag-alsa balutan ang mga nasabing ATC.

Ang nakakatakot pa nito, marami pang nagbabalak na umalis para magtrabaho bilang ATC sa ibang bansa kapag hindi nagbago ang kanilang mga kalagayan sa CAAP.

Sino nga naman ang hindi maaakit sa suweldo na aabot sa P100,000 kada buwan, na limang beses o higit pang mas malaki sa kanilang tinatanggap mula sa CAAP?

***

Ayon sa isang source, mula nang itatag ang CAAP noong 2008 ay walang ATC ang nabigyan ng appointment o naging regular employee.

Sa ngayon, 195 sa 500 ATCs o 40 porsiyento ng ating mga ATCs ay job-order ang status. Ibig sabihin, anumang oras ay maaari silang mawalan ng trabaho.

Ang masakit pa nito, kinukuha sila bilang mga air traffic controller assistant ngunit ang trabahong ginagampanan nila ay tulad ng regular na empleyado ng ATC kapag nabigyan ng rating.

***

Hindi agad matutugunan ng CAAP ang malaking bakanteng naiwan sa pag-alis ng limang ATC dahil sa mahabang oras na kailangan para makakuha ng rating.

Ibig sabihin nito, ang tungkulin na naiwan ng lima ay ipapasa sa mga kasalukuyang ATC. Kailangan na nilang magtrabaho ng mas mahabang oras para hindi maantala ang operasyon ng mga paliparan.

Ang mas mahabang oras ng trabaho ay magreresulta sa stress para sa ating ATCs. Sa trabaho kung saan kaligtasan ang prayo­ridad, kailangan nang maayos na katawan at pag-iisip upang maiwasan ang mga aksidente.

***

Nasabay pa ang problemang ito sa ATC ngayong unti-unti nang umaangat ang industriya ng turismo sa bansa. Kaya hiling ko sa Department of Transportation and Communications at sa CAAP na solusyunan agad ang problemang ito bago pa tayo maubusan ng ATCs.

Kapag tuluyan nang lumala ang panibagong brain drain na ito, babagal ang operasyon ng ating airports at maaapektuhan ang tu­rismo ng bansa.

Mga Bida, kailangan nating bantayan ‘di lang ang mga ATC, kundi pati na rin ang ating mga weathermen, doktor, guro, engineer, skilled construction workers at iba pang professional na ‘di magsiliparan sa ibang bansa.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top