BIDA KA!: Mamuhunan tayo sa edukasyon
Mga Bida, nag-umpisa na noong nakaraang linggo ang period of interpellation sa plenaryo ng Senate Bill No. 1304 o ang “Free Higher Education for All Act”.
Layunin ng panukalang ito ay magbigay ng libreng tuition sa lahat ng state colleges at universities sa bansa.
Napakalaki ng tsansang maisabatas ang panukala dahil nakakuha ito ng malakas na suporta mula sa iba pang mga senador.
Maliban sa inyong lingkod, nakalista rin bilang may-akda ng batas sina Sens. Ralph Recto, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Francis Pangilinan, Sonny Angara, Loren Legarda, Leila de Lima, Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri at Richard Gordon.
Habang tinatalakay ang panukala sa Senado, lumutang ang balita na ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang tutol sa pagsasabatas ng Senate Bill No. 1304.
Katwiran nila, ang pagbibigay ng libreng tuition fee sa SUCs ay anti-poor dahil hindi raw mahihirap ang makikinabang dito.
***
Sa isang banda, sang-ayon tayo sa pag-aaral na binanggit ng mga opisyal na 12 porsiyento lang ng pinakamahihirap sa bansa ay nasa SUCs.
Ngunit mas dapat bigyan ng bigat ang bahagi ng ulat na nagsasabi na mayorya ng estudyante sa SUCs ay nahihirapang tugunan ang mga bayarin sa paaralan.
Naalala ko tuloy ang sitwasyon nina Mary Ann Valimento at Cherry Mae Cabillo, na kabilang sa mga nakapanayam ng aking tanggapan noong pinag-aaralan natin ang panukala.
Si Mary Ann ay isang business administration student sa Bulacan State University. Nagagawa man niyang maipagpatuloy ang pag-aaral, hirap naman siyang bayaran ang tuition at iba pang gastusin sa paaralan matapos ma-stroke ang ama.
Si Cherry Mae naman ay isang 3rd-year IT student sa Philippine State College of Aeronautics.
Napilitan siyang tumigil sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pinansiyal na kakayahan ng mga magulang.
Gustuhin man ni Cherry Mae na magpatuloy sa pag-aaral ngunit hindi maitawid ng kanyang mga magulang ang gastusin. Ang kanyang ama ay isang magsasaka sa probinsiya habang ang ina niya’y isang ordinaryong maybahay.
Ngayon, naghahanap si Cherry Mae ng trabaho upang maipagpatuloy ang pag-aaral.
***
Dalawa lang sina Cherry Mae at Mary Ann sa napakaraming estudyante na kulang sa pinansiyal na kakayahan at nangangailangan ng tulong para makatapos sa pag-aaral.
Sa ulat ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), nasa 77 porsiyento ng mga estudyante sa mayorya ng SUCs ay galing sa pamilya na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa.
Napag-alaman naman sa Annual Poverty Indicator Survey (APIS) 2014, na hanggang 71 porsiyento ng mga estudyante sa SUCs ay galing sa pamilya na kumikita ng P29,000 pababa at nahihirapan sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
***
Sa mga ulat na ito, malinaw na makikitang nangangailangan ng tulong ang mga kabataan sa SUC kaya bakit natin ipagkakait sa kanila ang tulong?
Hindi nga sila maituturing na pinakamahihirap pero nahihirapan pa rin silang tugunan ang pang-araw-araw na gastusin, hindi lang sa paaralan kundi pati sa kanilang mga tahanan.
Paano naging anti-poor ang libreng tuition sa SUCs kung tumutulong naman tayo sa mga pamilyang kailangan ng tulong?
Kung kayang maglaan ng pamahalaan ng mahigit P15 bilyon para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng ASEAN, hindi na siguro sila magdadalawang-isip sa paglalaan ng katulad na halaga upang gawing libre ang edukasyon sa SUCs.
Sa ganang akin, kung mayroong pera ang pamahalaan, dapat lang na mamuhunan sila sa edukasyon para sa kabataan.
Ito ang pinakamagandang paglaanan ng pondo, lalo pa’t kinabukasan nila ang nakataya rito.
Recent Comments