NEGOSYO, NOW NA!: Benepisyo ng rehistradong negosyo
Mga kanegosyo, binuksan ang Negosyo Center sa Cabiao, Nueva Ecija noong ika-21 ng Marso ng nakaraang taon.
Matatagpuan sa munisipyo ng Cabiao, ito ay isa sa 29 na Negosyo Centers na makikita sa Region III o Central Luzon.
Maituturing pang bago ang Negosyo Center sa Cabiao ngunit marami-rami na rin silang natulungang negosyante, lalo na sa aspeto ng pagpaparehistro ng negosyo.
Kabilang na rito si Emidio Collado, na noong pang 2007 sa negosyo ng paggawa ng furniture sa Cabiao subalit hindi niya ito mapalago dahil sa patagong operasyon.
***
Dahil walang kaukulang papeles ang negosyo, limitado lang ang nakukuhang kliyente ni Mang Emidio. Hindi rin siya makasali sa mga trade fair at exhibit kung saan maaari siyang makapasok sa bagong merkado.
Suwerte naman at nakadalo si Mang Emidio sa Design Mission na isinagawa ng aming tanggapan sa Negosyo Center Cabiao noong May 12, 2016.
Sa kanyang pagdalo, nakakuha si Mang Emidio ng mga bagong ideya sa disenyo ng ginagawang kasangkapan.
Mula noon, naging aktibo na siyang kalahok sa iba pang seminar ng Negosyo Center Cabiao.
Noong June 21, 2016, nagpasya si Mang Emidio na pormal nang iparehistro ang negosyo sa tulong ng Negosyo Center.
Isang buwan ang nakalipas, lumabas na ang papeles ng negosyo ni Mang Emidio bilang BMBE o Barangay Micro-Business Enterprise. Pagkatapos, agad din siyang nakakuha ng tax identification number (TIN).
Pagkatapos maparehistro ang negosyo, agad naglagay si Mang Emidio ng display area sa harap ng kanyang bahay upang maipakita ang mga ginawa niyang kasangkapan.
***
Matapos naman ang serye ng konsultasyon sa Negosyo Center-Cabiao, noong Sept. 20, 2016 ay lumabas na ang flyer na ginawa ng isang business counselor para sa negosyo ni Mang Emidio.
Ang mga flyer na ito ay ipinamamahagi sa Negosyo Centers sa Cabanatuan City, Cabiao at Gapan City. Inilagay din ang flyer sa FB account ng Negosyo Center-Cabiao upang makita ng mas marami pang tao.
Ayon kay Mang Emidio, lubos ang kanyang pasasalamat sa tulong na ibinigay ng Negosyo Center-Cabiao sa kanyang negosyo.
Mula nang maparehistro niya ang negosyo at sa dagdag pang ayuda ng Negosyo Center-Cabiao, tumaas ang benta ni Mang Emidio at nadagdagan pa ang order para sa ginagawa niyang furniture.
***
Mga kanegosyo, huwag nang magdalawang-isip pang iparehistro ang negosyo dahil malaki ang maitutulong nito tungo sa pag-asenso.
Kung gagawing patago ang operasyon para makatakas sa mga obligasyon at bayarin sa gobyerno, magiging bonsai lang ang negosyo at wala nang pagkakataon pang lumago.
Bukas ang pintuan ng halos 500 Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa mga nais magparehistro ng negosyo.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments