NEGOSYO, NOW NA!: Tsaang Pambayani
Mga Kanegosyo, sa nakaraan nating kolum, napag-usapan natin ang tungkol sa innovation at ang kahalagahan nito sa ikatatagumpay ng negosyo.
Isa sa magandang kuwento ng innovation ay ang Bayani Brew, na sinimulan ni Ron Dizon noong October 2012 kasama sina Xilca Alvarez at Shanon Khadka.
Kamakailan ay nakakuwentuhan natin si Ron at ibinahagi niya ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo.
***
Isa siyang manager sa isang multinational IT company sa loob ng siyam na taon kaya wala sa dugo niya ang pagiging social entrepreneur.
Gusto niyang makapasok sa isang trabahong makatutulong sa marami, lalo na sa nangangailangan. Doon pumasok sa kanya ang konsepto ng social entrepreneurship.
Mga Kanegosyo, bago marahil sa marami ang social entrepreneurship. Ito’y isang uri ng pagnenegosyo kung saan sabay na kumikita ang negosyo pati ang mga komunidad na tinutulungan nito.
Bago tayo naging senador, isa tayong social entrepreneur. Tumutulong ang itinayo nating negosyo sa mga nanay na may-ari ng mga sari-sari store na palakihin ang mga ito noon.
***
Mabalik tayo kay Ron. Nag-research siya tungkol sa kung ano ang social entrepreneurship at nalaman niyang marami palang grupong may kinalaman sa ganoong uri ng pagnenegosyo sa bansa at maraming nagbibigay ng seminar at forum tungkol dito.
Una niyang pinuntahan ang Center for Social Innovation ng Gawad Kalinga. Doon niya nakilala ang marami pa na hindi nabibigyan ng atensiyon at hindi napapakinggan ang kuwento.
Sa laki ng inspirasyong nakuha niya, umalis siya sa trabaho at nag-volunteer sa Gawad Kalinga.
Doon niya natuklasan ang “tsaang bukid,” na gawa sa lokal na sangkap, na ibinibigay ng mga komunidad sa mga bumibisita sa farm.
Ang isang uri nito ay pinagsamang tanglad at pandan at ang isa naman ay mula sa talbos ng kamote.
Nagkaroon siya ng ideya mula sa panukala ni Gawad Kalinga founder Tito Tony Meloto, na i-package ang “tsaang bukid” sa isang bottled iced tea na patok sa mga mamimili.
Sa paraang ito, makatutulong ng malaki sa mga magsasaka na nagtatanim ng tanglad, pandan at talbos ng kamote.
Sa una, iba-iba ang ginawa nila bago tuluyang naisa-pinal ang mga ibebentang flavor sa merkado.
***
Nang mabuo nina Ron, Xilca at Shanon ang sangkap para sa ibebentang tsaa, doon na nabuo ang “Bayani Brew”.
Maliban sa sangkap, tinutukan din nina Ron ang packaging ng “Bayani Brew” upang gumawa ito ng marka na dominado ng iba’t ibang produktong iced tea.
Inilagay din ng tatlo ang logo ng “Bayani Brew” sa disenyo ng bote ng produkto upang lalo pang makilala na ito’y gawa sa Pilipinas.
Nakatataba ng puso na mayroon isang produkto sa merkado na iced tea na galing sa mga komunidad natin ang mga sangkap, hindi gaya ng iba na mula sa ibang bansa ang ingredients.
Dagdag pa rito, maraming magsasaka ang nabibigyan ng kabuhayan dahil sa kanila direktang kinukuha ang sangkap na gamit ng “Bayani Brew”.
Recent Comments