Negosyo, Now Na! (Abante)

NEGOSYO, NOW NA!: Matibay na Samahan

Mga Kanegosyo, ipagpapatuloy natin ngayong linggo ang naging talakayan namin ni Jutes Tempo, may-ari ng sikat na Cello’s Donuts.

Sa nakaraan nating kolum, binanggit niya na isa sa malaking hamon na hinarap niya bilang negosyante ay ang tamang pananaw ukol sa tagumpay na nararanasan.  

Hindi ibig sabihin na kumita nang malaki ngayong taon ay wawaldasin na ang pera. Kailangang magtabi para makapaghanda sa anumang puwedeng mangyari sa hinaharap.

Sa pagpapatuloy ng aming usapan, nabanggit niya na pagkatapos nilang pagdaanan ang mga hamon sa Cello’s Donuts, handa na silang magtayo ng isa pang negosyo gamit ang mga natutunan ng ilang taon.

Itinayo nila ang Gino’s Brick Pizza na ipinangalan nilang mag-asawa sa kanilang panganay. 

Sa sariling luto at kakaibang mga flavor tulad ng chocolate pizza, pumatok ito sa mga kumakain at binalik-balikan ang kanilang restawran.

***

Mga Kanegosyo, sa isang lumalaking negosyo, dumadami ang pangangailangang tauhan na siyang magpapatakbo ng negosyo.

Para sa kanya, ang negosyo ay para ring pag-a-asawa at pagkakaibigan, kung saan dapat kunin ang mga taong magaan sa loob makakasama araw-araw.

Kahit pa mapera ang isang tao, kung mabigat naman sa kaloobang pakitunguhan ang kasama, hindi rin tatagal ang samahan sa negosyo.

***

Idiniin niya ito sa aming kuwentuhan dahil noon, hindi nila masyadong napagtuunan nang pansin ito.

Kaya noong kinuwenta na nila ang gastos, nalaman nilang may mga empleyado ang natuksong kumuha mula sa negosyo.

Pansamantala nilang itinigil ang negosyo dahil dito. Muling binalikan ang mga plano at naglatag ng mas epektibong paraan upang matutukan ito.

Pinag-usapan din nilang mag-asawa kung anong uri ng mga kasamahan ang gusto nilang makasama sa negosyo – tapat, masipag at kasamang nangangarap na lumago ang negosyo.

Para sa kanila, ang negosyo ay parang pamilya. Gusto ni Jutes na alam niya ang pangalan ng bawat tauhan at kanilang pinanggalingan.

Kaya araw-araw, sinisikap niyang umikot sa lahat ng kanilang mga branches ng Cello’s Donuts at Gino’s Brick Oven Pizza.

Kausap niya parati ang mga manager, waiter, cook at kahera.  Sinisikap niyang kilalanin ang lahat ng 120 nilang tauhan.

Mahalaga sa kanilang masaya at parang pamilya ang negosyo kaya pinapahalagahan nila ang bawat katrabaho.

 

***

Sana’y marami tayong natutunan sa kuwento ng mag-asawang sina Jutes at Cello.  Nagtagumpay man sila, marami rin silang pinagdaanan sa pagnenegosyo. 

Patuloy silang natututo araw-araw at patuloy nilang inaayos ang pagpapatakbo nito upang magtagumpay hindi lamang silang may-ari, kundi pati na rin ang mga kasama rito!

 

NEGOSYO, NOW NA!: Biglang Yaman

Mga Kanegosyo, nitong nakalipas na dekada, nagpasukan ang mga imported donut sa ating lokal na merkado.

Ngunit bago pa namayagpag ang mga brand na ito, isa sa mga kilalang donut brand ang Cello’s Donuts, na patok sa mga mag-aaral sa may Katipunan at iba pang bahagi ng Quezon City.

Ang nasabing donut shop ay pag-aari ni Jutes Tempo, isang negosyante at college basketball coach.

Sa aming kuwentuhan ni Jutes sa programang “Status Update”, nabanggit niya na ang negosyo ay bunga ng pag-iibigan nilang mag-asawa.
Nang magtapos si Cello, ang kanyang kasintahan noon, mula sa pag-aaral, naisip niyang magbenta ng donut sa mga mag-aaral.  Bilang masugid na mangingibig, umalis si Jutes sa kanyang trabaho at sinamahan si Cello sa negosyo.

Noong 2004 nga, isinilang ang Cello’s Donuts sa panahong pausbong ang mga donut sa bansa.

***

Ayon kay Jutes, para silang kinasihan ng suwerte nang simulan nila ang pagbebenta ng donut.

Naisip nilang gumawa ng iba’t ibang flavor ng donut na may Oreo, M&Ms at iba pang uri ng tsokolate.

Dahil nakapuwesto sa Katipunan ang una nilang branch, agad namang pumatok ang iba’t ibang flavor na ito sa kabataan na mahilig sa matatamis.

Sa pagluluto nila ng donut, nakadagdag pa ng pang-akit sa mga customer ang exhaust mula sa kusina at nakatapat sa kalsada. Amoy na amoy tuloy ng mga dumadaan ang mga bagong lutong donut.

***

Ang kuwento niya, sa kasabay na naranasang tagumpay nilang mag-asawa, hindi rin nawala ang araw-araw na pagsubok at hamon sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.

Kasama na rito ang mga nasisirang gamit, mga babayarin at minsan, ang panloloko ng masasamang tao.

Ngunit ginamit ng mag-asawa ang mga pagsubok na ito upang mas mapaganda ang kanilang operasyon at mapalago ang negosyo. Makalipas ang isa’t kalahating taon, nabawi na ng mag-asawa ang kanilang puhunan.

***

Mga Kanegosyo, ngunit nang tanungin natin si Jutes sa kung ano ang pinakamalaking pagsubok na kanilang napagdaanan, nagulat tayo sa kanyang sagot.

Sa una, akala nating babanggitin niya ang puhunan, pagkalugi o di kaya’y problema sa mga tauhan.

Subalit, binanggit niya na ang pinakamalaking hamong kanilang hinarap ay ang personal maturity niya bilang isang negosyante.

Nang makatikim nang maagang tagumpay, ginastos nang ginastos ni Jutes ang kanilang kinita. Kung anu-anong personal na luho ang kanyang binili at kung saan-saang lugar sila pumunta.

Naramdaman na lang niya ang epekto nito nang mangailangan na sila ng karagdagang kapital at panggastos sa lumalaking pamilya. Wala na silang madukot mula sa naunang kita ng tindahan.

Doon niya napagtanto na kailangan nang magtabi ng pera mula sa kita ng negosyo upang may mapagkukunan kapag nangangailangan.

Napakagandang payo ito para sa mga nagnenegosyo. Huwag tayong masyadong malunod sa tagumpay.

Ika nga, mga Kanegosyo, think long term. Isipin ang pangmatagalan.

Huwag tayong maging bulagsak sa pera. Kailangang magtabi ng bahagi ng kita upang may madudukot sa biglaang pangangailangan.

Sa pamamagitan nito, mas magiging matibay at matagumpay ang itinayong negosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Tanong ng mga Kanegosyo

Mga Kanegosyo, maraming salamat sa tuloy tuloy na pagpapadala ng mga tanong at paghingi ng abiso tungkol sa pagnenegosyo sa ating e-mail at mga social media sites.

Layunin natin na tunay na matulungan ang mga kapwa Pilipino na makapagsimula ng sariling kabuhayan, mapalago ang maliit na negosyo at matulungan ang ating mga pamilya at komunidad.

Narito ang ilan sa mga tanong na ating natanggap.

***

Kanegosyong Bam,

Magandang araw po sa inyo, mahal na senador na nagtataguyod ng kabataan at iba pang sektor ng lipunan. Ako si Vincent Gonzales, isang OFW dito sa Gitnang Silangan bilang isang turnero.

Katatapos ko lang basahin ang kolum ninyo sa Abante Online at ako’y nagagalak na may paanyaya kayo para sa mga nais magsimula ng negosyo. Matagal na po akong nagbabasa ng kolum ninyo pero ngayon ko lang napagtuunan ng pansin iyong pinaka-ibaba kung saan nakalagay ang contact details ng inyong opisina.

Matagal na namin gustong magtayo ng bigasan sa lugar ng asawa ko sa Tarlac ngunit sapat lang ang sweldo ko sa pangangailangan ng aking mag-ina.  Tinutulungan ko rin po ang nanay at tatay ko dahil pareho na silang matanda na. 69 na po ang tatay ko at mahina na ang baga, at ang nanay ko naman ay 67 na at bulag na ang isang mata.

Laking pasasalamat ko nga po sa mabait kong asawa at nauunawaan niya ang pagtulong ko sa mga magulang ko.

Kaya nais ko po sanang lumapit sa inyo para makahiram ng puhunan para makapagsimula kami ng negosyong bigasan. Umaasa ako na madagdag kami sa listahan ng inyong mga natulungan.

Makakaasa po kayo na pagsusumikapan naming mapalago at maibalik ang katumbas na halaga ng inyong ipapahiram sa amin kasama na ang tubo kung mayroon man.

Maraming salamat po!

Lubos na gumagalang, Vincent.

 

***

Kanegosyong Vincent,

Salamat sa iyong sulat.  Tunay na kahanga-hanga ang inyong sakripisyo riyan sa Gitnang Silangan para sa inyong pamilya at sa ating bayan.

Itinatayo natin ang Negosyo Center sa buong bansa para matugunan ang inyong mga agam-agam sa pagnenegosyo.  Pakisabi sa inyong asawa na bisitahin ito sa 2nd Floor, Anita Building, Zamora St., San Roque, Tarlac City.

Inaasahan natin na handa ang mga business adviser ng DTI roon ang siyang magbibigay ng payo sa inyo sa pagsisimula ng negosyo at maturo kayo sa tamang microfinance institution o lokal na bangko sa Tarlac na puwedeng magpautang sa inyo.

Maliban dito, naka-ugnayan na rin natin si National Food Authority (NFA) administrator Renan Dalisay, na nagsabing pinag-aaralan na nila ang pag-alis ng one-year policy para maging regular rice retailer ng NFA ang isang tindahan.

Sa aming usapan, sinabi niyang maaaring mabigyan agad ng permit ang sinuman na magtinda ng NFA rice kung ang puwesto ay nasa malayo o mahirap na lugar, lalo na sa mga fishing area.

Mas malaki kasi ang matitipid kung doon na bibili sa kanilang mismong lugar ang mga kababayan nating kapus-palad kaysa gumastos pa sa pamasahe patungong palengke.

Good luck sa inyong pangarap na bigasan!

Kanegosyong Bam.

***

Kanegosyong Bam,

Magandang araw po sa inyo! Ako po ay isang seaman at gusto kong makapag-umpisa ng negosyong hollow block-making.  Mayroon po bang CARD-MRI branch sa Misamis Occidental?

Maraming salamat, Sunny.

***

Kanegosyong Sunny,

Magandang araw din sa iyo at sa iyong pamilya!

Ikinalulungkot naming sabihin na sa kasalukuyan, wala pang sangay ang CARD-MRI sa Misamis Occidental.  Sa Dipolog City ang pinakamalapit na sangay at matatagpuan ito sa Katipunan St., Brgy. Miputak, Dipolog City, Zamboanga del Norte.  Maaari silang matawagan sa (065) 908.2211.

Maraming salamt at good luck sa pangarap na negosyong paggawa ng hollow block!

Kanegosyong Bam

 

 

 

NEGOSYO, NOW NA!: Tanong sa Pagnenegosyo

Mga Kanegosyo, natutuwa tayo sa pagdagsa ng mga katanungan sa ating e-mail at Facebook na nagpapahayag ng interes na magtayo ng sariling negosyo.

Patunay ito na nagbubunga ang ang ating pagsisikap na maipaabot sa ating mga kababayan, kahit nasa labas pa ng bansa, ang kahalagahan ng pagnenegosyo tungo sa tagumpay.

Kaya naman binibigyan natin ng panahon at pinagsisikapang sagutin ang mga katanungang ito sa abot ng ating makakaya.   Naririto ang ilan sa mga tanong na ating nakuha:

*** 

Kanegosyong Bam,

Nabasa ko po ang isang column ninyo regarding sa pagnenegosyo.  Halos walong taon na po ako rito sa Gitnang Silangan.  Nais ko po sanang mapalago o makapagsimula ng bagong negosyo.

Ako po ay taga-Plaridel, Bulacan at nais kong pasukin ang negosyong wholesale/retail ng palay at bigas. May maliit din kaming tindahan na nais kong palakihin. Nais ko po sanang makahiram ng puhunan para sa naiisip kung negosyo.

Maraming salamat po, Melvin.

 *** 

Kanegosyong Melvin,

Maraming salamat sa inyong sulat! Una, alamin muna natin kung gaano karaming palay ang naaani ninyo kada tanim, kung gaano kalaki ang inyong palayan at kung mayroon kayong binibentahang palay o bigas sa ngayon.

Tapos, maaari na kayong pumunta sa lokal na opisina ng Department of Agriculture sa Plaridel, para mapag-aralan nila kung handa ang inyong palayan na magbenta nang wholesale.  Sa paraang ito, masusukat ninyo ang kakayahang magbenta nang maramihan.

Tungkol naman sa inyong maliit na tindahan, marami po ba kayong produktong binebenta o iilan lang ang inyong tinitinda?  Saan ang lugar ng inyong tindahan? 

Para mas matulungan kayo, maaari kayong pumunta sa Bulacan Negosyo Center sa ground floor ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos, Bulacan, na tamang tama ay dinaluhan natin ang pagbubukas kamakailan.

Bisitahin ninyo ang Negosyo Center doon upang mabigyan kayo nang tamang payo at makahanap ng microfinance institution na puwede ninyong mautangan.

Kanegosyong Bam

***

Kanegosyong Bam,

Isa po akong OFW na nagtatrabaho sa Qatar ngunit sa Binondo, Manila nakatira ang pamilya. Nais ko po sanang humingi ng ideya kung ano ang puwede kong pasuking negosyo. Mayroon po ba kayong mga babasahin para po kapulutan ng ideya kung ano ang dapat isa isip pagmagsisimula ng maliit na negosyo?

Nagpapasalamat, Rod

***

Kanegosyong Rod,

Maraming salamat sa inyong e-mail. Malapit nang magbukas ang Negosyo Center sa Maynila at maaari kayong pumunta roon o sinuman sa inyong mga kamag-anak upang may makausap na business counselor na siyang magbibigay ng tama at akmang payo para sa naiisip na negosyo.

 Sa ating batas na Go Negosyo Act, minamandato natin ang pagtatayo ng Negosyo Center para matulungan ang mga gaya ninyo na gustong magtayo ng sariling negosyo nang makauwi na galing sa ibang bansa at makasama ang pamilya. Para rin ito sa mga may kabuhayang nais pang palakihin ang kanilang negosyo.

 Puntahan din ang mga website ng DTI (www.dti.gov.ph), Go Negosyo Movement (www.gonegosyo.net), ng kolum na ito (www.abante.com.ph) o ng inyong abang lingkod (www.bamaquino.com) para sa mga tips ng pagnenegosyo at kuwento ng tagumpay ng ibang mga negosyanteng Pilipino.

Maraming salamat at nais namin na ang inyong matagumpay na karanasan sa pagnenegosyo ang siyang itatampok namin sa susunod!

Kanegosyong Bam

Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Pambansang Polvoron

Mga Kanegosyo, isa sa paulit-ulit na binabanggit natin ang kahalagahan ng innovation o pagkakaroon ng bagong ideya upang makahatak ng mas maraming mamimili at magtagumpay.

Kapag bago sa paningin o hindi pangkaraniwan ang isang produkto o serbisyo, gaano man kasimpleng o kaliit ang isang negosyo, agad itong papatok sa merkado at hahabulin ng mga mamimili.

Ganito ang nangyari kina Joel Yala, founder at may-ari ng Chocovron Global Corporation, ang unang gumawa ng Chocovron o kombinasyon ng tsokolate at polvoron.

Bago naging isa sa pinakamatagumpay na food processing company sa bansa, nagtrabaho siya bilang isang construction worker, tricycle driver at ordinaryong empleyado habang namamasukan ang kanyang misis na si Marissa bilang isang mananahi.

***

Sa aming kuwentuhan sa programang “Status Update” kamakailan, nabanggit ni Joel na ang nanay niya ay isang tindera ng donut noong sila’y bata pa. Binibigyan daw sila ng kanilang ina ng sampung porsiyento sa bawat maibebentang donut kaya na-engganyo siyang maglako nito sa kanilang lugar.

Noong siya’y nagtatrabaho, wala pa siyang ideya kung anong negosyo ang gusto niyang simulan ngunit determinado siyang magkaroon ng sariling ikabubuhay at iwan ang buhay-empleyado.

Isang araw nooong 2003, nakakuha ang mag-asawa ng ideya sa bagong negosyo habang namimili nang mapansin niya ang iba’t ibang produkto na nababalot ng tsokolate mula sa candy, biscuit at marshmallow.

Pag-uwi, nag-isip sila kung ano pang produkto ang puwedeng balutan ng tsokolate na papatok sa panlasang Pinoy. Doon nila naisipang balutan ng tsokolate ang polvoron. Isinilang na nga ang kauna-unahang chocolate-covered polvoron sa Pilipinas, na tinatawag nilang “Pambansang Polvoron”.

Sinimulan niyang ibinenta ang produkto sa kanyang mga katrabaho sa isang kumpanyang mayroong 6,000 empleyado.

Sa una, nagpa-free taste muna siya sa mga kaopisina. Nang magustuhan nila ito, naging bukambibig na sa buong kumpanya ang bagong produkto.

***

Sa puhunang P8,000 lamang, unti-unting napalaki nila ang kanilang negosyo.  Nagbunga naman ang paghihirap ng mag-asawa dahil sa ngayon, marami nang produktong ibinebenta ang Chocovron.  

Nanganak na ito na sa Nutrivon, na siyang polvoron para sa mga health conscious at ayaw masyado ng matamis na polvoron.  Sa Manila Polvoron naman, ang packaging naman ay tinatampok ang iba’t ibang tanawin sa Pilipinas, bilang tulong nila sa turismo ng bansa.  At ang Polvoron Stick ay nakalagay ang polvoron sa barquillos bago balutan ng tsokolate.

Sa Chocovron, mayroon na silang cookies and cream, pinipig, graham, ube, buko pandan, melon, strawberry at durian flavor. Sa coating naman, mayroon silang white chocolate, chocolate at two-in-one.

Sa ngayon, nakarating na ang mga produkto nila sa Estados Unidos, Netherlands, Qatar, Canada at Australia.

***

Mga Kanegosyo, ang payo ng mag-asawang Yala, lapitan ang Department of Trade and Industry (DTI) sapagkat napakalaki raw ng tulong ng DTI sa kanilang negosyo.  Ang DTI ang siyang tumulong na ipakilala ang produkto hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang bansa.

Madalas daw silang inimbitahan sa mga exhibit sa iba’t ibang bahagi ng bansa at mundo para ikuwento ang pagtatagumpay ng pagsasama ng tsokolate at polvoron.

***

Mga Kanegosyo, isang magandang halimbawa ang Chocovron sa pagkakaroon ng bagong ideya mula sa kung anong mayroon sa merkado ngayon.  Sabayan pa ng determinasyon at disiplina na magkaroon ng mataas na kalidad ng produkto at packaging, tunay na siyang lalago ang negosyo.
Ang isa pang natutunan natin dito, hindi masama ang humingi ng tulong.  Bagkus, marami ang handang tumulong sa atin para maabot ang ating mga pangarap na pangkabuhayan.  Sa kaso nila, kung naging mayabang sila o nahiyang lapitan ang DTI, hindi mabubuksan ang mga pagkakataong ibenta ang produkto nila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaya huwag tayong tumigil sa pag-iisip ng mga bago at kakaibang produkto na siyang magiging susi ng inyong tagumpay! Patuloy lang din ang paghingi ng tulong, pagtatanong at pag-aaral upang lalong makuha ang tamang hakbang para lumago at lumaki ang negosyo.

Negosyo, Now Na!: Mga kuwento ng tagumpay

Mga Kanegosyo, nais nating ibalita sa inyo na tuloy-tuloy ang pagbubukas ng mga Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.  

Batay sa ating batas na Go Negosyo Act, magtatayo ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga Negosyo Center sa bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad na siyang tutulong sa maliliit na negosyante na lumago at magtagumpay.

Kamakailan lang, nagtungo ang inyong lingkod sa Legazpi City sa lalawigan ng Albay para buksan ang dalawang Negosyo Center doon.

Sa huling bilang, mga Kanegosyo, mayroon ng 90 Negosyo Center sa buong bansa. Inaasahan natin na bago matapos ang taon ay papalo na ito sa 140, higit sa naunang target na 100 para sa 2015.

Nais nating mapag-iibayo pa ang pagtulong sa mga kababayan nating nais magsimula ng sari­ling negosyo o ‘di kaya’y magpalawak ng merkado.

*** 

Mga Kanegosyo, marami na tayong natatanggap na kuwentong mga natulungan na nais nating ibahagi ngayon.

Patuloy pa ring dinadagsa ng mga negosyan­te kauna-unahan­g Negosyo Center sa Pilipinas na makikita sa Cagayan de Oro.

Sa huling bilang, aabot na sa 1,000 kliyente ang kanilang napagsilbihan nang ito’y buksan noong Nobyembre.

Sa Mandurriao, Iloilo, nabigyan naman ng malaking tulong ang dating overseas Filipino worker (OFW) na si Myrna Rojo.

Matapos ang ilang taong pagtatrabaho bilang baker sa Brunei, nagpasya siyang umuwi sa Pilipinas noong 2014 at magsimula ng kanyang negosyo.

Upang makakuha ng tamang paggabay, lumapit siya sa Negosyo Center noong Pebrero 2015, dumalo sa isang seminar sa pagnenegosyo at sumailalim sa isang consultancy session para sa business plan noong Marso.

Dumalo rin siya ng seminar ukol sa food safety, tamang proseso ng manufacturing, labelling at financing.

Pagkatapos ng mga ito, nabuo niya ang kanyang business plan at kamakailan ay binuksan na niya ang kanyang pa­ngarap na negosyo!

***

Sa pagnanais na magkaroon ng sariling tindahan ng bibingka, lumapit naman si Ramil Jaro ng Balasan, Iloilo sa Negosyo Center upang humi­ngi ng abiso kung paano makakapagsimula.

Bilang paunang payo, pinadalo muna siya sa financing forum para sa maliliit na negosyo noong Hunyo 2015 at sumailalim sa pag-aaral ukol sa labe­ling ng processed foods.

Pagkatapos mai-apply ang business name, trademark at logo ng RJ Balasan Bibingka, nakakuha na siya ng pautang na P50,000 mula sa CARD Bank, na isa sa microfinancing institution.

Ngayon, patuloy ang paglakas ng tindahan ni Ramil sa Balasan.

*** 

Mga Kanegosyo, ilan lang ito sa mga kuwento ng tagumpay sa tulong ng ating Negosyo Center.

Sa mga nais magnegosyo, huwag nang magdala­wang-isip pa. Magtungo na sa pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar para maumpisahan na ang pa­ngarap na sariling negosyo.

Malay ninyo, ang kuwento ninyo ating susunod na itatampok para maging inspirasyon sa iba pang Pilipino!

 

First Published on Abante Online

 

 

Negosyo, Now Na!: Hamon sa Kalidad (Part 2)

Mga Ka­negos­yo, sa ating huling kolum noong Huwebes, napag-usapan natin ang negatibong epekto ng sunud-sunod na kaso ng food poisoning sa ating maliliit na negosyo.

Kahit mukhang isolated case lang ang mga nasabing food poisoning, malaki pa rin ang epek­to nito sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa food industry.

Sa mga pangyayaring ito, nakukuwestyon ang paraan ng produksyon pati na rin ang kalidad ng kanilang ibinebentang produkto.

Kamakailan, naging panauhin natin si Florde­liza Abrahan, pinuno ng Product Research and Standards Development Division ng Food and Drugs Administration (FDA) sa ating progra­mang “Status Update”.

Sa ating panayam, maging ang FDA ay na­gulat din sa sunud-sunod na kaso ng food poisoning sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na ang pinakamalaki ay nangyari sa CARAGA region nang maospital ang mahigit isang libo katao na nakakain ng durian candy.

Sa paliwanag niya, saklaw ng FDA na banta­yan ang repackaged at processed na pagkain. Kapag nakapasa na sa standard ng kalusugan at kaligtasan ay binibigyan nila ito ng lisensiya para magbenta.

Ang problema ay hindi lahat ng food products ay nababantayan ng FDA dahil karamihan sa mga ito ay local delicacy na ibinebenta mula sa tinatawag na backyard business o sa loob lang ng bahay ginagawa ang produkto.

Sa mga nakalipas na kaso ng food poisoning, walang FDA certification ang durian candy na nakalason sa libu-libong katao sa CARAGA region.

May certification man ang macapuno candy sa Calamba, na­tuklasan naman na mayroon itong bacterial contamination na dahilan ng pagkalason ng ilang estudyante.

Sa pag-aaral ng FDA, isa sa mga dahilan ng food poisoning ay sa paraan kung paano inihanda ang pagkain. Ayon sa kanya, mahalaga na malinis ang gagamiting sangkap at maayos ang pagkaka­handa nito.

Mahalaga ring tingnan ang wastong storage ng pagkain. Kung madaling masira o mapanis ang pagkain, dapat ito’y inila­lagay sa lugar na tama ang temperatura.

Kailangan ding isaalang-­alang ang oras ng delivery mula sa pinanggalingan patungo sa pagbe­bentahan. Kaya bago kumain, payo nila sa mamimili na tingnan ang label at physical condition ng pagkain bago ito kainin.

***

Mga Kanegosyo, inamin niya na maliit lang ng bahagdan ng MSMEs ang mayroong FDA registration at karamihan ay sa bahay lang ginagawa ang produkto.

Ngunit paliwanag niya, may exemption din ang FDA dahil tanging inirerehistro lang sa FDA ang repackaged at may label na pagkain.

Ngunit kung wala naman, hindi na ito kailangang ipa­rehistro sa ahensya.

Sa ngayon, kumikilos ang FDA katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) upang mahikayat ang MSMEs na magpanatili ng kalinisan sa lugar kung saan ginagawa ang produkto.

Handa naman ang FDA na luwagan ang kanilang requirements para sa maliliit na negosyo upang maiakma sa kanilang kakayahan.

Patuloy rin ang seminar ng FDA at DTI sa maliliit na negosyo para mabigyan sila ng gabay sa tama at ligtas na sistema sa paggawa ng food products.

Pumirma na rin ng kasunduan ang FDA sa mga lokal na pamahalaan upang maturuan sila ng tamang sistema para ma­tiyak na ligtas ang pagkaing ibinebenta sa kanilang nasasakupan.

Sa mga hakbang na ito, umaasa tayo na mababawasan na ang kaso ng food poisoning sa bansa at mawawala na ang pangamba sa mga ibinebentang produktong pagkain sa merkado nang lalo pang lumago ang mga ganitong uri ng negosyo!

 

First Published on Abante Online

 

NEGOSYO, NOW NA!: Export Business

Mga Kanegosyo, naitampok na natin dati ang kuwento ng Oryspa, isang kumpanyang gumagawa ng beauty at personal care products na pagmamay-ari ni Sherill Quintana.

Ang kuwento ng tagumpay niya ang isa sa ginawa nating halimbawa para magbigay inspirasyon. 

Kakaiba ang mga produkto ng Oryspa dahil pangunahing sangkap nito ay darak, isang produktong agrikultural na mula sa bigas. Madalas, ang darak ay pinapakain lang sa baboy.

Ngunit natuklasan niya na ang darak ay mayaman sa Vitamin E at A. Mayroon din itong oryzanol, na anti-oxidant na, anti-aging pa. Kaya ito ang ginamit na sangkap ng Oryspa sa kanilang meditation balm, solid perfume, massage oil, chili oil at sabon, na pawang all-natural at paraben-free.

***  

Mga Kanegosyo, nang maging panauhin natin siya sa programang “Status Update,” nagkaroon kami ng mas malalim na talakayan ukol sa susi ng tagumpay ng kanyang negosyo.

Ayon kanya, nagsi­mula siya sa toll manufacturing, o paggawa ng produktong pang-export na walang sariling pangalan para sa mga dayuhang kumpanya. Ang mahirap dito, walang sariling pagkakakilanlan.

Masaya na sana sila sa ganoong sistema, ngunit nang lumipat ang dayuhang kumpanya ng supplier sa China dahil mas mura ang pasuweldo ng tao roon, nagdesisyon silang buuin ang pangalang Orypsa.

*** 

Ayon sa kanyang kuwento, napukaw ang interes niya noon sa exporting nang mapasama siya sa isang international exhibit ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan nakilala niya ang maraming international buyer.

Sa nasabing expo, siya mismo ang nagtanghal ng kanyang mga produkto sa mga dayuhang buyer.  Kung tatahi-tahimik lang siya ay wala raw siyang mabebenta sa ibang bansa.

Kaya mula noon, mga Kanegosyo, binago na niya ang kanyang pana­naw sa pagnenegosyo. Pinaganda niyang mabuti ang kanyang kalidad at packaging upang maakit ang mga dayuhang mamimili.

Maganda raw ang mag-export ng produktong Pilipino dahil malaki man ang gastos, malaki rin ang kita. Dahil angkin ang pangalan o brand ng produkto, lahat ng kita ay mapupunta sa negosyo kumpara sa kung mag-susupply lamang para sa ibang kumpanya.

*** 

Nagbigay siya ng ilang mga payo sa mga negosyanteng nais mag-export.

Una, kailangan ng maayos na sistema ng shipping o pagpapadala ng produkto sa iba’t ibang bansa. Maaaring humingi ng tulong sa PhilExport o di kaya’y kumuha ng serbisyo ng isang shipping company.

Mahalaga ang pagkakaroon ng maaasahang shipping company dahi sinusunod ng karamihan sa mga dayuhang kumpanya ang mga deadline. May karampatang multa kung hindi makasunod dito na malaking kabawasan din sa kikitain.

Pagdating naman sa pagpepresyo ng ating mga produkto, busisiing mabuti ang lahat ng gastos – sa shipping, sa mga buwis at kung anu-ano pang gastos para maayos ang tamang presyo ng produkto sa ibang bansa.

Higit sa lahat, huwag daw matakot na isabak ang ating mga produkto sa ibang bansa dahil kayang kaya na­ting makipagsabayan sa ibang negosyo sa buong mundo. Lakas ng loob ang kailangang idagdag para lalong mapagtagumpayan ang ating negosyo!

 

First Published on Abante Online

 

 

Negosyo, Now Na!: Pagpapagalaw ng Pera

Mga Kanegosyo, sa ating karanasan bilang isang social entrepreneur, naging batid natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa paghawak ng pera sa ikatatagumpay ng ating negosyo.

Noong nasa Hapinoy pa tayo, nakita natin na isa sa mga dahilan ng paglago ng mga nanay na may-ari ng sari-sari store ay ang pagkatuto nila ng tamang accounting ng kanilang mga gastos at kita at tamang pagpapa-ikot ng kanilang puhunan, kahit na napakaliit nito.

Napakahalaga ng pagtutok sa galaw ng ating pera sa pagnenegosyo at ito ang ating tinalakay kasama si Tess Dimaculangan, isang kilalang accountant at financial management mentor ng maliliit na negosyante.

*** 

Ayon sa kanya, sa karanasan niyang tumulong sa mga negosyante, mas madalas daw tinututukan ng mga negosyante ang sales at marketing at isinasantabi muna ang pagkakaroon ng malinaw na business plan, kabilang ang accounting.

Ang tingin ng iba sa business plan, tila napakakumplikadong gawin at kailangang maging graduate mula sa napakagandang paaralan.

Ngunit, ang payo niya, kayang kayang upuan ito at pagtiyagaan dahil nakasalalay dito ang paglago at ang kakayahang pinansiyal ng negosyo. Kaya, mga Kanegosyo, halina’t kumuha ng papel at lapis at upuan na natin ang pagbuo ng financial statement.

Magkano ba ang ating puhunan? Kanino manggagaling ito – mula sa naipon natin, sa mga magulang, o pautang ng kaibigan o sa micro financing?

Pagkatapos mailista at mabuo ang kapital, anu-anong mga gastos ang kailangan para mabuo ang negosyo – renta ng puwesto, pagawa ng eskaparate, kuryente at tubig, mga produktong ibebenta at iba pa.

Ika niya, huwag na huwag paghahaluin ang gastos sa bahay at sa negosyo. Maglaan lamang sa kikitain mula sa negosyo ang ipanggagastos sa bahay. Baka maubos ang kinikita ng pangkabuhayan at mawalan ng pampaikot ito.

*** 

Ang isa pang payo na ating nakuha ay kahit gaano kalaki o kaliit ang ating negosyo, mahalaga ang paglilista ng galaw ng ating pera araw-araw, ang inilalabas natin para sa mga gastos at ang mga pumapasok na kita.

Sa ganitong paraan, mapag-aaralan nating mabuti ang kilos ng ating negosyo, kung anong mga araw kung saan maglalabas ng malaking puhunan, kung anong panahon matumal ang benta at kung kailan kikita nang bonggang bongga.

Sa masusi at matiyagang pagbabantay ng galaw ng pera ng ating negosyo, matutuklasan natin ang malalakas na produkto, mabentang diskarte at mga panalong pakulo na ating ginagagawa.

Sa ganitong paraan, makikita natin ang dahan-dahang paglago ng ating negosyo.

*** 

Kapag kumita nang kaunti, huwag kaagad magdiwang at gastusin ang lahat ng kinita. Baka kaagad na bumili ng bagong cellphone o kaya’y magpakain sa baranggay.

Sabi nga raw ng matatanda, “matutong mamaluktot kapag maiksi ang kumot.”

Mga Kanegosyo, magtiyaga muna tayo sa kaunting ginhawa lalo na’t pinapalaki ang ating kita.  Kapag malaking malaki na ito at tuluyan nang lumago, tsaka tayo maging marangya na naaayon sa ating kaya.

Simulan ang tamang paghawak sa ating puhunan at masusing pagbabantay ng ating kita nang mapagtagum­payan natin ang buhay!

 

First Published on Abante Online

 

Negosyo, Now Na!: Kaagapay sa tagumpay

Mga Kanegosyo, sini­mulan natin ang kolum na ito kasama ng Abante upang hikayatin natin ang mga kapwa Pilipinong pumasok sa pagnenegosyo bilang isang paraan para makaahon sa kahirapan.

Sa mga taon natin bilang isang social entrepreneur, marami na tayong nakilalang mga pamilyang lumago ang buhay dahil sa kanilang pagtataya sa pagtatayo ng sariling pangkabuhayan.

Mula sa mga magsasaka sa Nueva Ecija, mga nanay na nagbukas ng bintanang sari-sari store at nagtatahi ng mamahaling bag na gawa sa retaso sa Payatas, hanggang sa mga nagtatanim ng cacao sa Davao, ilan sila sa ating bansa na gumanda ang buhay sa pagnenegosyo.

Isa sa mga umaaalay sa mga nais magsimula o ‘di kaya’y magpalaki ng kasalukuyang negosyo ay ang mga micro finance institutions (MFIs) tulad ng Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions (CARD-MRI) ni Dr. Aris Alip, na naging panauhin natin sa programang “Status Update” kamakailan.

Sa ngayon, ang CARD-MRI ay itinutu­ring na pinakamalaking micro finance institution sa bansa na nagbibigay ng puhunan sa napakababang interes at walang kolateral.

Bukod pa roon, nagbibigay sila ng iba pang pautang tulad ng educational loan upang makatapos ang mga anak sa pag-aaral ng mga pamilyang nagnenegosyo.

Mayroon din silang ibinibigay na training sa mga nais magsimula ng sariling negosyo, para magabayan at mabigyan ng tamang payo sa mga gagawin, at hindi masayang ang inutang na puhunan.

Hindi nagtatapos ang kabilang gabay sa pagtatayo ng negosyo. Nagbibigay rin sila ng business counseling at tuluy-tuloy ang kanilang pag-aabiso sa kanilang mga miyembrong negosyante, mula sa marketing, financing, packaging at iba pa hanggang lumago sila.

***

Marami sa mga kli­yente ng CARD-MRI ay mga nanay sa kanayunan.

Ang kuwento ni Dr. Alip, nangungutang ng limandaang piso ang mga nanay nang nagsisimula silang magnegosyo. Sa kanilang sipag at dedikasyon, ngayon ay kaya na nilang mangutang ng libu-libo hanggang mil­yong piso, na siyang sen­yales ng kanilang pag­lago.

Ngayon, hindi na umaasa sa bigay ng mayor o ‘di kaya’y barangay chairman ang mga nanay dahil mayroon na silang panggastos para sa araw-araw nilang pangangailangan. Muling naibalik ang kanilang dignidad at tiwala sa sarili dahil sa pagnenegosyo.

Ang ilan pa nga raw sa kanila, nagbabayad na ng buwis dahil nakapagpatayo ng sariling kumpanya habang ang ilan ay nag-e-empleyo pa ng daan-daang manggagawa sa kanilang komunidad.

Kung dati, hindi sila pinapansin sa kanilang lugar, ngayon, isa na sila sa pinagkukunan ng ikinabubuhay ng kanilang mga kababayan.

***

Sinasagip din ng CARD-MRI ang maliliit na negosyante mula sa utang na may mataas na interes, na naihambing sa isang kumunoy na mahirap nang makawala kapag nalubog na.

Sa ngayon, mayroon na silang 1,780 sangay at tatlong milyong pamilya na ang kanilang naabot, katumbas ng labinlimang porsiyento ng populasyon ng bansa.

Sa halos 30 taon ng CARD-MRI, hindi pa rin nagbago ang kanilang pananaw at disiplina sa pagtulong. Hanggang ngayon, nakatutok pa rin sila sa kapakanan at paglago ng mga pamil­yang nangangailangan ng tulong. 

***

Mga Kanegosyo, mahalagang mayroon ta­yong tagapagpayo, mentor o guro sa larangan ng pagnenegosyo lalo na malaki ang itinataya natin dito.

Maaaring ito ay maging ang magulang natin, kaibigan o asawa na magiging sandalan sa oras na may pinagdadaanan tayong mga problema o isyu.

Ngunit mahalaga rin na ang ating tatakbuhan ay mahusay at may karanasan sa pagnenegosyo upang mabigyan tayo ng tamang payo sa ating mga hinaharap.

Isa na rito ay mga organisasyong mapagkakatiwalaan at naglalayong tumulong sa atin tulad ng mga grupong micro finance. 

Mahalagang pag-aralang mabuti ang mga lalapitan natin at hihingan ng tulong upang ‘di tayo maloko at ituturo sa atin ang landas ng tagumpay!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top