Mga Bida, kamakailan lang, naalarma ang mga mamimili sa mga ulat na nakapasok na sa merkado ang pekeng bigas.
Nagsimula ang balitang ito matapos makabili ang isang pamilya sa Davao City ng bigas na naging tila styrofoam matapos lutuin.
Hindi pa humuhupa ang pangambang ito nang pumutok ang isa pang balita na may nakabili ng pekeng bihon noodles sa isang palengke sa pareho ring siyudad.
Kasabay nito ang ulat na humigit-kumulang 2,000 katao ang nabiktima ng umano’y nakalalasong durian candy sa CARAGA Region.
Sa mga pangyayaring ito, nangamba ang ating mga mamimili. Ligtas pa ba ang mga pagkaing binebenta sa merkado?
***
Agad namang kumilos ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan upang alamin ang buong katotohanan sa mga ulat na ito.
Sa pangunguna ni Administrator Renan Dalisay, nagsagawa ang Food Development Center ng National Food Authority (NFA) ng mga inspeksyon sa iba’t ibang pamilihan sa bansa upang alamin kung nakapasok na ang sinasabing pekeng bigas.
Isinailalim na rin ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagsusuri ang sample ng sinasabing pekeng bigas at bihon upang malaman kung may masamang epekto ito sa kalusugan ng mamimili.
Sa pagharap ni Administrator Dalisay sa Senado noong Lunes sa imbestigasyon sa sinasabing pekeng bigas, napag-alamang hindi naman malawakan ang isyu.
Kinumpirma niya na hindi peke ang bigas na nabili sa Davao City. Kontaminado lang daw ang bigas at hindi ligtas kainin. Ang mga larawan naman ng sinasabing plastic rice na inilabas sa mga balita ay eksperimento lang at hindi totoong kaso.
Kahit na isolated case lang ito, hindi pa rin nakakampante ang NFA. Patuloy pa rin ang ginagawang monitoring ni Administrator Dalisay at ng NFA sa mga tindahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang walang makalusot na kontaminadong bigas sa merkado.
Pinapaigting na rin ng NFA ang pagpapatupad ng Food Safety Act of 2013 para matiyak na ligtas ang mga ibinebentang produkto sa merkado.
***
Sa paliwanag na ito, makakahinga tayo nang maluwag, mga Bida.
Gayunman, hindi pa rin tayo puwedeng mag-relax dahil marami pa ring mga mapanlinlang na pipiliting magpalusot ng mga peke at kontaminadong produkto para lang kumita.
Sa lahat ng panahon, kailangang maging mapagbantay tayo sa ating mga binibili, lalo pa’t buhay at kalusugan natin ang nakataya rito.
Sa bahagi ng mga negosyante, may tungkulin tayong tiyakin na ang mga produktong ating ibinebenta ay ligtas at puwedeng kainin, upang makaiwas sa anumang aberya.
Mahalagang ingatan ang kapakanan ng mga mamimili dahil sila ang bumubuhay sa mga negosyo natin.
***
Upang mapapanagot naman ang iilang tiwaling negosyante at maprotektahan ang ating mga mamimili, isinusulong natin ang mga pagbabago sa Consumer Act of the Philippines.
Sa inihain kong Senate Bill No. 2699, mabibigyan ng ngipin at gagawing akma sa kasalukuyang panahon ang nasabing batas upang masuportahan ang paglago ng merkado at paigtingin ang karapatan ng mga mamimili.
Mga Bida, kapag ito’y naaprubahan, may kapangyarihan na ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpasara ng anumang negosyo na mahuhuling nasa pagkilos ng pagbebenta, pagpapakalat, paggawa, pag-display o pag-aangkat ng mapanganib na produkto.
Sa kasalukuyan, ang mga fines laban sa tiwaling negosyante o manufacturer ay mula sa P500 hanggang P300,000. Sa ating panukala, nais nating palakasin ang DTI at itaas ang mga fines mula P50,000 hanggang P10 million.
Sa kaso naman ng product recall, oobligahin din ang manufacturer ng depektibong produkto na magbigay ng notice sa lahat ng tao na pinagbigyan o nakabili nito.
Kapag naisabatas ang panukalang ito, may dagdag nang proteksiyon ang mga mamimili, at mailalayo pa ang merkado laban sa mapanganib at depektibong produkto!
First Published on Abante Online
Recent Comments