Mga kanegosyo, noong Lunes ginunita natin ang ika-34 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Ninoy Aquino, na aking tiyuhin at idol.
Ang kanyang duguang katawan sa Tarmac ng noo’y Manila International Airport ang pumukaw sa natutulog at tahimik na damdamin ng taumbayan. Sa kanyang libing, libu-libo ang dumagsa at nagpahayag ng galit sa nangyari.
Ang pagkamatay ni Tito Ninoy ang nagbigay sa taumbayan ng lakas ng loob at inspirasyon upang patalsikin ang diktadurya sa pamamagitan ng People Power na nagbalik sa demokrasya na ating tinatamasa ngayon.
***
Sa kasalukuyan, ang diwa ng People Power ay nakikita, hindi lang sa mga rally, ngunit sa mga proyekto laban sa katiwalian, laban sa pang-aabuso ng may kapangyarihan, at laban sa kahirapan.
Isa sa mga proyekto natin upang sugpuin ang kahirapan at bigyan ng pagkakataong umasenso ang mga Pilipino ay ang pagtatayo ng Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Natutuwa naman ako na hindi tayo nag-iisa sa labang ito dahil naririyan ang mga masisipag na tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga business counselors na walang pagod na tumutulong at nagbibigay ng payo sa ating mga kababayan na nais magnegosyo.
Tulad ng mga bayani at martir noong panahon ng Batas Militar, inaalay rin nila ang kanilang trabaho at buhay upang tulungan ang kanilang mga kababayan na makaalis sa gapos ng kahirapan at umasenso sa buhay.
Kabilang na rito si Lourdes Castillo, isa sa mga business counselor ng Negosyo Center sa San Felipe, Zambales.
Nagsimulang magtrabaho si Lourdes bilang nurse sa Ospital ng Makati o OsMak. Habang siya’y nagtatrabaho, sinabayan niya ito ng negosyong ‘Jolly Jeep’ upang makakakuha ng dagdag na panggastos para sa pamilya.
Sa mga hindi pamilyar, ang ‘Jolly Jeep’ ay isang karinderya on wheels na nagbebenta ng pagkain sa mga nagtatrabaho sa Makati.
Patok ito sa mga empleyado sa Makati dahil sa kakaunting murang kainan sa lugar. Subalit sa kasamaang-palad, hindi nagtagumpay ang negosyong ito ni Lourdes.
Nagtrabaho si Lourdes ng isang dekada sa OsMak bago siya naging instructor sa Ramon Magsaysay Technological University (RMTU) sa Zambales.
Sa kanyang panahon sa RMTU, kinumbinsi siya ng kanyang dean na mag-apply sa DTI San Felipe bilang business counselor dahil karamihan sa mga subject na kanyang itinuturo ay may kinalaman sa negosyo.
***
Sa kagustuhang makatulong sa mga kababayan natin na nais magnegosyo, agad siyang nag-apply sa DTI San Felipe at natanggap bilang business counselor.
Ayon kay Lourdes, isa sa mga hamon ng bagong trabaho ay kung paano masasagot ang lahat ng katanungang ibinabato sa kanya ng mga lumalapit sa Negosyo Center.
Isa sa mga paborito niyang payo sa mga kliyente ay ‘dapat sanay ka sa ‘risk’, sanay kang makipagsapalaran’.
Para kay Lourdes, bahagi ng pagnenegosyo ang pagkalugi. Ang mahalaga rito ay kung paano ka babangon at magsisimula uli.
Karamihan ng mga natulungan ni Lourdes ay mga bagong negosyante na ilang beses na ring nabigo at nalugi.
Palagi niyang payo, huwag mawalan ng pag-asa dahil bahagi ng pagiging negosyante ang pagkalugi.
Madalas, sinasabihan niya ng mga humihingi ng gabay na mag-isip ng ibang negosyo nang hindi na bibili pa ng bagong gamit upang hindi sayang ang pera.
Kasabay ng pagbibigay ng payo, ibinabagi rin ni Lourdes ang kanyang karanasan bilang negosyante upang maging aral at gabay sa kanilang sariling negosyo.
Ayon kay Lourdes, itinuturing niyang napakalaking pagkakataon ang makapagsilbi sa Negosyo Center bilang business counselor upang maibahagi ang kanyang kaalaman sa negosyo at mailayo ang mga kababayan natin sa mga kamalian na kanyang sinapit noon sa kanyang ‘Jolly Jeep’ business.
Kitang kita kay Lourdes ang pagmamahal niya sa bayan at ang puso niya para sa kapwa Pilipino. Ito ang diwa ng People Power at naniniwala akong ito ang tinutukoy ni Tito Ninoy noong naisip niyang, “The Filipino is worth dying for.”
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
***
Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sanegosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.
Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-2 hanggang alas-3 ng hapon sa DZRH 666 sa programang ‘Go Negosyo sa Radyo’ kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.
Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!
Recent Comments