NEGOSYO, NOW NA!: 400th Negosyo Center

Mga kanegosyo, binuksan noong ika-22 ng Nobyembre ang Negosyo Center sa Marikina City.

Espesyal ang nasabing Negosyo Center dahil pang-400 na ito sa buong Pilipinas, dalawang taon mula nang maisabatas ang Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act.

Espesyal ang Go Negosyo Act dahil ito ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress. Ito’y bahagi ng aking adbokasiya na tulungan ang micro, small and medium enterprises sa buong bansa.

***

Naipasa ang Go Negosyo Act noong kalagitnaan ng 2014. Nang matapos ang taong iyon, limang Negosyo Center ang ating naitatag, na karamihan ay pinopondohan pa ng pribadong organisasyon.

Nang maisama na sa pambansang budget ang pagtatayo ng Go Negosyo, nasa 144 ang nadagdag dito noong 2015 at mahigit 200 ngayong 2016.

Ngayon, regular item na ito sa budget ng Department of Trade and Industry (DTI) at sa mga susunod na taon ay matutupad na ang hangarin ng batas na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.

***

Bunsod ng mabilis na pagdami ng Negosyo Center, marami ang nagtatanong kung ano ba ang sikreto ng tagumpay ng programang ito.

Isa lang ang sagot ko. Matagumpay ang Negosyo Centers dahil sa tuluy-tuloy at matibay na pagtutulu­ngan sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo kasama na ang pribadong sektor.

 

Dahil maayos ang batas, may pondong inilaan para rito ang lehislatura, batay na rin sa kahilingan ng ehekutibo.

Sa parte naman ng DTI, buong-buo ang kanilang pagtanggap sa Negosyo Center at ginawa nila itong isa sa kanilang prayoridad na programa.

Sa pamamagitan ng Negosyo Center, mayroon nang frontline service ang DTI na tutugon sa panga­ngailangan ng micro, small at medium entrepreneurs.

Sa tulong ng 400 Negosyo Centers, may pupuntahan nang sentro ang ating mga maliliit na negosyante para makahingi ng tulong, kahit saan pa sila sa bansa.

***

Maliban sa tulungan ng dalawang sangay ng pamahalaan, susi rin sa tagumpay ng Negosyo Centers ang pribadong sektor at non-government organizations na walang pagod na tumutulong sa ating MSMEs.

Masaya naman tayo sa ibinalita ng DTI na aakyat sa 420 ang bilang ng Negosyo Centers bago matapos ang 2016.

***

Nagpapasalamat din tayo sa suporta ni Marikina Mayor Marcy Teodoro sa pagtatayo ng Negosyo Center sa kanyang siyudad.

Ayon kay Mayor Marcy, malaki ang maitutulong ng Marikina Negosyo Center upang mapalakas pa ang industriya ng sapatos kung saan tanyag ang siyudad.

Maliban pa rito, sinabi ni Mayor Marcy na malaki rin ang magiging papel ng Negosyo Center sa mga estudyante ng entrepreneurship sa Pamantasan ng Marikina.

Bukas din ang Marikina Negosyo Center sa mga negosyante mula sa mga kalapit siyudad na nais humingi ng tulong upang mapalago pa ang kanilang ikabubuhay.

***

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

Scroll to top