Mga kanegosyo, inilabas kamakailan ang listahan ng 20 finalists ng 14th Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards.
Mula sa kategoryang Education and Technology, nakapasok ang Edukasyon.Ph, Industrial Engineering Council, One Calinog Organization Inc. at Project Kaluguran.
Sa Health, Nutrition and Well-Being Category, napili ang Food Rescue Asean, Modern Nanays of Mindanao Inc., Team Dugong Bughaw at UPLB Genetics Society.
Sa Environment, Disaster Risk Reduction, and Climate Change Adaptation naman, nakapasok ang HiGi Energy, Red Cross Youth – Ligao Community College Council, Teatro de Sta. Luisa at UP Circuit.
Mula sa Culture and the Arts, Peace and Human Development category, angat ang Guiguinto Scholars’ Association, Ingat Kapandayan Artist Center, Voice of Cameleon’s Children at Youth for a Liveable Cebu.
Tampok naman sa Livelihood and Entrepreneurship Category ang mga batang entrepreneurs gaya ng Enactus UP Los Baños, iCare-Commission on Youth, Diocese of Novaliches, UP industrial Engineering Club at Virtualahan
***
Malaki ang pasasalamat ng mga ina sa Southville 7 sa Calauan, Laguna sa Enactus UPLB, isang business student organization mula sa UP Los Baños at sa kanilang proyektong Amiga Philippines.
Layon ng Amiga Philippines na bigyan ng training ang mga ina ukol sa pagnenegosyo, marketing at recording.
Sa tulong ng mga training na ito, nabigyan ng sapat na kaalaman ang 26 ina para makapagsimula ng maliit na negosyo upang makadagdag sa panggastos sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa ngayon, plano ng Enactus UPLB na dalhin ang kanilang programa sa marami pang lugar sa Laguna.
***
Malaki naman ang naitulong ng programang Youth Empowerment School-Novaliches (YESNova) ng iCare-Commission on Youth Diocese of Novaliches upang mabigyan ng kabuhayan at direksiyon sa buhay ang mga kabataan sa nasabing lugar.
Ang YESNova ay isang programa na nagbibigay ng livelihood training at job fair sa out of school youth sa Novaliches, kasabay ng paglalapit sa kanila sa Panginoon sa pamamagitan ng Diocese of Novaliches.
Nagsasagawa ang grupo ng training sa culinary, housekeeping, caregiving, massage, handicraft making, make-up tutorial, nail care at food processing sa mga kabataan sa lugar na nais magkaroon ng sariling kabuhayan.
Sa ngayon, nasa 100 kabataan na ang napagtapos ng YESNova mula noong 2010.
***
Ang IEAid program naman ng UP Industrial Engineering Club ay nakatuon sa pagtulong sa social enterprises sa pamamagitan ng kaalaman sa paggamit ng industrial engineering tools.
Ngayong taon, isa sa mga natulungan ng IEAid ang Kalsada Coffee, isang social enterprise na nagbebenta ng kape mula sa mga lokal na magsasaka sa mga tindahan sa Manila at Estados Unidos.
Nakatulong ang programa para maiangat ang buhay ng 47 magsasakang nagtatanim ng kape sa Benguet.
***
Kilala bilang social enterprise mula Davao City, nagbibigay ang Go2Virtualahan ng online jobs sa single parents, out of-school youth, persons with disabilities, dating drug addicts at iba pa walang access sa trabaho.
Sa pamamagitan ng programa nitong Virtualahan, kinokonekta sila sa mga kliyente sa ibang bansa bilang virtual assistants.
Sa ngayon, nakapag-training na ang grupo ng 80 virtual assistants habang 65 porsiyento sa kanila ang nakakuha na ng trabaho.
***
Kahanga-hanga ang mga grupong ito dahil sa kabila ng kanilang edad, nagkaroon na sila ng matinding pagnanais na pagsilbihan ang kanilang komunidad at mga kapwa Pilipino.
Kailangan natin ang mga ganitong kuwento upang mabigyan tayo ng inspirasyon at lakas sa gitna ng kabi-kabilang kontrobersiya at isyu na nararanasan ng bansa.
Recent Comments