Mga kanegosyo, bumisita ako kamakailan sa lalawigan ng Aklan nang maimbitahan tayong guest speaker sa ika-61 foundation anniversary ng lalawigan.
Pagkatapos nating magsalita sa pagtitipon, binisita natin ang isa sa walong Negosyo Center sa lalawigan na makikita sa Kalibo.
Maliban sa Kalibo, mayroon pa tayong Negosyo Center sa Ibajay, Altavas, Numancia, Lezo, Makato, Libacao, at Malinao. Nakatakda na ring buksan ang isa pang Negosyo Center sa isla ng Boracay ngayong buwan.
Napakahalaga ng Negosyo Center sa Boracay, lalo pa’t napakaraming negosyo roon na nabubuhay sa turismo. Sa pagtaya, nasa isang milyong lokal at dayuhang turista ang dumadagsa sa Boracay kada taon.
Sa huli nating pagbisita sa Aklan, napag-alaman natin na labinlimang porsiyento lang ng mga produkto at iba pang pangangailangan ng mga beach resort sa Boracay ang kinukuha sa lalawigan.
Karamihan sa mga produktong ginagamit o ibinebenta sa Boracay ay mula pa Cebu, Bohol, at iba pang kalapit na lalawigan. Ang iba nga, inaangkat pa mula sa mga kalapit-bansa natin sa Southeast Asia.
Sa tulong ng Negosyo Center, hangad namin na 50 porsiyento ng mga produktong bibilhin, kakainin at gagamitin ng mga turista ay galing sa lalawigan ng Aklan upang mapabilis ang pag-unlad ng probinsya.
***
Sa aking pagdalaw sa Negosyo Center sa Kalibo, nakilala ko si Aling Carmela Tamayo, na dati’y karaniwang maybahay ngunit nagkaroon ng kabuhayan sa paggawa ng buri bayong.
Ayon kay Aling Carmela, ang kanyang talento sa paggawa ng buri bayong ay nakuha niya sa kanyang lola. Sa kuwento ni Aling Carmela, sinabi ng kanyang lola na makatutulong ang paggawa ng buri bayong para magkaroon siya ng ikabubuhay.
Noong una, libangan lang ni Aling Carmela ang paggawa ng buri bayong at kung minsan, nakakabenta sa malapit na kaibigan at kapamilya.
Noong 2015, dumalaw si Aling Carmela sa Negosyo Center sa Kalibo upang magtanong ukol sa pagtatayo ng negosyo. Nang matuklasan ng mga taga-Negosyo Center ang kanyang galing sa paggawa ng buri bayong, hinikayat nila si Aling Carmela na dumalo sa iba’t ibang seminar upang mapaganda pa ang ginagawa niyang bayong.
Pagkatapos, sumali rin si Aling Carmela sa ilang trade fair, kung saan natuklasan ng Shangri-La Boracay ang kanyang produkto. Pagkatapos, nakatanggap agad ng order si Aling Carmela mula sa premyadong hotel.
Sa una, nag-order ang Shangri-La ng isang libong buri bayong. Nang pumatok sa kanilang mga kliyente, umakyat sa pagitan ng 1,000 hanggang 2,000 buri bayong ang kinuha ng hotel mula kay Aling Carmela kada buwan.
Nakilala rin si Aling Carmela sa trade fair si Ding Perez, isang negosyante na nakabase sa Maynila. Dahil pumatok sa Maynila ang eco-bag, naisipan ni Ding na kumuha kay Aling Carmela ng maraming buri bayong para ibenta.
Hanggang ngayon, tuluy-tuloy pa rin ang dating ng order mula sa Shangri-La at kay Ding.
Noong una, dumadalo lang si Aling Carmela sa mga seminar ngunit ngayon, isa na siya sa mga trainor na nagtuturo ng paggawa ng buri bayong sa iba’t ibang Negosyo Center sa lalawigan.
Ayon kay Aling Carmela, nakapagaan ng pakiramdam na makatulong at magbigay ng trabaho sa ibang tao. Ito’y isa ring paraan para Aling Carmela para makahanap ng dagdag na weaver, lalo pa’t dinadagsa siya ng order para sa buri bayong.
Nagsimula lang si Aling Carmela na may dalawang weaver ngunit ngayon, mayroon na siyang tatlumpu’t anim na weaver. Aakyat pa ang bilang nito sa limampu, lalo pa’t panahon ngayon ng pagdagsa ng mga turista sa lalawigan.
Malaki ang pasalamat ni Aling Carmela sa napakalaking tulong na nakuha niya sa Negosyo Center para mapalago ang negosyo na itinuro pa ng kanyang lola. Kaya naman hindi siya nanghihinayang na ibahagi ang kanyang kaalaman sa ibang tao.
Sa aking speech sa 61st foundation day ng Aklan, ilang beses kong nabanggit na kayang umasenso ng mga Pilipino kung mabibigyan lang ng sapat na pagkakataon.
Ang nangyari kay Aling Carmela ay isang nakapakagandang halimbawa nito. Nabigyan ng katuparan ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng pagkakataon na ibinigay ng Negosyo Center.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahan kong batas bilang senador noong 16th Congress.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments