Mga kanegosyo, bukas na po at handa nang magsilbi ang Negosyo Center sa Angeles City, na matatagpuan sa Angeles City Satellite Office sa Robinson’s Mall sa Balibago.
Ang bagong Negosyo Center ay magkatuwang na pinatatakbo ng DTI at lokal na pamahalaan ng Angeles.
Kamakailan din, binuksan ang isa pang Negosyo Center sa siyudad ng Malabon. Ito ay matatagpuan sa city hall ng nasabing siyudad.
Sa ganitong takbo, tiwala ako na maaabot ang target ng Department of Trade and Industry (DTI) na 420 Negosyo Centers bago matapos ang 2016.
Ang paglalagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa ay bahagi ng Republic Act no. 10644 o ang Go Negosyo Act, ang aking kauna-unahang batas bilang senador.
***
Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay sa Negosyo Center ay ang business counseling o pagbibigay ng tamang payo sa mga magsisimula ng negosyo.
Isa sa mga tumatayong business counselor ay si Carlo Dizon, na nakabase sa Negosyo Center sa Tarlac City, na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Anita Bldg., Zamora St., San Roque, Tarlac City.
Sa kuwento ni Carlo, isa sa kanyang mga natulungan ay ang Justin & Hans’ Chocolate House na pag-aari ni Josie Velasco.
Noong una, nagtungo lang si Aling Josie, na tubong San Miguel sa lalawigan ng Tarlac, sa Negosyo Center para humingi ng schedule ng trade fairs kung saan maaari niyang ipakita at ibenta ang mga produkto niyang tsokolate.
Noong 1992 pa pala nagbebenta si Aling Josie ng mga produktong tsokolate, tulad ng chocolate roses, maliliit na chocolate houses at kendi ngunit ngayon lang niya natutukan nang husto dahil nagretiro na siya sa trabaho.
Humingi ng tulong si Aling Josie kay Carlo, na business counselor sa Negosyo Center, kung paano niya maipakikilala ang produkto sa iba’t ibang mga tindahan, lalo na sa mall.
Batay sa mga sample ng produkto na ibinigay kay Carlo, nakita ng business counselor na marami pang puwedeng gawin upang mapaganda ang packaging ng mga ito.
Bilang designer, gumawa si Carlo ng bagong logo at bagong disenyo ng balot para sa mga produkto, na agad namang sinunod ni Aling Josie.
Ayon kay Carlo, makalipas ang isang linggo ay nakatanggap siya ng text mula kay Aling Josie na nagsasabing nakipag-meeting siya sa isang negosyante na may flower shop sa SM City Tarlac.
Ikinuwento pa ni Aling Josie na pumayag ang may-ari ng nasabing flower shop na mag-supply siya ng 120 bote ng tsokolate kada buwan.
Hindi pa rito natapos ang tulong na ibinigay ni Carlo dahil hanggang ngayon, patuloy pa ring bumibisita si Aling Josie sa Negosyo Center upang makakuha ng bagong ideya sa pagnenegosyo.
Ito’y para naman sa hangarin ni Aling Josie na maipakilala pa ang produkto sa mas malaki at bagong merkado.
***
Ang pagnenegosyo ay parang pag-aalaga ng isang bata, na kailangang bigyan mo ng tamang gabay upang lumaking maayos at matagumpay.
Sa pagnenegosyo, mahalagang makakuha tayo ng tamang payo mula sa mga taong may sapat na kaalaman sa pagnenegosyo upang mas mabilis ang ating pag-unlad.
Maliban sa tamang gabay, mahalaga rin na mabigyang diin at matutukan ang kahalagahan ng packaging at disenyo upang magmukhang professional at kaakit-akit sa mga mamimili at kliyente ang ating produkto.
Mayroon rin namang mga magagaling na designer na handang tumulong at magbigay ng payo upang mapaganda ang ating produkto at packaging.
***
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments