NEGOSYO, NOW NA!: Consistency

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang micro­financing bilang isang alter­natibo sa pagkakaroon ng kapital. Mas mababa ang interes nito sa 5-6, kaya mas may pag-asang kumita ang ating negosyo kapag sa microfinancing tayo nangutang.

Ngayong linggo naman, talakayin natin ang pagiging consistent sa ating pagnenegosyo para mapanatili natin ang ating mga mamimili.

Sa dami ng mga nagsulputang negosyo nga­yon, kailangan magkaroon tayo ng consistency pagdating sa bilis, kali­dad o ganda ng produkto at serbisyo sa anumang panahon.

Marami mang negosyo ang dumating at mawala, nag-iiwan pa rin ng magandang impresyon sa mami­mili ang negosyong consistent sa pagkakaroon ng magandang kalidad kahit na lumaki pa ang kumpanya.

May ilang kaso kasi na nagbabago ang kalidad ng serbisyo o produkto ng isang kum­panya habang ito’y luma­laki. Sabi nga ng iba, maganda lang iyan sa una.

Ngunit batay sa aking nakausap na mga mami­mili, gusto nila ng seguridad sa kanilang binibi­ling produkto o serbisyo.

Handang ­magbayad nang mas malaki ang ilan basta’t matiyak lang na maaasahan at hindi papalpak ang kinuha nilang produkto o serbisyo.

Kaya sa pagsisimula ng negosyo, kailangang patibayin ang kalidad ng ating serbisyo at ­tiyakin na ito’y magtutuluy-­tuloy sa pag­lipas ng mga taon o dekada.

Kapag nangako ta­yong maihahatid ang produkto sa loob lang ng isang oras o di kaya’y isang araw, kailangang gawin ang lahat para ito’y matupad.

Kung nakalagay sa pro­dukto na tatagal ito ng isang buwan, kaila­ngang tiyakin ang kalidad nito upang masunod ang ipinangako.

Sa paraang ito, mata­ta­tak sa mamimili ang ipi­nangako at babalik-­balikan tayo.

Noong 1945, itinatag ni Carlos Linggoy Araneta ang Luzon Brokerage Company o LBC ­bilang brokerage at air cargo firm.

Pagkatapos ng ilang taon, pinalawig ng LBC ang serbisyo at pumasok sa forwarding service provider.

Dito unang ipinakilala ng LBC ang bagong paraan ng paghahatid ng shipment o package, na 24-hour or overnight delivery service.

Pumatok sa mga Pili­pino ang nasabing uri ng delivery service, lalo na sa mga may-ari ng negosyong may sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mula noon, ang 24-hour delivery service ng LBC ay naging maaa­sahang katulong ng mga Pilipino sa pagpapadala ng mga pakete, bagahe, dokumento at maging produkto sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa tulong din ng serbisyong ito ng LBC, nakapaglagay na sila ng sangay sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Binuksan ang unang sangay ng LBC sa labas ng bansa sa San Francisco, California noong 1985.

Kasabay ng pagbu­bukas nito, inilunsad din ng LBC ang sikat na “Balikbayan Box” at ang ­money remittance service nito na para sa Overseas Filipino Workers (OFW). Sa kasalukuyan, mayroon nang 60 sa­ngay ang LBC sa United States and Canada.

Naglagay na rin ng branch ang LBC sa Hong Kong, Brunei, ­Malaysia, Singapore at Taiwan upang maabot ang mara­ming bilang ng OFWs doon.

Marami nang nagdaang courier at remittance company sa bansa ngunit nana­natiling matibay ang LBC dahil pinanatili nila ang ipi­nangakong overnight service sa walong dekada.

Kumbaga, ang mga customer ng LBC ay lumaki na kasama nila. Sila ang unang iniisip tuwing mayroon silang kailangang ipadala dahil maaasahan ang kanilang serbisyo.

Kaya naman noong 1990, nakuha ng LBC ang bansag na “Hari ng Padala.”

Tayo man ay magi­ging hari sa pinasok na negosyo, basta’t tuloy-tuloy ang magandang produkto’t serbisyo.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top