NEGOSYO, NOW NA!: Dear Kanegosyong Bam

Mga Kanegosyo, maraming maraming salamat sa pagtingkilik ng ating kolum tuwing Lunes. Ginagamit natin ito para sagutin ang inyong mga katanungan tungkol sa pagnenegosyo.

Sisikapin nating matugunan ang mga tanong na ipinapadala ninyo upang mabigyan namin kayo ng gabay o tips sa buhay pagnenegosyo.

***

Kanegosyong Bam,

Kailan magkakaroon ng training center sa Butuan City? Balak po kasi naming umuwi sa Butuan ngayong taon. Sa ngayon po ay naririto kami sa San Pedro, Laguna. Salamat po. — Clarita

***

Kanegosyong Clarita,

Magandang balita! Binuksan kamakailan lang ang Negosyo Center sa Butuan City. Ito ay matatagpuan sa CARAGA DTI Office sa ika-apat na palapag ng D&V Bldg. sa JC Aquino Ave., Butuan City.

Manang Clarita, isa sa mga serbisyong ibinibigay ng Negosyo Center ay training para sa mga nais magsimula ng negosyo.  Nais ng training na ito na magabayan ang ating mga kababayan tulad ninyo sa mga mahahalagang kaalaman sa pagtatayo ng sariling negosyo.

Maliban sa training, mabibigyan din kayo ng payo sa tamang lokasyon, ibebentang produkto o serbisyo, kung saan makakakuha ng pautang at iba pa. Mahalaga na may makausap tayong dalubhasa na siyang gagabay sa atin tungo sa tagumpay.

***

Kanegosyong Bam,

Good morning. Puwede ba akong manghingi ng tulong? Isa akong biyuda at isang stroke patient na may maliit na tindahan kaso walang puhunan. Patulong naman sa aking sari-sari store. — Gina ng Montalban

***

Kanegosyong Gina,

Magandang araw din sa inyo. Hanga ako sa ginagawa ninyong pagsisikap na kumita para may maipantustos sa inyong pamilya sa kabila ng kalagayan ng inyong pangangatawan.

Sa kasalukuyan, Aling Gina, may mga microfinance institution (MFI) na nagbibigay ng pautang na may mababang interes at walang kolateral sa inyo sa may Rodriguez, Rizal.

Maaari ninyong puntahan ang ASA Philippines Foundation, Inc. na makikita sa No. 683 B. Manuel St., Geronimo, Rodriguez, Rizal. Maaari silang matawagan sa numerong 0922.897,7626.
May sangay rin ang Center for Agriculture & Rural Development, Inc. (CARD) sa Rodriguez na makikita sa No. 9 Talisay St., Brgy. Burgos. May landline sila na puwedeng pagtanungan (02)997.6669.

Mas mainam na lumapit sa mga microfinance kung ihahalintulad sa sistemang 5-6. Aabot sa 20% ang buwanang interest sa 5-6, samantalang nasa 2.5% lamang ang patong ng MFIs sa kanilang mga pautang sa isang buwan.

Maaari rin silang magbigay ng mga payo at iba pang business development services tulad ng training at education mo­dules sa mga maliliit na negosyanteng tulad ninyo para mas mapalago natin ang ating kabuhayan.

— Kanegosyong Bam

 

First Published on Abante Online

Scroll to top