Mga Kanegosyo, salamat sa patuloy ninyong pagsubaybay sa ating kolum na layong magbigay ng kaalaman para makapagsimula o mapalawak ng inyong sariling negosyo.
Ngayong linggo, pag-usapan natin ang kahalagahan ng disiplina sa pagsisimula at pagpapalago ng isang negosyo.
Paano nga ba nakatutulong ang disiplina sa negosyo?
Ito ang nagtutulak sa mga magsasaka na gumising nang maaga para tingnan ang kanilang bukirin. Ito ang nagtutulak sa ating mga mangingisda para maglayag tuwing gabi para manghuli ng isdang maibebenta upang may kitain at maipakain para sa kanilang mga pamilya.
Alam ng mga magsasaka at mangingisda na kapag pumalya sila sa kanilang regular na gawain, ang kanilang pangkabuhayan ang maaapektuhan pati na rin ang kanilang mga pamilya.
***
Ang disiplina ay hindi lang para sa ating mga magsasaka at mangingisda. Mahalaga rin na may umiiral na disiplina sa ating mga negosyo upang ito’y tumibay at umasenso.
Mahalaga sa isang negosyante ang pagkakaroon ng disiplina para sa maayos at malinaw na sistema sa pagtatala ng pera ng kumpanya, lalo na’t pagdating sa gastusin, kita, at sweldo at bonus ng mga empleyado.
Sa ganitong paraan, mas madaling mababantayan ang estadong pinansiyal ng isang kumpanya at madaling masosolusyunan ang anumang problema na maaaring lumitaw.
Pati sa pang-araw-araw na operasyon, mahalaga na disiplinado ang mga pahinante upang hindi magkaroon ng aberya. Kung disiplinado ang mga tauhan, mas magiging produktibo at maganda ang takbo ng kumpanya.
Dapat ay nakatatak na ang disiplina sa isang organisasyon — mula sa may-ari hanggang sa mga tauhan. Sa tulong nito, nagkakaroon ng focus ang mga tao para maagapan ang maliliit na problema o magampanan ang kanilang tungkulin.
***
Sa linya ng negosyo ni Anna Marie Periquet, may-ari ng Kessel Dance and Fitness Manila, umiikot ang operasyon nito sa pagkakaroon ng disiplina — mula sa kanya hanggang sa kanyang mga instructors at iba pang staff.
Para sa kanya, pareho ang prinsipyong nagpapagalaw sa pagsasayaw at pagnenegosyo at ito ang matinding disiplina.
Mahalaga ang disiplina sa pagsasayaw para matutunan ang lahat ng galaw at maiwasan ang anumang pagkakamali.
Sa katulad ding paraan, mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina upang lumaki ang isang negosyo at makaiwas sa pagkalugi.
Kaya tinitiyak niya na disiplinado ang kanyang mga instructor, mula sa pag-aaral ng mga bagong dance steps at mga makabagong paraan ng ehersisyo na kanilang maituturo sa mga kliyente hanggang sa kanilang pangangatawan.
Aniya, hindi magandang halimbawa para sa mga kliyente kung mayroon siyang instructor na hindi maganda ang pangangatawan o ‘di kaya’y palpak sa mga itinuturong galaw.
Upang magsilbing halimbawa sa kanyang mga tauhan, siya mismo ang nangunguna sa mga pag-aaral at paghahasa ng kanilang galing sa pagsasayaw.
Katwiran niya na sa pagsasayaw at pagtuturo ng ehersisyo nila kinukuha ang kanilang ikabubuhay kaya hindi ito dapat mapabayaan at masira dahil sa kawalan ng disiplina sa katawan.
Ngayon, kilala na ang Kessel Dance and Fitness Manila bilang isa sa premyadong dance at fitness school sa bansa.
Sa negosyo, para umasenso, kailangang disiplinado!
First Published on Abante Online
Recent Comments