Mga Kanegosyo, Marso na at papasok na ang summer time. Ano-anong mga bagong pakulo ang inyong naiisip para sa inyong mga negosyo para lalong lumaki ang kita?
Noong nakaraang linggo, napagkuwentuhan natin ang kabiguan bilang bahagi sa buhay-pagnenegosyo. Imbis na malugmok dito, gamitin natin ang pagkabigo upang makabangon, matuto sa mga pagkakamali at maitama ang mga susunod na pagkilos.
Kasama sa mga tamang pagkilos ay ang paghahanda sa ating kaisipan sa ating kasalukuyang negosyo o sa pinaplanong negosyo.
Ang pagnenegosyo ay maihahambing din sa pag-aaral ng isang sport. Sa larong tennis, kailangan mo ng raketa, bola, sapatos at damit na pang-tennis at paglalaruang tennis court.
Subalit kahit mayroon na tayong mga tamang kagamitan, kung wala namang interes na matuto, hindi natin maaabot ang pangarap na maging susunod na Roger Federer o Pete Sampras.
Mga Kanegosyo, kung wala sa isip natin ang ating ginagawa, tiyak na walang patutunguhan ang ating mga pangarap.
Ganito rin sa pagnenegosyo. Mayroon tayong perang puhunan at mga gamit na kailangan ngunit wala namang enterprising mindset, mahirap pa ring magsimula ng sarili nating negosyo.
Tinutukoy din nito ang kakayahang samantalahin ang magagandang pagkakataon at gamitin ang iba’t ibang bagay para kumita.
Sa pagkakaroon ng enterprising mindset, mas mabilis ang pagkilos sa bawat sitwasyon, lalo na kung may mga pagkakataon sa pagpapalawak ng merkado.
Kapag wala tayo nito, mas maraming panahon at pera ang masasayang. Sa halip na tutukan ang mga pagkakataon, mas marami pang oras ang nasasayang sa pagtingin sa mga nangyaring kabiguan.
***
Kahit may taglay na Masters in Business degree mula sa Asian Institute of Management, hindi alam ni Lyndon Tan kung ano ang gagawin sa kanyang career.
Noong 1997, wala siyang maisip na negosyo dahil nataon na nangyari ang Asian Financial Crisis at bumagsak ang pagkarami-raming mga negosyo noon.
May negosyong rice milling ang kanyang pamilya sa Bicol ngunit nawalan siya ng interes dito matapos magkaroon ng napakaraming problema.
Sa panahon ding iyon, iniwan pa siya ng kanyang nobya kaya gulong-gulo ang kanyang isip.
Upang magkaroon ng linaw ang kanyang buhay, umakyat siya ng Tagaytay at magdasal sa retreat house ng mga Canossian Sisters kung saan niya nakilala si Sr. Bruna, isang madreng Italyana.
Sa kanilang pagkukuwentuhan, pinayuhan siya ng madre na maging vegetable farmer lalo na’t maganda ang lupain sa Tagaytay para pagtamnan ng mga gulay.
Pagkatapos ng kanyang pagmumuni-muni, nakita ni Lyndon ang pagkakataong lumago sa paggugulay at sinimulan niya ang pagtatanim ng litsugas, thyme, sage, rosemary at basil.
Sa umpisa, medyo nangapa siya sa kanyang pinasok na negosyo. Kinailangan niyang alamin ang merkado na kanyang pagbabagsakan.
Sino-sino ang kanyang pagbebentahan? Ano-anong mga negosyo kaya ang kanyang puwedeng maging pagsusuplayan? Saan niya ibabagsak ang kanyang mga gulay?
Pinag-aralan niyang mabuti ang merkado upang mapalaki niya ang kanyang kita.
Gumamit din siya ng iba’t ibang istilo sa pagtatanim upang mas marami ang anihing gulay.
Gamit ang makabagong teknolohiya, tumaas ang ani niya patungong 1,500 kilo bawat araw, sapat para sa supply ng mga hotel, restaurant, resort, grocery at iba pang tindahan sa buong bansa.
Mula sa tatlong empleyado, dumami ang kanyang tauhan sa 120. Dahil sa paglaki ng kanyang negosyo tinagurian siyang bilang Lettuce King!
***
Tulad ni Lyndon, maaari rin gumana ang ating enterprising mindset. Magtingin-tingin tayo sa ating paligid kung ano ang maaari nating masimulan.
Malay ninyo, ang ideya ninyo pala na naisip lang kung saan ang susunod na magiging malaking negosyo na lalabas sa merkado!
First Published on Abante Online
Recent Comments